ITINIGIL ni Jack ang pagsaksak sa halimaw nang hindi na ito gumagalaw. Naglaho rin ang kilabot niya. Hiningal siya nang mahimasmasan. Biglang tumahimik. Sarado na ang tarangkahan ng akademiya.
“Jack!”
Lumingon siya sa kanyang likuran. Tumatakbo patungo sa kanya si Souljen. Tinadyakan nito ang walang buhay na halimaw. Dumating naman si Sanji at tinusok ng espada sa tiyan ang halimaw. Namangha siya nang kaagad naging abo ang katawan ng halimaw. Pakiwari niya’y yari sa pilak ang espada nito. Kamatayan ng mga bampira ang pilak.
“Nangyayari na ang kinakatakutan ko,” usal ni Sanji.
“Bakit tayo ang binabalingan ng mga bampira? Hindi tayo ang naghahamon ng gulo kundi ang mga lycan. Pinuprotektahan lamang natin ang bayang ito,” dismayadong sabi ni Souljen.
“Dahil sa propisiya,” ani ni Sanji. Lumakad ito palabas ng gusali.
Kinakabahan si Jack, nakokonsensiya. Tama si Grego, dahil sa kanya ay nagulo ang propisiya ng ibabang bahagi ng mundo. Gusto niya ng maaksiyong mga kaganapan sa kuwento kaya binago niya ang kalakaran sa ibabang bahagi ng mundo. Nagkaroon ng digmaan sa tatlong lahi na naninirahan sa Altereo.
Kumislot siya nang tapikin siya ni Souljen sa balikat. Matamang tumitig siya rito. Nagtataka siya, bakit nangyayari pa rin ang propisiya kung binura ng mga hadeos ang akda niya?
“Huwag kang matakot. Jack. Hindi namin hahayaang mapahamak ang mga nilalang na narito sa Golereo,” kaswal na wika ni Souljen.
“Masasanay rin ako,” aniya.
“Ngunit upang protektahan ang iyong sarili, kailangan mo ring matutunang gumamit ng mga sandata at matutong makipaglaban.”
Bigla siyang nasabik. “Oo, kailangan ko nga iyon.”
“Magpahinga ka na.”
Tumango siya saka lumisan. Bumalik siya sa inuukupa niyang kuwarto. Pagsilip niya sa bintana ay namangha siya nang maliwanag na roon. May nakalulusot na mumunting sinag ng araw. Maaring dahil sa liwanag mula sa araw kaya biglang umurong ang mga embareon.
Wala siyang ideya kung paano nabibilang ang oras at araw sa lugar na iyon. Nararamdaman na lang niya ang body clock niya, sa oras na kailangan na niyang matulog. Maaring gabi na sa lupain ng mga mortal.
Nagmumuni-muni si Jack habang nakahilata sa papag. Inaalala niya ang mga sinabi sa kanya ni Grego. Nangyayari pa rin ang propisiya ayon sa akda niya ngunit maaring walang katapusan dahil hindi ito natapos sulatin. Ang sitwasyon ay iikot lamang sa kung saan siya huminto.
Bumalikwas siya. “Hindi maaring hindi ko matapos ang kuwento. Maraming inosenteng buhay ang mawawala dahil sa kasamaan ng mga hadeos at mga bampira,” wika niya.
Ang masama nito, natigil siya sa pagsusulat sa parte na ang mga bampira ang nakaaangat. Ngayong naroon siya sa sitwasyon, pinagsisihan niya ang kapangahasan ng kanyang isip sa paglikha ng mga nilalang na magpapahirap sa mga taga-Golereo at mga taong nakakulong sa Altereo.
Hindi siya nakatulog. Sumilip siya ulit sa bintana na dalawang rehas na lamang ang natira. Makulimlim na naman. Wala na ang sinag ng araw. Lumabas siya ng kuwarto at gumala sa ibang pasilidad sa ikalawang palapag.
Dinala siya ng kanyang mga paa sa silid na mayroong iba’t ibang uri ng armas. Lumapit siya sa pader na may nakasalansan na iba-ibang desinyo at kulay na mga espada. Mula sa ginto, pilak at tanso, meron ding bakal at kahoy. Nakamamanghang pagmasdan ang mga ito. Sa ibang bahagi ng pader, nakasalansan ang iba-ibang uri ng pana, itak, mga punyal, at kung anu-ano pang sandata.
Gusto niyang matutunan gamitin lahat ng sandata ngunit ang una niyang kinuha ay ang pilak na espada. Naisip niya, ang mga bampira ay nasusunog sa pilak. Maaring alam iyon ng mga Elgreto kaya gumawa ang mga ito ng espada na yari sa pilak.
May kabigatan ang espada ngunit madaling dalhin. Kumislot siya nang may yabag na dumating. Pumihit siya sa kanyang likuran. Namataan niya ang matandang Elgreto na may hawak na tatlong espada, nakalapat sa mga palad nito na may makapal na itim na tela. Hanggang baywang ang haba ng puting buhok nito, may isang dangkal ang haba ng balbas na namumuti na rin. Hindi nangungulubot ang balat nito. Nakikita pa rin ang matutulis nitong tainga na natatakpan ng buhok ang puno.
“Ano ang iyong ginagawa rito, bata?” tanong nito. Humakbang ito palapit sa kanya.
“Tinitingnan ko lang ang mga espada. Ang ganda ng isang ito,” masiglang tugon niya habang inaaangat ang pilak na espada.
Isinalansan ng matanda ang mga espada sa bakanteng sisidlan. “Gawa ko ang espada na iyan,” sabi nito.
Manghang hinarap niya ang matanda. Kung hindi siya nagkakamali, ang matandang ito si Gastor, ang dakilang panday at pinakamatandang Elgreto. Isa lamang ito sa pangunahing tauhan sa akda ng kanyang tiyo at hindi na niya natuunan ng pansin sa bago niyang bersyon.
“Napakahusay po ninyo,” puri niya.
“Maraming salamat sa papuri,” anito. Sinipat siya nito. “Ang pilak na espada ay ginawa ko para sa aking anak ngunit namatay siya bago ko matapos ang espadang iyan,” kuwento nito.
Tila nahagip ng espada ang kanyang puso at nanuot doon ang kirot. Ramdam niya ang sakit na pinagdaanan ng ginoo.
“Ikinalulungkot ko pong malaman,” aniya.
“Nangyari iyon isang-daang taon na ang nakalilipas. Isang mahusay na mandirigma ang nag-iisa kong anak na lalaki. Siya ang pumili ng kanyang kapalaran at wala akong nagawa kundi suportahan siya. Layunin lamang niyang maprotektahan ang bayang ito mula sa mga bampira at hadeos. Simula noong namatay sa digmaan ang aking anak, nagkaroon ako ng lakas upang lumikha ng marami pang armas. Ang kakulangan sa armas ang dahilan kung bakit maraming elgreto ang namamatay sa digmaan.”
“At kulang din ho kayo sa hukbo,” aniya.
“Tama ka.” hinarap siya nito. “Kaya malaking tulong sa amin na may mga mortal na napadpad dito at pinili na maging elgreto.”
Itinaas niya ang hawak niyang espada at sinuri ang bawat detalye nito. “Gusto ko pong matutunang gamitin ang espadang ito,” aniya.
“Ikinagagalak kong marinig mula sa iyo ang salitang iyan, bata.”
“Tawagin n’yo po akong Jack,” sabi niya.
“Hm, ako naman si Gastor, Jack. Ako ang pinakamatandang elgreto.”
Yumukod siya bilang paggalang dito. “Masaya po akong nakilala kayo.”
Lumakad ito patungo sa estante ng maliliit na sandata. “Hindi lamang espada ang puwede mong matutunan. Ang mga kalaban ay may iba-ibang katangian at abilidad. Kaya’t gumawa ako ng mga armas na naaayon sa kanilang katangian,” sabi nito.
Sinundan niya ito. Nakalatag sa bawat dibisyon ng estante ang iba-ibang desinyo ng maliliit na armas na yari sa bato at bakal. Mayroong star blades na yari sa pilak.
“Kung ang iyong kalaban ay mga embareon, mas mainam na gumamit ka ng palaso o kaya’y itong maliliit na sandata na maaring paliparin sapagkat sila ay nakalilipad. Ang sandata na ginagamit namin upang mapuksa ang mga hadeos ay itong mga punyal na yari sa bato. Hindi lamang bato ang mga ito. Nagmula ang mga ito sa banal na lupain ng mga anghel,” pagpapakilala nito sa mga sandata.
“At ang pilak ay mabisang sandata para sa mga bampira,” aniya.
“Tama ka.” Lumapit naman ito sa estante ng mga pana at palaso. “Itong mga pana ay ginagamit din sa mga embareon at lycan.”
“Hindi po ba’t iisa ang layunin ninyo ng mga lycan? Bakit hindi na lang kayo magkaisa kontra sa mga bampira?” suhesyon niya.
“Hindi ganoon kadali iyon, Jack. Ang mga lycan ay galit sa mga elgreto simula noong napatay ng mga mangangaso namin ang isa sa pinuno nila. Ang iba rin sa kanila ay pangahas na sumisira sa lagusan patungo sa lupain ng mga mortal.”
“Pero hindi lahat sa kanila ay masasama.”
Nilikha niya ang lycan sa kanyang akda bilang kaaway ng mga bampira. Bagaman may ilang masama, nakikiisa pa rin ang mga ito sa mga elgreto. Gusto niya na iyon ang mangyari pero hindi pa niya naisulat ang bahaging iyon.
“Maraming mababait na lycan ngunit dahil sa unang henerasyon, nalalason ang isip ng iba,” sabi nito.
“Oo nga, dahil iyon sa poot.”
Bumalik sila sa tapat ng mga espada. Ibinalik niya ang pilak na espada.
“Kung nais mong matutong gumamit ng mga sandata, maari kang magpaturo kay Sanji. Siya ang pinakamahusay na swordsman ng Golereo,” ani ni Gastor. “Maari ka ring mag-aral sa regular na pagsasanay ng mga estudyante rito sa akademiya.”
“Gusto ko pong mag-aral,” nasasabik niyang sabi.
“Kung gano’n, ihanda mo ang iyong sarili.”
Tinalikuran na siya ng ginoo. Sinundan lamang niya ito ng tingin.
NANG magising si Jack mula sa mahabang pagtulog ay kaagad siyang naghanap ng palikuran. Natagpuan niya ito sa unang palapag. Kahit wala na siyang damit pan-itaas ay pinagpawisan pa rin siya dahil sa mainit na klima. Kailangan niyang masanay upang tumagal siya sa lugar na iyon. Hindi pa niya nakikita si Alona at kanyang mga kapatid.
Kahit naligo na siya ay mainit pa rin. Pagbalik niya sa ikalawang palapag ay sinalubong siya ni Peter.
“Ang akala ko’y tulog ka pa,” nakangiting sabi nito.
“Naligo lang ako,” aniya.
“Nakahamda na ang pagkain. Maari kang sumabay sa akin.”
Sumama siya rito sa hapag. “Mukhang abala ang lahat. Wala akong nakikitang ibang elgreto.”
“Abala sila sa pagsasanay. Dahil sa nangyari kahapon, naisip ni Sanji na sanayin pa ang mga mandirigma.”
“Paano maging parte ng mag-aaral?” tanong niya.
“Hm, huwag mo sabihing gusto mo ring mag-aral.”
“Gusto kong matutong gumamit ng sandata.”
“Hayaan mo’t kakausapin ko si Sanji tungkol sa bagay na iyan.”
May ilang kababaihang elgreto na kumakain sa mahabang lamesa. Ang limang ito ang nadatnan niya sa isang kuwarto na walang mga damit. Maaring nakikilala na siya ng mga ito. Bigla siyang nahiya.
Ang una niyang napansin ay magaganda ang katawan ng mga babae. Halos lahat din na mga lalaki ay malalaki ang katawan, maskulado. Marahil ay batak sa gawaing mabibigat at hinubog ng digmaan ang mga iyon. Sa kanya lamang nakatuon ang tingin ng mga babae.
“Ano ba kayo? Huwag nga ninyong pagpiyestahan ng tingin itong binatang kasama ko. Hindi siya pumapatol sa mga katulad ninyo,” saway ni Peter sa mga babae.
“Walang masamang tumingin sa isang dayo, Peter,” sagot naman ng babae na nasa gitna.
Halos magkakamukha ang mga ito. Nagkakaiba lamang sa hugis ng katawan at kulay ng mga buhok. Ngumiti siya at kumaway sa mga ito bilang paggalang.
“Alam ko na karamihan sa inyo ay nabibighani kay Jack. Maganda siyang lalaki at makisig,” ani ni Peter.
Nagbubulong-bulungan ang mga babae. Umupo na lamang si Jack sa dulong silya. Umupo na rin si Peter at sinimulang kumain.
“Maari kang makipagkaibigan sa kanila ngunit mag-ingat ka dahil ang ilan sa kanila ay mayroong asawa. Mga elgreto lamang ang nakikipagsundo sa mga babae,” mahinang sabi sa kanya ni Peter.
Ngumisi siya. “Okay lang naman sa akin makipagkaibigan. Wala rin akong balak pumatol sa ibang babae,” aniya. Sumubo siya ng maliit na hiwa ng karne.
“Huwag mo sabihin na mayroong ka nang asawa.”
“Wala pa pero meron akong kasintahan at isa siya sa kinuha ng mga hadeos.”
“Napakawalanghiya nga naman ng mga hadeos.”
Tumabang ang panlasa niya nang maisip niya si Alona. Tanging si Alona lamang ang babaeng nagpa-ibig sa kanya. Ang totoo, plano na niyang pakasalan ang dalaga. Ngunit dahil wala pa siyang napapatunayan noon, isinantabi muna niya iton at nagsumikap siyang maging matagumpay sa mga pangarap niya.
“Ang ibang kababaihan dito ay nagsisilbing tagaluto at nag-aasikaso sa mga mandirigma. Iilan lamang ang mga babae na mandirigma katulad ni Souljen na may sinumpaang tungkulin sa dyosa ng lupain ng mga patay,” seryosong pahayag ni Peter.
“Napansin ko na kaunti lamang ang mga babae rito,” aniya.
“Bihirang nagsisilang ng sanggol na babae ang mga elgreto.”
“Hindi ba sila maaring magkaanak sa isang tao?”
“Napakaimposible iyon. Ang mga elgreto ay para sa elgreto lamang. Katulad ko na dating tao, wala na akong cells sa katawan upang magparami ng aking lahi. Tinalikuran ko na ang pagiging mortal dahil wala na rin akong babalikan sa ibabaw ng lupa. Ubos na ang pamilya ko.”
Nalungkot siya sa kuwento ni Peter. “Pero masaya ka ba rito sa Altereo?”
“Ang totoo, kung isa kang mortal, hindi ka magiging masaya rito. Kapag narito ka sa Altereo, ang buhay mo ay katulad sa isang langgam, walang kuwenta, madaling puksain. Pero siyempre, kailangan mong depensahan ang iyong sarili upang tumagal ka.”
“Mahahaba ang buhay ng mga elgreto.”
“Totoo ‘yon. Ngunit sa lahat ng nilalang dito sa Altereo, ang elgreto ang mahihina. Kaya gustong sakupin ng mga bampira ang lugar na ito dahil gustong maging alipin ang mga elgreto. Ngunit patuloy kaming lumalaban kahit mahirap manalo sa mga bampira at hadeos.”
“Kailangan ninyo ng malakas na masasandalan.”
“Wala kaming kakampi kundi ang mga lahi rin namin.”
