Chapter Two

1041 Words
Matagal na natulala si Rael sa narinig. Pakiramdam niya ay nabingi siya at ilang minutong nawala sa sarili. Lumakas ang kabog ng kaniyang puso. Lumalim ang paghinga. Hindi makapaniwalang tumawa siya at umiling. "B-baby, ano ba ito? Joke?" Pinilit niyang tumawa ang sarili. "Hindi ako nagbibiro," mabilis nitong tugon at nag-angat ng tingin hanggang sa magsalubong ang mga mata nila. "Ayoko na, Rael. I'm sorry." Mabilis ang pagkunot ng kaniyang noo nang mabakas ang kaseryosohan sa tinig ng babae. "Hindi totoo iyan! Baby, ano ba itong pinagsasabi mo?" Mahigpit niyang kinapitan ang kamay ng babae nang maramdaman na tila babawiin na nito iyon. Mabilis namang nag-iwas ng mukha ang dalaga. Tila ayaw nitong salubungin ang mga mata niyang malamlam. "Aalis na ako, Rael. Bitiwan mo ang kamay ko," utos ng dalaga mula sa matigas na boses. Marahas siyang umiling. Alam niya at nararamdaman niyang may hindi sinasabi ang babae. Kitang-kita niya ang pagmamahal nito para sa kaniya. Nasa mga mata iyon ng dalaga. Kung anuman ang dahilan ng pakikipaghiwalay nito, wala siyang pakialam. Hindi siya papayag sa gusto nitong mangyari. "Hindi mo ito puwedeng gawin sa akin. Hindi puwede, Paislee!" Bahagyang napataas ang boses niya kaya nakuha nila ang ibang atensiyon ng mga tao sa loob. Tila napansin naman ng babae ang mga palihim na tingin sa kanila ng ibang customer. May mga nagbubulong-bulungan na rin na mas lalo nitong ikinahiya. "Rael, bitiwan mo na ako!" Sinubukan ng babae na bawiin ang kamay ngunit dahil sa higpit ng hawak niya ay nasanggi nito ang kape na naging dahilan ng pagkabuhos niyon sa kaniya. Bahagya siyang napadaing sa init na naramdaman sa braso kung saan tumama ang mainit na kape. Tumayo ang dalaga at akmang lalapitan siya nang bigla nitong mapigilan ang sarili. Malungkot ang mga matang tinitigan siya nito. Siya naman ay nakahawak ang isang kamay sa brasong napaso dahil sa kape. Nang lapitan sila ng isang waiter ay tila nahihiyang umalis si Paislee at tuluyang lumabas ng kapihan. Bumunot siya ng isang libo mula sa puting sobre at mabilis na iniwan sa mesa bago sinundan ang dalaga. Naabutan niya ito hindi kalayuan mula sa coffee shop ng kaibigan niya. "Bakit ngayon pa! Bakit!" puno ng galit niyang tanong. Mahigpit niya itong pinipigilan sa braso. "Alam mo kung anong nangyari sa pamilya ko! Alam mo kung anong pinagdaraanan ko! Kung kailan kailangang-kailangan kita, saka mo ako iiwan?" Hindi naman makatingin ang dalaga. Bakas sa mukha nito ang hirap sa desisiyong ginawa ngunit nanatili itong matigas ang puso habang nakatingin sa ibaba. Nagsimulang mamasa ang mga mata niya. Matapos mawalan ng pamilya, patalsikin sa trabaho, ngayon naman ay iiwan siya ng sariling nobya. Hinawakan niya ito sa magkabilang-balikat at sinubukang pakiusapan. Wala siyang pakialam kahit magmukha pa siyang kaawa-awa. Kung iyon ang tanging paraan upang huwag siya nitong iwan, nakahanda siyang magmukhang kawawa sa harap ng taong nakakikita sa kanila. "Please naman, Paislee. Huwag mo itong gawin sa akin. Kailangan kita... " Nakita niyang mariin na pumikit ang babae. Tila pinipigilan nito ang sarili na bumigay sa mga pagmamakaawa niya. "Anong kasalanan ba ang nagawa ko? Sabihin mo sa akin at aayusin ko! Nakahanda naman akong magbago. Baby, please naman... huwag mo akong iwan." Sukdulan siyang lumuhod sa harap nito na ikinagulat ng babae. Napatakip ito ng sariling bibig at tuluyang umalpas ang mga luha sa pisngi. Ramdam niya ang pagtulo ng luha sa mga mata niya. Alam niyang nakikita ng nobya ang paghihirap ng kalooban niya. Ngunit sa kabila ng mga pakiusap, naging bingi ito. Mariin itong pumikit ang ilang ulit na umiling. "Ayoko na. I'm sorry, Rael." Kumawala ito sa mahigpit niyang hawak at nagtaas ng noo. "Hiwalay na tayo." Tuluyan siyang nilagpasan ng babae, at iniwang lumuluha habang nakaluhod pa rin sa daan. HINDI lubos akalain ni Don Devid na mangangahas magpadala ng tauhan ang kung sinumang nais pumatay sa kaniya sa mismong loob ng kaniyang tahanan. Matalim ang mga matang tinitigan niya ang babaeng nakasuot ng pang-unipormeng damit ng mga katulong at kasalukuyang nakaluhod sa sahig ng malawak na salas. "Sino! Sino ang nag-utos sa iyo!" umalingawngaw ang tinig niya sa buong mansiyon. Halos manginig naman sa takot ang babae. Nakababa ang tingin nito at patuloy lamang sa pag-iyak. "Maawa na po kayo, Don Devid! Wala po talaga akong alam! Binayaran lamang po ako!" Kumuyom lalo ang mga kamao niya. "Sinungaling!" muli niyang sigaw na nagpatikom sa bibig nito. Pabalik-balik siya ng lakad sa harap ng babaeng nakaluhod. Nang huminto ay sinenyasan niya ang dalawang tauhan sa likuran nito at agad namang tumango ang dalawang lalaki saka hinawakan sa magkabilang braso ang babae. "Dalhin ninyo sa secret hideout iyan. Alam n'yo na ang gagawin upang ang babaeng iyan ay mapaamin!" Malakas na sumigaw ang babae at nagpumiglas sa dalawa niyang tauhan. Ngunit higit na mas malakas ang dalawa kaysa rito. Kinaladkad nila ang babae hanggang sa makalabas ng mansiyon. Mula sa sumaradong pinto, itinuon niya ang paningin sa mga taong nasa harap niya; ang mayordoma, ang butler, ang kanang kamay niya at ang head security nila. Matalim niyang tinitigan ang mga ito. "Simula ngayon, ipinagbabawal kong tumanggap kayo ng bagong katulong, nang hindi dumaraan sa akin! Naiintindihan ninyo ba!" Maririnig ang tinig niya sa buong mansiyon. "Opo, Don Devid!" halos sabay namang tugon ng mga ito. Matapos niyon ay ipinahanda niya ang kotse sa kaniyang kanang kamay na si Joselito, apatnapu't limang taong gulang. Agad siyang dumiretso sa kanilang garage at sumakay nang mag-isa. "Don Devid, hindi namin kayo mapapayagang umalis nang nag-iisa. Pakiusap, isama ninyo ang iba sa tauhan natin," pigil sa kaniya ni Joselito. Kinuha niya ang baril sa loob ng compartment at saka ipinakita sa lalaking ikinakasa niya iyon. "Kaya ko ang sarili ko, Jose. Manatili kayo rito at siguraduhin ang kaligtasan ng aking anak." Walang nagawa ang lalaki nang tuluyan niyang itaas ang salamin ng bintana at pinaandar ang kotse. Dahil sa nangyaring ambush sa kanila ng anak niya nang sunduin niya ito mula sa airport, maraming tauhan ang nalagas sa kanila. Kanina ay nahuli pa ng mayordoma nila ang bagong katulong na naglalagay ng lason sa mga pagkain. Hindi maaaring mawalan ng bantay ang kaniyang anak, delikado ang buhay nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD