NAHIMASMASAN si Jack nang maalis ang mabigat na nakadagan sa kanya. Hindi siya kaagad nakatayo dahil namulikat ang kaliwang binti niya. Napatingin siya sa payat, mapuputi pero mahahabang biyas na nakatayo sa kanyang harapan. Unti-unti siyang nag-angat ng mukha.
May maikling na palda ang babae na kulay putek. Nakalantad ang pusog nito. Kulay putek din ang maliit na sleeveless shirt nito. May sukbit itong pana sa kaliwang palikat nito. Hinahangin ang mahabang manipis nitong buhok na kayumanggi. Bilugan ang mukha nito, may matutulis na tainga, maninipis na kilay, at ang singkit na mga mata ay mayroong berdeng eyeballs.
Inilahad nito ang kamay nito sa kanya. Humawak naman siya rito at dahan-dahang iniangat ang kanyang sarili. Lumuklok muna siya sa lupa at hinilot ang namanhid niyang binti. Lumingon siya sa kanyang likuran. Nakabulagta roon ang malaking katawan ng lycan na walang malay.
“Paano ka nakarating sa lugar na ito, binata?” tanong ng babae. Matinis ang boses nito.
Ibinalik niya ang kanyang tingin dito. Nakatayo pa ri ito sa kanyang harapan. Kumalma na rin ang kirot sa kanyang binti. Tumayo na siya. Magkasing tangkad lang sila ng babae. Isa marahil itong Elgreto. Malalaking nilalang din ang mga ito kumpara sa ordinaryong tao.
“May anghel na tumulong sa akin para makarating ako sa lupaing ito,” kaswal niyang sagot.
“At ano ang iyong kailangan dito?”
“May hinahanap akong mga tao na dinala rito ng mga hadeos.”
“Alam mo ba na mapanganib ang lugar na ito para sa mga mortal?”
“Alam ko pero nakahanda naman akong harapin ang panganib.”
“Huwag kang mayabang. Kung hindi ako dumating ay maaring naging hapunan ka na ng mga lycan.” Nilapitan nito ang walang malay na lycan at hinugot ang palaso na nakatarak sa likod ng halimaw. Ito pala ang pumana sa lycan kaya siya nakawala.
“Ano’ng pangalan mo?” pagkuwan ay tanong nito sa kanya. Ibinalik nito ang palaso sa sisidlan nito sa likod.
“Jack ang pangalan ko,” pakilala naman niya.
“Tawagin mo akong Souljen. Ako ang nanghuhuli ng mga kaluluwang ligaw sa lugar na ito upang ilayo sila sa panganib. Isa akong Elgreto,” pakilala naman nito.
Nabasa niya ang pangalan nito sa aklat ng kanyang tiyo pero hindi niya isinama sa kanyang bersyon.
“Ahm, salamat sa pagligtas mo sa akin,” aniya pagkuwan.
Nilapitan siya nitong muli. “Walang anuman. Ngunit hindi ka maaring palaboy lang dito sa gubat. Sumama ka sa akin,” anito. Nagpatiuna na itong naglakad.
Sumunod naman siya rito. Malayo pa ang nilakbay nila bago sila makarating sa patag na lupain na tila maliit na bayan. Ito na marahil ang bayan ng Golereo. Mainit ang klima sa lugar na iyon. Pinagpapawisan siya kahit wala namang araw. Makulimlim ang paligid.
Ang tahimik ng bayan. Wala siyang makitang ibang nilalang na pakalat-kalat. Kakaiba ang mga bahay roon, gawa sa adobe. Pumasok sila sa pinakamalaking headquarter. Para lang itong malaking bundok na inukit upang magkaroon ng mga pinto at bintana. Mainit lalo sa loob dahil mga apoy lang ang nagsisilbing ilaw.
“Ito ang Golereo Akademia. Ito rin ang tambayan ng mga mandirigmang Elgreto,” sabi ni Souljen habang iginigiya siya sa nagsisilbing bulwagan.
Namangha siya sa malawak na pasilidad. Maraming mga Elgreto roon, naghihiyawan. Sa gita ay mayroong nagduduwelong dalawang lalaki gamit ay mga espada. Mga walang damit pan-itaas ang mga lalaki.
Ang ilang Elgreto ay napapatingin sa kanila. Nagsisigawan ang iba. Malalaking nilalang ang mga ito kaya hindi niya masilip ang kaganapan sa gitna. Sumunod siya kay Souljen hanggang sa maluwag na pasilidad. Sumakit ang tainga niya dahil sa ingay ng mga bakal na pinapalo ng malaking martilyo. Idinadarang sa apoy ang mga itak. Pagawaan pala roon ng mga itak at espada.
Hinahapo na siya pagdating nila sa isa pang silid. Nadatnan nila roon ang matangkad na lalaki na nagsasanay sa paggamit ng espada. Hubad-baro ito. Tanging kulay putek na salawal ang suot nito pag-ibaba, nakapaa, ga-balikat ang maalong buhok. Ang laki ng katawan nito.
Namangha siya nang mahiwa ng espada nito nang sabay ang limang troso na nakahilira sa harapn nito. Ang liksi nitong kumilos. Ibinalik nito sa sisidlan ang espada saka humarap sa kanila. Hindi pa niya kabisado ang mga mukha ng taga-Golereo dahil hindi pa niya naiguhit ang mga ito. Pero hula niya ito si Sanji na dakilang swordsman.
“May bisita pala tayong mortal, Souljen,” sabi nito sa baritonong tinig.
“Naabutan ko siya sa kagubatan ng Lutareo at dinakip ng lycan,” sabi naman ng babae.
“Iwan mo na siya sa akin. Ako ang bahala sa kanya,” utos naman ng lalaki.
Umalis naman kaagad si Souljen. Kinakapos na ng hininga si Jack. Ang dami nang pawis ang nawala sa kanya. Para siyang nakadarang sa apoy dahil sa init ng klima. Hindi ata siya mabubuhay sa lugar na iyon.
“Sumunod ka sa akin, bata,” sabi ng lalaki.
Sumunod naman siya rito sa silid na hindi masyadong mainit. Mas maluwag doon, may hagdanan paakyat. Sinalubong sila ng hindi katangkarang lalaki pero malaki ang pangangatawan. Hubad-baro rin ito. Malayo pa lang ay nakangiti na ito.
“Aba, may naligaw na mortal dito,” sabi nito.
“Tawagin mo akong Sanji,” sabi ng katabi niyang lalaki. “Ako ang namumuno sa akademiya na ito.”
“At ako naman si Peter. Dati rin akong mortal,” pakilala naman ng isa na sumabay na rin sa kanila.
Namangha siya. Totoo lahat ng nasa libro ng tiyo niya. “Ang pangalan ko ay Jack,” aniya.
“Maligayang pagdating sa siyudad ng Altereo, Jack. Nawa’y magiging komportable ka rito,” ani ni Peter.
Umakyat sila sa ikalawang palapag. Hindi na gaanong mainit doon. Pumasok sila sa malawak na bulwagan na may mahabang lamesa na yari sa bato. Maraming kakaibang pagkain na nakalatag doon. Tamang-tama, nagugutom na siya.
“Maari ba akong uminom?” hindi natimping tanong niya sa mga kasama.
“Sumunod ka sa akin,” sabi naman ni Peter.
Naghiwalay sila ni Sanji. Dinala siya ni Peter sa malalaking balon. Puno ng tubig ang mga ito na natatakpan ng malapad na bato. Mayroon ding tasa na yari sa bato.
“Hayan, sumalok ka ng tubig,” ani ni Peter.
Sabik siyang sumalok ng tubig gamit ang tasang bato. Ang lamig ng tubig at manamis-namis. Nakalimang baso siya.
“Dito sa Golereo, mainit ang klima dahil sa lupaing ito sumisingaw ang init mula sa impiyerno. Kailangan mong maghubad ng damit, Jack.”
Hinarap niya si Peter. Magaan ang loob niya rito sa una pa lang ng pagkikita nila. Bukod sa dati itong mortal, ramdam niya na mabuti itong kaibigan. Ganoon din naman ang naramdaman niya kay Sanji kahit seryoso.
Sumunod siya kay Peter sa silid na may mga damit na yari sa balat ng uso. Wala siyang makitang damit pan-itaas maliban sa vest na hanggang dibdib lang o leeg. Karamihan ay salawal. Para siyang bumalik sa panahon ni Tarzan. Isinuot niya ang salawal na kayumanggi.
Pagkatapos ay bumalik sila sa hapag. Niyaya siya ni Sanji na kumain. Mga inihaw na karne ng asong bundok ang karamihan sa pagkain. Hindi niya kilala ang ibang putahe. Ang nagsisilbing kanin ng mga ito ay kulay dilaw at mapakla.
“Ano ang pakay mo rito, bata?” tanong ni Sanji. Nakaupo ito sa kanyang harapan.
“Hinahanap ko ang mga kapatid ko at nobya na kinuha ng mga hadeos,” sagot niya, diretso ang tingin kay Sanji na mabilis pumapak ng malaking karne.
Pansin niya, hindi gaanong luto ang karne. Ang iba ay may dugo pa pero malasa. Maswerte na rin siya dahil sa kamay ng mga elgreto siya napadpad.
“May mga tao kaming nasagip mula sa mga hadeos. Maari mo silang tingnan baka sakaling naroon ang iyong mga hinahanap,” sabi nito.
Nagagalak siya sa sinabi nito. “Salamat, Sanji.”
“Maraming mga tao ang naiwan dito dahil sarado ang lagusan ngayon patungo sa lupain ng mga mortal. Isinara ito ng dyosa ng lupain ng mga patay upang maiwasan ang paglabas-masok doon ng mga kaluluwang ligaw at mga lamang lupa. Dahil din sa kanila ay naiingganyo ring umakyat ang mga lycan at bampira.”
“Kung gan’on, hindi na maaring makauwi ang mga tao?” nababahalang tanong niya.
“Kailangan nating maghinay ng takdang panahon kung kailan mabubuksan muli ang lagusan. Subalit ang dyosa na si Ramona ay inatasan kami na bantayan ang lagusan oras na ito’y muling mabuksan.”
“Pero ang mga hadeos ay nakararating pa rin sa lupain ng mga mortal.”
“Sapagkat mayroon silang sariling lagusan mula sa kanilang kaharian.”
“Paano sila mapipigilan? Marami na silang nadakip na mga tao.”
“Hindi sila mapipigilan hanggat buhay pa si Haring Demetre.”
“Kaya pala kailangang mamatay si Haring Demetre. Iyon ang tanging paraan para matigil ang mga hadeos,” usal niya. Natitigilan siya sa pagsubo ng karne.
“Hm, mukhang marami kang alam, Jack,” nagdududang gagad ni Sanji.
Matamang tumitig siya rito. “Kuwan, may nakilala akong anghel na nagkuwento sa akin tungkol sa mga hadeos. Si Grego, na anghel ng kamatayan,” aniya. Hindi niya maaring sabihin dito na may kinalaman siya sa propisiya ng ibabang mundo.
“At paano ka nagkaroon ng kakayahan na makita ang isang anghel?” usig nito.
“Ano kasi, bata pa lang ako ay nakakikita na ako ng mga supernatural creature. Hindi ko naman siniseryoso iyon pero bigla na lang itong nangyayari sa akin,” aniya. Kumibit-balikat siya.
“May kilala rin akong mortal na kagaya mo, dalawang dekada na ang nakararaan. Ang pangalan niya ay Lucio, subalit pinatay siya ng mga hadeos.”
Nawindang siya. Kilala nito ang kanyang tiyo. Hindi na lamang siya kumibo. Kailangan walang makaaalam na may kaugnayan siya sa kanyang tiyo baka matunton siya ni Haring Demetre.
Pagkatapos kumain ay si Peter ang kasama ni Jack na pumunta sa bahay ng mga tao. May mga nagbabantay roon na mga elgreto. May kataasan ang bahagi ng lupaing iyon kaya hindi ganoon kainit ang klima.
“Huwag kang magtaka bakit bihira sumisikat ang araw rito,” sabi ni Peter habang papasok sila sa bahay na bato.
“Dahil ba sa lalim ng lupain?” hula niya kahit alam niya ang dahilan.
“Tama. Ang araw ay sumisikat lamang sa itaas na lupain ng Lutareo at ito’y isang beses sa kalahating taon lamang lumilitaw. Mabilis lang naman ang paglipas ng araw rito. Ang isang araw sa lupain ng mga mortal ay katumbas ng tatlong araw rito. Hindi mo mamamalayan dahil hindi ka tagarito.”
“Dati kang mortal, hindi ba? Paano ka napadpad dito?” usisa niya.
“Dinakip ako ng mga hadeos pero iniligtas ako ng mga elgreto. Dahil malapit na akong mamatay, isinalang nila ako sa ritwal na magbabago sa akin. Naging elgreto na rin ako,” kuwento nito.
Hinarang sila ng kawal pagdating nila sa malaking pintuan. Nakipagtalo pa si Peter sa kawal na iniharang ang espada sa daanan.
“Ano ba, ilang beses na akong pumasok dito,” reklamo nito sa bantay.
“Ipinag-uutos ng punong mangangaso na huwag magpapasok ng elgreto na hindi rehistrado sa bahay ng mga tao,” sabi naman ng kawal.
“Ngunit napag-utusan ako ni Sanji na samahan ang mortal na ito upang tingnan ang mga tao.”
“Ang mortal lamang ang maaring pumasok.”
Napakamot ng ulo si Peter.
“Hindi bale, Peter, kaya ko nang mag-isang papasok,” apela naman niya.
“Kahit kailan talaga ay napakakonserbatibo ng punong mangangaso. Palibhasa tumatanda na,” angal ni Peter.
Hindi na kumibo ang kawal. Ibinaba na nito ang espada at pinapasok siya. May sumalubong naman sa kanya na lalaking kawal at iginiya siya sa ikalawang palapag. Marami ngang mortal doon. Isa-isa niyang tiningnan ang mga ito. Wala siyang kilala kahit isa.
Nanlumo siya nang hindi niya nakita ang kanyang mga kapatid at si Alona. Malungkot siyang lumabas ng bahay. Sinalubong naman siya ni Peter.
“Ano, nakita mo ba ang iyong hinahanap?” nakangiting tanong nito.
Umiling siya. “Wala sila rito,” walang buhay niyang tugon.
Sabay na silang naglakad pabalik ng akademiya.
“Ikinalulungkot kong malaman,” nakikisimpatyang sabi nito.
“Saan pa ba sila maaring makita?” tanong niya.
“Kung napunta sila sa kamay ng mga lycan, malamang matagal na silang kinain ng mga iyon. Pero maaring naroon sila sa bayan ng Embareo.”
“Sa lugar ng mga bampira?” Sinipat niya si Peter.
Kunot-noong tumitig ito sa kanya. “Oo, sa lugar ng mga bampira,” anito at hindi na kinuwisyon ang kanyang nalalaman.
“Paano ako makapupunta roon?”
“Naku! Sinasabi ko sa ‘yo, kung makapupunta ka man doon ay hindi ka na makababalik nang buhay.”
“Hindi ba ninyo napapasok ang lugar na iyon?”
Kumibit-balikat si Peter. “Hindi sapat ang lakas namin upang mapasok ang bayan ng Embareo. Malalakas ang mga bampira,” anito sa malamig na tinig.
“Ngunit maari kayong magkaisa upang matalo sila.”
“Tama ka. Ngunit dahil sa impluwensya ng mga hadeos, naging mas malakas ang mga bampira. Gusto nilang pagharian ang buong Altereo.”
“Paano ang mga lycan? Hindi ba sila lumalaban?”
“Ang mga lycan lamang ang may kakayahang sumugod sa Embareo. Ang aming mga mandirigma ay pinuprotektahan lamang ang bayan ng Golereo, at sinasabat ang mga bampirang nais lumusob dito.”
Naisip niya, kaya pala naubos ang mga elgreto sa huling bahagi ng akda ng kanyang tiyo dahil sa mga hadeos. Pero sa huli, ang nagwasak sa mga hadeos ay ang mga taong ginabayan ng mga anghel. Pero hindi na mangyayari iyon dahil nabago na ang istorya. Dumating ang mga bampira at lycan, na siyang nagpagulo sa propisiya. Iyon ay dahil sa pangahas niyang imahenasyon na idagdag sa kuwento ang dalawang mabalasik na nilalang.
BALISA si Jack habang nakahiga sa matigas na papag na yari sa bato. Naglatag lamang siya ng makapal na balahibo ng uso. Maalinsangan naman ang klima. Ginugupo na siya ng antok.
Nakalilimot na siya nang biglang may malamig na hanging dumampi sa kanyang pisngi. Napabalikwas siya. Nawala ang kanyang antok. Tumayo siya at naglakad palapit sa bintana na may rehas na yari sa bato. Saktong pagsilip niya ay may humampas sa binata.
“Hump!” Napaatras siya.
Nanlaki ang mga mata niya nang matanaw niya sa labas ang malaking tila paniki na kulay puti at lumilipad. Pabalik-balik ito sa kinaroroonan niya. Tumulin ang t***k ng kanyang puso.
“Gumagala na naman ang mga aplipores ng Dracula.”
Kumislot siya. Marahas siyang lumingon sa babaeng nagsalita. Si Souljen. Hindi man lang niya namalayan ang pagpasok nito.
“Dracula?” sambit niya.
Lumapit din sa binata si Souljen at sumilip. “Oo. Naamoy kasi nila na may mga tao rito,” sabi nito.
Pareho silang nagulat nang hampasin ng malaking pakpak ng bampira ang bintana. Nawasak ang dalawang rehas na bato. Napayuko siya. Si Souljen naman ay humugot ng palaso at inilagay sa pana nito. Inabangan nito ang pagbabalik ng kalaban.
“Ikaw ang naamoy niya, Jack. Lumabas ka rito!” ani ni Souljen.
Tumakbo naman siya palabas ng kuwarto. Dahil sa pagkataranta ay naligaw siya. Napasok niya ang kuwarto na mga babae ang naroon na walang mga damit.
“Aaaah!” sigaw ng kababaihan.
“Naku, sorry!” Tumakbo siya pabalik. Bakit kasi walang mga sara ang bawat pintuan ng mga kuwarto?
Nasalubong niya si Peter. “Sinasalakay tayo ng mga embareons!” bulalas ni Peter. May hawak itong pana.
Naalala niya, mga embareons ang tawag sa minions ng hari ng mga bampira. Siya ang lumikha sa mga iyon sa kanyang akda. Sumama siya kay Peter sa unang palapag. Nabulabog ang mga nilalang doon. Siya naman ay hindi malaman ang gagawin. Binigyan siya ni Peter ng isang dipa na matibay na sanga ng kahoy at matulis ang dulo. Proteksyon daw niya iyon sakaling may makapasok na embareon.
Nanginig ang mga tuhod niya sa takot nang makita niya ang hitsura ng embareon na nahuli ng isa sa Elgreto. Ang katawan nito ay katulad sa katawan ng paniki pero ang ulo ay katulad sa tao. Mahaba nga lang ang nguso nito, mga tainga at dila. Napakalaki nito. Kasing laki rin ng tao ang katawan at malalapad ang pakpak. Bumagsak ito sa harapan niya na nakalabas ang dila.
Nang lalapitan na niya ito ay bigla itong gumalaw. Pumiksi siya nang kapitan ng mahaba nitong dila ang kaliwang binti niya.
“Aaaah!” sigaw niya pero gigil namang sinasaksak ng dulo ng kahoy ang dibdib nito.
Sumalampak siya sa sahig nang pakawalan nito ang binti niya. Nangingisay na ito. Ganoon din ang labis na panginginig niya.