Chapter Seven

2490 Words
PAGBALIK sa akademiya ay nanlumo si Jack nang madatnan nila ang maraming kawal na namatay. Dumanak ang dugo sa lupain ng Golereo. Tulala siyang nakatayo sa entrada ng akademiya habang nakatingin sa mga katawang naliligo sa dugo. Nangyayari ang bagong propisiya na naaayon sa kanyang bagong bersyon na akda. Ginupo siya ng kanyang konsensya. “Kasalanan ko ang lahat ng ito,” sumbat niya sa sarili. “Jack!” Pumihit siya at hinarap ang babae, si Souljen na tumatakbo patungo sa kanya. Nagulat siya nang bigla siya nitong sinugod ng mahigpit na yakap. “Salamat at buhay ka,” hinahapong sabi nito. “Ayos lang ako,” aniya. Kumalas ito sa kanya at dumistansya. Hindi ito makatingin nang diretso sa kanyang mga mata. “Paumanhin, labis lang akong nag-alala,” anito. Matipid siyang ngumiti. “Ang totoo kamuntik na rin akong makuha ng embareon. May lycans na tumulong sa akin sa gubat ng Lutareo.” “Talaga?” “Hindi ko rin inaasahan na tutulungan nila ako. Kung hindi dahil sa kanila ay baka natangay na ako ng embareon.” “Mabuti naman hindi ka nila sinaktan.” “Hindi naman lahat ng lycan ay masama. Gusto lang din nilang mabuhay na mapayapa.” Sabay na silang pumasok sa gusali at tumulong sa paglilinis ng mga bangkay. “Tama ka, may mababait na lycans. Kaya lang naman sila naging masama ay dahil sa ibang elgreto na pumapatay ng lycan at mga bampira,” sabi nito. Pinagtulungan nilang buhatin ang bangkay ng kawal na lalaki. Naninikip ang dibdib niya habang ginagawa iyon. Parang kailan lang ang masaya ang mga nilalang doon habang nagsasanay sa pakikipaglaban. Ngayon ay mistulang bangungot na makitang wala nang buhay ang mga ito. Napasandal siya sa pader nang hindi na niya masikmura ang nakikita. Hindi niya napigil ang paglandas ng kanyang mga luha. Napasintido siya. Kung bakit ba sa kanyang akda ay napakahina ng mga elgreto? Kumislot siya nang may malakas na kamay na sumampa sa kanang balikat niya. Pag-angat niya ng mukha ay si Sanji ang nakatayo sa harapan niya. Pinahid niya ang kanyang luha gamit ang braso niya. “Kailangan mong patibayin ang iyong sikmura. Madalas itong mangyari sa Golereo, na dumadanak ang maraming dugo. Kung mahina ang iyong kalooban, hindi ka mabubuhay rito,” sabi nito saka inalis ang kamay sa kanyang balikat. “Wala ba kayong naisip na paraan para hindi na maulit ito? Hahayaan n’yo na lang ba namasanay kayo at ito ang makagisnan ng mga susunod na henerasyon?” kastigo niya rito. Bahagyang napayuko si Sanji. “Walang may gustong maging mahina, Jack. Ginagawa namin ang lahat upang maprotektahan ang bayan na ito. Ngunit kumpara sa mga kaaway namin, mistula lamang kaming mga langgam na husto lang nilang pitpitin,” anito. “Ikaw na ang may sabi, ang mahina ay kumakapit sa malakas.” “Saan kami kakapit? Sa mga lycan na halos isumpa ang lahi namin?” “Iyon ang pinaniniwalaan ninyo dahil hindi ninyo nasubukang makipagsundo sa kanila. Hindi ba’t kung sino ang nagkasala ay sila ang nanunuyo sa nagawan nila ng kasalanan?” Hindi nakakibo si Sanji. Tinalikuran siya nito. “Matalino ka, bata,” sabi nito saka siya nilisan. Nagluluksa ang buong Golereo dahil sa halos isang daang buhay na nawala. Walang nakikitang nakangiti si Jack. Walang ni isang palaboy sa labas. Napakalinis ng paligid, walang ni isang batang lumalabas. Ganoon ang nadatnan niya nang lumabas siya ng akademiya. Sinimulan niyang tumakbo paakyat sa burol. Sa kagubatan ng Lutareo siya nagsanay ng pisikal na pakikipaglaban. Hindi niya ininda ang sakit habang sinusuntok ang matitigas na punong kahoy. Dahil sa kanyang sugat sa kamao ay naamoy ng lycan ang kanyang dugo. Tumigil siya sa pagsuntok nang maramdaman niya na may malalakas na yabag na patungo sa kanya. Nang pumihit siya sa kanyang likuran ay tumambad sa kanya ang malaking lycan. Akmang sasakmalin siya nito ngunit may umatake rito na kapwa nito lycan. Nanatili siyang kalmado habang pinapanood ang dalawa na nagsusukatan ng lakas. Mamaya ay tumigil din ang mga ito at sabay na nag-anyong tao. “Lapastangan ang mortal na iyan!” asik ng lalaking nasa kaliwa. Ito ang aatake sana sa kanya. “Hindi siya kaaway, Rizor,” sabi naman ng isa. “Kasama siya ng mga elgreto. Pinana ako ng babaeng elgreto dahil sa kanya,” sumbong pa ng nangangalang Rizor. Naalala niya, ito ang unang lycan na sumalubong sa kanya noong kararating niya sa gubat ng Altereo. Ito ang pinana ni Souljen. Mabuti hindi ito namatay. “Wala siyang kasalanan. Ikaw rin ang naglagay sa sarili mo sa panganib dahil lapastangan ka,” sermon dito ng isang lalaki. Pagkuwan ay humakbang ito patungo sa kanya. Matapang ang hilatsa ng mukha nito, malaki ang katawan na mabalbon. Hanggang balikat ang maalon nitong buhok. Mas matangkad ito ng dalawang dangkal sa kanya. Malaki ang pagkakahawig nito sa kasama. Maaring ito ang magkapatid na lycan. “Nabanggit ka sa akin ni Pinunong Vulther. Hindi ko maintindihan bakit sinabi niya na pamilyar ka sa kanya,” anito. Bumuntong-hininga siya. “Nagkakilala kami noong isang araw. Hindi ko rin maintindihan bakit mabait siya sa akin,” sabi niya. “Marahil ay nagkita na kayo minsan,” sabi pa nito. “Ako si Raul. Iyon naman ang nakababatang kapatid ko’ng si Rizor. Pagpasensiyahan mo na siya,” pagkuwan ay pakilala nito. “Ayos lang sa akin,” kaswal na sabi niya. “Jack ang pangalan ko. Dayo lang ako at nakikituloy sa Golereo.” “Ano ang pakay mo bakit ka narito?” “Hinahanap ko ang mga kapatid ko at nobya na kinuha ng mga hadeos,” sagot niya. Tinalikuran siya nito. “Wala pa kaming nadadakip na mga mortal. Maaring naroon sila sa Embareo,” anito. “Iyon din ang sinabi sa akin ng mga elgreto. Ang problema, mahirap palang pasukin ang bayan ng Embareo.” “Tama ka. Kahit kaming mga lycan ay nahihirapan nang pasukin ang bayan na iyon dahil lalong lumakas ang mga bampira. Pumapanig sa kanila ang mga hadeos.” Muli siya nitong hinarap may isang dipa ang pagitan. “Ngunit kung makikiisa kayo sa mga elgreto, malaki ang posibilidad na manalo kayo kontra sa mga bampira,” sabi niya. “Kalokohan ‘yan!” sabad naman ni Rizor na nakasandal sa punong kahoy. “Maraming buhay ng lycan ang namatay dahil sa pagsunog ng elgreto sa kagubatan namin. Namatayan kami ng pinuno at mga batang lycan,” nanggagalaiting sabi pa nito. “Pero matagal nang nangyari ‘yon, tama?” aniya. “Matagal man o hindi, ang kasalanan ay kasalanan,” giit ni Rizor. “Kung hindi ninyo kayang magpatawad, hindi kayo uunlad,” buwelta rin niya. “Ano’ng alam mo sa kasaysayan ng Altereo, bata? Isa ka lang namang mortal na pangahas nahimasukan dito.” “Tama na, Rizor!” saway ni Raul sa kapatid. Inis na umalis si Rizor. Hinarap naman siyang muli ni Raul. Lumuklok ito sa malaking bato. “Galit ang mga lycans sa mga elgreto simula noong namatay ang pinuno namin at sinira nila ang aming tirahan na ikinasawi ng mga batang lycans. Gusto nilang iwan namin ang Lutareo upang sila ang manirahan dito dahil hindi na nila kaya ang init ng klima sa Golereo,” kuwento nito. “Pero sa palagay ko ay pinagsisihan na ng mga elgreto ang mga ginawa nila,” aniya. “Kung ako ang masusunod, ayaw ko ng gyera na ang dahilan ay agawan ng teritoryo. Matagal nang namatay ang unang henerasyon ng mga elgreto na sumira sa aming teritoryo. Alam iyon ng bagong pinuno naming si Vulther.” “Kung gano’n, bakit hindi pa ninyo hinahayaang makiisa sa inyo ang mga elgreto?” “Maliban sa wala silang ginagawang aksyon, ang ibang lycans ay hindi sang-ayon sa kasunduan. Ang problema rin sa ibang elgreto, hindi nila pinapayagan ang mga lycan na tumawid sa lupain ng mga mortal upang kumuha ng mga hayop na aalagaan namin at maging pagkain.” “Dahil marahil sa ibang lycans na lumalabag din sa patakaran ng tagapangalaga ng lagusan.” “Tama ka, Jack. May mga kasalanan din ang lycans kaya walang pagkakaisa.” “Kung tutuusin, pareho ang layunin ninyo at ng mga elgreto, ang protektahan ang inyong teritoryo mula sa mga taga-Embareo.” Humahangang tumitig sa kanya si Raul. “May kabuluhan ang iyong sinasabi, Jack. Ikinararangal ko na nakilala kita,” anito saka tumayo. “Masaya rin ako na nakausap kita, Raul. Sana ay mapag-isipan ninyo ang ideya ko.” Tinapik nito ang balikat niya. “Makararating ito sa aming pinuno.” “Maraming salamat, kaibigan,” nakangiting wika niya. Tumango lang si Raul saka siya iniwan. Siya naman ay tumakbo pababa sa lupain ng Golereo.   “SAAN ka ba nanggaling, Jack? Nahihilo na ako kakahanap sa iyo,” sabi ni Peter nang salubungin siya nito sa entrada ng akademiya. “Tumakbo lang ako at nag-ehersisyo,” sagot niya. Hindi niya maaring sabihin na nakikipagkaibigan siya sa mga lycans. “Kanina ka pa hinahanap ni Haru.” “Pasensiya na. Umalis ako na walang paalam kasi akala ko ay abala kayong lahat.” “Alam mo naman na nalagasan tayo ng maraming kawal. Nagluluksa pa ang iba. Pero hindi rin ito magtatagal.” Sabay na silang pumasok sa hapagkainan. Hindi siya kumain bago umalis kaya dinamdam niya ang paghilab ng kanyang sikmura. Nadatnan nila roon si Sanji at ibang may katungkulan na elgreto. Nagpupulong ang mga ito. Dumating din si Haru at iba pa. Umupo siya sa tabi ni Peter, sa may kaliwang bahagi ng mahabang lamesa. Si Sanji ang nakaupo sa kaliwang dulo ng lamesa. Sumubo muna siya ng karne habang naghihintay na magsalita si Sanji. “Ikinalulungkot ko ang sinapit ng ibang hukbo sa kamay ng mga embareon,” panimula ni Sanji. Nabaling ang atensyon ng lahat dito. “Dahil sa nangyari, napag-isipan ko na limitahan muna ang paglabas ng ibang miyembro dahil hindi natin alam kung kailan susugod ang mga embareon. At sa susunod na mga araw, natitiyak ko na aatake silang muli. Maliban sa pagsawata sa mga embareon, magtatalaga na ako ng kawal sa lagusan papuntang lupain ng mga mortal dahil mabubuksan na itong muli. Natitiyak ko na maraming bampira ang magnasang sirain ang lagusan. Magsisimula ring lumabas-masok ang mga lycan upang dumakip ng kanilang aalagaang hayop.” Mukhang wala pang balak si Sanji na makipagsundo sa mga lycan. Kailangan may maisip siyang paraan upang magkasundo ang dalawang grupo. Sa kanyang akda, magkakasundo rin ang mga ito ngunit marami munang buhay ang mawawala. Hindi na niya hahayaang may masawi pa. Wala siya sa posisyon upang magbigay ng opinyon. Mas mainam na makinig lamang siya at pag-aralan ang sitwasyon. Nagpatuloy lamang siya sa pagsubo pero nakikinig. Mamaya ay kinalabit siya ni Haru, na katabi ni Peter sa bandang kanan. Nilingon niya ito sa likuran ni Peter. “May nakakita sa iyo na pumunta ka sa Lutareo,” anas nito. Dahil narinig din iyon ni Peter, marahas itong tumingin sa kanya. “Totoong pumunta ka roon, Jack?” manghang tanong nito. “Oo pero hindi naman ako nagtagal,” sagot niya. “Mabuti hindi ka pinaslang ng mga lycan,” ani ni Peter. “Kamuntik na rin akong mapahamak pero iniligtas ako ng mabait na lycan.” Nagulat siya nang bigla siyang kutusan ni Haru sa batok. Kamuntik pa siyang mabilaukan. Binato niya ito ng mahayap na tingin. Masama rin ang tingin nito sa kanya. Si Peter naman ay napapayuko dahil tinamaan din ng braso ni Haru ang batok nito. “Ano ba kayong dalawa? Kumakain tayo. Mamaya na kayo magsapakan,” reklamo ni Peter. “Kapag inulit mo pang pumunta sa Lutareo, ihuhulog kita sa impiyerno, Jack,” banta sa kanya ni Haru. Napakamot siya ng ulo. Hindi niya akalaing mas mahigpit pa pala si Haru kumpara kay Sanji. Pero nasa dugo nito ang mahusay na guro. Mapipilitang maging masinop ang estudyante nito. “Paumanhin,” sabi lamang niya saka nagpatuloy sa pagsubo. Pagkatapos din ng pagpupulong ay sabay na sila ni Haru na nagtungo sa fitness room. Kauting pahinga lang ay nagsimula na silang magbuhat ng mabigat. May mga bagong estilo na itinuro sa kanya si Haru. “Minsan, daig ng maliksi ang malakas,” sabi ni Haru habang nagsa-shadow fight sila. Walang panama ang bilis niya sa bilis nito. Hindi niya masundan ang galaw ng mga paa at kamay nito. Pero napansin niya sa kanyang sarili na lumalakas na siya at mas maliksi. Hindi na rin siya mabilis mapagod. Pagkatapos ng shadow fight ay nagbuhat na naman siya ng mabigat. Kahit papano ay lumalaki na ang mga kalamnan niya. Lumitaw na ang kanyang abs na nahati sa anim na bahagi. Sa umpisa lang masakit sa katawan ang pisikal na aktibidad. Kalaunan ay balewala na ang sakit. Nagpu-push-up siya habang nakaupo sa likod niya si Haru. Kailangan maiangat niya ang kanyang katawan habang pasan niya ang bigat nito. “Isipin mo, kung isang lycan ang kalaban mo na triple ang lakas at bigat sa iyo, sa palagay mo ba sapat ang lakas mo ngayon?” tanong ni Haru habang prenteng nakaupo sa likod niya. “H-hindi!” gigil niyang sagot habang itinutulak ang katawan paangat. Para siyang bumubuhat ng dalawang kabang bigas. “Ughhrr!” daing niya nang pakiramdam niya’y mapipigtas ang mga ugat niya sa braso. “Mas mabigat ng tatlong beses sa akin ang lycan. At triple naman ang bilis ng mga bampira sa akin. Isipin mo, paano mo sila malalabanan kung wala kang armas?” sabi pa nito. “K-kailangan kong higitan ang lakas nila!” sigaw niya. “Kung gano’n huwag kang susuko!” Isinampa pa ni Haru ang mga paa nito kaya lalong bumigat. Hirap na hirap na siyang mai-angat ang kanyang katawan. “Ugh! s**t!” daing niya nang mangatal ang kanyang mga braso. Bigla namang dumapo sa isip niya si Alona, at ang mga pangungutya nito sa kanya. “Ang payat mo, babe. Paano mo ako maipagtatanggol niyan kung may masasamang tao na dumakip sa akin? Ang liit ng muscles mo sa braso, baka nga hindi mo ako mabuhat. Mag-gym ka kaya. Halos hindi ka makatakbo nang mabilis. Baka nga hindi mo mapisa ang langgan,” sabi noon ni Alona saka siya pinagtawanan. “Magiging malakas ako! Mapo-protektahan kita, Alona, pangako ko ‘yan!” puno ng determinasyong sabi niya habang inaangat ang sarili. Hindi niya namamalayan na bumibilis na siya. Hindi na niya ramdam ang bigat ni Haru. “Ganyan nga, Jack. Isipin mo ang dahilan bakit nandito ka at kailangan mong maging malakas. Hindi ka naman siguro nagpunta rito upang mamasyal,” ani ni Hero. “N-nandito ako para sa mga mahal ko!” sigaw niya. Nakakaya na niyang mag-push-up na kanang kamay lang ang nakalapat sa sahig at nakasampa pa rin sa likod niya si Haru. Konting tiis pa, magiging katulad na siya nito o higit pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD