HALOS tatlong oras lang ang naitulog ni Olivia pero pumasok pa rin siya sa university. Pilit niyang nilalabanan ang antok niya. Pagkatapos ng klase sa umaga ay mag-isa siyang lumabas ng classroom. Para siyang nakalutang sa hangin habang naglalakad sa covered court kung saan may naglalaro ng basketball.
Mamaya ay bigla na lamang may matigas na bagay na sumalpok sa ulo niya. Sa sobrang lakas ng pagsalpok ay napaluklok siya sa sahig. Nahimasmasan siya. Narinig niya ang mga enstudiyanteng nagtatawanan. Pagtingin niya sa grupo ng kalalakihan ay namataan niya si Denmark na isa sa naglalaro. Nakatawa rin ito.
Tumayo siya. Tiningnan niya ang bolang nasa harapan niya. May lumapit na lalaki upang kunin sana ang bola ngunit bigla niya iyong sinipa nang buong lakas at inis. Malayo ang narating ng bola at tumama sa likod ng lalaking naglalakad palabas ng covered court.
Nang huminto ang lalaki at hinanap ang salarin ay doon lamang niya ito nakilala. Kumagat-labi siya nang malamang si Valtazar ito. Hindi siya nakapagtago dahil itinuturo siya ng mga estudiyante lalo na ng mga naglalaro. Kung maari ay lumubog na lamang siya sa sahig huwag lamang mapahiya nang husto.
Hindi niya malaman ang gagawin nang mamataan niyang humahakbang palapit sa kanya si Valtazar. Nangatog ang tuhod niya nang tuluyan itong makalapit at huminto may dalawang dangkal ang pagitan sa kanya. Tiningala niya ito.
“Kung galit ka sa mga lalaki, huwag mo akong idamay. Hindi ako katulad nila,” seryosong wika nito.Hindi naman ito galit.
Hindi siya nakakibo. Lumapit pa si Denmark at nakisawsaw sa kanila.
“Papansin kasi ang babaeng iyan. Malamang gusto ka niya at gusto niyang makuha ang atensiyon mo kaya sinadya niyang patamaan ka ng bola,” sabi ni Denmark.
Binato niya ng mahayap na tingin si Denmark. Napansin din niya ang pagbaling ng tingin ni Valtazar kay Denmark. Idinadalangin niya na sana ay siya ang kakampihan ni Valtazar.
“Lalaki ka ba talaga,Denmark?” kaswal na tanong ni Valtazar kay Denmark.
“Oo naman,” mariing sagot naman ni Denmark.
“Kung tunay kang lalaki, bakit ka nambu-bully ng babae? Insecure ka ba kay Olivia dahil maganda siya?” ani Valtazar.
Nagtagis ang bagang ni Denmark at halatang nagtitimpi lang. “Ang yabang mo lang dahil malaki ang share ng pamilya mo rito sa university pero kaya kitang patalsikin dito!” napipikong asik ni Denmark.
“Go ahead, I don’t care,” ani Val.
Kumilos si Denmark upang suntukin sana si Valtazar ngunit bigla itong natigilan. Nagtataka si Olivia bakit biglang dumaing si Denmark at napahawak sa puson nito. Nasaksihan niya ang biglang pagdaloy ng dugo mula sa ilong nito. To the rescue naman ang mga kaibigan nito at inilayo sa kanila si Denmark.
Iniisip niya na baka may sakit lang si Denmark. Pero nang tingnan niya si Valtazar ay sinusundan pa rin nito ng tingin si Denmark.
“S-sorry,” sabi niya.
Nang nabaling sa kanya ang tingin ni Valtazar ay napatingin siya kay Denmark na bigla na lamang bumagsak sa sahig.
“It’s okay,” pagkuwan ay sabi ni Valtazar saka siya iniwan.
