MULA sa malaking gate sa harap niya, bumaba ang mga mata ni Rael sa calling card na nasa kaniyang kamay. Bahagyang nagsalubong ang dalawa niyang kilay.
Gumala sa paligid ang paningin niya at sinubukang maglakad-lakad. Malayo ang mga kabahayan at sa tingin nga niya ay nag-iisa ang bahay na nasa harap niya sa gawing iyon ng lugar, kaya hindi niya masasabing nagkamali siya sa pinuntahan.
Muli niyang pinasadahan ng tingin mula sa itaas hanggang sa ibaba ang malaki at mataas na gate. Sa taas nito maging ng bakod na sementado, imposible na makita man lang ang kabila ng tarangkahan.
Nagbuga siya ng hangin bago nagdesisiyong lumapit sa malaking gate at pinindot ang button sa gilid. Ilang segundo lang ang lumipas, may narinig siyang nagsalita na lalaki mula sa bagay na nasa tabi ng button. Sa tingin niya ay nakakonekto iyon sa loob.
"Sino ka at anong kailangan mo?" Malalim at malaki ang tinig nito.
Tumikhim muna siya bago nagsalita, "Nandito ako para sa alok ni Devid Salazar."
Muli niyang tinitigan ang pangalang nasa card upang siguruhin na hindi siya nagkakamali sa pangalan ng lalaki.
"Ano'ng pangalan mo?"
"Rael Esrellas."
Mataman siyang tumitig sa itim na tila speaker kung saan nanggagaling ang boses ng nakausap. Hindi na ito muling nagsalita matapos niyang ibigay ang pangalan dito.
Pinaglandas niya ang paningin sa sementadong pader bago ibinalik sa malaking gate ang mga mata. Sa tingin niya ay sobrang yaman ng lalaki. Kung ibabase pa lang sa istraktura ng tarangkahan ng bakuran nito, masasabi ngang hindi nga ito ordinaryong tao.
Natuon ang mga mata niya sa dalawang camera sa magkabilang gilid ng gate. Mukhang mahigpit din sa seguridad ang lalaki. Kung ganito kahigpit ang security nito, bakit pa siya inalok nito na maging bodyguard? Sa yaman ng lalaki, sa palagay niya ay kaya nito ang mag-hired ng sampu o higit pang tauhan.
Lumipas pa ang ilang minuto, natigilan siya nang biglang bumukas ang malaking gate. Lumapit siya sa gitna habang hinihintay ang tuluyan nitong pagbukas. Mukhang automatic pa ang gate dahil wala siyang nakitang tao na nagbukas dito.
Pagkahakbang niya sa loob, muli siyang natigilan nang bigla siyang salubungin ng dalawang lalaking nakasuot ng itim na suit at may malalaking pangangatawan. Pinagkrus pa ng mga ito ang mga braso sa tapat ng dibdib habang nakatingin sa kaniya nang masama.
"Sumunod ka sa amin."
Bitbit ang duffle bag sa isang kamay, naglakad siya at sinundan ang dalawa. Napansin niya ang malaking bahay na gawa sa red brick sa harap ng gate. Napalilibutan iyon ng malalaking puno na hindi niya alam kung ano ang klase dahil bago lang sa kaniyang paningin.
Kumaliwa ang dalawang lalaki kaya sumunod siya sa mga ito. Sinundan niya ng tingin ang binabagtas nilang mahabang driveway. Napahanga siya nang mapagtanto kung gaano kalawak ang loob ng bakuran. Sa lawak nito, halos 1/4 na ng isang buong barangay.
Natatanaw pa niya ang malawak na swimming pool sa gitna ng tila hardin na paligid. Nadaanan din nila ang isang malawak na tennis court bago tuluyang marating ang isang malaking mansiyon sa dulo.
Nang makalapit sa mansiyon, nakita niyang nakatayo malapit sa entrance ang isang lalaking nakasuot ng itim na business suit. Wala itong makikitang ekspresiyon sa mukha at diretso lang ang tingin.
"Butler Jose, nandito na siya," pagbibigay alam ng isa sa mga lalaki saka siya nilingon ng dalawa.
Tinanguan lamang niya ang lalaking tinawag na Butler Jose ng lalaki. Pinagmasdan naman siya nito mula ulo hanggang paa. Tila kinakabisa ang bawat parte ng katawan niya. Nang balingan nito ang dalawang lalaki, kinuha niyang pagkakataon iyon upang mapagmasdan nang mas mabuti ang kabuuan ng mansiyon mula sa labas.
Para itong marangyang eskuwelahan dahil sa dami ng bintana nito na puro gawa sa salamin. May isang balkonahe nga lang sa pinakaitaas. Sa tingin niya ay balkonahe iyon ng isang silid.
Umalis ang dalawang lalaki at narinig niya ang pagtikhim ni Butler Jose. Bumaling siya rito. Nakita niya itong kakaiba ang titig sa kaniya. Sa paraan ng pagtitig nito ay parang hinuhusgahan na ang buong pagkatao niya.
Hindi siya nagsalita o anupaman. Hinayaan niya lamang ito hanggang sa senyasan siya nitong sumunod rito. Nag-umpisa itong humakbang at pumasok sa loob ng mansiyon. Bahagya pa siyang natigilan nang makita ang pintuan kung saan pumasok ang lalaki.
Hindi iyon ordinaryong pinto para sa mga bahay. Isa iyong revolving door, o iyong pintuan na may tatlo hanggang apat na pinto na umiikot at nakikita lamang niya sa mga hotel o malls.
Bumuntong-hininga siya bago tuluyang pumasok sa loob. Katulad ng inaasahan, malawak na espasiyo ang bumungad sa kaniya sa pagpasok niya. At kagaya ng naisip niya, humahawig nga sa isang hotel ang loob niyon. Pakiramdam nga niya ay nasa hotel talaga siya dahil sa pulang carpet patungo malaking hagdan sa harap.
Habang abala sa pagtingin sa paligid nilingon siya ng lalaking butler saka ito tumikhim. Sumenyas ito na sumunod siya. Pumunta sila sa likuran ng hagdanan at doon ay isang malaking double doors ang bumungad sa kaniya. Binuksan iyon ni Butler Jose bago gumilid upang bigyan siya ng daan.
"Pumasok ka na."
Tumango lamang siya rito saka tuluyang pumasok sa loob ng silid na puno ng mga libro. Napagtanto niyang library room iyon. Sa pinakadulong bahagi, naroon ang malaking desk kung saan abala ang lalaki sa pagbabasa.
Nang mag-angat ito ng tingin at makita siya, malapad itong napangiti at mabilis na tumayo. Sa likuran nito ay ang pader na gawa sa salamin. Nakita niya ang pagdampot ng lalaki sa isang remote sa ibabaw ng desk nito, bago itinutok sa likuran saka may pinindot doon. Awtomatikong gumalaw ang magkabilang makakapal na kurtina papunta sa gitna hanggang sa tuluyang matabunan ang salaming pader.
"Please, please, have a seat." Nilahad nito ang isa sa dalawang upuan sa harap ng desk nito.
Sumilay ang maliit na ngiti sa mga labi niya bago tumango. Ibinaba niya ang dalang bag sa sahig saka naupo sa kanang upuan.
"The truth is, I was shocked to see you on the CCTV camera. It's been what? Three months?"
Tumango siya rito nang walang ibinibigay na kahit na isang salita.
"Buong akala ko, hindi ka na pupunta."
"Akala ko rin." Pilit siyang ngumiti rito. "Pero ang totoo niyan, napaalis ako sa tinitirahan ko at wala na rin akong trabaho. Kailangan ko ng pera at matutuluyan."
Sinalubong niya ang mga mata ng lalaki na mataman na nakatitig sa kaniya. Ilang ulit itong tumango na waring naiintindihan ang pinagdaraanan niya.
"Don't worry about those. Lahat ng iyon ay makukuha mo rito." Tumango pa ito nang isang beses at saka ngumiti. "By the way, I am Devid Salazar, you can call me Don Devid. So, what's your name?"
Inilahad nito ang isang kamay na agad niyang pinaunlakan. "Rael."
"Ah, good to meet you, Rael. Oh, I'm sorry. Do you want anything? Anong inumin ang gusto mo?"
"Huwag na ho kayong mag-abala. Ayos lang ako."
Nakangiting tumango ang lalaki. Sinandal nito ang likod sa inuupuan at sandaling tumahimik. "Alam mo, iho, sa totoo lang ay marami akong mga tao sa loob at labas ng mansiyon. Hindi lang basta tauhan, trained sila sa mga sitwasiyon na mapanganib. Pero nang makita kitang makipaglaban noong gabing iyon, naisip ko agad na, ikaw ang hinanap ko. Ikaw ang bodyguard na kailangan ko. Maraming salamat for saving my life, Rael."
"Wala ho iyon. Kahit sino, gagawin ang ginawa ko noong gabing iyon."
Bahagya itong tumawa. Makikita ang paghanga nito para sa kaniya sa mga mata. "Humble ka masiyado. I like that."
Nagbuga siya ng hangin matapos magpasalamat sa papuri ng lalaki. "Tanggap na ho ba ako?"
Sa pagkakataong iyon, natigilan sila sa pag-uusap nang may kumatok sa pinto ng library. Ilang sandali pa ay bumukas iyon at pumasok si Butler Jose.
"Don Devid, oras na para umalis."
Nang marinig ang sinabi ng lalaki, mabilis niyang binalingan ang don at nakitang tumango ito bago tumayo. Tumayo na rin siya at saka nagpakawala ng hangin. Naisip niya na baka hindi na siya tanggapin dahil mukhang hindi na siya nito kailangan.
Humakbang ang don ngunit muli ring huminto nang maabot ang unahan ng desk. "Sa totoo niyan, bago kami tumanggap ng mga bodyguards, dumadaan muna sila sa maraming proseso at hinihingi rin namin ang kanilang resume. But you know you're different, Rael. At nagpapasalamat ako sa pagtanggap mo sa alok ko."
Muli nitong inilahad ang palad sa kaniya at ngumiti. Ngayon niya mas napagmasdan ang mukha nito. Sa palagay niya ay nasa early forties pa ang lalaki at nananatiling matikas pa rin sa edad nito.
"Welcome to my home, Rael. You are now hired as my new bodyguard."
ISANG malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya habang nakaupo sa malawak na living area. Kaaalis lang ng bagong amo niya at sinabing bukas ng umaga na ito makababalik kaya bukas na rin niya ito muling makakausap.
Pinaglandas niya ang paningin sa buong living area at nakita ang mamahaling mga gamit sa paligid. May mga malalaking vase na naka-display at mga paintings. Lahat yata ng bagay na madapuan ng paningin niya sa mansiyong iyon ay masasabi niyang mamahalin. Hindi na siya magtataka kung bakit kailangan ng bodyguards ni Don Devid. Kung maging magnanakaw man siya ay mapag-iinteresan niya rin ito.
Mula sa labas ng mansiyon, pumasok ang butler na si Jose at nilapitan siya. Agad siyang tumayo upang magbigay galang sa presensiya nito. Tahimik itong sinipat siya ng tingin mula ulo hanggang paa.
Binawi niya ang paningin at bumuntong-hininga. Hindi siya mapalagay sa tuwing ginagawa iyon ng lalaki.
"Sumunod ka sa akin," anito at saka humakbang.
Mula sa living area, kumaliwa sila at pumasok sa isang mahabang pasilyo. Naka-carpet din na pula ang sahig doon at may nadaraanan silang mga naka-display na mga larawan ng magagandang tanawin.
Habang naglalakad, napatingin siya sa nauunang lalaki nang magsimula itong magsalita.
"Ako nga pala si Butler Jose. Ako ang namamahala sa mga utusan na lalaki ni Don Devid, maging sa mga security at bodyguards niya."
Sandali siya nitong nilingon upang makita ang reaksiyon niya. Tanging tango lamang ang ibinigay niya sa lalaki.
"Dadalhin kita sa silid na tutulugan mo. Magpahinga ka muna, at pagkatapos ay mag-ikot-ikot ka. Mayroon kang isang araw para kabisaduhin ang bawat parte ng mansiyon at ng paligid nito. Bukas ay magsisimula ka na sa trabaho mo."
Kahit na nakatalikod sa kaniya ang lalaki ay kusa pa rin siyang tumango rito. Nang mapansin na huminto ito sa paglalakad at humarap sa kaniya, tumigil na rin siya sa paghakbang at sinalubong ang tingin nito.
"Ano ang dati mong trabaho?"
May ilang segundo niyang pinagmasdan ang mukha ng lalaking seryosong nakatitig sa kaniya. Nagbuga siya ng hangin bago tumugon, "Dati akong security guard sa isang kainan."
Umarko ang isa nitong kilay. Humugot ito ng hangin at matamang sinalubong ang mga mata niya. "Sa totoo lang ay wala akong tiwala sa iyo. Maliban sa pangalan mo, wala na kaming ibang alam tungkol sa pagkatao mo. Pero dahil pinagkakatiwalaan ka ni Don Devid, wala akong magagawa kundi tanggapin ka."
Ibinaling niya sa ibang direksiyon ang paningin. Wala naman siyang pakialam kung ano ang tingin sa kaniya ng lalaki at ng iba pa. Inalok siya ng trabaho at ngayon ay kailangan niya ng pera. Magtatrabaho siya para mabuhay.
Wala mang direksiyon ang buhay niya sa ngayon, alam niyang makahahanap siya ng rason para muling gustuhin ang magpatuloy sa marahas na mundo.
"Huwag mo sanang traydurin si Don Devid."
Hindi na siya hinintay na makatugon ng lalaki, muli itong naglakad hanggang sa maabot nila ang isang pinto sa dulo. Pagkabukas niyon ay bumungad sa kaniya ang isa na namang pasilyo. Nakahilera ang mga itim na pinto sa magkabilang gilid ng dinadaanan nila.
"Sa ikaapat na pinto sa kanan ang pinto ng silid mo." Inangat nito ang kamay at ibinigay sa kaniya ang isang susi. "Matapos mong magpahinga, kumain ka at maglibot sa labas. Nakahanda na ang isusuot mo sa loob ng kuwarto. Suotin mo iyon bukas."
Matapos niyang tanggapin ang susi, taas-noo itong humakbang at nilagpasan siya. Tumatango naman niyang isinara ang pintuan sa kaniyang likuran bago lumapit sa ikaapat na pinto sa kanan. Pagbukas niya niyon ay bumungad sa kaniya ang apat na sulok ng silid na masasabi niyang malaki para sa isang tao. Doble ang laki niyon kumpara sa inuupuhan niya sa boarding house.
Kinandado niya ang pinto sa likuran niya saka lumapit sa kama na nasa gitna ng kuwarto. Maging ang kama ay mas malaki para sa isang tao lamang. Sa ibabaw ng kama ay isang itim na suit na katulad sa suot ng dalawang lalaking sumalubong sa kaniya kanina.
Nagbuga siya ng hangin bago ibinaba sa sahig ang dalang duffle bag. Umupo siya sa dulo ng kama at pinaglandas ang tingin sa buong paligid. Puti ang pintura ng loob ng kuwarto, katamtaman ang laki ng flat-screen TV sa harap ng kama, at table set is isang malaking cabinet sa tabi ng isang kulay mahogany na pinto sa dulo. Sa tingin niya ay pinto iyon ng banyo.
Habang nakaupo sa kama, pakiramdam niya ay nasa ibang mundo siya. Mundo kung saan nag-iisa na lamang siya. Ramdam niya ang kalungkutan na unti-unting lumalamon sa pagkatao niya.
Hindi siya puwedeng magpatuloy sa ganoong pakiramdam. Kailangan niyang mabuhay. Kahit na tila imposible, kailangan niyang piliin na ipagpatuloy ang mabuhay kahit para na lang sa yumaong pamilya. Sigurado siyang hindi natutuwa ang mga ito sa nangyayari sa kaniya.
Matapos makaligo at makapagpalit ng isang puting shirt at asul na maong, nagdesisiyon siyang hindi na magpahinga at muling lumabas ng kuwarto. Sa paglabas niya at paggala ay napunta siya sa gawi ng kitchen. Doon ay nakilala niya ang isang babae.
"Ako si Miss Jiya, ako ang namamahala sa lahat ng katulong dito. Ikaw siguro si Rael? Ang bagong bodyguard ni Don Devid?" Nilahad ng babae ang kamay at nakangiti niya itong tinanggap.
Nakasuot ito ng suit para sa mga babae, maikli ang buhok at sa palagay niya ay nasa tatlumpu ang edad.
"Kumain ka na ba? Halika. Sumunod ka sa akin."
Gusto niya sana itong pigilan pero nang maramdaman ang pagkulo ng tiyan, hindi na lamang siya nagsalita at sumunod rito.
"Alam mo, Rael, dito sa amin ay may oras ang pagkain ng lahat. May oras ang pagkain ng mga katulong, may ibang oras naman ang pagkain ng mga tauhan ni Don Devid. Hindi sabay kung kumain dahil iniiwasan namin ang maiwan o mabakante ang aming mga gawain."
Matapos pumasok sa isang makipot na pasilyo at makapasok sa malaking kusina, natigilan siya nang makita ang mga lalaking nakasuot ng pang-chef na kasuotan.
"May sariling chef sina Don Devid at Dahlia. Importante na laging namo-monitor ang pagkain nila. Mahirap na at baka maulit ang nangyari noon."
Nakuha ng babae ang atensiyon niya nang marinig ang pangalang binanggit nito, lalo na sa huling sinabi ng babae.
"Ano bang nangyari noon?"
Mula sa kitchen ay dinala siya ng babae sa loob ng dining room. Mahaba ang lamesang kulay itim na nasa gitna ng malawak na kuwarto. Sa pinakadulo ay nakita niya ang nakahain na mga pagkain na umuusok pa sa init.
"Kulang kami noon sa katulong dahil kusang umalis ang iba sa takot nang may nagpaputok mula labas. Nang tumanggap kami ng mga bago, may isang nakalusot na nagmula sa kalaban. Nagawa niyang lagyan ng lason ang mga pagkain. Mabuti na lamang dahil hindi pa naihahain kina Don Devid at Dahlia ang mga ito."
Nilahad nito ang silya sa tabi kung saan ito nakatayo.
"Kumain ka na. Ang sabi ni Don Devid, ibigay namin sa iyo ang kailangan mo. Ikaw raw ang nagligtas sa buhay niya. Nagpapasalamat ako sa iyo dahil doon."
Nagbuga siya ng hangin bago umupo sa silya at pinagmasdan ang mga pagkain sa harap niya. Natakam siya nang malanghap ang masarap na amoy ng mga ito.
"Bago mag-alas-sais ng madaling araw, dapat gising ka na dahil personal bodyguard ka ni Don Devid. Lagi kang nasa tabi niya at nakaalalay sa lahat ng kaniyang gagawin. Hindi ka puwedeng matulog hangga't hindi sumasapit ang alas-onse ng gabi. Hindi mo kailangan sumabay sa oras ng pagkain ng iba dahil sasabay ka sa don. Magagawa mo bang manatili sa tabi niya sa lahat ng oras?"
Nilingon niya ang babae at bahagyang tinanguan. Wala siyang alam sa pagiging personal bodyguard pero sa tingin niya, kung pagtatanggol lang ang kailangan niyang gawin ay magiging madali lang iyon para sa kaniya.
Matapos nilang mag-usap ay iniwan na siya ng babae. Nagsimula naman siyang kumain habang nakatutok ang tingin sa interior design ng dining room. Napansin pa niya ang ilang mga camera sa itaas ng pader. Nailing siya. Hindi niya inakala na makapagtatrabaho siya sa ganoong kayaman na tao. Mukhang pera din ang dahilan kung bakit may gustong pumatay rito.
Biglang sumagi sa isip niya ang pangalan ng babaeng nabanggit ni Miss Jiya kanina—Dahlia. Naisip niya kung ano ito sa buhay ni Don Devid. Asawa ba, kapatid o anak? Nailing siya nang maisip na maging ang buhay nito ay napunta sa panganib dahil lang sa pera. Nakaramdam siya ng awa para sa dalawa.
Sa pagsapit ng gabi, matapos niyang umikot sa loob, nagdesisiyon siyang lumabas ng mansiyon para tingnan ang labas ng mansiyob. Saka niya napansin ang mga lalaking nagbabantay sa bawat paligid. Suot ng mga ito ang unipormeng katulad ng nasa kaniya.
Bukas ang lahat ng ilaw sa paligid maging sa mga poste na nakahilera sa daan, kaya kahit gabi na, tila umaga pa rin sa liwanag.
Sa paglalakad-lakad niya, napunta siya sa likuran ng mansiyon kung saan tanaw niya ang malaking hardin na may maraming nakatanim na iba't ibang mga bulaklak. Lahat ng naroon ay mga simpleng bulaklak lamang na matatagpuan sa Pilipinas. Taliwas sa mga tanim sa paligid ng mansiyon.
Lumapit siya sa arch na madadaanan kung papasok na sa mansiyon. May nakaukit na Dahlia sa pinakaitaas niyon. Agad niyang naisip ang babaeng nabanggit kanina ni Miss Jiya. Mukhang para sa babae ang hardin kaya nakapangalan din ito rito.
"Asawa siguro ng don," nasabi niya sa sarili.
Tuluyan siyang pumasok sa hardin at napangiti nang mapansin ang mga ligaw na bulaklak sa paligid. Maganda ang pagkakaayos sa mga ito at lalong nagbigay ng ganda sa mga mas malalaking bulaklak sa paligid nito.
Mula sa mga bulaklak na tinatamaan ng liwanag ng buwan, umangat ang paningin niya sa kalangitan at nakita ang maraming bituin sa paligid ng bilog na buwan. Maganda ang gabi at maging ang ihip ng hangin na dumadampi sa balat niya ay masarap namnamin. Idagdag pa ang mga alitaptap na lumilipad sa paligid ng mga halamang tanim.
Naroon na naman ang pakiramdam na parang nasa ibang mundo siya. Sa ganda ng paligid na kinaroroonan niya, pakiramdam niya, nasa mundo siya ng pantasiya.
Inikot niya ang mga mata sa kapaligiran niya bago natuon sa nag-iisang balkonahe ng mansiyon ang paningin niya. Nakuha ng babaeng nagkukubli sa makapal na kurtina ang kaniyang atensiyon.
Halatang nagtatago ang babae ngunit dahil sa liwanag ng buwan na tumatama sa gawi nito ay malinaw niyang natatanaw ang puting bestida na suot nito. Subalit natatakpan ng dilim ang mukha kaya hindi niya magawang makita ang hitsura nito.
Nang mapansin ng babae na nakatitig siya rito, mabilis itong umatras mula sa balkonahe at tuluyang nagpalamon sa dilim. Biglang siyang natigilan at mabilis na humakbang pasulong sa pag-aasam na muli itong maabot ng paningin niya, pero bigo siyang makita ni anino ng babae.
Napangiti siya nang maisip na baka ito ang babaeng nagngangalang Dahlia. Sa ikinilos nito, may hula na siya kung sino at ano ito sa buhay ng amo niya.