Chapter Seven
Marahan kong hinila ang maleta na hawak ko habang lumilingon-lingon sa paligid. Madilim na rito sa loob ng mansion, may ilang ilaw lang na nakabukas.
Sinakto ko na madaling araw umalis para tahimik at hindi ko na makita ang kahit sino sa sextuplets. Mukhang hindi ko na kasi kayang magpaalam pa dahil baka kung ano na naman ang makita ko.
Naiintindihan ko na kung bakit kahit gaano kalaki ang sahod dito sa Montero Family, pinipili pa rin ng mga empleyado na umalis.
Ang ganda nga ng mansion, mga guwapo pa ang nakatira, pero marami namang issue. Si Sir Tylor, unang araw pa lang, nangma-manyak na. Si Sir Tymon naman, parang gusto nang itapon ang buhay sa mga ginagawa niya. Si Sir Tyran, mamamatay ako sa alaga niyang dalawang liyon. At si Sir Tydeus, ang ganda-ganda ng pagkakakilala ko sa kanya, siya rin ang sa tingin kong pinakainosente at matino sa kanilang anim, pero may side pala siyang mukhang mas malala pa kay Sir Tylor.
“Where are you going?”
Halos atakihin ako sa puso nang marinig ang nagsalita. Napalingon ako sa direksyon ng couch kung saan ito nanggaling. Bumangon ang isang lalaki at nag-unat pa ng mga braso. Hindi ko maaninag kung sino siya dahil madilim dito sa puwesto namin.
“Aalis ka? Nandoon sa labas sina Mingming at Ningning, baka mapagkamalan ka nilang pagkain,” rinig kong sabi niya.
Mingming at Ningning? ’Yung tinutukoy niya ba ay ang dalawang liyon na alaga nila?
Nanlalaking mata akong tumingin sa labas. Baka nasa tapat pa sila ng pinto. Bigla tuloy akong napadalawang-isip kung tutuloy pa ako na lumabas.
Lumapit siya sa akin. Naaaninag ko na ang kanyang mukha pero hindi ko pa rin makumpirma kung sino siya sa sextuplets. Ibinaba niya ang tingin sa maletang hawak ko.
“Why are you leaving?”
Inangat niya ang tingin sa akin. Napalunok ako nang makita ang nanlilisik niyang mga mata. Nakakatakot ito.
“Nagpaalam ka na ba sa ’min na aalis ka?” malamig na tanong niya.
Dahan-dahan akong napailing habang nakayuko. Nahihiya akong tingnan siya.
“Sorry po, Sir,” mahinang sabi ko.
“Tsk! I knew it. Kaya ka ba nagtrabaho rito para nakawan ang mansyon?”
Agad akong napaangat ng tingin nang marinig ang sinabi niya.
“Hindi po, Sir! Hindi ko po kayang gawin ’yon,” mabilis na pagtanggi ko.
“I’ll call the police,” sabi niya na lalong nagpakaba sa akin.
Agad kong hinawakan ang kamay niya bago pa siya magsimulang humakbang.
“Sir, huwag! Promise po, Sir, kahit ilabas ko pa po ang lahat ng gamit ko, wala kayong makikita na ninakaw ko,” buong kumpiyansang sagot ko at ibinigay sa kanya ang maleta.
Mukhang naniwala naman siya sa akin. Inis niya akong tiningnan at marahas na tinanggal ang kamay niya sa pagkakahawak ko.
Napatingin siya sa damit ko. “How about your clothes, take it off.”
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang sinabi niya. Agad akong napayakap sa aking dibdib at dumistansya. Ang lakas ng kabog nito.
“Bakit po, Sir?” kinakabahang tanong ko.
“Baka riyan mo itinago,” sagot niya.
“Sir, hindi po!” pagtanggi ko.
“Take it off,” utos niya.
“S-sir, seryoso ka po ba?” kinakabahang tanong ko.
“Do I look like I’m kidding? If you haven’t really taken anything, prove it, take off your clothes,” nasa awtoridad na utos niya.
