NAHIGA kami sa nilatag naming blanket sa lupa. Pinaunan niya ako sa kaniyang braso saka namin sabay na pinagmasdan ang malawak na kalangitan. Maliwanag ang buwan at ang mga bituin sa langit ay nagniningning. Walang nagsalita sa amin. Nakuntento na lamang kami na yakap ang isa't isa habang pinapakinggan ang huni ng mga kuliglig sa paligid. "Hindi pa tayo uuwi?" tanong ko sa kaniya pagkaraan ng ilang minuto. Namimigat na kasi ang aking talukap at maya-maya lang ay igugupo na ako ng antok. "Mamaya na. Agahan na lang natin, miss na miss na kita." Hinigpitan ko pa ang braso ko na nakayakap sa kaniya. "Kung malaman nina Mommy na tumakas ako at nagkita tayo, lagot ako sa kanila." Tumawa naman siya. "Hayaan mo sila. Sila lang naman ang malaking hadlang sa atin simula pa noon," sabi niya n