NAGISING si Jack dahil sa nakakikiliting bagay na humahaplos sa kanyang pisngi. Tuluyan na ring nanumbalik ang kanyang huwisyo. Nang magmulat siya ng mga mata ay napabalikwas siya nang tumambad sa kanya ang maputlang mukha ng babae na pulos itim ang mga mata.
“Aaaah!” sigaw niya, napaatras habang nangangatal ang mga tuhod.
Kumislot siya nang bumalya ang likod niya sa malambot na bagay pero malamig. Napalingon siya rito. Napasigaw na naman siya. Ang dami nila! Ang iba ay nakalutang at parang mga kulisap. Ano pa ba ang dapat niyang asahan? Naroon na siya sa lupain ng mga patay.
Tumakbo siya palayo sa mga ito hanggang sa bumulusok siya sa paibabang lupa na kulay itim. Dumaing siya nang bumagsak siya sa matigas na lupa. Nakatihaya siya habang nakatitig sa madilim na kalangitan. Hindi naman kasing dilim ng gabi sa ibabaw ng lupa ang paligid-makulimlim lang. Naaaninag pa niya ang palibot niya. Nababalot ng usok na walang amoy ang kapaligiran.
Nakabibingi ang katahimikan at maalinsangan ang klima. Nagulantang siya nang biglang may maliit na mukha’ng dumukwang sa kanya. Nang sumigaw siya ay tumili ito at nanakbo. Bumangon siya at hinanap ito. Tumulin ang t***k ng kanyang puso dahil sa kaba.
Namataan niya ito na nagtatago sa likod ng itim na punong hahoy na walang dahon. Nakasilip ito sa kanya. Kakaiba ang hitsura ng nilalang na ito. Kayumanggi ang balat nito, kulubot, malalaki ang tainga pares sa daga. Ang mga mata nito ay tila mga mata ng pusa na dilaw ang kulay. Maliit ang ilong nito at bibig. Kasing liit lang ito ng dalawang taong gulang na bata.
Naalala niya-sa libro ng tiyuhin niya ay may mga dwende na mababait at masama. Ito na marahil iyon pero hindi siya sigurado kung mabait ito.
Naibsan ang kaba niya nang mahinuha na tila natatakot din ito sa kanya. Hindi siya sigurado kung ano ang kasarian nito. Wala itong buhok, wala ring saplot sa katawan maliban sa makapal na kayumangging balahibo.
“Uy!” tawag niya rito. “Huwag mo nga akong tinataguan. Kailangan ko ng tulong mo,” aniya.
Lumabas naman sa lungga nito ang dwende. Humakbang ito palapit sa kanya. Inilagay nito ang mga kamay sa baywang. Tiningala siya nito. Siya naman ay yumuko rito.
“Isa kang mortal, tama?” tanong nito sa maliit at matinis na tinig.
“Tama ka,” sagot niya.
“At ano ang iyong ginagawa sa lupain ng mga patay?” kastigo nito.
“Narito ako para sa isang misyon.”
“Anong misyon?” Ibinaba nito ang mga kamay habang hinihimay ng tingin ang kabuuan niya. “Marami nang mortal na napadpad dito ngunit ikaw lamang ang nagsabi na mayroon kang misyon. Huwag mo sabihin sa akin na nanakawin mo rin ang aming mga kayamanan.” Inakusahan pa siya.
Ngumisi siya. “Hindi ako magnanakaw, okay? May hinahanap lang akong tao.”
“Kung talagang hindi ka magnanakaw, maghubad ka!”
Napamulagat siya. “Ano?”
“Narinig mo ako, mortal.”
“Sandali, bakit ako maghuhubad?”
“Sapagkat nasa iyong katawan ang kasangkapan sa paghuhukay ng kayamanan.”
Napakamot siya ng ulo. Para walang gulo at magkaroon siya ng kaibigan, naghubad siya. Mabuti na lang wala siyang dalang kahit anong bagay maliban sa damit. Nang wala na siyang saplot ay sinuri nitong maigi ang kanyang katawan.
“Hm, malaki ang iyong kargada,” wika nito habang nakatitig sa kanyang p*********i.
Hindi niya napigil ang sarili sa pagtawa. “Alam ko na, ikaw ang matandang dwende na makulit pero matulungin,” hula niya.
Humagikhik ang huli. “Napakahusay mong manghuhula, bata. Ang ganda pa ng iyong karakas.”
Napangiwi siya. Ibang klase rin ang nilalang na ito. Kung ito nga ang matandang dwende na may isang libong taon na, lalaki nga ito.
“Puwede na ba akong magsuot ng damit?” tanong niya.
“Sige, gawin mo na,” anito saka siya tinalikuran.
“Anong lugar ba ito?” tanong niya habang nagsusuot ng salawal.
Lumuklok sa munting punsod ang dwende. “Narito ka sa gigilid ng Altereo,” sagot nito.
Pamilyar sa kanya ang nabanggit na lugar. “Ang Altereo na lupain ng mga imortal?”
“Ang galing mo, bata!” Pinalakpakan siya nito. “Ako nga pala si Tero, ang ikatlo sa pinakamatandang dwende sa ibabaw ng impiyerno,” pakilala nito.
“Oo, may ideya ako tungkol sa inyo.”
“Masasama ang lahi namin pero dahil sa mga tao, kaunti na lamang kaming natitira. Alam mo naman ang ibang tao, galit sa mga katulad namin na nakikihati ng lugar sa ibabaw ng lupa.”
“Bakit mas gusto ninyong umakyat sa lupain ng mga mortal?” usisa niya. Nakapagbihis na rin siya.
“Dahil dumarami na ang mga mananakop na imortal sa lupaing ito.”
Mariing kumunot ang noo niya. Paanong dumami, eh mga hadeos at mga lamang lupa lang naman ang nasa libro ng tiyuhin niya?
Bumaba ng punsod si Tero. Naglakad ito patungo sa burol. Sinundan niya ito. Mula sa kinatatayuan nila ay natatanaw ang malawak na kapatagan na natatakpan ng usok. Mistula itong munting siyudad.
“Iyan ang sentro ng Altereo. Lahat ng nilalang na nariyan ay mga imortal,” sabi ni Tero.
Naguguluhan siya. Isinulat niya sa kanyang akda ang Altereo na pinamumunuan ng mga mabalasik na nilalang katulad ng mga bampira at lycans. Sa akda ng kanyang tiyo, ang Altereo ay isang lumang lupain ng mga kaluluwang ligaw na tinutugis ng mga hadeos.
“Noon, payapa ang lupain ng Altereo dahil walang umaabuso. Ngunit ngayon ay mistula na rin itong impyerno,” malungkot na wika ni Tero.
Tama si Grego, nagulo ang kaganapan sa ibabang bahagi ng mundo. At iyon ay dahil sa imahenasyon niya. Wala na siyang balak pasukin ang Altereo. Ang kailangan lang naman niya ay si Alona at mga kapatid niya.
“Alam mo ba kung saan dinadala ng mga hadeos ang mga taong dinadakip nila?” tanong niya kay Tero.
“Hm, alam ko ngunit ayaw kong sabihin,” sabi nito. Hinarap siya nito at tiningala.
“Paano ako makapapasok sa teritoryo ng mga hadeos?”
“Huwag mo nang ituloy ang plano mo, bata. Mapapahamak ka lamang.” Tinalikuran siya nito. Naglakad ito pabalik sa patag. Sinundan kaagad niya ito.
“Pero kailangan kong makita ang mga kapatid ko at nobya na kinuha nila,” aniya.
Umupong muli sa punsod si Tero. Nagdikuwatro ito. “Alam mo ba kung gaano kainit ang teritoryo ng mga hadeos?”
“Oo, mainit na nakapapaso.”
“Sa palagay mo ba may mortal na mabubuhay roon?”
Napaisip siya. “Pero kung wala roon ang mga hinahanap ko, nasaan sila?”
“Hanapin mo. Iyon naman ang ipinunta mo rito, hindi ba?” pilosopong sagot nito.
Nainis siya pero kailangan niyang pahabain ang kanyang pasensiya.
“Kung hindi mo ako matutulungan, sabihin mo na lang sa akin kung saan maaring makita ang mga mortal na napadpad dito,” samo niya.
