"TARA na!" Hinila ko si Brad papunta sa tambayan namin tuwing lunch break. Sinamantala ko na busy si Leo sa pakikipag-usap sa mga kaklase namin na lumalapit sa kaniya.
Tawa nang tawa si Brad habang nilalatag namin ang blanket na uupuan namin.
"Kumusta naman ang nasita ng teacher, dahil nakikipagligawan habang may klase," pang-aasar niya sa akin.
Pinulot ko ang takip ng container saka hinampas sa kaniya.
"Ikaw ang may kasalanan nito, e!" singhal ko. "Sinadya mo talaga iyon, para mapunta kami ni Leo sa likuran," nakasimangot kong sambit.
"Para magkaroon naman ng saya ang buhay mo. Graduating na tayo, kaya dapat itodo na natin ang mga memories..."
"Brad, alam mo naman na isa siyang Cervantes."
"So?" taas kilay niyang tanong.
"Ano'ng so?" naiinis kong tanong pabalik. Alam niya kung ano ang ibig kong sabihin. It's a big deal.
"Hindi naman kailangang malaman ng iba lalo na ng mga angkan niyo. 'Nu ka ba!"
"Hindi pa din kami puwede..." Inirapan ko siya.
"Bahala ka. Basta ako, boto ako kay Leo para sa'yo."
"Talaga?" tanong naman ni Leo mula sa likuran.
May lahing aso ata ito at natunton pa niya kami dito.
"Ano'ng ginagawa mo dito?" masungit kong tanong sa kaniya.
Ngising-ngisi siyang naglakad palapit sa amin.
"Makikikain ako," walang hiyang sagot niya.
Tinuro ni Brad ang space sa gilid kung saan puwedeng umupo si Leo.
"Madaming baon si Georgie, kasya sa ating tatlo," sabi naman ni Brad.
"Brad..." Yamot ko siyang tinignan..
"Huwag kang madamot, Georgie," sagot naman niya. "Mamalasin ka kapag madamot ka."
Masama ang loob ko na nagsubo ng pagkain. Binuksan naman ni Leo ang kaniyang bag saka nilabas doon ang dalawang container.
Ang isang container ay may nakalagay na kanin at ang isa naman ay ulam— anim na pirasong pritong manok.
"Nagbaon din ako," aniya. "Plano ko talaga kayong sabayan na kumain."
"Mukhang naplano mo lahat, huh, Pre..." ani Brad. "Pati ang paglipat mo ng section, plano mo din ba?"
Mahinang tumawa si Leo. Hindi na ako nagtaka. Halata naman na may ginawa siya kaya siya napunta sa section namin.
Tahimik akong kumain, habang ang dalawa naman ay panaka-nakang nag-uusap— tungkol sa akin.
Tinatanong ni Leo kung ano ang paborito kong kulay, bulaklak, pagkain at kung ano-ano pa.
"You know her so well," komento niya.
"Yup. Halos sabay kaming lumaki, e."
"Oo nga pala. Saan ka pala galing? I mean saan ka nag-aral ng elementary to second year?" Si Leo naman ngayon ang tinatanong ni Brad.
"Sa US ako lumaki, with my grand parents. And then, high school bumalik ako ng Pinas pero sa Manila ako nag-aral."
No wonder na this year ko lang siya nakita. Hindi ko man lang siya nakita kahit isang beses tuwing may kampanya.
"Saan mo planong mag-college?"
Tinignan niya ako. "Kung saan mag-college si George, doon ako."
Wow ha! Gaya-gaya.
Tumawa si Brad. "Paano kung hindi ka niya sagutin?"
Nagtaas ng kilay si Leo. "Sasagutin niya ako, kasi papatunayan ko na seryoso ako sa kaniya."
Kinilig si Brad kaya napatawa ako.
"I have a question for you, Brad," sabi naman ni Leo.
"Ano iyon?"
"Wala ka bang gusto kay George?" Kamuntik akong mabulunan sa tanong ni Leo.
Nagpigil akong matawa. Ganoon din si Brad. Kamuntik pa itong sumuka. Ang walang hiya!
Alam ko naman na hindi kami talo. Pero OA naman yata siya. Hindi naman ako kasuka-suka!
