CHAPTER TWO

2150 Words
MAKALIPAS ang dalawang linggo ng paluluksa, at walang awat na iyakan at bangayan, ipinatawag kami ni Alpha Aaron para sa isang pagtitipon. Medyo namangha ako dahil alas-nuwebe y medya na ng gabi nang tinawag niya kami. Wala paring nagbago sa wangis ni Aaron mula noong araw na nawala si Baby Nix. Namumugto parin ang mga mata niya, walang kaibahan kay Desiree at sa aming lahat. “We will going to avenge the death of our child, sa ayaw at sa gusto ninyo,” seryosong wika niya. “Sino pa ang gustong umalis?” wala sa sariling sambit ni Desiree, tinutukoy ang pag-alis ni Dane sa pangkat. Hindi ko siya masisisi. Mas may pinagsamahan silang dalawa ni Dey-Dey at Dane, kumpara sa amin. Kaya alam kong nasasaktan siya sa pag-alis ng aming kasamahan. Nanatili kaming tahimik at hinihintay ang susunod pang sasabihin ni Aaron. Paghihiganti. Iyon ang siyang unang tumatak sa puso't isipan naming lahat. Iyon din ang overall point ng naganap na meeting. Matapos patahanin ang aming mga sarili, kailangan naming maghiganti para sa dugo ng isang inosente. Kailangang ipakita sa kalaban kung sino ang binabangga nila. Pinili namin ang makipaglaban para sa kapayapaan. Ngunit kung kailangan naming manggulo para sa ikatatahimik nila, walang pag-aalinlangan akong kakampi sa aming pangkat. Hindi ko na hahayaang mangyari pa ang panggugulo nila sa amin. Sa kalagitnaan ng pagpapaliwanag ng aming alpha sa kung ano ang susunod naming magiging kilos matapos ang mapait na karanasan sinapit ni Baby Nix, napahinto siya sa pagsasalita nang tumunog ang aking cellphone. Humingi ako ng paumanhin saka nagpaalam na sagutin muna iyong tawag. Napabuntonghinga na lamang ang alpha saka ako tipid na tinanguan bago itong magpatuloy muli sa pagsasalita. Napamura pa ako sa aking isip dahil sa kahihiyang dulot nitong hindi inaasahang pagtawag sa akin sa ganitong oras na ng gabi. Alas-dyes na ng gabi, for heaven's sake! Sino ba naman ang walanghiyang dumidistorbo sa akin ng ganiyong oras na? Padabog kong sinagot iyong tawag—without minding kung sino iyong nasa caller ID. Matagal na panahon na rin since mayroong tumawag sa akin. Ang akala ko nga ay patapon na itong cellphone ko dahil wala naman itong gamit. Walang tumatawag, walang nag-te-text, at kung mayroon man ay walang nagtatagal. Siguro ay nakakasawa lang talaga ang ugali ko, at hindi ko lang talaga gusto ang makipag-usap kahit kanino ng mga bagay-bagay na wala namang saysay. Mayroong makipag-usap, pero puro panghaharot lang din naman. Minsan ay nakababahala na rin ako sa sarili ko. Maybe there is something wrong about my sexuality. Pero kung maging isang hamak man akong matandang dalaga pagdating ng araw ay wala akong paki. Being single and loyal to my clan was never been boring to me. Mamatay na ang humusga. Pero wala talaga akong interes magkaroon ng mga kaharotan at makakilala ng mga temporaryong tao na magbibigay stress lang sa taglay kong kagandahan. “Hello? Ano ba ang trip mong bulabogin ako sa ganitong oras ng gabi?” mataray kong sambit habang nagsalubong ang mga kilay na nakatingin sa aking harapan. Walang nagsasalita sa kabilang linya. Sa halip ay unti-unti akong nakarinig ng mga boses na nag-iiyakan, nagkakagulo, at nagsisigawan habang sambit-sambit ang aking pangalan. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kong boses iyon ng aking pamilya. Si Mama na sumisigaw ng tulong, ang mga kapit-bahay namin na kilala ko—sa boses pa lang—na humihingi ng saklolo, at iba pang mga tao na tila wala nang mapaglalagyan ang kanilang takot. Diniinan ko ang paglapit ng aking cellphone sa aking tainga. Wala na akong paki kung mabasag ko na iyong cellphone ko sa higpit ng aking pagkakahawak niyon. Ramdam ko ang pag-igting ng aking panga at ang mabilisang pagtibok ng puso ko. Hindi ko maiwasang mailabas ang aking mga pangil at ang aking matataas na mga kuko. Ramdam ko na rin ang pangingiba ng kulay ng aking paligid, marahil ay nagsimula na akong mag-transform bilang isang lobo. Nabubwis*t ako nang todo, ngunit nanatili akong tahimik habang pinapakinggan ang kanilang mga hinaing. “Sinunog ng isang mangkukulam ang ating baryo, Seri. Kailangan ka namin ngayon, pati ang tulong ng iyong pack. Pakiusap, tulungan mo kami rito, anak!” sa wakas na pagsasalita ng taong kaboses ng aking ama, sa telepono. “Pero, mayroon pa po kaming misyong kakaharapin, Papa.” Pagpupumilit kong ikalma ang aking sarili. “Kung ganoon, hahayaan mo na lang ba kaming mamamatay rito? Mas uunahin mo pa talaga iyang trabaho mo, kaysa sa amin? Minsan na lang nga kami tumatawag sa iyo, tapos ganiyan ka pa!” galit na panayam ng aking ama. Hindi ko maiwasang mangamba. Kakapangako ko pa lamang sa aking sarili na ipaglaban ang aming pack. Ngunit ayaw ko namang maging iresponsableng anak ng aking mga magulang. Nagsisimula na akong magdalawang isip. Ano ang gagawin ko? Kailangan ako ng aming pack, ngunit kailangan din ako ng aking pamilya. Hindi ko puwedeng hatiin ang sarili ko. Kailangan kong mamili. “Pumunta ka rito, kung gusto mong ituring pa kitang anak! Mamamatay na kami rito!” dugtong pa ni Papa na mas lalong ikina-usok ng ilong ko. Wala akong magawa. Kailangan kong sumugal. Sa bandang huli, sa aking pamilya parin ako uuwi. “Lilikas na ako, ngayon din,” walang buhay na sabi ko. “Pero hindi ko madala ang buong clan. Namatay ang anak ng alpha at luna. Mayroon silang misyon ngayon,” dugtong ko pang pahayag bago ko ni-end call ang tawag. Agad kong ipinaalam sa alpha at luna ang siwasyon ng baryo namin. Ngunit, gaya ng inaasahan, hindi sang-ayon ang aming pangkat na umalis ako. Kailangang-kailangan ako sa aming grupo. “So, susunod ka ba kay Dane?” wika ni Dey-Dey na paulit-ulit na nag-e-echo sa isip ko. Mas lalo akong nanlumo. Ayos lang siguro kung hindi ito nangyari ngayon. Pero bakit magkasabay pa talagang nagsisidatingan ang mga problema naming lahat ngayon? Pabagsak akong napahiga sa aking higaan habang nakatingin sa kisame. Walang mapaglalagyan ang aking mga hinaing. Gulong-gulo ang aking isip. Kailangan kong mamili. Hindi ako puwedeng magkamali ng kilos. Kung hindi, tiyak na magiging isa akong nakakahiyang hangal sa mga natitirang araw ng buhay ko. Hindi pa gaano ka-condition ang katawan ko dahil bugbog sirado ako noong nakaraang labanan. At ngayon naman ay ang utak ko na naman ang aking bubugbogin. Nakakapagod at nakakapanghina. Nais kong magpahinga ngunit hindi pa ako puwedeng matulog. Kailangan kong magdesisyon. Buo na ang sinabi ng alpha at luna. Hindi sila sang-ayon. Walang pumayag sa