“O sige, sasamahan kita pero hindi tayo maaring magtagal dahil mahuhuli tayo ng mga hadeos. Kapag nahuli tayo, kanila tayong papaslangin.”
“Sige, masusunod.”
Bumaba sa lupa si Tero at nagpatiunang naglakad. Sumunod naman siya kaagad dito. Bumaba pa sila sa pabulusok na lupain. Mabuti na lang may napulot siyang matibay na sanga ng punong kahoy na siyang ginawa niyang tungkod. Kapag wala siyang tungkod ay tiyak na bubulusok siya paibaba dahil sa matarik na lupain. Si Tero naman ay parang gagamba-makapit ang mga paa sa lupa.
“Hindi mo pa sinasabi sa akin ang iyong pangalan, bata,” basag nito sa katahimikan.
“Ako si Jack Manalasa,” pakilala naman niya.
Bumunghalit ng tawa si Tero. “Pangalan mo pa lang hindi na mapagkakatiwalaan,” sabi nito.
“Ano naman ang katawa-tawa sa pangalan ko?” napipikong tanong niya. “Sa aming mga mortal, may tinatawag kaming apelyido.”
“Alam ko, bata. Matagal din akong palaboy sa ibabaw ng lupa. Pero ang bantot ng pangalan mo,” anito at muling tumawa.
Gusto na niyang tadyakan ang gurang na ito nang mabilaukan ng laway at gumulong pababa. Pero natutuwa siya rito. Kahit papano ay malaki ang maitutulong nito sa kanya.
“Huwag mo akong pagtawanan. Maganda naman akong lalaki,” aniya.
“Oo, maganda nga ang iyong mukha pero mukhang hindi ka masaya.” Seryoso na ito.
Napalis ang ngiti niya. “Tama ka, hindi ako masaya.”
“Huwag kang mag-aalala, dito sa lupain ng mga patay ay lalong magiging malungkot ang buhay mo.”
Napangiwi siya. Malakas ding mang-asar ang nilalang na ito. Hindi na lamang siya umimik.
Bumalik sila sa pinanggalingan niya na maraming kaluluwa. Hindi sila dumaan sa tambayan ng mga kaluluwa kung saan siya bumagsak. Pumasok sila sa makitid na daan na kailangan ay nakatagilid siya para magkasya ang kanyang katawan. Habang palapit sila sa kanilang paroroonan ay umiinit ang klima.
“Huwag kang huminga,” sabi ni Tero.
“Ano? Mamamatay ako kapag hindi ako hihinga,” angal niya.
“Kahit byente segundo lang. Kapag nakalabas na tayo rito, maari ka nang huminga. Masasagap ng mga hadeos ang iyong awra sa pamamagitan ng iyong hininga.”
Pinigil naman niya ang kanyang hininga hanggang sa makalabas sila sa makitid na daan. Hingal na hingal siya pagdating sa malawak na patag sa loob ng kuweba. Mas mainit na roon. Tagaktak na ang pawis niya pero si Tero ay hindi man lang pinagpawisan. Wala atang likido ang katawan nito.
“Dito madalas dinadala ng mga hadeos ang mga taong nadadakip nila bago patayin at ipakain ang kaluluwa sa kanilang hari,” sabi nito.
“Si Haring Demetre na hari ng underworld, tama?” aniya. Kasama sa libro ang detalye tungkol sa hari ng lupain ng mga patay.
“Bakit ang husay mong manghula, bata?” nagdududang tanong ni Tero.
“Ahm, nanaginip ako tungkol dito. Hindi ko akalain na totoo pala,” pagsisinungaling niya.
“Hm, napakaimposible mong mortal. Hindi bale, magagamit mo ang iyong kaalaman sa lugar na ito.” Naglakad ito patungo sa maliit na pintuan. “Sumunod ka sa akin at huwag kang magsalita ng kahit ano ngunit maari kang huminga,” sabi nito.
Sumunod naman siya. Mababa lang ang pintuan kaya kailangan niyang yumukod habang naglalakad sa pasilyo na makitid at namumula ang paligid. Mas mainit na roon-nakapapaso ng balat. Patungo na ata sila sa impiyerno.
“Sandali, hindi ko na kaya ang init. Mauubusan ako ng mineral sa katawan,” reklamo niya.
“Sandali lang ito. Pagkatapos ay malamig na sa dulo,” sabi naman nito.
Tama si Tero, pagdating nila sa dulong bahagi ng daan ay malamig na at may bukal siyang nakikita. Nasabik siya sa tubig.
“Maari ba akong uminom sa bukal?” tanong niya sa kasama.
“Oo naman. Malinis ang tubig na iyan at may kakayahang palakasin ang iyong katawan. Isa lamang iyan sa likas na yaman ng lupaing ito.”
Tumakbo siya patungo sa bukal at sumalok ng tubig gamit ang kanyang mga kamay. Sabik na hinigop niya ang tubig na tila may yelo. Pawing-pawi ang matinding pagkauhaw niya.
Pagkuwan ay tumuloy na sila sa huling bahagi ng yungib. Nawindang siya sa kanilang nadatnan. Maraming tao ang nakapiit sa bawat dibisyon ng yungib na mayroong rehas na yari sa bato. Isa-isa niyang tiningnan ang nakahilirang pitong piitan. Wala roon ang mga kapatid niya at si Alona. Bigla siyang nanlumo.
“Wala ba sa mga iyan ang iyong hinahanap?” tanong ni Tero.
Umiling siya. “Wala sila rito.”
“Kung gano’n dapat kang magpasalamat, bata.”
Manghang napasulyap siya kay Tero. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Ibig sabihin nito, hindi mamamatay rito ang mga mortal na hinahanap mo. Maaring dinala sila sa ibang bahagi ng lupaing ito.”
“Saan naman sila dinala?”
“Walang iba kundi sa Altereo.”
Natigagal siya. Iyon ang lugar na ayaw niyang mapuntahan.
Maya-maya ay hinatak siya ni Tero at sabay silang tumakbo palabas sa makitid na pintuan. Bumulusok sila sa mailalim na lupa. Nagkabungguan pa sila bago tuluyang bumagsak sa patag na lupain.
“Aray ko,” nakangiwing daing ni Tero nang naunang bumagsak ang ulo nito sa lupa. Nakaangat ang mga paa nito.
Siya naman ay nakadapa at nakatingin dito. Hindi naman siya gaanong nasaktan dahil makapal ang damong binagsakan niya. Kaagad siyang lumuklok.
“Bakit ba kasi tayo tumakbo?” tanong niya sa kasama, na noo’y nakaupo na.
“May parating kasing mga hadeos. Hindi mo sila ramdam dahil isa kang mortal,” anito.
“Paano ko ba maramdaman ang presensiya nila?”
“Gamitin mo ang iyong imahenasyon upang masagap ang mga negatibong enerhiya. Paano gawin? Kailangan mong buhayin sa iyong diwa ang mga hadeos.”
Kumibit-balikat siya. “Nasa isip ko sila pero madalas ay nababalewala ko. Iniisip ko na hindi sila totoo.”
“Simulan mo nang tanggapin na totoo nga sila.” Tumayo si Tero.
Tumayo na rin siya at sumunod dito sa burol. Natatanaw nila ang Altereo. Sa kanyang bersyon ng nobela, ang Altereo ay nahahati sa tatlong bayan. Ang pinakamayamang bayan ay ang Embareo-na pinamumunuan ng mga bampira. Ang medyo mataas na lupain ay ang lupaing nasasakop ng mga Lycan at hybrid lycanthrope na nagmula sa mortal at dumaan sa reincarnation-iyon ang Lutareo. At ang Golereo, lupain ng Elgreto, grupo ng mga mandirigma, mangangaso, at assassin.
“Gusto kong maglakbay sa Altereo,” seryosong wika niya.
“Sigurado ka ba riyan, bata?” Tiningala siya ni Tero.
“Sigurado ako, Tero. Hindi ako uuwi hanggat hindi dala ang mga mahal ko sa buhay,” matapang niyang tugon.
“Ikaw ang bahala. Ngunit asahan mo ang panganib na iyong tatahakin. Hindi kita maaring samahan dahil wala akong lugar sa Altereo. May mga lamang lupa na kagaya ko roon ngunit mga maharlika sila at mabubuti. Ang katulad ko ay isang basura lamang sa Altereo na itinatapon sa kawalan.”