Hindi siya kumibo. Gusto niyang mangyari ang nasa kanyang akda na magsasanib-puwersa ang elgreto at mga lycan. Iyon ang tanging paraan upang mapigilan ang mga bampira sa pangahas na plano ng mga ito.
Pagkatapos kumain ay sinamahan naman siya ni Peter sa underground training center. Doon nagsasanay ang mga mandirigma. Si Sanji ang nagsisilbing guro ng mga baguhan. Nasasabik siya habang pinapanood ang mga kalalakihan na nagsasanay sa paggamit ng espada. Alam niyang mahirap lalo sa katulad niya na wala namang karanasan sa pakikipaglaban, pero naroon ang determinasyon niyang matuto.
Iniwan ni Sanji ang mga estudyante at lumapit sa kanila. “Mga baguhan lamang sila ngunit mabilis natuto,” ani ni Sanji.
“Gusto ring matuto ni Jack, Sanji,” apela naman ni Peter.
Matiim na tumitig sa kanya si Sanji. Sinuyod siya nito ng tingin. “Kahit sino ay maaring maging parte ng organisasyong ito ngunit para sa isang mortal ay isa itong mapanganib,” anito.
“Alam kong mahina ako pero nasa puso ko ang interest,” sabi niya.
“Kung nais mong maging parte ng aming organisasyon, palakasin mo muna ang iyong katawan at espiritwal na lakas. Hindi sapat ang iyong katawan upang maging handa sa paggamit ng sandata.”
“Oo nga, wala kang malalaking masel,” sabi naman ni Peter at tinapik ang kanyang dibdib.
Maliliit nga naman ang kalamnan niya sa katawan. Hindi naman kasi siya pumupunta sa gym at bihira mag-ehersisyo dahil nakasubsob lang siya sa harap ng kanyang laptop at tanging utak at mga kamay niya ang nagtatrabaho.
“Nakahanda naman akong gawin ang lahat ng pagsasanay,” agresibong sabi niya.
“Ganyan ang nararapat maging mandirigma, bata. Sumunod ka sa akin,” ani ni Sanji.
Tinapik pa ni Peter ang likod niya bago siya nakaalis. Sumunod siya kay Sanji sa isa pang silid. Namangha siya nang tumambad sa kanya ang iba-ibang martial arts equipment na yari sa kahoy at bato. Ang malaking bag na tila ay may lamang lupa. May katigasan ito nang pisilin niya. Mayroon ding mabibigat na oval na bato na siyang binubuhat upang patatagin ang masel sa mga braso.
“Upang maging bihasa sa paggamit ng sandata, hindi lamang liksi ang kailangan. Kailangan mo ring magkaroon na matatag na kalamnan at lakas na tumatagal. Bilang isang lalaki, kailangn maging triple ang iyong lakas kumpara sa babae, dahil ang babae ay sa iyo humuhugot ng lakas. Tayo ang kanilang sandigan kaya kailangan maging matatag para sa kanila. Hindi natin sila mabibigyan ng proteksiyon kung tayo mismo ay hindi kayang protektahan ang ating sarili,” makabuluhang pahayag ni Sanji.
“Tama ka. Narito ako para sa babaeng mahal ko at mga kapatid kaya kailangan kong maging malakas at matapang,” puno ng antesipasyong wika niya.
“Ganyan nga, bata.” Tinapik nito ang balikat niya. “Ang tunay na mandirigma, hindi lamang lumalaban upang magapi ang kalaban, lumalaban para mabuhay at patuloy na maprotektahan ang mga mahal natin sa buhay at anumang ating ipinaglalaban.”
Tumango siya. Lalo lamang lumakas ang loob niya. “Nakahanda akong tanggapin lahat ng hamon,” matatag niyang sabi.
“Maari kang magsimula kung kailan mo gusto. May mga magtuturo sa iyo upang palakasin ang iyong katawan. Kapag kanda ka na ay saka kita tuturuang gumamit ng mga sandata.”
“Gusto ko nang magsimula kaagad,” atat niyang sabi.
“Mahusay. Maiwan na kita rito.”
Tumango lamang siya at hinatid ng tingin si Sanji.