KINABUKASAN…
Alas-diyes na ng umaga pumasok sa university si Val dahil iyon lang naman ang oras para sa first subject niya sa araw na iyon. Naaalibadbaran siyang dumaan sa covered court na maraming tao, lalo na sa pathway na kaliwa’t-kanan ang mga nakatambay na estudiyante. Ayaw niya ng atensiyon kaya umikot siya at sa garden dumaan-sa tapat ng laboratory. Mas tahimik doon at walang tumatambay.
Pagdating niya sa tapat ng laboratory ay napahinto siya nang napansin niya ang babaing humahagulhol habang nakaluklok sa bench sa labas ng laboratory. Nang mag-angat ito ng mukha ay saka niya ito nakilala. It was Olivia.
Hindi na sana niya ito papansinin pero para bang may humihila sa kanya para lapitan ito. Kailangan niyang pigilan ang sarili niya dahil male-late na siya sa subject niya. Lalagpasan na sana niya ito nang biglang nagsalita ang dalaga.
“Tama na. Tigilan n’yo na ako,” humihikbing wika ng babae.
Hindi siya nakapagpigil. Bumalik siya at nilapitan ang babae. Dinukot niya ang panyo sa kanyang bulsa saka kusa nang pinahid ang bakas ng luha sa pisngi ng dalaga. Natigilan ito at napatitig sa kanya. Hilam na sa luha ang mga mata nito.
“Pinagtripan ka na naman ba ng grupo ni Denmark?” seryosong tanong niya rito.
Namimilog ang mga mata nito. Pagkuwan ay umiling ito. Hindi ito nagsalita at panay ang singhot.
“Sino naman ang umaway sa ‘yo?” aniya.
Hindi pa rin sumagot ang dalaga, sa halip ay tumayo ito. Akmang iiwasan siya nito ngunit bigla niyang hinawakan ang kanang braso nito nang napansin niya ang napunit nitong blouse sa bandang dibdib. Bahagyang nasisilip ang cleavage nito. Iniwaksi nito ang kamay niya saka nito tinakpan ng kamay ang dibdib.
“Maraming demonyo sa paaralang ito. Ginagamit nila ang mga estudiyante para makapanakit ng kapwa. Ngayon alam ko na kung bakit hindi napupuksa ang mga bully sa paaralang ito,” sabi nito sa matigas na tinig.
Nilinis niya ang kanyang lalamunan. “Hindi kita maintindihan. Sino ba ang tinutukoy mo?” tanong niya.
Nabaling ang tingin ng dalaga sa kanyang likuran. Pumihit din siya sa kanyang likuran. Namataan niya ang matangkad na lalaking nakasuot ng itim na polo at itim na pantalong maong. Humahakbang ito palapit sa kanila.
“Olivia, ihahatid na kita sa bahay n’yo,” sabi ng lalaki.
Hindi niya maintindihan bakit nababanas siya nang makita ang lalaki, samantalang noon lamang niya ito nakita sa university. Mukhang kilala ito ni Olivia dahil kaagad itong sumama sa lalaki. Pero habang papalayo sa kanya ang dalawa, nilingon siya ni Olivia. Pakiramdam niya’y matagal na nagkatitigan sila at tila bumagal ang oras. Kasunod niyon ay ikinagulat niya ang reaksiyon ng puso niya. Bigla kasi itong sumikdo.
“SINO-sino ba ang mga nanakit sa ‘yo?” tanong ni Elthur kay Olivia nang lulan na sila ng kotse nito palabas ng university.
Kaninang umaga kasi pagpasok ni Olivia sa classroom nila ay nabasa niya ang note sa pisara na kailangan nilang dumeretso sa laboratory. Pagdating niya sa laboratory ay walang tao pero bukas ang pinto. Pumasok siya. At nang nasa loob na siya ay biglang sumara ang pinto at namatay ang mga ilaw kaya dumilim. Inalipin siya ng takot lalo na nang may grupo ng kalalakihan na sumugod sa kanya at pilit siyang hinuhubaran ng damit. Nagpumiglas siya at lumaban kaya napunit ang damit niya na hiniklas ng isang lalaki. May kadiliman kaya hindi niya nakilala ang mga lalaki. Naikuwento niya kay Elthur ang nangyari.
“Hindi ko sila nakilala. Hinala ko baka napag-utusan lang sila na takutin ako. Umalis din sila noong umiiyak na ako at nagsisisigaw,” sabi niya.
“Sila ‘yong mga estudiyanteng walang magawa,” ani Elthur.
Unti-unti na siyang nakakaramdam ng ginahawa. Samantalang hindi pa rin siya makapaniwala na nag-aaral si Elthur sa university na iyon. Nakita lang niya ito kaninang umaga sa parking lot.
“Ano ba ang kurso mo?” pagkuwan ay tanong niya sa lalaki.
“Chemical engineering. Actually sa Maynila ako nag-aral ng first year. Lumipat lang ako rito,” anito.
“So, first time mo sa university, tama?”
“Oo,” sagot nito. “Maiba ako, sino ‘yong lalaking kausap mo kanina?” usina nito pagkuwan.
Naalala niya si Valtazar. Ito marahil ang tinutukoy nito. “Si Valtazar ‘yon, isang law student,” sagot niya.
“Mabait ba siya sa ‘yo?” usig nito.
“Uh, oo. Palagi niya akong tinutulungan kapag may nambu-bully sa akin.”
“Hindi ko siya gusto. Mabigat ang loob ko sa kanya,” prangkang wika ni Elthur.
“Hindi kita masisi. Kahit ako ay hindi pa siya lubos na kilala. Pero huwag muna natin siyang husgahan.”
“Mukhang malakas ang impluwensiya niya sa paaralan,” anito.
“Tama ka. Investor ng university ang parents niya. Malakas din ang business nila rito sa Lucena at may mga sangay sa ibang lugar sa bansa. Kilala siya sa university. Pansin ko rin na nirerespeto siya ng ibang estudiyante,” kuwento niya.
Tumahimik na si Elthur. Hinatid siya nito sa restaurant ng Tito niya. Hindi muna siya papasok sa hapong iyon para makapagpahinga siya. Naisip niyang magsumbong sa pamunuan ng university para maimbestigahan kung sino ang nanakot sa kanya sa laboratory. Nangako naman ang tiyuhin niya na sasamahan siyang kumausap sa school dean.
Umalis naman kaagad si Elthur pagkatapos niya itong pagmeryendahin. Ang totoo, nabigla rin siya sa pagsulpot ni Elthur at nagbulontaryo pang ihatid siya kanina. Pero kalaunan ay naghari sa isip niya si Valtazar na nag-abala pang lapitan siya at punasan ang kanyang luha. Hindi niya iyon inaasahan.
MATAPOS ireklamo ni Olivia sa dean ang sinapit niyang karahasan sa mga estudiyante ay nangako ang school committee na paiimbestigahan ang kanyang kaso. Ang problema, wala ni isa sa mga lalaking nanakot sa kanya ang namukhaan niya. Hindi naman siya puwedeng magturo lang basta ng kung sino.
Lunes ng umaga pagpasok ni Olivia sa university ay naging mapagmasid siya. Naglalakad siya sa pathway nang masalubong niya ang umiiyak na babae. Freshmen din ito pero hindi niya alam kung ano ang kurso. Napansin niya na nanginginig pa ito. Nang harangin niya ito ay bigla itong tumili.
“Huminahon ka, miss,” sabi niya rito. Pinigil niya ito sa mga balikat.
Natatarantang tumitig ito sa kanya. Walang tigil sa pagpatak ang luha nito.
“Ano’ng nangyari sa ‘yo?” nag-aalalang tanong niya rito.
“M-may naglagay ng ahas sa locker ko,” humihikbing sumbong nito.
Nawindang siya sa sainabi nito. “Mag-report ka sa dean para maaksiyunan nila ito,” aniya.
Tumango lang ito. Pagkuwan ay nilagpasan siya nito. Bumuntong-hininga siya. Habang papalapit siya sa locker room ay hindi maawat ang kabog ng dibdib niya. Number 158 ang locker niya. Doon niya iniiwan ang mga gamit niya para sa activity nila. Nagbilang siya ng tatlo bago binuksan ang locker.
Napawi ang kaba niya nang wala siyang makitang nakakatakot na bagay sa halip ay isang tangkay ng pulang rosas ang kanyang nakita. Napangiti siya sa isiping may humahanga na sa kanya. Nang kunin na niya ang bulaklak ay ganoon na lamang ang gulantang niya nang bigla itong maging ahas na kulay abo.
Nanakbo siya palabas ng locker. Sa sobrang pagkataranta ay bumalya siya sa matigas na bagay.
“Aaaahh!” sigaw niya.
Natigilan siya nang mamataan niya sa kanyang harapan si Valtazar na siyang binunggo niya.
“What’s wrong?” kunot-noong tanong nito.
“M-may ahas sa locker ko,” nauutal na sumbong niya.
“Talaga?” hindi makapaniwalang sabi nito.
Naglakad ito patungo sa locker ng mga babae. Sumunod naman siya rito. Itinuro niya rito ang locker niya. Nagulat siya nang wala siyang makitang ahas at ang sinasabi niyang ahas ay isa lamang rosas. Kinuha iyon ni Valtazar.
“Wala naman, eh,” sabi nito.
“A-ang bulaklak na hawak mo, naging ahas ‘yan kanina,” giit niya.
Tumawa ng pagak ang lalaki. “Masyado namang malawak ang imahenasyon mo. Baka mayroon kang secret admirer na naglagay ng rosas sa locker mo. Paano naman ito naging ahas sa paningin mo?” anito.
“Hindi ako nag-e-ilusyon. Totoong naging ahas ‘yan kanina,” pilit niya.
“Okay. Tumalikod ka,” utos nito sa kanya.
Tumalikod naman siya. May ilang segundo siyang nakatalikod.
“Puwede ka nang humarap,” sabi nito pagkuwan.
Pagharap niya rito ay napatingin siya sa sahig malapit sa paa nito kung saan namataan niya ang nasunog na rosas.
“A-anong nangyari?” manghang tanong niya.
“Hindi totoong ahas ang nakita mo. Mayroong naglagay niyon na gumamit ng black magic para mapaglaruan ang paningin mo,” paliwanag nito.
Namangha siya. May alam din si Valtazar sa paranormal at mukhang naniniwala ito sa ganoong usapin Pero hindi siya puwedeng magtiwala kaagad dito para ibahagi ang kaalaman niya hinggil sa larangang paranormal.
“Bakit alam mo ang tungkol sa bagay na ‘yon?” usisa niya.
Hindi siya nito sinagot. Nakangiti lang ito. Pagkuwan ay nagtungo na ito sa locker nito na katabi lamang ng locker ng mga babae. Wala pa masyadong estudiyante kaya tahimik. Kinuha na niya ang gamit niya sa locker.
“Ano nga pala ang course mo?” mamaya ay tanong ni Valtazar.
Sinipat niya ito. May dalawang dipa lamang ang layo niya rito. “Medical technology,” tipid niyang sagot.
Lumingon sa kanya si Valtazar. “Do you have plan to proceed to medicine?” tanong nito.
“Oo. Gusto ko talaga maging doktor,” tugon niya.
“Well, that;s good for you. Bagay mo naman,” nakangiting sabi nito.
Hindi niya napaghandaan ang agarang pag-init ng kanyang mukha. “Salamat,” naiilang niyang sabi.
“And I’m just curious too why Denmark chose you to be one of his victim in bullying. Did you make something bad to him?” pagkuwan ay usisa nito.
“Uhm, aksidente ko lang namang natapunan ng inumin ang damit niya. Simula noon ay pinag-initan na niya ako,” sagot niya.
“Ang babaw ng dahilan. Anyway, just avoid him and focus on your study,” pagkuwan ay payo nito.
Parang may malamyos na hanging humaplos sa puso niya. “Salamat sa simpatiya. Baka talagang mainit lang ang dugo sa akin ni Denmark,” aniya.
“No worries. At bakit naman iinit ang dugo sa ‘yo ng hangal na iyon?” anito sa matigas na tinig.
“Siguro dahil hindi ako mayaman at hindi maimpluwensiya ang pamilya ko. Wala rin akong s*x appeal kaya ang baba ng tingin sa akin ng iba, lalo na ng mga lalaki,” tugon niya.
“Hindi naman siguro ganoon. Huwag kang magsalita ng ganyan, hindi totoo ‘yan. Maganda ka naman, eh.”
Awtomatikong napako ang paningin niya kay Valtazar. Bigla siyang natawa.
“Oh, bakit ka natawa?” tanong nito.
“Ikaw lang ang nagsabing maganda ako. Huwag mo nga akong biruin,” aniya.
“I’m serious, Olivia. Para sa akin, lahat ng babae maganda. Ang babae para sa akin ay katulad ng isang rosas, na kapag hindi ka marunong magtanim at mag-alaga ay madali itong mamamatay. Ang rosas ay maganda at attractive kahit ito ay may matitinik na tangkay. Pero alam mo ba kung bakit kahit mahirap itong pitasin ay marami pa ring may gusto nito? Dahil ang rosas ay simbolo ng iba’t-ibang estado at klase ng pag-ibig. Kaya para sa akin, ang rosas at ang babae ay pareho ng katangian, dapat itong mahalin at alagaan dahil napakasinsitibo nito,” makahulugang pahayag nito.
Kumabog ang dibdib ni Olivia-senyales na nasisiyahan siya sa pag-uusap nilang iyon ni Val. Simula noong nakita niya si Valtazar ay hindi na ito maalis sa isip niya. Bukod sa takaw-pansin nitong pisikal na katangian, masasabi niya’ng maganda rin ang katangian nito bilang lalaki.
“Salamat sa mga magandang salita. Alam mo, sa lahat ng lalaking nakilala ko rito sa university, ikaw lang ang kumakausap sa akin ng ganito,” aniya.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” curious na tanong nito.
“Ang totoo, wala ako masyadong kaibigan. Walang lalaking pumapansin sa akin katulad ng ginagawa mo. Pakiramdam ko tuloy sobrang pangit ko.”
Ngumiti si Valtazar. “Hindi totoo ‘yan. Ang mga lalaking sinabi mo, baka may mga vision problem. At paano mo nasabing walang lalaking pumapansin sa ‘yo? Sino naman ‘yong lalaking sumundo sa ‘yo noong nakaraang linggo na naabutan kitang umiiyak sa labas ng laboratory?”
Naalala niya si Elthur, na siyang tinutukoy nitong lalaki. “Si Elthur ‘yon. Nakilala ko siya noong bata pa ako. Hindi kami masyadong close noon pero komportable ako sa kanya ngayon,” sagot niya.
“Oo nga, obvious na matagal na kayong magkakilala. First time ko siyang nakita rito sa university.”
“Transfer student siya mula Maynila. Pero dito talaga siya lumaki sa Lucena. Magkakilala ang nanay namin.”
“Ah, kaya pala,” tumatangong komento nito. “Maiba ako, nasaan ang parents mo?” pagkuwan ay usisa nito.
“Uh, matagal nang patay ang nanay ko. Ang tatay ko naman ay isang sundalo at sumama sa ibang babae. Hindi na siya nagpakita sa akin simula noong iwan niya kami ng nanay ko. Wala na rin akong balita sa kanya,” kuwento niya.
Biglang tumahimik si Valtazar. At speaking of Elthur, bigla itong sumulpot at lumapit sa locker nito na kahanay ng locker ni Valtazar. Napansin niya na nagtama ang mga paningin ng dalawang lalaki. Mamaya ay sunud-sunod na rin ang pagdating ng ibang estudiyante.
Isinara naman ni Olivia ang kanyang locker saka walang paalam na umalis. Mabagal ang paglalakad niya patungo sa classroom nila. Napansin niya na halos lahat ng nakakasalubong niyang estudiyante ay nakatingin sa kanya. Huminto siya sa public CR na mayroong salamin. Pinagmasdan niya ang kanyang sarili.
Wala namang dumi ang mukha niya. Hindi lamang siya nakapagtali ng buhok dahil basa pa. Kahit basa kasi ang buhok niya ay buhaghag iyong tingnan. Hindi rin siya nakapaglaba kaya isinuot niya ang puting dress na hanggang binti ang haba ng laylayan. Baka mapagkamalan siya ng mga ito na while lady.
“Ano ba ‘yang ayos niya? Mukha talaga siyang mangkukulam,” narinig niyang sabi ng babae sa kasama nito. Naabutan siya ng mga ito sa palikuran.
“Oo nga. Now we know that the fact about her was real. Gosh! I can’t imagine na mayroong witch na nag-aaral dito. Nakakatakot,” sabi naman ng isa.