“Kahit hindi mo na ako samahan. Ituro mo lang sa akin ang daan.”
“Sige.”
Sinamahan siya ni Tero sa paglalakabay hanggang sa makarating sila sa kagubatan ng Altereo. Nilabanan niya ang kanyang takot sa nakakikilabot na lugar.
“Maraming kaluluwang ligaw sa kagubatang ito. Malalabanan mo sila sa pamamagitan ng iyong imahenasyon. Huwag mong pansinin ang iyong maririnig, o kahit pa dampian nila ang iyong balat. Alisin mo sila sa iyong diwa at isipin ang liwanag na gusto mong makita,” habilin sa kanya ni Tero.
“Naintindihan ko. Salamat sa tulong mo.”
“Walang anuman.” Tinapik ni Tero ang hita niya. “Hanggang dito na lamang ako, Jack. Nawa magtagumpay ka sa iyong misyon. Umaasa ako na magkikita tayong muli.”
Sinipat niya si Tero na umaatras na. Kumaway ito sa kanya. Nang maglaho ito ay sinimulan na niyang maglakad papasok sa may kadiliman at tahimik na kagubatan. Ganito ang hitsura ng kagubatan sa napapanood niya sa horror movies.
Kailangan niyang maging matapang. Diretso ang tingin niya habang binabaybay ang mahabang daan. Nang naroon na siya sa gitna ay marami na siyang naririnig na samu’t saring ingay. May naririnig siyang mga daing, halinghing, hagulgol at halakhak.
Maya-maya ay may malalamig na hanging bumabalya sa kanyang katawan. Upang maaliw ang kanyang diwa, inisip niya ang masasayang sandali niya kasama si Alona. Kahit may nararamdaman siyang malamig na mga kamay na humahaplos sa kanyang mukha ay hindi siya natinag.
Huminto siya sa paghakbang nang may malamig na kamay na kumapit sa kaliwang binti niya. Nawala siya sa konsentrasyon. Iniwaksi niya ang maputlang kamay na ito saka siya tumakbo nang mabilis. Sinusundan siya ng mga kaluluwang ligaw ngunit hindi siya lumilingon. Alam niya kapag lilingon siya ay maari na siyang maligaw. Isang kalsada lang ang kailangan niyang tahakin, ang tuwid na daan.
Pagdating niya sa maaliwalas na bahagi ng karuwagan ay bumulaga sa kanya ang malaking halimaw-ang katawan ay tao ngunit aso ang ulo na may mahabang buhok, mapupulang mga mata at malalaki ang pangil. Ito ang lycan na naisulat niya sa nawala niyang nobela. Ang mga lycan ay kayang magpalit ng anyo kahit walang buwan-taliwas ito sa karaniwang werewolves na nakapagpalit ng anyo sa tuwing may buwan lamang.
Humarang ito sa daraanan niya. Hindi siya maaring bumalik. Kailangan niyang labanan ang kanyang takot. Pumikit siya saka tumakbo paiwas sa lycan. Inisip niya na may darating na nilalang na pipigil sa lycan. Kailangang mabuhay ang imahenasyon niya.
Nahagip siya ng malakas na braso ng lycan at tinangay habang mabilis itong tumatakbo.
“Pakawalan mo ako!” nagpupumiglas niyang sigaw.
Huminto sa tuktok ng burol ang lycan at inilapit ang kanyang ulo sa malaking bibig nito.
“Ano’ng ginagawa mo sa lugar na ito, mortal?” tanong nito sa mala-kulog na boses.
“M-may hinahanap akong mga tao,” sagot niya sa nanginginig na tinig.
“Hindi mo ba alam na ang pagpasok sa Altereo ay isang pagsusugal ng buhay?”
“Alam ko pero kailangan ko itong gawin.”
Pinisil pa nito ang katawan niya.
“Aaaaaaaah!” nasasaktang sigaw niya.
Maya-maya ay bigla siyang nabitawan ng lycan. Bumagsak siya sa lupa. Hindi pa siya nakabangon ay dinaganan na siya ng malaking braso ng halimaw na ito.
“Ugh!” daing niya.
Pakiramdam niya’y napisa ang bituka niya. Nahihilo siya, naninilim ang kanyang paningin.