Bumiyahe si Don Devid mula sa pribadong subdivision nila sa Maynila hanggang Makati City kung saan madalas naroon ang taong kailangan niya sa ganoong sitwasiyon. Delikado ito sa mundo na may kinalaman sa mga ilegal na bagay kagaya ng pagpatay. Kilala ito ng mga may malalaking pangalan sa maruming mundo. Ngunit maaasahan ang lalaki dahil hindi ito puro dahas. Pumapanig pa rin ito sa katuwiran.
Hininto niya ang kotseng minamaneho sa harap ng malaking itim na tarangkahan. Madaling mahanap ang bahay ng binata dahil ito ang bukod-tanging may itim na gate sa kanilang lugar. Ang bahay nito ay nakukulayan din ng itim at kulay abo.
Matapos pindutin ang door bell, ilang saglit lamang ay bumukas na ang gate at iniluwa ang isang black American na nakasuot ng itim na suit, black eyeglasses at may kung anong nakalagay sa tainga nito na marahil ay pangkomunikasiyon.
"Kailangan kong makausap si Uno," aniya at pinakilala ang sarili sa lalaki.
Matapos nitong tumango ay tuluyan din siyang pinapasok sa loob. Nagtungo siya roon upang humingi ng tulong at mga tauhan dito. Alam niyang magagaling ang mga taong kinukuha nito kaya may tiwala siya sa mga ibibigay ng lalaki.
Alam niyang pribadong tao si Uno, ngunit sa mga oras na iyon ay wala na rin siyang pagpipilian. Hapon na niya narating ang bahay nito, kaya nang matapos sila sa pag-uusap ay halos alas-otso na siya nakaalis. Hindi naman siya natatakot bumiyahe mag-isa dahil alam niyang makakaya niyang ipagtanggol ang sarili niya. Matatakot lamang siya kung kasama niya ang kaniyang anak at alam niyang hindi niya ito mapoprotektahan.
Nasa makipot na daan na siya, kalahating oras na lamang ang layo pabalik sa kanila, nang mabilis niyang maapakan ang preno dahil sa taong biglang tumawid sa daan. Bumunggo ito sa kotse niya at bumagsak sa daan. Malakas ang kabog ng dibdib nang magdesisiyon siyang lumabas upang tingnan ang kalagyan ng lalaki. Ngunit laking-gulat niya nang sa paglabas niya upang sanay daluhan ito, ang nakatutok na baril na hawak ng lalaki ang bumungad sa kaniya.
Nakaupo na ito sa semento at unti-unting tumatayo. Napatingin siya sa loob ng kaniyang kotse—sa kaniyang compartment—kung saan naroon ang dala niyang baril. Napansin niyang umiling-iling ang lalaki na para bang sinasabi nitong huwag niyang itutuloy ang binabalak niya.
Hindi niya alam ang mukha nito dahil natatabunan iyon ng itim na bonet. Nakasuot din ito ng itim na damit pang-itaas at pantalon. Maski ang kamay nitong nakahawak sa baril ay sinuutan ng gloves. Sa tantiya niya ay magkasing-taas lamang sila—5'9. Sa postura ng katawan nito ay masasabi niyang hindi nagkakalayo ang kanilang edad—limampung taong gulang.
Sinubukan niyang luminga sa paligid ngunit walang tao ang makikita. Pinagigitnaan ang daang iyon ng malalaking gusali kaya duda niyang may dadaan doon sa ganoong oras, lalo pa't medyo malayo sa kabahayan. At ang mga gusaling nakapagitna sa daan ay factory at ang isa ay abandonado na.
Napalunok siya at inisip kung paano makakatakas dito. Nang makitang ikinasa na nito ang baril ay tila naging matulin ang takbo ng paligid. Mabilis na pumasok sa isip niya ang anak. Umiling siya sa isiping maiiwan itong mag-isa. Mula naman sa kung saan ay may lumipad na bote sa ere. Sapul ang ulo ng lalaki.
Lumabas mula sa madilim na parte ng daan ang isa pang lalaki at mabilis nitong sinugod ang lalaking nakabonet. Nagbunuan ang dalawa. Nagawang sipain ng bagong dating ang kamay ng lalaking may hawak na baril. Tumilapon sa kabilang daan ang baril nito. Agad naman niyang kinuha ang baril mula sa kaniyang compartment, ngunit sa halip na paputukan ang lalaking nakabonet, natigilan siya nang makita ang pakikipaglaban ng bagong dating na lalaki rito.
Naiwasan ng bagong dating ang suntok at atake ng nakabonet na lalaki. At sa bawat suntok naman nito ay halos mahirapang makabawi ang kalaban. Inasinta ng bagong dating ang sikmura at dibdib ng lalaking kalaban nito. Umikot pa ito at sinipa nang buong lakas ang mukha ng lalaki. Sa huli, napilitang tumakbo palayo ang kalaban.
Namamanghang binalingan niya ng tingin ang bagong dating. Nilapitan nito ang baril na tumilapon sa kabilang kalsada at pinulot. Nalaman niyang marunong itong humawak ng baril nang mabilis nitong matanggal ang pinaglalagyan ng bala ng baril at agad iyong ipinasok sa likod ng pantalon.
Nang makita ang kabuuan nito ay hindi na siya nagtaka kung bakit napakalakas ng lalaki. Malaki ito at mas matangkad sa kaniya. Halos pumutok ang mga muscles nito sa braso na kitang-kita dahil tanging sandong itim at cargo pants lamang ang suot nito.
"Ayos lang ba kayo?" untag nito nang tuluyang makalapit sa kaniya.
Tulala siyang napatango habang pinagmamasdan pa rin ang mukha ng lalaki. May hitsura ito at hindi mukhang sanggano. May ilan itong pasa sa mukha na marahil ay mula sa mga nakaraan nitong away. Bahagyang nakababa sa mukha ang kaunting bangs nito. Maihahalintulad niya sa gupit ni Leonardo DiCaprio noong kabataan nito.
Nang hindi na siya magsalita ay akmang maglalakad na palayo ang lalaki nang bigla niya itong pigilan. "Iho, sandali lang!"
Nilingon siya nito at tinitigan mula ulo hanggang paa. Mabilis niyang ibinalik sa loob ng kotse ang hawak na baril at dinukot ang wallet sa bulsa. Kumuha siya ng calling card niya at inabot sa lalaki.
"Gusto mo ba ng trabaho? Sagot ko na ang pagkain at matitirahan mo. Malaking halaga at dodoblihin ko pa ang ipapasuweldo ko." Umaasa siyang u-oo ito sa hiling niya.
Bahagyang kumunot ang noo nito. "Anong trabaho?"
"Bodyguard."