aming pack. Dapat ay ganoon din ang magiging reaksyon ko. Ngunit hindi iyun ang nararamdaman ko. Pamilya ko ang nakasalalay. Habang nakahiga ako ngayon, sila naman doon ay wala nang matutulugan, o hindi naman kaya ay hindi na makatulog sa sobrang gutom. Sa mga oras ngayon habang ako ay nag-iisip, tiyak na ilang luha na ang bumanak sa baryo namin doon. Agad akong napabangon mula sa pagkakahiga. Ang biglaang pagkilos ko na iyun ay naging dahilan ng biglaang pagkirot ng aking ulo. Napahawak ako kaagad sa aking noo at bahagyang pinagsabunotan ang aking sarili. Hindi ko gusto ang umalis rito. Ngunit kailangan ko itong gawin. Isang pagkamakasarili ang aking gagawing desisyon ngayon. Pinapangako ko sa aking sariling labag talaga sa aking kalooban ang aking pag-alis ngayon. Ngunit magiging kapabayaan rin ang magagawa ko kung sakaling mananatili ako rito. Itaga man sa bato ay hindi ko talaga nais ang umalis at suwayin ang alpha at luna. Kitang-kita ko sa kanilang mga mata ang kanilang pamimilit sa akin na sana ay mananatili ako rito. Ngunit kahit ganoon pa man, naroon ang pamilya ko sa kabilang banda. Nagtitiis, naghihirap, at paunti-unti nang nawawalan ng pag-asa. Kailangan nila ako, at kailangan ko silang puntahan. Dahan-dahan akong bumaba sa aking higaan at nanguha ng ballpen at papel. Hindi ko kayang makaharap ang alpha at luna, kaya siguro ay idaan ko na lamang ito sa isang liham. Ma-ilang minuto rin akong nakatitig sa papel habang iniisip ang magiging panimula ng aking sasabihin sa liham. “Bahala na. Isusulat ko na lamang ang nilalaman ng aking maliit na utak,” bulong ko sa sarili. “Aking minamahal na Alpha at Luna, Malungkot ko pong ibahagi sa inyo ang aking pag-alis ngayong bukang-liwayway. Alam ko pong isang malaking pagtataksil at isang pagiging makasarili ang aking gagawing desisyon. Ngunit malaki ang pananalig kong kaya ninyong malutas ang misyong tatahakin nang wala ako sa inyong tabi. At mas naniniwala po akong mas kailangan ako ng aking pamilya na naroon sa bayan ng aking pinanggagalingan. Matagal na panahon na rin po, mula noong ako ay nakapagbisita sa amin. Ma-ilang beses na rin nila akong hinihingian ng tulong habang ako naman ay laging tumatanggi. Ngunit ang nangyari po ngayon sa aming baryo ay hindi ko na po puwedeng tanggihan ang kanilang paghingi sa akin ng saklolo. Labag man sa aking kalooban ay kailangan ko pong umalis dito, at temporaryong iwan ang ating pangkat. Alam ko pong na sa isang misyon pa po tayo ngayon. Kaya talagang mahirap sa akin ang iwan ang ating pangkat. Ipinapangako ko po sa inyong lahat na bibilisan ko po ang aking kilos doon, at gagawin ko ang lahat upang maabutan kayo sa ating misyon. Sana po ay patawarin niyo ang aking pagiging makasarili. Hinihingi ko po ang inyong basbas, at sana ay pagpalain kayo. Ang inyong lingkod, Seri Natalia Flenzier.” Pagkababa ko ng ballpen ay napabitaw na lamang ako ng isang malalim na hininga saka malinis na itiniklop ang papel na sinulatan ko ng aking liham. Matapos niyon ay agad na akong nag-impake ng aking mga gamit. Kaunting piraso ng mga damit, mga personal na mga bagay, at first aid kit. Isang liblib na lugar ang pinaparoonan ng aming lugar. Na sa tagong probinsya ng Slovokandia, at pinapalibutan ng kagubatan ang lugar na