Nanatili akong nakatingin sa kanya. Hindi ko alam kung ang gagawin ko. Patindi nang patindi ang kabang nararamdaman ko sa mangyayari.
“Gusto mo bang ako ang magtanggal niyan sa ’yo?”
Nagulat ako nang lumapit siya sa akin at hinawakan ang laylayan ng damit ko. Marahas niya itong inangat.
“Sir, tumigil na kayo!” Sinubukan ko siyang pigilan pero masyado siyang malakas. Halos mapunit na ang damit ko at nakikitaan na rin ako. Hindi ko na napigilang mapaiyak sa ginagawa niya.
“Sir, huwag! Maniwala po kayo, hindi ko po kayo nanakawan. Gusto ko lang pong umalis dito dahil hindi ko na kaya pang nagtrabaho sa inyo. Please po, maniwala po kayo. Paalisin n’yo na po ako rito!” pagpigil ko at tuluyan nang mapahagulgol.
Napansin ko ang pagtigil niya. Ilang sandali lang ay naramdaman ko na ang unti-unting pag-alis ng kanyang kamay sa damit ko.
“Sorry, mukhang sumobra ako,” sabi niya nang may sensiridad.
Humihikbi kong inayos ang aking damit at nagpunas ng mga luha. Hindi ko na talaga kaya pang manatili rito. Gusto ko nang umalis sa lalo madaling panahon.
Tumingin siya sa akin na may halong awa ang ekspresyon ng kanyang mukha. Malalim siyang napabuntong-hininga at napailing.
“Sige, papayag na akong umalis ka.”
Natigil ako nang marinig ang sinabi niya. Gulat ko siyang tiningnan at mabilis nagpunas ng mukha.
“Totoo po ba, Sir?”
“Yep. Ihahatid pa kita at ako na rin ang magsasabi kina Dad,” sabi niya.
Biglang nagningning ang mga mata ko at napangiti nang malapad. Humikab siya at nag-unat ulit ng mga braso.
“Inaasahan ko rin naman na aalis ka agad,” sabi niya.
“Salamat po, Si—”
“But before you do that, come to my room first,” walang emosyong niyang saad.
Nakaramdam ako ng matinding kaba habang tinitingnan siya. Ito na naman ang nakakatakot niyang tingin. Mahigpit akong napayakap sa aking dibdib.
Mukhang alam ko na ang binabalak niyang gawin.
“S-Sir, a-ayoko po,” humihikbi kong sabi.
Hindi niya ako pinakinggan. Marahas niyang hinawakan ang kamay ko at hinila paakyat ng hagdan.
“Sir, bitawan n’yo po ako,” naiiyak kong sabi. Hindi ko magawang lakasan ang boses ko dahil baka marinig pa ito ng iba at mas maging malala pa ang mangyari.
Nakarating kami sa tapat ng kuwarto niya. Agad ko itong tiningnan para makita ang kanyang pangalan.
Tyger Montero.
Si Sir Tyger pala ito. Wala rin siyang pinagkaiba sa mga kakambal niya.
Binuksan niya ang pinto at pumasok sa loob. “Come here.”
Kahit labag sa kalooban ko ay wala na akong nagawa kundi sumunod na lang. Gusto ko na itong matapos para na rin makaalis ako rito.
Pinaupo niya ako sa malaking kama at pumuwesto sa tapat ko. Napalunok ako nang tingnan niya ang katawan ko mula ulo hanggang paa. Marahan niyang hinawakan ang aking buhok na nagdulot sa akin ng matinding kaba.
“Miss Aina…”
Mariin akong napapikit nang unti-unti niyang inilapit ang kanyang mukha sa akin.
“Do you know how to do makeup?
Agad akong napadilat nang marinig ang sinabi niya. Ngayon ay parang tinitirintas niya na ang buhok ko. Gulat ko siyang tiningnan at bahagyang napanganga.
Tama ba ang narinig ko?
Makeup?