Nag-abala pa siyang sundan ito ng tingin. Hindi siya mapakali. Ayaw niyang igiit pero posible kayang may kinalaman si Valtazar sa nangyari kay Denmark?
HINIHILOT ni Valtazar ang kanyang ulo nang pakiramdam niya’y para itong mabibiyak sa sobrang sakit. Nakaharap siya sa malaking salaming nakadikit sa pinto ng kanyang closet sa loob ng kuwarto. Hindi niya maintindihan bakit sa muling pakakataon na nakita niya si Olivia, ay may mga kakaibang emosyon siyang natutuklasan sa kanyang sarili. Katulad na lamang ng pagiging biyolente ng isip niya at curious siya sa pagkatao ng babae-maliban sa gusto niya ang pangalan nito.
Kumislot siya nang may kumatok sa pinto kasunod ang boses ng kanyang ina.
“Val, anak! Halika na’t kakain na!” tawag ng kanyang ina.
“Yes, Mom!” pasigaw niyang sagot.
Kumuha siya ng puting T-shirt sa kanyang closet saka isinuot. Pagkuwan ay lumabas na siya at dumeretso sa hapag-kainan kung saan may nakahain nang hapunan. Inaayos ng Mommy niya ang mga kobyertos. Pinaghila pa siya nito ng silya.
“Si Dad, Ma?” tanong niya rito saka siya umupo.
“Male-late raw siyang uuwi. Marami pa raw kasi siyang kailangang tapusing paperwork,” sabi nito. Umupo na rin ito sa katapat niyang silya.
Naisip niya; palagi na lang ganoon ang Daddy niya. Noong bata siya, limitado lang ang oras ng Daddy niya para makapag-bonding sila. Lalo na malamang ngayon dahil marami nang branches ang business nitong security and investigation agency. Gusto niyang pumasok sa politika kaya siya nag-aral ng political science pero nakumbinsi siya ng Daddy niya na mag-proceed sa law course. Pagka-graduate niya ng political science ay nag-enroll ulit siya ng law kaya twenty-seven years old na siya ay hindi pa siya tapos sa pag-aaral
“Kumusta naman ang studies mo, anak? Maluwag na ba ang schedule mo?” pagkuwan ay usisa ng kanyang ina.
“Limang subject lang po ang nai-enroll ko sa semester na ito. Nakuha ko naman nang advance ang ibang subject last year and during summer class. Kagaya ng sinabi n’yo, kailangan ko nang tulungan si Daddy sa pagpapatakbo ng kumpanya,” aniya.
“Tama ka. Lumalaki na kasi ang kumpanya at nahihirapan na ang Daddy mo. Ikaw lang ang inaasahan niya’ng makakatulong sa kanya.”
Dumapo na naman sa isip niya si Olivia. Aywan niya bakit tuwang-tuwa siya sa pangalang may pagkakasing-tunog sa olive.
“Uh, Ma, may balita pa ba kayo kay Olive?” hindi natimping tanong niya.
Biglang natawa si Rachell.
“W-what’s funny?” kunot-noong tanong niya.
“Sorry. Kasi naman, anak. Twenty years na ang nakalipas since iwan tayo ni Olive at nagpakasal siya sa boyfriend niyang Latino. Hindi mo pa pala siya nakakalimutan? Ang talas naman ng memorya mo, ah,” anito.
Napangiti siya. “I’m just thinking about her since I heard a name similar to her name. I just like the name olive or name sound like olive. I don’t know. Natutuwa akong nakakarinig ng ganoong pangalan. Katulad ng pagkatuwa ko sa pagkain ng pizza pie na mayroong sliced of olives.”
“Alam mo, ang weird mo,” komento ng kanyang ina. “Bakit, may nakilala ka bang olive ang pangalan sa school?” pagkuwan ay usig nito.
Dumapo na naman sa isip niya si Olivia, na gustong inaasar ng grupo ni Denmark. In fairness, nang makita niya’ng nakaayos ang babae ay napansin niya ang kakaibang ganda nitona hindi inakala ng sino man. Bihira siya nakakakita ng magandang babae na walang makeup. Sa henerasyon ngayon, kahit mga teenagers ay marunong nang maglagay ng makeup at kung anong pampaganda. Kaya madali siyang ma-atrract sa mga babaeng natural ang ganda dahil iilan na lang ang mga ito. ‘Yong tipong kahit kagigising at hindi pa naliligo at nagsisispilyo ay maganda pa ring tingnan.
“Hindi naman olive ang pangalan niya. She’s Olivia,” kaswal na sagot niya.
“And you like her, right?” tukso ng kanyang ina.
Tumikwas ang isang kilay niya. “Ma, I just like her name,” giit niya.
“So, meaning, umaasa ka pa ring babalik si Olive para sa ‘yo? Isa iyang kahibangan, anak.”
Umismid siya. “Ma, hindi pa ako nababaliw. Sinabi ko bang gusto ko si Olive? Of course, bata pa ako noon at ano’ng malay ko sa usaping pag-ibig? I just admire her because she’s pretty and smart,” depensa niya.
“Oo na, ayaw ko nang makipagtalo sa ‘yo. Pero may update ako tungkol sa kanya,” ani Rechell. “Naka-chat ko siya sa messenger at nalaman ko na dalawa na ang anak niya at puro lalaki. Ang guguwapo nga,” kuwento nito.
“Wala ba siyang anak na babae?” usisa niya. Uminom siya ng wine.
“At bakit mukhang interesado ka sa anak niyang babae?”
“Ma, I’m just asking, okay?” napipikong sabi niya.
“Okay. Pero naikuwento sa akin noon ni Olive na nagkaroon siya ng boyfriend noong college siya. Nabuntis siya at ang masama ay hindi inako ng lalaki ang bata. Na-depress siya at pinlano niyang ipalalag ang bata pero nahimok siya ng pinsan niya na buhayin ang bata. Natatakot siyang manganak noon sa ospital kaya lumapit din siya sa pinsan niyang marunong magpaanak. Noong naisilang na niya ang sanggol, iniwan niya ito sa pinsan niya at pumunta siyang Maynila para ituloy ang pag-aaral niya. Taga-rito rin daw iyong pinsan niya sa Lucena. Hindi na niya binawi ang bata,” kuwento ng Mommy niya.
“Babae ba ‘yong anak niya?” tanong niya.
“Hindi ko alam. Hindi niya nabaggit sa akin.”
Naudlot ang kuwentuhan nila nang dumating ang Daddy niya. So sobrang pagod ay kaagad umupo sa silyang katabi ng Mommy niya ang kanyang ama. Naaawa siya rito. Pakiramdam niya’y nahihirapan na ang Daddy niya sa pagtatrabaho. Kaagad namang inasikaso ng Mommy niya ang pagkain nito.
Hanggang sa mga panahong iyon ay hindi pa rin niya lubos maunawaan kung bakit hindi siya nagkaroon ng kapatid. Tatlong beses na raw nakunan ang Mommy niya, isang beses bago siya nabuo at pagkatapos sa kanya ay magkasunod itong nakunan. Wala naman daw itong deperensiya sa matris. Pakiramdam niya’y may itinatagong lihim ang mga ito sa kanya. Hindi pa rin siya sinasagot ng mga magulang niya tungkol sa mga tanong niya hinggil sa mga kakaibang nadidiskobre niya sa kanyang sarili.
Parehong busy ang parents niya. Magkatuwang na pinapatakbo ng mga ito ang kumpanya nila. Marami ring investments ang Mommy niya sa malalaking kumpanya sa lugar nila kasama na ang Dela Rama university. Malaki ang investment ng Mommy niya sa university lalo na sa mga facilities na ginagamit ng mga criminology students. Ten million ang investment sa facilities at ten million ang budget para sa scholarship program at para sa mga working students.
Napansin niya na mas maraming alam sa business ang Mommy niya kaysa kanyang ama. Ang isa pa sa ipinagtataka niya ay sa kumpanya lamang nagagamit ang totoong pangalan ng Daddy niya. Mas kilala ito sa pangalang Renzo Del Carmen, samantalang simula noong nakamulatan niya ang parents niya ay Zardum ang palaging tawag dito ng Mommy niya. Kaya ganoon din ang nakasanayan niya. Nawe-weirduhan din siya sa pangalan niya. Hindi niya gusto pero wala siyang choice. Hindi na niya iyon kinuwesyon sa kanyang mga magulang. Baka may mga dahilan lang ang mga ito.
Pagkatapos ng hapunan ay tumambay siya sa study, kung saan din madalas tumatambay ang Daddy niya. Umupo siya sa stool chair at nagbasa ng economic book. Narinig niya ang yabag at naramdaman niya ang presensiya ng Daddy niya na pumasok.
“Nagre-review ka ba, anak?” tanong ng Daddy niya.
Nakalapit na ito sa kanya. Sinipat niya ito. Nakapamulsa ang mga kamay nito. Kaswal lang itong manamit kahit sa opisina. Nakasuot lang ito ng itim na faded jeans at puting polo-shirt.
“Nagbabasa lang ako, Dad. Tinatamad akong mag-review,” sagot niya.
“Hindi ‘yan magandang pangitain. Huwag mong laruin ang iyong kurso,” sabi nito.
“Alam ko. Siguro naiinip lang ako dahil pamilyar na ako sa mga lessons namin,” aniya.
“Mayabang ka rin, ah,” natatawang sabi ng kanyang ama.
Ngumisi siya. “Siguro kulang lang ako sa insperasyon,” aniya pagkuwan.
“Insperasyon? Katulad ng ano?” usig nito.
“I don’t know. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang gusto ko. Parang marami pa ring kulang sa pagkatao ko, expect for having my own family. I felt something missing too,” kumpisal niya.
“Bakit hindi ka manligaw ng babae? Makipag-date ka. dati naman ay marami kang dini-date,” suhesoyon nito.
Tama ang Daddy niya. Noong nag-aaral siya ng political science ay marami siyang dini-date na babae pero wala siyang sineryoso. Pero simula noong nag-aral siya ng abogasya ay nawalan na siya ng interes sa mga babae. Siguro dahil kasabay niyon ay marami na siyang nararamdamang kakaiba sa kanyang sarili.
“Dad, I have a question,” aniya.
“Hm? Ano ‘yon?”
“Alam n’yo po ba ‘yong supernatural powers? Like telekinesis?”
May ilang segundong tahimik si Zardum. “Bakit mo naman naitanong ang bagay na iyan?” pagkuwan ay tanong nito.
“Noong bata ako, binaggit ko sa inyo na nagawa kong paliparin ang mga libro ko habang tinititigan ko ang mga ito. Sinabi ko rin na hindi ako napapaso sa apoy. Naging busy ako kaya nakalimutan ko ang mga iyon. Pero ngayong taon lang, may bago akong natuklasan. Natatakot ako kasi hindi ko magawang kotrolin ang sarili ko sa tuwing naiinis ako sa isang tao. Nasasaktan ko sila. Baka sa susunod ay hindi ko namamalayan na nakapatay na pala ako,” kuwento niya base sa mga naging karanasan niya. Tahimik ang Daddy niya kaya nagpatuloy siya.
“Alam ko na mayroong specific explanation tungkol sa katangian ko. Huwag na kayong maglihim sa akin, Dad. Hindi naman ako magagalit, eh. If it’s really a curse, then tell me how to avoid it,” walang paliguy-ligoy na usig niya sa kanyang ama.