"Maganda si Georgie, yes. Pero hindi gaya niya ang type ko, e..." Ngumisi siya.
Inikutan ko naman siya ng mga mata.
"Alright." Ngiting-ngiti si Leo. "To tell you honestly, nagseselos ako kapag nakikita ko kayong magkasama. Kapag magkahawak kayo ng kamay, magkaakbay. Tapos halos hindi kayo mapaghiwalay. Akala ko talaga kayo."
"What?" Tumawa ng malakas si Brad.
Umiling siya. "Swear! Platonic kami."
"Okay. Tulungan mo na lang ako kung paano siya ligawan."
"Kaya mo na iyan, magtiwala ka lang sa sarili mo."
"Bilisan niyo nang kumain. Ilang minuto na lang mag-start na ang first period," sita ko sa kanila. Ang daldal ng dalawang 'to.
"Magbaon ba ulit kayo bukas? Para alam ko," tanong niya nang matapos kaming mag-lunch.
"Oo, magbaon kayo ni Georgie. Makikikain ako."
Nawili naman ang lalakeng 'to! Iniiwasan ko pero nakakahanap talaga siya ng paraan kung paano isiksik ang sarili niya. Isa din 'tong baklang 'to. Halatang tinutulak niya ako sa anak ng kaaway.
Ikapapahamak ko ang gusto niyang mangyari.
MAY seating arrangement kami sa mga teacher namin ng hapon, kaya hindi na kami magkatabi ni Leo.
Gusto na naman niyang lumipat kanina ng upuan, pero ayaw makipagpalit sa kaniya ng mga katabi ko sa magkabilang gilid.
"Mr. Cervantes, hintayin mo na ang uwian para sa panliligaw mo," sita sa kaniya ng teacher namin.
Mula umaga, hanggang hapon naging tampulan na kami ng tukso.
Pulang-pula na ang aking pisngi sa labis na hiya.
Bago matapos ang klase sa panghuling subject namin, nag-announce siya para sa next na activity namin.
"Pumili kayo ng partner niyo para sa next activity natin. Siya na din ang magiging partner niyo sa buong school year," aniya. Nilingon ko si Brad.
Ang ibang mga kaklase namin ay nag-ingay at tinawag ang mga gusto nilang kapareha.
May nag-aya din sa akin kaso hindi ako pumayag, dahil okay naman kami ng kaibigan ko.
"Ma'am!"
Nagtaas ng kamay si Leo.
"Yes, Mr. Cervantes?"
"Puwede po bang mauna na akong pumili?"
"Sure."
Tumawa ang mga kaklase namin. Nagsimula na naman silang mangantiyaw.
"Si George po ang gusto ko, Ma'am!"
"Wah!"
"Kinikilig ako!"
"Grabe, sana all na lang!"
Pinagtitinginan kami ng mga kaklase namin.
"Gusto mo, Mr. Cervantes?" sakay din ng teacher namin, kaya mas lalo pang naging maingay ang buong klase.
Nakakainis talaga.
"Opo, gusto ko po siya."
Tumili sila. Pati ang teacher nakisali din.
"Gusto ko po siyang maging partner."
"Tanungin muna natin si Mrs. Cervan— este Miss Bustamante, kung payag siya."
"Si Brad po ang ka-partner ko, kaya hindi po ako puwede." Tipid akong ngumiti kahit pa hiyang-hiya na ako.
"May partner na po akong iba," sabi naman ni Brad.
Masama ko siyang tinignan. Humanda ka sa akin!
"Sorry Georgina, mas gusto ko si Esmeralda. Mas maganda siya sayo," pang-aasar ni Brad.
"Thank you, Brad!" pasalamat sa kaniya ni Leo.
"Sure, basta sagot mo ang lunch ko ng buong school year."
Pinagpalit niya ako pagkain? Grabe! Kaibigan ko ba talaga 'to?
Naging katatawanan tuloy kami sa buong klase. May iba pa na sinusulsulan ako na sagutin ko na daw si Leo. Huwag na daw ako magpatumpik-tumpik pa.
"Baka agawan kita," biro ng isang kaklase ko na babae.
"Sorry, Jesamie. Si George lang ang gusto ko..."
Halos mabingi ako sa sabay-sabay na tili ng buong seksyon namin. Hindi na din ako gumagalaw sa kinauupuan ko, sa labis na hiya.
Dahil sa paglipat niya sa seksyon namin, nagulo na naman ang buhay ko.
"SAAN pala tayo gagawa ng activities natin?" tanong ni Leo. Humabol pa siya sa pangungulit kahit uwian na.
"Sa bahay namin, kung gusto mo..." sarkastikong sagot ko.
"Makakauwi pa kaya ako ng buhay nu'n?" biro niya.
"Sa library tayo gagawa ng activity, Mr. Cervantes."
"Boring doon." Nagbabanta ko siyang tinignan. He smiled and then wink at me.
"See you tomorrow, Georgie. See you in my dreams tonight."
"Che!"
KINAUMAGAHAN, nagkasabay kami ng pagpasok sa school ni Leo. May dala siyang paper bag. Mukhang pinagbaon niya pati si Brad.
Nakakainis, inaagawan niya ako ng bestfriend.
"Good morning, George. Ang ganda mo pala kapag bagong ligo," aniya.
Ang aga ng kakornihan.
Hindi ko siya pinansin hanggang sa makapasok kami sa classroom. Maaga kami pero may mas maaga pa sa amin na dalawang kaklase namin.
Naupo ako sa dati kong puwesto, sa tabi ni Brad. Si Leo naman ay naupo sa tabi ko.
Kinalkal niya ang kaniyang bag. Binigyan niya ako ng isang chocolate bar.
Hindi ko tinanggap kaya nilapag niya ito sa desk ng aking silya.
"Kumakain ka ng cookies?" tanong niya.
Nagkibit balikat ako.
Nilabas niya ang isang maliit at pabilog na container. Binuksan niya ito saka inalok sa akin.
"B-in-ake ko pa iyan," proud niyang sabi.
"Talaga, ikaw ang nag-bake?"
Nakangiti siyang tumango. "Tikman mo."
Kumuha ako ng isa. Kinagatan ko.
Pagkanguya ko. Napatango-tango ako. Not bad!
"Tinulungan lang ako ng kaunti ni Alaiza."
What the?!
Napaubo ako. Gusto kong iluwa, kaso ayaw ko naman siyang ma-offend. Really, George? Ayaw mo siyang ma-offend. Kailan ka pa naging concern sa feelings niya?
Nagbukas siya ng bottled water na baon niya. Agad ko naman itong ininuman.
"Are you okay?" Tinapik-tapik niya ang likod ko.
"Wow! Kayo na?" tanong ni Brad na kadadating lang.
"Hindi no!" mabilis ko namang sagot, sabay hawi kay Leo.
"Ikaw ang unang makakaalam kapag sinagot na niya ako," sagot naman ni Leo.
"Hindi iyon mangyayari... Huwag ka ng umasa," kontra ko.
Kumuha si Brad ng cookies. "Sino ang nag-bake nito? Ikaw ba?" tanong niya habang sarap na sarap sa kaniyang nginunguya na cookies.
"Si Alaiza," sagot ko.
"Pwe! Pwe!" Mabilis niyang dinura ito sa papel na nahawakan.
"Why?" tanong ni Leo.
"May allergy kami ni George..."
"What? Sa cookies? You should have told me." Nataranta siyang bigla.
"Kay Alaiza!" ani Brad. "How dare you na pakainin kami ng luto ng babaeng iyon!"
Baklang 'to, malapit na siyang mahalata dahil sa pagiging komportable niya kay Leo.
Nagkamot ng ulo si Leo. Tinakpan niya ang container ng cookies, saka binigay sa ibang kaklase namin.
"Sorry. Sa susunod ako nang mag-isa ang magbe-bake." Mapanuri siyang tinignan ni Brad.
"Iisang bubong ba kayo nakatira ni Alaiza?"
"May bahay sila sa malapit sa amin."
"Lagi ba siyang nagpupunta sa inyo?" Tumango si Leo.
"Is that an issue?" tanong niya.
"Yes!" sagot ng kaibigan ko. "Kasi nagseselos si Georgie!"
"Sinungaling!" Masama ko siyang tinignan.
"Really, George? Nagseselos ka sa kaniya?" Paniwalang-paniwala naman ang isang 'to!
"Hindi, no! Kahit magsama pa kayo sa isang bubong, wala akong pakialam."
Tumawa silang dalawa. "Nagseselos nga..." sabay pa nilang sambit.
"Hindi nga!" inis kong tanggi.
"Di ba sinabi ko naman na sa'yo na hindi ko siya gusto. Para ko lang siyang kapatid. Sinabi din sa'yo ng mga kuya ko." Mas lalo pa akong nainis. Hindi nga sabi! Bakit siya nagpapaliwanag?
"Trust me, George. Gusto kita. Wala pa akong ibang nagustuhan dito sa buong Pilipinas bukod sa'yo."
"Sa ibang bansa meron?" singit ni Brad.
"Wala... Wala pa akong naging girlfriend. Ikaw pa lang."
"Asa ka na magiging girlfriend mo ako."
"Oo naman! Nararamdaman ko, malapit na..."
"May improvement na, e. Dati, hindi mo ako pinapansin. Iniiwasan mo din ako. Hindi mo ako kinakausap. Ngayon nakakapag-usap na tayo, nakakalapit na ako sa'yo."
Napaisip ako sa sinabi niya. Oo nga, no?
Hindi ito maari! Kung ako na lang kaya ang lumipat ng section?
PAGDATING ng lunch break, pinuntahan si Leo ng kaniyang mga kaibigan, kasama na din si Alaiza.
Inaaya siya ng mga ito na kumain, pero tumanggi si Leo. Sinabi niya na may kasabay siyang mag-lunch.
Inisip agad ni Alaiza na kami, dahil ramdam ko ang masamang tingin niya sa akin.
Hindi ko siya pinansin. Wala akong planong makipagsabong sa kaniya, kung tungkol lang naman sa isang lalake.
Kapag nangyari iyon, tiyak na ipapatawag ang mga magulang namin.
What would my parents think? Na nagpakababa ako dahil lang sa isang lalake? Tapos sa isa pang Cervantes?
Nakakahiya iyon. Kaya kahit ano'ng inis ko sa inaasta niya, hindi ko siya papatulan.
Idaan na lang namin sa entablado ng beauty pageant na sasalihan namin ang kung anumang iringan na nasa pagitan namin.
Desido akong manalo. Ipapamukha ko sa kaniya na ako ang Reyna ng Cotabato.
"BAKIT hindi ka sa kanila sumabay mag-lunch?" tanong ko ng sumunod si Leo sa amin.
"Kayo ang gusto kong kasama. I don't want you to get jealous."
"Mister, nananaginip ka yata ng gising!"
Tumawa siya sabay pisil ng aking pisngi.
"Nandito ako, huwag kayong ganiyan," maarteng sita sa amin ni Brad.
"Lunch break ito, wala kayo sa batis. Hindi ito date."
Tinawanan siya ni Leo. "May gagawin kayo sa Sabado?"
"Wala naman, bakit?" Si Brad ang sumagot.
"Mag-swimming tayo sa falls."
"Hindi pa ako nakapag-swimming doon. Sama tayo, Georgie."
"May praktis ako," pagdadahilan ko.
"Praktis saan?" kunot noong tanong ni Leo. Mukhang hindi pa nakarating sa kaniya ang balita.
"Sumali siya sa beauty pageant. Hindi mo alam?"
Naging seryoso ang kaniyang mukha.
"May swimsuit iyon, di ba?" salubong ang kilay niyang tanong.
Tumango si Brad. "Ayos lang sa family mo?"
"Si mommy ang nagpa-register sa akin," tamad kong sagot..
"What did your dad say?"
"You can do it!" Tinaas ko pa ang kamay ko.
"May swimsuit competition iyon..." ulit niya. Para bang napakalaking problema niya sa itsura niya.
"Over protective... Ayaw ni Georgie ng ganiyan..." Tinignan ko si Brad.
"Okay then, I'll cheer for you among the crowd."
"Talaga lang, huh? Pambato ng pamilya niyo si Alaiza."
"So? Ikaw ang pambato ng section natin."
Nahihibang na siya. At hindi ko alam kung bakit hindi ko namamalayan na nagiging komportable na ako sa presensya niya. Dati-dati iniignora ko siya at tinataboy.
You are so doomed, Georgina!