***ANASIA***
"Insan, ano na? ‘Andiyan pa ba ang singsing? Naku, paktay ka sa CEO kapag mawala mo." Humahangos si Karen nang pumasok sa kuwarto niya. Kagyat siyang nilapitan nito.
"Sige lakasan mo pa ang boses mo para may makarinig," saway naman niya. Iningusan niya si Karen.
Mula itinago nila ang singsing sa kanilang apartment—sa kanyang lumang sapatos—ay ganito na silang dalawa. Kapag nakakauwi sila ay singsing agad ang kinukumusta nila.
“Fish tayo.” Labas ang lahat ng ngipin pati na gilagid na ngumiti at saka nag-peace sign sa kanya si Karen.
Pasado-alas onse na ng gabi. Late na ng tatlong minuto si Karen na umuwi pero hindi na iyon binigyan ng pansin ni Anasia. Kung bubuksan kasi ang ulo niya ngayon at babasahin ang nilalaman ng kanyang utak ay puros na tungkol sa singsing saka sa nagmamay-ari na si Vernon De Mevius ang laman niyon.
Stress na stress na siya.
"Ibalik mo na nga kasi 'yon nang mapanatag na ang loob ko. Pakiramdam ko lagi ay may bigla na lamang papasok dito at pipiliting kunin ang singsing tapos papatayin tayo. Katakot na." Hinimas-himas ni Karen ang mga braso habang inilinga-linga ang tingin sa kabuuan ng silid, partikular ang maliit na bintana na jealousy lang ang pananggalang.
Kahit hindi masamang tao, kahit trip lang na gustong basagin iyon ay mababasag agad-agad. At hindi na nila iyon ipinabatid sa landlord nila dahil nakita nilang safe naman sila. Isa pa ay tabi-tabi ang apartment. Isang sigaw lang nila ay maririnig na ng mga katulad nilang renter. Iba lang talaga ngayon sa pakiramdam dahil sa singsing na puwedeng pag-interesan ng mga masasamang loob kaya nakakabahala.
"Sino bang hindi?" Animo'y may naligaw na mga kuto sa mga buhok ni Anasia. Parang kating-kati siya na kinamot-kamot. "Pero paano nga? Wala naman akong maisip na paraan."
“Aisst!” Ginaya siya ng pinsan. Ginulo-gulo nito ang sariling buhok. “Sana talaga naaalala ng Vernon na iyon na ibinigay niya sa 'yo ang singsing para kahit hinahanap ka na niya ay hindi ka niya pag-iisipan ng masama," saka natatakot pa rin ang anyo na ani Karen.
“Sana nga,” tipid na sang-ayon niya. Stress na stress, inihilamos niya ang isang palad sa mukha.
Bumuntong-hininga naman si Karen. “Oh, siya mamaya na muna natin pag-isipan kung paano mahahanap si CEO. May binili akong cake. Kainin muna natin.”
“Anong okasyon?” Sinulyapan niya ito. Bahagyang nagsalubong ang kanyang mga natural na makakapal na kilay. Kung ang iba ang nilalapisan ang kanilang mga kilay, sa kanya ay hindi na kailangan. Na ikinasa-sana all lagi ni Karen.
Nagkibit-balikat ang kausap kasabay nang pag-cross arms sa mga braso sa bandang dibdib. “Hiniwalayan ko na si Alvin. Hindi na talaga magbabago ang babaero na ‘yon.”
Na-shock man siya ng ilang sandali, sa huli naman ay natuwa siya. Mula sa pagkakaupo na animo’y naluging bombay ay mabilis siyang napatayo. Niyakap niya si Karen at hinaplos-haplos ang likod nito bilang pakikisimpatya. “Congrats kung gano’n, Insan. Sa wakas nauntog ka na,” ngunit kabaliktaran nang sinabi niya na nang-aasar.
“Gaga!” Natatawang itinulak ni Karen ang ulo niya dahilan para kumawala siya ng yakap.
“Oh, bakit? Totoong masaya ako dahil pagod na ako kaka-comfort sa ’yo kapag iniiyakan mo ang lalaking ‘yon. Ewan ko ba kung anong nakita mo sa kanya. Ang pangit naman niya. Kamukha niya si Chakie Doll sa lapad ng kanyang noo.” Siya naman ang humalukipkip. Kay ganda ng kanyang ngiti. Saglit na nakalimutan niya ang problema niya kay CEO este kay Vernon.
Tss, nahahawa na siya kay Karen na CEO ang tawag sa mayamang lalaki mula noong sinabi niya kahapon na hindi lang basta-basta mayaman ang lalaki kundi ay CEO pa pala.
Gustong-gusto niya talagang bungangaan si Karen kapag tungkol sa boyfriend nito na walang kuwenta. Akala pa naman niya ay nagbago na ang lalaking iyon, hindi pa pala.
“Grabe ka. Makalait ka talaga sa boyfriend ko wagas. Ang sama mo.” Lumabi si Karen. Asar-talo talaga ito kapag ganoon.
“Ano naman? At least, hindi ako minus ten points sa langit kasi hindi ako nagsisinungaling,” depensa niya.
Totoo naman kasi ang mga sinasabi niya. Hindi lang siya nanlalait. Hindi talaga guwapo ang Alvin na iyon. Imagine hindi naman as in kaguwapuhan pero nagagawa pang lokohin ang kanyang pinsan. Nakakaasar namang talaga.
“Kaya ka hindi nagkaka-boyfriend dahil karma mo ‘yan sa panlalait mo kay Alvin,” panlalaban naman ni Karen. Ugali na talaga nito na ipagtanggol ang nobyong babaero. Siguro kung bibihisan ang poste, titirahin din ng unggoy na 'yon.
“At least hindi ako tulad mo na parang tanga na humahagulhol at hindi kumakain kapag na-heartbroken.”
“Tatanda ka sanang dalaga.”
“Okay lang.” Dinilaan niya ito habang nakahalukipkip pa rin.
Para silang bata na nag-aaway. At wala na naman sanang katapusan. Mabuti na lamang at kinatok sila ng isang kapitbahay nila. Nagbigay ng pansit na may kasamang pinalamanan na loaf bread. Sakto sa cake na dala ni Karen.
“Parang may sayad sa utak ang mga tao. Mga nag-aaway-away dahil lang sa kandidato. As if naman kilala pa sila ng mga kandidato kapag tapos na ang eleksyon. Ang sakit nila sa bangs,” pagbubukas ni Karen ng topic nang pinagsaluhan na nilang dalawa ang mga pagkain.
“Eh, sino ba iboboto mo? Si Duterte o si Binay?” pang-asar niya. “Si ano kasi ako, eh—”
Inambaan niya si Karen na ibabato niya sa kanya ang kinutsara na piraso ng cake para tumigil ito sa pagsasalita. “Isa ka pa.”
“Sorry.” Dumagundong ang tawa ni Karen sa kanilang maliit na sala.
Ang usapan nila ay hindi nila sasabihin sa isa’t isa ang iboboto nila para walang tampuhan. Katulad na lang noong nakaraang linggo na muntik nang palayasin ng kapitbahay nila ang asawa nito dahil magkaiba raw sila nang gustong Presidente. Parang mga ewan.
Inirapan niya muna si Karen bago ibinalik ang tingin sa telebisyon. News na ang palabas. News na panghating gabi. Buti talaga at hindi natutulog ang balita, bente kuwatro oras. Nalalaman pa rin nila ang mga nangyayari sa bansa kahit gabi na sila nakakauwi galing trabaho.
“Si Sir Vernon ‘yan, ah.” Nang bigla ay napakislot si Anasia nang makita niya ang mukha ng lalaking hina-hunting nila. Muling pumasok sa isipan niya ang suliranin ukol dito.
Mukhang inambush ng isang reporter si Vernon para ma-interview. Kita sa nakasimangot na namang mukha nito.
"Sure ka, Insan?" Naglipat-lipat ang tingin ni Karen sa kanyang mukha at sa TV.
"Oo dahil hindi ko kailanman makakalimutan ang kanyang mukha." Madaming tango ang kanyang ginawa. Ang mga mata niya’y mas natutok pa sa pinapanood. Magsasalita pa sana si Karen pero sinenyasan niya na manahimik muna.
“Sir, may kumakalat po na larawan ninyo sa social media. Nandoon daw kayo sa San Juan River noong araw ng Miyerkules. Ano pong ginagawa niyo roon? Totoo bang binalak niyong magpakamatay? Ano pong dahilan?” tanong ng babaeng reporter kay Vernon.
Kinilig ang kanyang puso. Ang guwapo talaga ni Vernon mapa-TV man o personal.
“Sorry but VDM will not answer your question. Please excuse us,” pero biglang singit ng isang lalaki, ang executive secretary ni Vernon kaya hindi na ito nagtagal sa screen ng telebisyon. Hinarangan na ito ng mga mala-James Bond na mga lalaki.
“Taray ang daming bodyguards ng papatay sa ’yo, I
nsan,” si Karen.
“Huwag kang maingay,” saway na naman niya rito.
Sobrang naghinayang siya nang ibang reporter naman ang ipinakita ng news anchor.
“Nagbibigay pugay ngayon ang mga prominenteng personalidad na dumalo sa ika-pitumput limang kaarawan ni Mevius Chairman Atty. Diosdado De Mevius. At nagaganap live ngayon dito sa Fiver Star Hotel. Naghandog kanina ng kanta ang sikat na mang-aawit na si Eyrna Arquino. Ang kaisa-isang naman nitong anak na si Vernon De Mevius ay pasasalamat bilang anak ang naging mensahe.” Ipinakita si Vernon na nagsasalita sa harap ng stage.
Muntik na talagang mapatili sa kilig si Anasia nang sinakop ulit ng guwapong mukha ni Vernon ang TV. At mas naging guwapo pa sa sandaling iyon dahil nakangiti ito habang hawak ang mic at wine glass sa may pinak-stage ng selebrasyon.
Hindi nga lang niya narinig ang mensahe ni Vernon dahil kinalabit siya ni Karen.
“Insan, ito na ang chance para maibalik ang singsing,” excited nitong sabi. Hanggang tainga ang pagkakangiti.
“Huh?” Napalabi siya. Hindi niya nakuha agad ang sinasabi nito.
Itinuro ni Karen ang telebisyon. Wala na Vernon na mapapanood doon. Bumalik na ang camera sa reporter. “Tingnan mo. May nakalagay na live.”
“Oo?”
“Eh, di puntahan mo na siya ngayon dahil ibig sabihin n’yon ay nandoon sila ngayon sa Five Star Hotel. Malapit lang ‘yon dito. Wala pang fifteen minutes ay nando’n ka na basta mag-taxi ka.”
“Oo nga ‘no.” Unti-unti ay nagliwanag ang kanyang mukha nang na-gets na niya ang pinagsasabi ng pinsan.
“Dali na! Bihis na!” mando na ni Karen. Pinagtulakan siya sa braso.
“Oo, pero samahan mo ako.”
“Bakit pa?”
“Eh, baka nerbyosin ako o kaya naman kung anong gawin niyon sa akin.”
“Sabagay, baka hindi ka paniwalaan kapag ikaw lang. Sige, sige, sasamahan kita.”
Pagkasabi niyon ni Karen ay nagkukumahog na silang umakyat sa kani-kanilang kuwarto at nagbihis.
Finally, matatapos na ang kanyang problema. Maibabalik na niya ang singsing.