NAKATULOG sa sofa sa salas si Jack. Nang magising siya ay mataas na ang araw. Nagmadali siyang naligo at nagbihis. Kahit nahuli na ay pinuntahan pa rin niya si Alona upang sunduin sa bahay ng mga ito. Ganoon ang obligasyon niya sa nobya-ang ihatig at sunduin ito sa paaalan kung saan ito nagtuturo. Pagdating niya ay walang tao. Sarado ang tarangkahan.
Dumiretso siya sa opisina ng publishing company at nag-submit ng manuscript na hinihingi ng mga ito. Lalo siyang nababalisa nang tanungin siya ng kanyang editor tungkol sa ginagawa niyang nobela na nawala.
“Puwede naman nating hatiin ang libro at simulan ang publication nito habang isinusulat mo pa ang ibang parte,” sabi sa kanya ni Jomar.
Magkatabi sila nito habang nakaupo sa harapan ng computer. Ramdam niya ang pananabik ni Jomar na mailathala ang kanyang bagong akda. Iyon pa naman ang inaasahan niya na mag-aangat nang tuluyan sa kanyang karera.
“Mukhang hindi na matutuloy ang kuwento,” malungkot niyang sabi.
“Why?” Napalis ang ngiti ni Jomar. Mataman itong tumitig sa kanya.
Napayuko siya. “Nawala sa files ko ang manuscript. Wala akong nai-save na backup,” aniya.
Napabuntong-hininga si Jomar. “Pero hindi ba’t nai-post mo iyon sa online platform?”
Hindi pa rin siya kontento sa online platform dahil sampung kabanata lamang ang naroon.
“Kulang iyon, hindi sapat para mabuo ko ang nawalang parte.”
“Grabe, kapag minamalas nga naman,” napapailing na sabi ni Jomar habang nakatitig sa monitor ng computer. “Kung hindi mo na maisulat ulit, hayaan mo na lang. Move on and don’t stress yourself.”
Ang inaalala niya ay ang magiging reaksiyon ng mga mambabasa niya online kapag hindi niya naituloy ang kuwento. Iyon pa naman ang maraming nag-aabang kahit temporary lamang ang pamagat na inilagay niya. Iniisip pa niya ang nawawala niyang mga kapatid. Mas mahalaga ang mga iyon.
“Ang laki ng problema ko. Parang hindi ko na kayang magsulat,” aniya, naglabas na ng saloobin.
“Bakit?” nakikisimpatyang tanong ni Jomar. Sinipat siya nito.
“Nawawala ang mga kapatid ko.”
“What?!” Napamata si Jomar.
Pinanghihinaan na siya ng loob. Tumayo siya at nagpaalam kay Jomar.
“Sayang naman kung bigla ka na lang titigil sa pagsusulat. Para mo na ring hinayaan ang sarili mo na makulong sa problema na walang solusyon,” sabi nito.
Natigilan siya. May malalim na kahulugan ang sinabi nito na gumising sa kanyang diwa. Hinarap niya muli si Jomar. Nagkaroon siya ng ideya at lakas ng loob na magpatuloy sa kanyang pangarap.
“Salamat, sir. Babalik ako kapag nakabuo na ulit ako ng kuwento,” masigla nang sabi niya.
Ngumiti lamang si Jomar.
Palabas na siya ng gusali nang mapansin niya na may tumatawag sa kanyang cellphone. Nang hawakan niya ito ay kaagad namang naputol ang tawag mula sa ina ni Alona. Hindi niya maintindihan ang kabang biglang umalipin sa kanya.
Hindi siya mapakali. Kailangan may gawin siya upang maibalik ang mga kapatid niya. Iyon ang dapat niyang unahin. Nagtungo siya sa police station at nai-report ang pagkawala ng mga kapatid niya. Kailangan pa nilang maghintay ng biyente-kuwatro oras bago maideklara na nawawala nga ang mga kapatid niya. Hindi na niya kayang maghintay.
Kailangan niyang makausap ulit si Grego upang makahingi ng suhesyon kung paano niya maisalba ang kanyang mga kapatid. Hindi naman niya alam kung saan ito matatagpuan. Bigla na lang itong sumusulpot at naglalaho.
Pagdating niya sa bahay ay kaagad siyang humarap sa laptop at nagsimulang magtipa. Kinopya niya ang ilang kabanata ng nawalang kuwento mula sa online writing platform. Naisulat niya ang ibang parte na nawala sa abot ng kanyang naaalala.
Pagsapit ng hapon ay pumunta siya sa paaralan kung saan nagtuturo si Alona. Umaasa siya na naroon pa ang dalaga. Nag-abang siya sa labas ng gate. Naglabasan na rin ang mga estudyante. Nakailang tawag na siya pero hindi sinasagot ni Alona ang cellphone nito. Nang wala pa rin ito ay pumasok na siya sa paaralan. Ang huling guro na lalaki ang lumabas ng faculty office ang tinanong niya.
“Sorry, sir, hindi po nag-report ngayong araw si Alona,” sagot nito sa kanya.
Nawindang siya. “Paanong hindi nag-report? Wala ba siyang klase?” usisa niya.
“Meron po. Talagang hindi siya pumasok,” sagot nito.
“Ano ba ang sinabi niya? Nagpaalam ba siya?”
“Hindi nga po niya sinasagot ang tawag ng co-teachers namin.”
Inalipin siya ng kaba. “Sige, salamat na lang,” aniya saka lumisan.
Lumabas na lamang siya ng paaralan at sumakay ng taxi patungo sa bahay nila Alona. Pagdating niya roon ay wala pa rin ang dalaga. Nadatnan niya ang ina nito na aligaga. Umiiyak itong nagsumbong sa kanya.
“Pagpasok ko sa kuwarto niya kaninang umaga wala siya sa loob. Naiwan ang cellphone niya roon,” kuwento ni Aleng Lowela.
Nakaupo na sila sa sofa sa may salas. Inalok pa siya nito ng meryenda. Alas-sais na ng hapon. Imposibleng nasa lansangan pa si Alona. Kilala niya ang dalaga. Kapag may lakad ito ay kaagad tumatawag sa kanya at nagpapaalam. Ganoon din ito sa mga magulang nito.
“Hindi po ba siya nagpaalam sa inyo na may pupuntahan siya?” usisa niya.
“Hindi, eh,” paos nitong sagot. “Maaga siyang natulog. Hindi nga kami nakapag-usap dahil gabi na rin kaming nakauwi ng mister ko mula sa party na pinuntahan namin.”
“Tumawag siya sa akin kagabi, mga bandang alas-onse na. Ang sabi niya ay hindi siya makatulog at pinapunta niya ako rito. Hindi kaagad ako nakarating dahil may nangyaring aksidente sa kalye,” kuwento rin niya.
Nagpunas ng luha ang ale at namimilog ang mga matang tumitig sa kanya. “Nakausap mo pa siya kagabi? Ano ba ang sabi?” anito.
“Iyon lang naman po, pinapapunta niya ako rito,” tugon niya. “Ang kaso pagdating ko rito patay na lahat ng ilaw. Tinawagan ko si Alona pero hindi siya sumasagot.”
“Tiwala naman ako na naroon lang siya sa kuwarto kaya hindi ko na siya inabala. Pero kaninang umaga nang pasukin ko ang kuwarto niya ay wala naman siya. Wala namang nawawala sa mga gamit niya.”
Balisang-balisa na siya. Ayaw niyang isipin na katulad ng mga kapatid niya ay may kumuha rin kay Alona. Hindi siya maaring maghintay na lang kung kailan babalik ang mga ito.
“Maari ko bang pasukin ang kuwarto ni Alona?” pagkuwan ay paalam niya sa ginang.
“Sige.”
Sabay silang tumayo ng ginang. Iginiya siya nito sa ikalawang palapag ng bahay kung nasaan ang kuwarto ni Alona. Hinayaan siya nitong pumasok mag-isa sa kuwarto.
Naiwan sa mesita ang cellphone ng dalaga. Magulo ang kama nito. Dinampot niya ang nakataob na picture frame sa ibabaw ng kama. Nagulat siya nang mapansin na may lamat ang salamin nito-napunit sa gitna ang litrato nila ni Alona.
Tumulin ang t***k ng kanyang puso nang maisip na baka sinadya ng dalaga na punitin ang litrato. Nahigit niya ang paghinga nang pakiramdam niya’y may milyong karayom na tumulos sa kanyang puso.
Kung sumama ang loob sa kanya ng dalaga, wala siyang ibang masisi kundi ang kanyang sarili. Alam niya noon pa na maaring maapektuhan ang relasyon nila dahil sa pagtutok niya sa kanyang pagsusulat. Ang kaso, naging bulag siya at nalulong sa kasikatan.
Uminit ang bawat sulok ng kanyang mga mata at tuluyang lumaya ang maninipis niyang luha. Ang dami niyang pinagsisisihan. Kung sana’y una niyang pinuntahan si Alona at hindi ang pagsunod niya sa pasyente sa ospital-sana ay nalaman niya kung ano ang nangyari rito. Hindi sana ito nawala kung kasama niya ito sa buong magdamag.
Lumingon siya sa pintuan nang pumasok si Lowela. Maagap naman niyang pinahid ng kamay ang bakas ng luha sa kanyang pisngi.
“May problema ba kayo ni Alona, Jack?” usisa ng ginang.
Bumuntong-hininga siya. “Meron po,” gumaralgal niyang sagot. “Masama po ang loob sa akin ni Alona dahil hindi ako sumipot sa anniversary date namin sa tamang oras. Nakalimutan ko kasi dahil sa launching ng book ko. Pero nakapag-usap naman po kami,” kuwento niya.
“Napansin ko kasi na palagi siyang seryoso at mainit ang ulo kapag umuuwi. Ang palagi niyang sinasabi, wala ka raw time para sa kanya. Ang sabi ko naman ay baka talagang nag-a-adjust ka lang.”
“Napag-usapan naman po namin ‘to. Ang kaso, hindi ko rin ini-expect na biglang dadami ang oportunidad na darating sa akin sa loob ng isang taon. Inaamin ko na talagang nawalan ako ng oras sa kanya.”
“Maiintindihan ka rin ng anak ko, Jack. Mahal na mahal ka niya kaya pilit ka niyang iniintindi at sinusuportahan.”
Lalo siyang nakonsensya dahil sa sinabi ng ginang. “Salamat po sa pag-unawa,” aniya.
Dinala niya ang litrato nila ni Alona kahit sira na. Ipinagpaalam naman niya ito kay Lowela. Bumalik sila sa salas at itinuloy ang pag-uusap. Nakinig siya sa kuwento ng ginang tungkol sa mga napapansin nito kay Alona. Sinabi pa nito na madalas magkulong sa kuwarto ang dalaga sa tuwing walang pasok sa eskuwela.
“Alam ko na malungkot siya kaya minsan ay gusto niyang niyayaya akong mag-window shopping at kumain sa labas,” kuwento pa ng ginang.
Habang pinag-uusapan nila si Alona ay lalo lamang naninikip ang dibdib niya. Pakiramdam niya hindi na babalik ang kanyang kasintahan. Ilang buwan siyang nakatutok lang sa pagsusulat kaya hindi niya napapansin na may napapabayaan na pala siya. Nadadala siya sa emosyon ni Lowela habang nagkukuwento tungkol sa anak nito.
“Huwag po kayong mag-aalala, hahanapin ko si Alona,” sabi niya sa ginang. Pilit niyang ikinakalma ang sarili kahit ramdam na niya ang kaba.
“Sige, hejo. Tawagan mo kaagad ako kapag nagkita na kayo,” ani ni Lowela. Panay ang punas nito sa luha.
“Opo. Babalitaan ko kaagad kayo.” Tumayo na siya at nagpaalam sa ginang.
Inabot ng hating gabi sa lansangan si Jack pero hindi niya nakita si Alona. Pinuntahan na niya lahat ng kaibigan nito at katrabaho ngunit walang alam ang mga ito. Umuwi siya at muling binuklat ang libro ng kanyang tiyo.
Nakasaad sa libro na ang mga hadeos ay lumalabas sa tuwing may mga taong nasa gipit ng kamatayan. Pero maaring makuha ang atensiyon ng mga ito sa pamamagitan ng ritwal at orasyon na nakasaad sa libro. Naisip niya, kapag nakuha niya ang atensyon ng mga hadeos, maari siyang mapunta sa ibabang bahagi ng mundo.
Kinopya niya ang orasyon na naisulat ng tiyuhin niya sa unang pahina-sa ibaba ng ginuhit nitong pentagram. Nabasa niya sa instructions na tatlong beses lang sambitin ang orasyon-habang nakalapat ang kaliwang kamay sa pentagram. Sa pamamagitan niyon ay magbubukas ang daan patungo sa ibabang bahagi ng mundo. Sinimulan niyang sambitin ang orasyon.
“Itigil mo ‘yan, Jack!” saway sa kanya ng pamilyar na boses.
Tumigil siya at lumingon sa kanyang likuran. Nakatayo roon si Grego. Tumayo siya at hinarap ito. Nabuhayan siya ng loob nang makita ito. Ito lang ang makakatulong sa kanya.
“Ano ba ang dapat kong gawin?” dismayadong tanong niya. “Nawawala maging ang nobya ko. Nawala rin ang sinusulat kong nobela. May kinalaman pa rin ba rito ang mga hadeos?”
“Katulad ng sinabi ko, kukunin ng mga hadeos ang mga taong mahalaga sa ‘yo. Iyon ang ginawa nila noon sa tiyuhin mo kaya napilitan siya na sumunod sa mga hadeos sa pamamagitan ng kanyang kaluluwa. Ang problema, hindi siya nagtagumpay kaya habang buhay siyang nakulong sa ibabang bahagi ng mundo at kinain ng halimaw roon.”
“Huwag mo sabihing ganoon din ang dapat kong gawin.”
“Hindi, Jack,” anito. Humakbang ito palapit sa libro na inilapag niya sa sahig. “Kaya kita pinigilan na sambitin ang orasyon ay dahil mali ito. Makakapunta ka sa ibabang bahagi ng mundo ngunit bilang kaluluwa. Hindi ka magtatagumpay kung isa ka lamang kaluluwa.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Pumunta ka bilang isang mortal.”
“Paano ako makaka-survive roon?”
“Ang underworld ay may kakayahang baguhin ang isang mortal na naaayon sa lugar. Ang katulad mo na mayroong kakayahang makakita ng mga katulad ko, doon ay magagamit mo ang iyong abilidad. Kung ano ang nakapaloob sa akda ng iyong tiyo, ganoon din ang makikita mo sa ibabang bahagi ng mundo.”
“Paano nangyari ‘yon?”
“Nakuha ng tiyo mo ang ideya noong naglakbay ang kanyang kaluluwa sa ibabang bahagi ng mundo. At sa pagbabalik niya rito, naisulat niya sa libro ang mga natuklasan niya. Inalayan ito ng orasyon na itinuro sa kanya ng matandang babaylan na nakilala niya sa ibaba. Sa pamamagitan ng imahenasyon ng iyong tiyo, nababago ang propisiya sa ibabang bahagi ng mundo”
“At ano naman ang koneksyon ko sa akda? Kinopya ko lang naman ang mga impormasyon at ginawan ng sarili kong bersyon.”
“Nasira mo ang huling silyo ng libro,” sagot nito.
Nawindang siya, naguguluhan. “Hindi ko mantindihan. Anong silyo ba ang sinasabi mo?”
“Ang silyo ay ang pahina na naghahati sa bawat ika-pitong yugto ng kuwento. Sa bawat yugto, mayroong koneksyon sa ibabang bahagi ng mundo. Kapag nasira ang silyo, magbabago ang kaganapan sa ibaba at maaayon ito sa nilalaman ng libro.”
Umiling-iling siya. Hindi pa rin niya maintindihan. Kinuha na niya ang libro at ibinigay kay Grego para ito ang maghanap sa silyo na sinasabi nito. Binuklat naman nito sa bandang dulo ng pahina.
May isang pahina roon na dating nakatupi at mayroong silyo na kulay pula na nakadikit. Kama-kailan lang ay binuksan niya ang nakatuping pahina dahil gusto niyang mabasa ang nasa loob. Doon nagsimula ang panibagong yugto ng kuwento na pumutol sa naunang yugto.
Pinilit niya iyong inalis sa pagkakadikit at hindi na naibalik. Kinopya niya ang mga detalye at isinalin sa sarili niyang bersyon. Ang yugtong iyon ang binago niya at balak niyang baguhin hanggang dulo dahil may naisip siyang mas kapana-panabik na mga senaryo.
“Ito ang silyo na sinasabi ko,” sabi ni Grego.
Unti-unti na niyang nauunawaan.
“At bakit iniba ni Tito ang kuwento at sinilyuhan ang bagong yugto?” tanong niya.
“Dahil hindi na niya kayang labanan ang galit ng mga hadeos.”
“Pero sa huling yugto, napabagsak ng mga mandirigma ang mga hadeos.”
“Oo, pero hindi iyon natuloy dahil sinilyuhan ng tiyo mo ang yugto bago ang huling bahagi. Ang problema, binuksan mo ito kaya nagpatuloy ang propisiya at isinalin mo sa bagong bersyon. Kinuha nila ang huling pahina ng libro ng tiyuhin mo upang hindi matuloy ang pagkawasak ng mga hadeos. Pero hindi iyon naging sapat dahil sa bagong bersyon ng kuwento na iyong ginawa na gumulo sa propisiya,” paliwanag ni Grego.
Hindi siya makapaniwala. Wala siyang alam na ang pagsusulat niya ng libro ay may kaakibat palang sumpa. Aminado siya na kinopya niya ang ideya ng tiyo niya sa libro nito at ibang detalye. Alam niya na plagiarism ang ginawa niyang pagkopya ng ideya. Malakas ang loob niya dahil pag-aari naman ng tiyo niya ang copyright ng libro, at ito ay sariling paglalathala lamang.
“Pero sa palagay ko hindi naman masama ang ginawa ko. Gusto ko lang makapagsulat ng kuwento na kagaya sa isinulat ng tiyo ko,” depensa niya.
“Ang problema lamang, ang silyo na sinira mo ang nagturo sa hadoes sa kinaroroonan ng libro. Naramdaman nila ang pagbabago simula noong nasira ang silyo at nagpatuloy ang kuwento na nagbabago sa propisiya.”
Bumuntong-hininga siya. “Inaamin ko na kasalanan ko pero hindi dapat nila idinamay ang mahal ko sa buhay,” nanlulumong sabi niya.
“Iyon ang ganti ng mga hadoes. Ginawa nila iyon upang ikaw mismo ang sumugod sa kanila at makita ang sitwasyon doon.”
Hindi mapakaling palakad-lakad siya sa harapan ni Grego. Sumasakit na ang ulo niya sa kakaisip.
“So, ano naman ang magagawa ko?” naiiritang tanong niya.
“May kakayahan kang baguhin ang sitwasyon sa ibabang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng iyong imahenasyon, Jack.”
Namangha siya sa pinagsasabi ni Grego. “Hindi pa ba nangyayari ang pagbabago?”
Matiim na tumitig sa kanya si Grego. “Hindi nagbago, Jack, ginulo mo. Kaya ikaw ngayon ang pinag-iinitan ng mga hadeos.”
“Hindi ko maintindihan.” Lalo siyang nalito.
“Hindi mo maintindihan kung narito ka at hindi nakikita ang sitwasyon doon.”
“So, kailangan kong pumunta roon, tama?”
“Iyon ang dapat.”
“Paano?”
“Sumunod ka sa akin.”
Sumunod naman siya rito palabas ng kuwarto. Nakarating na sila sa likod ng bahay na mayroong bakanteng lote.
“Huwag mo nang hanapin ang iyong nobya dahil wala na siya rito sa ibabaw ng lupa,” sabi ni Grego.
“Ano?!” bulalas niya. Inalipin siya ng takot ngunit nanaig ang kanyang galit. “Huwag mo sabihin na pati si Alona ay nakuha ng mga hadeos!”
“Ganoon na nga, Jack.”
Nagtagis ang bagang niya. Kahit walang sapat na kakayahan at lakas ay walang pag-aatubiling pumayag siya na magtungo sa ibang bahagi ng mundo.
“Ngunit hindi ko masasabi kung nasa kamay nga ng mga hadeos ang iyong nobya at mga kapatid,” ani ni Grego.
“Ano?”
“Maraming imortal na nilalang na naninirahan sa ibabang bahagi ng mundo. Hindi mo sila kabisado.”
“Katulad ng mga bampira at lycans?”
“Iyon ba ang nabasa mo sa libro?”
“Walang gano’n sa libro ng tiyo ko pero sa sarili kong bersyon ay mayroong ganoong nilalang.”
Mahayap ang tinging ipinukol sa kanya ni Grego. Tila may hindi ito nagustuhan sa sinabi niya.
“Bago ka tumuloy, mag-isip ka ng milyong beses. Hindi ordinaryo ang papasukin mong mundo, Jack,” sabi nito.
“Sigurado na ako,” dererminadong sagot niya.
“Magbabago ang lahat sa paligid mo. Wala kang ibang dadalhin kundi ang iyong sarili. Ang kailangan mo lang protektahan ay ang iyong isip, na huwag matalo ng mga elementong maaring gugulo sa iyo. Malalabanan mo sila sa pamamagitan ng iyong imahenasyon.”
Bumuntong-hininga siya. Kahit papano ay may mga ideya na siya kung ano ang madadatnan niya sa ibabang bahagi ng mundo.
“Handa na ako,” matatag niyang wika.
Umuklo sa lupa si Grego at inilapat ang kanang palad nito sa lupa. Maya-maya ay nagkaroon ng butas ang lupa at naglabas ng nakasisilaw na liwanag. Tumayo si Grego at umatras.
“Paumanhin, Jack, hanggang dito lang kita masasamahan. Hindi ako maaring sumunod sa iyo,” ani ni Grego.
“Pero posible pa rin ba tayang magkita roon?” nababahalang tanong niya.
“Hindi ako sigurado. Hindi sakop ng aming tungkulin ang ibabang bahagi ng lupa. May ibang anghel na nakararating doon ngunit maari silang mapahamak.”
“Posible ba na ang nakasulat sa libro ng tiyo ko ay nangyayari sa underworld?”
“Hindi ko kabisado ang kuwento. Ang alam ko lang ay ang tungkol sa mga hadeos na isa sa sumasabutahe ng aking obligasyon.”
Naniniwala siya na mabibigyan siya ng proteksyon ng kanyang imahenasyon at pananampalataya. Alang-alang sa mga kapatid niya at kay Alona, papasukin niya ang ibabang bahagi ng mundo.
Lumapit siya sa butas na kasya ang isang tao. Tumingkad pa ang liwanag mula rito. Inihanda niya ang kanyang sarili.
“Tumuloy ka na,” udyok sa kanya ni Grego.
Sinipat muna niya ito. “Salamat, Grego. Pangako, babalik ako rito,” aniya, pilit na ngumiti.
Tumango lang si Grego.
Humarap na siya sa butas at inihulog una ang kaliwa niyang paa. Maalinsangan sa ilalim. Pagkuwan ay pumikit siya at bumuntong-hininga. Nagdasal siya bago tuluyang tumalon sa butas.
“Aaaaahhh!” sigaw niya nang bumulusok siya pababa.