“Huwag kang maingay, baka makulam ka,” anang kasama nito saka humagikgik.
Nakayukong lumabas na lamang ng palikuran si Olivia. Hinanap niya sa kanyang bag ang ponytail niya. Nang makuha’y pinag-isang bungkos niya ang kanyang buhok. Pagpasok niya sa classroom nila ay biglang tumahimik ang mga kaklase niya. Nakatingin lahat sa kanya.
Bakit sila nakatingin lahat sa akin? Masagwa ba talaga ang mukha ko?
Hindi niya pinansin ang mga ito. Umupo siya sa kanyang silya. Dumating na rin si Natalie at umupo sa katabi niyang silya.
“Good morning,” naiilang na bati niya kay Natalie.
Hindi siya nito pinansin. Nagtataka na talaga siya.
“May problema ba, Natalie?” hindi natimping tanong niya.
“Mamaya na tayo mag-usap, Olive,” sabi nito.
Nakampanti siya. Mabuti na lang hindi makitid ang utak ni Natalie.
PAGSAPIT ng lunch break ay hindi umuwi si Olivia. Magre-review kasi siya para sa long quiz nila. Naabutan niya sa parking lot si Natalie at sana’y sasakay na sa kotse nito.
“Natalie, mag-usap tayo!” pigil niya rito.
“Okay. Get in,” sabi naman nito.
Sumakay naman siya at umupo sa passenger seat. Pinaandar lang ni Natalie ang kotse pero hindi nito pinausad.
“Bakit pati ikaw umiiwas sa akin?” nababahalang tanong niya.
“Kumalat ang tsismis tungkol sa ‘yo na isa ka raw witch,” deretsong sabi nito.
Nawindang siya. Kaya pala pinag-uusapan siya ng dalawang babae kanina sa palikuran.
“Sino naman ang nagpakalat ng tsismis?” aniya.
“Hindi ko alam. Merong nagpaskil sa bulletin board na may litrato mo. Nakalagay roon na ang nanay mo raw ay isang witch na nakikipag-ugnayan sa masasamang elemento. Kilala raw ang nanay mo noon na nakikipag-usap sa mga diablo at naisalin daw sa ‘yo ang kakayahan ng nanay mo,” sabi nito.
Malaking isyu para sa kanya na pati nanay niya ay nadawit sa kalokohang iyon. Pero hindi niya aaminin na isang paranormal expert ang nanay niya baka lalo siyang pag-isipan ng mga tao ng kung ano. Alam niya sa kanyang sarili na walang mali sa ginagawa ng kanyang ina, sa halip ay nakakatulong pa ito sa mga biktima ng mga masasamang elemento.
“Naniniwala ka ba roon?” aniya.
“Sa totoo lang hindi ako naniniwala sa mga ganoong usapin. It was just a supernatural belief na gawa-gawa ng mga taong malalawak ang imahenasyon. It’s nonsense. Don’t worry, hindi kasing kitid ng iba ang utak ko. Just enjoy your life. Don’t mind those people who has crab mentality. Mga wala lang silang mapagkakabalahang matino. Siguro hindi sila masaya sa buhay nila kaya sila nanghahamak ng kapwa,” sabi naman ni Natalie na nagpagaan sa loob niya.
Natutuwa siya kay Natalie. “Salamat, Natalie. Siguro iilan na lang ang taong katulad mo sa mundo,” aniya.
“Huwag kang magpasalamat sa akin. Talagang ayaw ko lang magpaimpluwensiya sa mga walang kuwentang bagay. Nandito ako para mag-aral hindi para makialam sa buhay nang may buhay.”
Ngumiti siya. “Mamayang gabi kapag hindi ka busy, pumunta ka sa Rexy restaurant, ililibre kita,” sabi niya.
“Talaga? Wala ka bang duty roon mamaya?”
“Meron pero dalawang oras lang ang duty ko.”
“Sige. Ano, saan ka magla-lunch ngayon?”
“Sa canteen na lang, nagbaon kasi ako.”
“Okay. See you later.”
Bumaba na siya. Nagmaniobra na rin si Natalie. Pagkuwan ay nagtungo na siya sa canteen. Inilabas na niya ang baon niyang pagkain at sinimulang kumain. Mas panatag ang loob niya kapag wala masyadong estudiyante sa paligid niya.