Chapter Nine

2537 Words
“WALA akong ibang hangarin kundi ang makatulong sa Golereo at mailigtas ang mga inosenteng tao,” matatag na turan ni Jack kay Gastor. Kinuha naman ni Gastor ang pilak na espada saka inalis sa sisidlan. Itinaas nito iyon. “Matagal kong hinintay na may katulad mo ang magnasang gamitin ang espadang ito. Maliban sa aking anak, wala nang nagnais na mahawakan ito. At ngayon, narito ka at natipuhan ang espada,” sabi nito. “Bukod sa maganda ang desinyo ng espada, mabisa rin ito kontra sa mga bampira,” aniya. “Natutuwa ako at may kaalaman ka tungkol sa mga bampira. Ginawa ko ang espada na ito bilang pinakamabisang sandata kontra sa mga bampira. Subali’t ayaw kong mapunta ito sa mga elgreto na hindi marunong magpahalaga sa kanilang sandata.” “Bakit ho hindi ninyo ibigay kay Sanji?” “Si Sanji ay ang matalik na kaibigan ng yumao kong anak. Ayaw niyang gumamit ng sandata na para kay Hazer. Si Sanji ang gumagawa ng sarili niyang sandata.” “Ngunit kailangan natin ng maraming ganitong uri ng sandata,” aniya. “Hindi sapat ang mga pilak upang makaligka ng malaking sandata.” “Tutulong ako sa paghuhukay ng pilak.” Nakangiting hinarap siya ni Gastor. Namangha siya nang i-abot nito sa kanya ang pilak na espada. Tinanggap naman niya ito. “Bukal sa loob ko na ipagkatiwala sa iyo ang sandata na ito, Jack. Napupuno ito ng orasyon na magpoprotekta sa iyo sa ano mang laban,” wika nito. Tila may malamyos na hangging humaplos sa kanyang puso. Labis siyang nasasabik. “Marami pong salamat,” aniya saka yumukod. “Ingatan mo iyan at mahalin pares sa pagmamahal mo sa iyong matalik na kaibigan.” Tumango siya. “Pangako ko pong iingatan ko ito.” “Maari mong itabi sa iyong pagtulog ang espadang ito upang sa oras ng kagipitan ay mayroong kang huhuguting sandata.” “Opo.” “Magpahinga ka na.” Masaya siyang bumalik sa kanyang kuwarto dala ang pilak na espada. Katabi niya ito sa pagtulog. Sumama si Jack sa pag-atake sa kuweba ng mga hadeos kung saan nakakulong ang mga taong bihag. Sa lugar na iyon siya dinala noon ni Tero. Subalit huli na silang dumating dahil napatay na ng mga hadeos ang mga tao. Ang grupo ni Haru at dinala ang mga taong nasa puder nila upang ibalik sa lupain ng mga mortal. May ilang hadeos silang naabutan sa kuweba kaya sila napalaban. Ikinagulat ni Jack nang may kakayahan na siyang makita ang anyo ng mga hadeos. Epekto umano iyon ng kanyang konsentrasyon sa pagsasanay kaya mas naging malawak ang kanyang isip. Natutunaw ang mga hadeos kapag ito ay napugutan ng ulo. Maliliit lang ang mga ito, kulay apoy ang mga katawan, walang mga damit, may mahahabang buntot at sungay. Katulad din iyon sa ilustrasyon na nakita niya sa aklat ng kanyang tiyo, na kinopya niya sa kanyang nobela. Hindi niya kinaya ang init sa loob ng kuweba kaya nauna na siyang lumabas. Nagkagulatan sila ni Tero sa bunganga ng kuweba. “Ano ba?!” asik niya nang kamuntik pa siyang maturok sa mata ng matulis na tungkod ni Tero. “Sandali nga, ikaw ba iyan, Jack?” nalilitong tanong ni Tero. “Oo, ako nga,” sagot naman niya. “Aba’t lumaki ang iyong katawan! At mukha ka nang elgreto sa suot mo.” “Nagsanay ako para maging madirigma ng Gelereo. Kailangan kong palakasin ang aking katawan.” “Hm, mainam iyan. Ngunit buhay mo ang nakataya sa iyong pinasok.” “Kailangan ko ang mga elgreto upang mapasok ko ang Embareo.” Hinatak siya ni Tero pakubli sa malaking puno nang may parating na mga hadeos. Marami ang mga ito. “Huwag kang hihinga pansamantala, bata,” utos sa kanya ni Tero. Pinigil naman niya ang kanyang paghinga. Papasok na sa kuweba ang mga hadeos nang lumabas sila ni Tero sa kanilang lungga. Ginamit niya ang kanyang espada upang labanan ang mga ito. Isa-isa niyang pinugutan ng ulo ang papalapit sa kanyang mga hadeos. “Tumakbo ka na, Jack!” sigaw ni Tero nang dumami pa ang mga hadeos. “Hindi!” pagmamatigas niya. Sinalubong niya ang grupo ng hadeos at pinagtataga ang mga ito. Iniiwasan niya na mahawakan siya ng mga ito dahil tiyak na masusunog ang kanyang kaluluwa. Dumating naman ang grupo ni Peter at Luis. Mabilis namang dumami ang mga hadoes. Hindi nila kakayanin ang mga ito gayung lima lamang sila. Nalagasan pa sila ng isang kasama. Nakakikilabot pala ang hitsura ng elgreto kapag nahagip ng kamay ng hadeos, nagiging kalansay ito. Malamang ay ganoon din ang mangyayari sa kanya. “Mag-ingat ka, Jack!” pasigaw na sabi sa kanya ni Luis habang abala ito sa paghataw ng espada sa mga hadeos. Apat na lamang silang natitira. Si Tero naman ay nagtago na. Mas mainam na rin iyon upang hindi ito mapahamak. Nakulong siya sa nakapalibot na mga hadeos. Paikot din siyang kumukumpas ng espada upang walang makakalapit sa kanya. Napapaso siya sa init ng katawan ng mga ito. Nagtataka siya bakit mabilis naubos ang mga hadeos. Nang makaalis siya sa mga ito ay namataan niya ang grupo ng lycan na pinupuksa ang mga hadeos. Lalo siyang ginanahang makipaglaban nang matanto na kaisa nila ang mga ito. Sinugod niya ang lycan na pinalibutan ng hadeos. Isa-isa niyang hiniwa ang katawan ng mga ito hanggang makalaya ang lycan. Nag-anyong tao ito. Ito pala si Rizor. Akala niya’y siya ang susugurin nito ngunit may hinaklit ito sa kanyang likuran. Nagpalit ulit ito ng anyo at gigil na pinisa ng mga paa ang hadoes na nahuli nito sa kanyang likuran. Napalaban din siya sa parating pang mga hadeos. Nagdikit ang likod nila ni Rizor habang nakikipaglaban sa mga hadeos. “Salamat, bata,” sabi nito. “Patas lang tayo, Rizor. Kailangan natin ang isa’t isa ngayon,” aniya. Nang dumating ang grupo ni Haru ay tuluyang naubos ang mga hadeos. Limang lycans ang kaisa nila sa labang iyon. Natutuwa siya dahil kahit hindi nag-uusap ay nagkasundo ang lycans at mga elgreto. Naroon si Vulther at Raul sa grupo. Lumapit siya sa mga ito bitbit ang kanyang espada. Nag-anyong tao na ang mga ito. “Masaya akong makita ka na nakikipaglaban, Jack. Ang laki ng ipinagbago mo,” wika ni Vulther. “Salamat. Ikinagagalak ko ring makasama kayo sa labang ito,” aniya. “Naway’s humusay ka pa, bata. Hindi na kami magtatagal,” ani ni Vulther. “Sige. Salamat ulit. Hanggang sa muli!” Nagsialisan na ang mga lycan. Nang wala nang mga hadeos ay bumalik si Jack sa lagusan kasama sina Peter at Haru. Naging matibay ang samahan nilang tatlo simula noong kasama niya ang mga ito sa pagsasanay. “Gabi na ngayon sa lupain ng mga mortal, Jack,” sabi ni Peter matapos sumilip sa butas ng tipak ng bangin na may buhgaw na liwanag. Bigla niyang na-miss ang lupain ng mga mortal. May naisip siyang ideya. “Maari ba akong lumabas sandali? May kukunin lang ako sa bahay,” sabi niya. “Maari ngunit hindi ka maaring magtagal, Jack,” sagot naman ni Haru. “May mga hadeos na gumagala sa lupain ng mga mortal. Maaring masagap nila ang iyong lakas,” sabi naman ni Peter. Nag-alinlangan siya. Naisip niya na kunin ang aklat ng kanyang tiyo ngunit wala rin iyong silbi. Pero tumuloy pa rin siya kasama si Peter. Magagamit niya ang aklat upang makakuha ng ideya at magsimulang magsulat ng bagong kuwento. Napadpad sila sa pantalan ng South Barbour sa siyudad ng Pasay. Wala nang tao sa paligid. Upang walang makakita sa kanila ay sumuot sila sa ilalim ng tren. Bumaba na lamang siya nang naroon na sila malapit sa Mall of Asia. Nasa bayang nasasakupan lamang niyon ang bahay na inuupahan niya. “Maaring patay na ang mga huling henerasyon ng aking angkan,” sabi ni Peter, nang siguro maalala ang dating pamilya bilang mortal. “Masaklap isipin na lumilipas ang mga tao, Peter. Pero mas masayang mabuhay na normal,” aniya. Patungo na sila sa bahay na tinutuluyan niya. May kandado na ang gate nito. Naalala niya, hindi pala siya nagpaalam sa may-ari ng bahay bago siya umalis. Umakyat sila sa pader. Ang masama nito ay naamoy sila ng aso. “Naloko na, Jack!” bulalas ni Peter. Nauna na itong umakyat sa puno ng sampalok. “Hoy! Ang tapang mo pero sa aso ka pala takot,” natatawang sita n iya rito. “Nakita mo naman ang kakaibang hitsura ko ‘di ba?” Umiling-iling siya. Nakilala naman siya ng aso ng may-ari ng bahay. Ito so Bogart. Kahit naiba ang hitsura niya ay pamilyar rito ang amoy niya. Kumiwal ang buntot nito nang makalapit sa kanya. “Bogart?” tawag ng amo ng aso. Si Mang Efren na iyon. Tinamaan siya ng liwanag ng flashlight nito sa mukha. Sinalubong naman niya ito. “Jack? Ikaw ba ‘yan?” nangingilalang tanong ni Mang Efren. “Oho, ako po.” Iniharang niya ang mga braso sa kanyang mukha nang tutukan pa siya nito ng flashlight. “Bakit ganyan ang hitsura mo?” ‘takang tanong nito. Sukbit pa niya ang kanyang espada. “Ahm, dumalo kasi ako sa costume party,” mabilis niyang alibi. Nilapitan pa siya nito at tinapik ang dibdib niya. “Ayos, parang totoo ang abs mo, ah!” biro pa nito. Natawa siya. “Ah kuwan, ano lang ito, prosthetic abs para mukhang totoo,” gatong niya naman. “Okay, ang gandang tingnan! At mukhang totoo rin ang espada mo, para kang sira-ulo,” anito saka tumawa nang malakas. Napangiwi siya. “Huwag n’yo na akong pansinin,” angal niya. “‘Nga pala, dalawang buwan ka ring nawala, ah,” anito pagkuwan. Nawindang siya. Ang tagal na niya sa Altereo ‘tapos dalawang buwan pa lang siyang nawawala sa lupain ng mga mortal? Kung sa bagay, mas mabilis lumipas ang araw sa Altereo. “Sorry hindi ako nakapagpaalam,” sabi niya. Papasok na sila ni mang Efren sa bahay. “Naikandado ko itong bahay dahil naiwan mong nakabukas. Hindi na rin umuwi ang mga kapatid mo. Nasa probensya ba sila? Wala nang pasok, eh,” anito. “Ah, opo, nasa probinsya sila,” pagsisinungaling niya. “Hindi ka na ba aalis?” pagkuwan ay tanong ni Mang Efren. “Ang totoo niyan, may trabaho ako sa ibang lugar kaya matagal akong mawawala,” sagot niya. “Eh paano itong bahay? Iiwan mo na ba?” “May mga gamit pa ho kami rito. Baka puwedeng huwag n’yo munang ipaupa sa iba.” “Ayaw na ng asawa kong ipaupa ito sa iba. Ikaw lang ang nagustuhan niyang tenant, Jack.” “Salamat naman. Kaso paano ang bayarin ko?” “Puwede ka namang mag-advance kahit magkano.” Bumuntong-hininga siya. Iniwan niya sa salas si Mang Efren saka siya nagtungo sa kanyang kuwarto. Ipinasok niya sa malaking bag ang aklat ng kanyang tiyo, mga notebook at ballpen. Hindi naman niya magagamit ang gadgets niya kaya iniwan niya ang mga ito kay Mang Efren bilang kolateral. Iniwan din niya rito ang ATM card niya na may laman pang mahigit isang-daang libong piso. May tiwala naman siya rito. Iniwan din niya rito ang mga appliances niya. “Baka sakaling maunang makauwi ang mga kapatid ko, kayo na ho ang bahala sa kanila,” sabi niya sa ginoo. “Eh bakit parang ilang taon kang mawawala, Jack?” malungkot na sabi ni Mang Efren. “Hindi po ako sigurado kung hanggang kailan ako mawawala. Basta kayo na po ang bahala.” “Sige.” Hinatid pa nito sa labas ng gate. Mabuti naman hindi nito nakita si Peter na naroon na sa labas at nakatayo sa likod ng palm tree. “Salbahe ang aso na ‘yon, hindi umalis sa ibaba ng puno kaya napatalon ako rito sa labas,” sumbong nito. “Ano naman ‘yang dala mo, Jack?” pagkuwan ay tanong nito nang mapansin ang backpack niya. “Mga gamit ko ito,” sagot niya. Naghanap sila ng malapit na bakanteng lote at doon binuksan ni Peter ang lagusan. Nahulog sila sa harapan ni Haru na nakatayo. Tinutukan pa sila nito ng espada. “Sandali, hindi kami kaaway,” angal ni Peter na kaagad nakatayo. “Ang tagal ninyo,” anito saka ibinalik sa sisidlan ang espada. “Matagal pa ba iyon? Halos wala nga kaming nagawa,” ani ni Peter. Nakatayo naman si Jack at inayos ang kanyang bag. Kunot-noong pinagmasdan ni Haru ang dala niya. “Nagdala ka pa ng basura rito, Jack,” sabi ni Haru. “Hindi ito basura. Mahalagang gamit ang laman ng bag ko.” May dumating namang mga kawal upang palitan sila sa puwesto. Naglakbay sila pabalik sa Golereo. Katumbas na pala ng isang araw ang pag-alis nila ni Peter papunta nila ni Peter sa lupain ng mga mortal. Pagdating sa inuukupa niyang silid ay kaagad niyang binuklat ang aklat ng kanyang tiyo. Binasa niya itong muli upang maalala niya ang ibang senaryo na isinalin niya sa sarili niyang akda. Isang taon na rin kasi simula noong simulan niyang sumulat ng sarili niyang bersyon ng akda ng kanyang tiyo, ang ‘The Underworld’. Mabilis niyang tiniklop ang libro nang may yabag na papasok sa kanyang kuwarto. “Maari kang tumuloy,” pahintulot niya sa panauhin. Hinawi ni Sanji ang kurtina saka tuluyang pumasok. Itinago niya sa kanyang bag ang aklat. Hindi naman ito tuluyang lumapit. Huminto ito may isang dipa ang pagitan sa kanya. Hindi pa siya handang magtapat sa mga elgreto na may kinalaman siya sa pagbabago ng propisiya. Maaring kamumuhian siya ng mga ito. Ayaw niyang mawala ang tiwala ng mga ito sa kanya. Pero sakaling magalit ang mga ito, nakahanda siyang tanggapin ang kaparusahan. “Nais ko lamang magpasalamat sa iyo, Jack,” ani Sanji. “Para saan?” kunot-noong sabi niya. “Dahil sa iyo ay nagiging maluwag ang pakikitungo sa amin ng mga lycan. Pag-uusapan pa namin ang planong pakikipagsundo sa kanila kung kanilang pahihintulutan. Bagaman singkuwenta pursyento na matatanggap kami ng buong angkan ng lycans, susubukan pa rin namin.” Tumayo siya. “Hindi ito dahil sa akin, Sanji. Ito ang nararapat na mangyari at hindi ko pinilit. Naging tulay lamang ako upang mabuksan ang inyong mga isipan. Ipananalangin ko na magiging pabor ang lahat ng lycan,” aniya. “Ngunit ikaw pa rin ang nagsimula ng lahat kaya nagpapasalamat ako, Jack,” giit nito. “Walang nauman, Sanji,” sabi na lamang niya. “Paiigtingin pa namin ang paghihigpit ng seguridad gayong nabatid ni Haring Demetre na nakikialam ang mga lycans sa operasyon namin. Maaalarma sila at isiping pinagkakaisahan namin sila.” “Walang problema basta nakahanda tayo.” “At ngayong nakabukas na ulit ang lagusan, kailangan nating maging alerto.” Tumango siya bilang pagsang-ayon. “Iyon lang ang ipinunta ko rito. Nawa’y huwag kang huminto sa pagsasanay.” “Pangako ko’ng pagbubutihan ko pa.” Malapad siyang ngumiti. “Mabuti. Magpahinga ka na.” Iniwan na siya nito. Nang makaalis si Sanji ay inilabas niyang muli ang libro.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD