NATIGILAN sa paghakbang sa itaas ng hagdan si Rael nang makita si Butler Jose habang pababa ito mula sa pangalawang palapag. Katulad niya, mabilis ding napahinto sa paglalakad ang lalaki nang makitang buhat niya sa kaniyang mga bisig si Dahlia. Nagmamadali itong bumaba upang malapitan sila. "Ano'ng nangyari?" tanong ng lalaki sa pabulong na paraan upang hindi magising ang dalaga. Mula sa lalaki ay bumaba ang paningin niya sa mukha ni Dahlia. Payapa at nahihimbing pa rin itong natutulog. Muling nakuha ni Butler Jose ang atensiyon niya nang sumenyas ito. Ipinahihiwatig na dalhin na muna niya sa kuwarto nito ang babaeng amo. Tumango lamang siya bago nagpatuloy sa paglalakad. Hindi na niya kailangang lingunin, ramdam niya ang presensiya ng lalaki na nakasunod sa kaniya. Nang marating ang t