aking pinanggagalingan. Sa dami ng mga wild species at matutulis na mga damong madadaanan papunta sa aming bayan, ang isang pangkaraniwang na tao ay tiyak na magtamo muna ng mga sugat, gasgas, at pasa, bago tuluyang makarating ang aming baryo. Kaya kahit ako na isang taong-lobo ay magdadala parin ng first aid kit para sa aking sarili. Nang handa na ang lahat, dahan-dahan kong binuksan ang pinto ng aking kuwarto saka sumilip sa labas. Nang makitang wala ng gising na nanatili sa labas ay agad na akong lumabas, suot ang aking backpack, habang dala-dala ang isang flashlight. Pasimple kong ipinatong sa lamesa ang liham na isinulat ko kanina, saka na ako dumiretso papuntang labas. Walang hirap akong nakalabas sa aming teritoryo. Tanging dala ko lang ay ang backpack na may laman ng aking mga personal na gamit, at isang flashlight na pinapailaw ko sa aking paligid. Mag-a-alas-kuwatro na ng madaling araw. Kaunting minuto na lang ay magsisimula nang liliwanag ang paligid. Kailangan kong makapunta na sa medyo malayo bago pa nila ako maabutan. Dala-dala ko rin ang mabigat na damdamin. Mas mabigat pa ito sa pasan-pasan kong backpack sa aking likoran. Masakit parin isiping iwanan ko ang aking pangkat na may kakaharaping kalaban. Kakapangako ko pa lang sa sarili ko, pero heto ako ngayon—tumatakas paalis, iniwan ang aking grupo, at hinayaan ang sariling maging makasarili. Naiisip ko rin kung ganito rin ba kaya ang nararamdaman ni Dane ngayon. Kung mayroon mang mangyayaring masama sa kanila sa panahon ng kanilang pakikipaglaban ay hinding-hindi ko mapapatawad ang aking sarili. Kaya nga ay hindi ako puwedeng mag-aksaya ng panahon. Dapat ay sa loob lamang ng ilang araw ay makabalik na kaagad ako sa aming pack. Nang marating ko na ang National Road, bumungad na sa akin ang mga taong namumuhay ng pangkaraniwang, at simple. Hindi ko mapigilang makakaramdam ng panlalamig sa bawat pagdagpis ng simoy ng hangin sa aking balat. Kasing lamig iyon ng aking ginawang pagsuway sa alpha at luna. Tila sampal ito sa aking nagawang paglabag sa kanilang utos. Maya-maya pa ay mayroong bus na huminto sa aking harapan at inaanyayahan ako ng driver na sumakay. Walang pag-aalinlangan akong pumasok sa loob saka dumiretso sa pinakadulong bahagi ng sasakyan, malapit sa bintana. Nang ako ay maupo roon, agad kong isinandal ang aking ulo sa sandalan ng upuan ng bus, at ibinaling ang aking ulo sa side ng bintana. Habang pinagmamasdan ang mga sasakyan, lugar, tao, at mga pook na nadadaanan, kitang-kita ko rin ang bawat sandaling pag-angat ng liwanag na dala ng araw sa langit. Ramdam ko ang unti-unting pagtama ng dala nitong init, sa aking balat. Napapikit na lamang ako habang dinaramdam ang unti-unting pagsapit ng kaumagahan. Kasabay ng isang malalim na paghinga ay ang pagbagsak ng aking luha sa kaliwang mata. Dapat ay ituon ko na lamang ang aking sarili sa aking pansariling misyon, at bilisan na lamang ang aking magiging hakbang at gawain. Ngunit hindi ko parin mapigilang makaramdam ng pag-aalinlangan. Na para bang napakamali nitong pinili kong desisyon. Na para bang haharap ako sa kamatayan. Pamilya ko lang naman ang aking pupuntahan, hindi ba? Ngunit bakit hindi iyon ang nararamdaman ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD