"ANO? Nasisiraan ka ba? Gusto mong akitin ko ang asawa mo?" Hindi talaga naitago ni Iris ang gulat na sinamahan ng kaba.
“Gano’n nga, pero mas masisiraan ako ng ulo kapag hindi ko ‘to ginawa.” Binuksan ng babaeng nagngangalang Eva ang hand bag nito na naroon sa mesa at may kinuha. Isang larawan ng lalake ang inilapag nito sa harapan niya. "This is my husband Rui Natividad. He's a CEO of a multi-million company NVD Corporation. Gusto kong akitin mo siya at makuha mo nang husto ang tiwala niya."
"Naguguluhan ako. Bakit mo ‘to ginagawa sa sarili mong asawa?"
"Dahil pinagtaksilan niya ako. Siya rin ang dahilan kaya na-bankrupt ang mga negosyo ng mga magulang ko. Hindi lang iyon. Nalaman ko pa na ginagamit niya ang pera na dapat ay para sa anak namin. He’s a ruthless, arrogant and selfish person."
"Okay. Malinaw sa akin na gumaganti ka sa kaniya. Pero bakit sa ganitong paraan? Anong mapapala mo kung aakitin ko siya?"
"Kapag napalapit ka kay Rui, madali mong malalaman ang lahat ng galaw niya pati na ang tungkol sa negosyo niya."
"At pagkatapos?”
"Saka ko na sasabihin sa'yo ang lahat ng detalye kapag nagawa mo nang mapalapit kay Rui. This is the first step our plan."
"May isa pa akong tanong. Bakit ako ang napili mong alukin ng trabahong ito? Hindi mo ba naisip na baka delikado? Paano kung... kung...?"
"Kung ma-inlove ka kay Rui?” Ito na mismo ang tumapos ng itatanong niya. “That’s impossible. Sapat na ang mga impormasyon na nalaman ko tungkol sa'yo para matiyak ko na hindi mo ako tatalunin. Alam ko na kakampi kita.” Tumayo na si Eva at naghandang umalis. "Tatawagan na lang kita bago ang party. Ihanda mo ang sarili mo."
"S- sige. Maghihintay ako sa tawag mo."
Sa loob ng dalawang araw ay isang gathering ang dadaluhan ni Eva at ng asawa nitong CEO. At sa loob ng dalawang araw ay ginamit ni Iris ang mga bakanteng oras para mag-search sa internet tungkol kay Rui Natividad at sa kompaniya nito. Kung lalapit siya rito, kailangan ay makuha niya ang interes ng lalake. At para makuha ang interes ng lalake, kailangan ay may alam siya tungkol dito.
NVD Corporation is a multi-million company owned by Natividad family. Ang kasalukuyan nitong CEO, ang anak mismo ng founder na si Rui Natividad.
Inisa-isa ni Iris ang mga larawan sa internet kung saan kabilang si Rui. Sadyang matayog pala ang lalake. Karamihan sa mga larawan ay pinaliligiran ito ng mga halos perpekto at hindi ordinaryong mga babae dahil galing din ang mga iyon sa mayayamang angkan. Nagkaroon tuloy siya ng pangamba. Mapapansin kaya siya ni Rui samantalang nakapalibot pala rito ang lahat ng magaganda?
Isang araw bago ang party na sinasabi ni Eva ay kinausap si Iris ng doktor ni Sandra.
“I have good news and well, bad news, Miss Devoma. I supposed you want to hear the first one?”
Tumango si Iris. “Ano po ang good news, Doc?”
“We already found a perfect match for your sister’s kidney transplant. But the bad news is, malaking halaga ang dine-demand ng ating prospect donor.”
“Magkano po, Doc?” maagap na tanong niya.
“One million.”
Nalaglag ang mga panga ni Iris. “Isang milyon?”
“Yes. And he’s also asking for fifty percent initial payment bago siya pumirma ng kontrata.”
Hindi na masyadong pinag-isipan ni Iris ang sinabi ng doktor. May hawak naman na siyang pera galing kay Eva. Balak nga niya ay ibayad ang iba noon para mabawasan kahit paano ang lumalaking bill ni Sandra.
Tumango siya. “Sige, Doc. Magbibigay ako ng kalahati. Basta siguraduhin lang ng donor na ibibigay niya ang isa niyang kidney kay Sandra.”
“Of course, Miss Devoma. Don’t worry about it.”
Dumating ang araw na pinaghandaan ni Iris. May mga agam-agam man siya sa gagawin nila ni Eva, alam niya sa sariling handa siyang tapusin ang trabaho para magkapera. Lalo na ngayon na may nahanap nang donor ng kidney kay Sandra. Kailangan niyang ipursige ang ipinagagawa ni Eva.
“Are you ready?” tanong ni Eva nang tagpuin niya ito sa lobby ng isang hotel.
“Handa na. Ikaw na ba ang mag-aayos sa akin?”
Ngumiti si Eva. Inabutan siya nito ng asul na keycard. “Nag-book ako ng isa sa mga suites dito para matuluyan mo nang ilang araw. Pupuntahan ka roon mamaya ng stylists na kausap ko. Tawagan mo’ko pagkatapos n’yo at ipapasundo kita sa driver. Sa entrance na lang ng events place tayo magkita mamaya.”
“Sige.”
“And remember, Rui has a habit of turning the wedding ring with his left hand. When you saw him touching his ruby ring, that’s the sign the he’s interested in you.”
“Oo, tatandaan ko,” sagot niya at tuluyan nang nagpaalam si Eva.
Pag-alis nito ay dumiretso na siya sa elevator para hanapin ang kwarto niya. Kinakabahan si Iris sa gagawin, subalit sa tuwing maiisip niya si Sandra ay napapawi kahit ang munting takot niya at ang naiiwan sa isip at puso ay ang determinasyon na mapahaba pa ang buhay ng kapatid. Si Sandra na lang ang meron siya. Hindi man sila nito tunay na magkadugo dahil kapwa sila lumaki sa bahay-ampunan, totoong pamilya ang tingin niya rito at sa anak nito.
"You are stunning, Iris!” wika ni Eva nang salubungin na siya nito sa entrance ng events place gaya ng kanilang usapan. Kita sa mukha nito ang satisfaction sa hitsura niya.
“Tamang-tama ang pinili kong gown para sa'yo. Red is Rui’s favorite color. Weakness din ng asawa ko ang collar bone at ang mahabang leeg kaya sadya kong ipinataas sa stylist ang buhok mo."
"Sigurado ka ba? Hindi kasi ako sanay. Hindi ba masyadong makapal ang makeup ko?” tanong ni Iris.
Ngumiti si Eva. “You look perfect for this job. Just calm down, okay?”
Tumango siya. Maya-maya ay inakay na siya ni Eva papasok sa main hall ng mamahaling events place. Doon ginaganap ang isang banquet na dinaluhan ng mga nasa alta-sosyedad at mga bilyonaryong may-ari ng iba’t ibang korporasyon sa bansa. Kabilang ang asawa nitong si Rui Natividad sa mga dumalo at mula sa nilalakaran nila ni Eva ay natatanaw na agad ni Iris ang kaniyang target.
“Hi, dear. I would like to you to meet my cousin, Iris Devoma. Iris, this is Rui, my husband and the CEO of NVD Corporation," pakilala sa kanila ni Eva.
Sinadya niyang palagkitin ang tingin sa CEO. Hindi rin naman nakaligtas sa kaniya ang panunuri ng lalake sa kaniyang kabuuan.
"Hello, Rui. Nice to meet you.”
Imbes na gantihan siya ng bati, naningkit muna nang bahagya ang mga mata ng lalake at tumingin sa asawa.
“You have a cousin? Wala kang nabanggit sa akin na may pinsan ka.”
“She’s actually a distant cousin of mine,” paliwanag ni Eva. “I invited her over since we haven’t met for a while. Nasa Cebu na kasi ang pamilya niya.”
Ginatungan niya ng pagtango ang sinabi ni Eva bagaman malayong-malayo iyon sa totoong buhay niya. Pinagmasdan siyang mabuti ni Rui.
“That’s why this is the first time I saw you. How are you, Iris?”
Matamis na ngiti ang iginawad ni Iris sa kaharap. “I’m good. Tama pala na ipagmayabang ka sa akin ng pinsan ko. You really are so gorgeous.”
Lumapad ang kanina ay madamot na ngiti ng CEO. “Thank you.”
Lumalim pa ang gabi. Nakita ni Iris ang senyas ni Eva tanda na kailangan na niyang magsimula. Huminga muna siya nang malalim bago umalis sa pwesto at tinungo ang hagdan papuntang second-floor.
Madali niyang natagpuan si Rui. Napansin nga lang niyang iba na ang suot nitong damit. Naka-black na long sleeves na ito. Black pants and shiny, black shoes. Nagtataka man, para sa kaniya ay mas gwapo at mas matikas itong tingnan ngayon kumpara sa corporate attire nito kanina.
Hindi na siya nagsayang ng pagkakataon at nilapitan na ang lalake na nag-iisa ngayon sa balcony. Nakahanda na ang pinakanakakaakit niyang ngiti. Tiniyak din ni Iris na may baon siyang topic na makaka-relate si Rui dahil bukod sa sariling research ay nagbahagi rin si Eva ng ilang detalye tungkol sa asawa nito.
"Hi, there!" Bahagya niyang itinaas ang mukha at hinintay na lumingon ang CEO.
Mula sa pagtanaw sa labas ng balkonahe ay lumipat ang tingin ni Rui sa kaniya. Nakita ni Iris nang matigilan ang lalake at bahagyang kumunot ang noo.