Humakbang patungo sa gawing kaliwa niya si Zardum kaya nagpantay sila. “Gusto kong mabuhay ka nang normal, anak, kaya hindi kita pinipilit na konsintihin ang mga nararamdaman mong kakaiba. Pero mukha atang hindi natin maiiwasan ang sumpa. Nagsimula ito sa akin. Tinalikuran ko ang responsibilidad ko para lang makasama ang Mommy mo. Kung iiwan ko naman ang Mommy mo, ikamamatay ko ‘yon,” inisyal na pagtatapat nito.
Nasipat niya ang kanyang ama na puno ng kyuryosidad. “Anong klase ka ba talagang nilalang, Dad?” deretsong tanong niya rito.
“Isa akong diablo na gumagamit lamang ng katawan ng ordinaryong tao. Anak ako ng isinumpang anghel dahil sa maraming pagkakamali. Nakatakda akong pagharian ang inferum o impiyerno pero tinalikuran ko ang responsibilidad na iyon para mahanap ang tunay na pag-ibig sa lupa. Kaya ang mga insecure na nakapaligid sa kaharian ay pilit inaagaw ang trono at pilit ginugulo ang pananahimik ko. Alam kong hindi ko ito maiiwasan at balang araw ay susulpot sila para gambalain ako.
“Kapag pinili kong pagharian ang trono, mamamatay ang katawang ito at mabubulok bagay na noon pa dapat nangyari. Hindi ko kayang iwan ang Mommy mo kaya pilit kong inilalayo sa sumpa ang pamilya natin. Bagaman alam kong maaring mapasa sa ‘yo ang responsibilidad ko, pilit ko iyong binabalewa dahil gusto kong maging normal kang tao. Hindi ko rin alam kung ano ang gagawin ko para mailayo ka sa banta ng mga diablo,” mahabang kuwento ng kanyang ama na labis na nagpawindang sa kanya.
Marahas siyang tumayo at hinarap ang kanyang ama ngunit hindi niya nagawang magsalita.
“Patawarin mo ako, anak. Wala akong lakas ng loob para sabihin sa iyo ang tungkol sa bagay na ito noon. Bata ka pa noon at hindi mo rin ako mauunawaan,” ani Zardum.
Hindi niya alam kung maniniwala siya pero malaking bagay na nakapag-usap sila nang ganoon. Kahit papano ay nabigyang kasagutan ang mga tanong niya. Matanda na siya para makipagtalo sa kanyang ama. Hindi pa naman siguro ito nababaliw.
“Naiintindihan ko, Dad, pero hindi ko ito gusto. Gusto kong maging normal na tao,” aniya.
“Magagawa mong maging normal kung gugustuhin mo. Sa tagal kong nabubuhay sa ibabaw ng lupa, natutunan kong mabuhay nang normal katulad nito. Pero aminado ako na hindi maiwasan ang mga suliranin. May tiwala ako na mas magiging madali para sa iyo ang kontrolin ang kapangyarihan mo dahil isa kang kalahating tao.”
Tumawa siya ng pagak. “Hindi ka naman siguro nababaliw, Dad,” aniya nang bahagya siyang nalito.
“Siyempre, hindi. Alam mo ba kung bakit ayaw kong tumingin sa salamin?” anito.
“Bakit nga ba? Matagal ko nang tanong ‘yon,” aniya. Oo nga’t ni minsan ay hindi niya ito nakitang humarap sa salamin. Walang salamin sa opisina nito o kahit sa kuwarto ng mga ito. Meron sa banyo pero siguro umiiwas din ito.
Humakbang palapit ang Daddy niya sa malaking salamin na may takip na puting tela. Hinila nito ang tela saka ito tumayo sa tapat ng salamin. Napapiksi siya sa pagkagulat nang makita niya ang repleksiyon ng kanyang ama sa salamin. Dagli niyang nilapitan ang kanyang ama. Doon na siya naniwala sa mga sinabi nito.
“f**k! Is that real, Dad?” gulantang na tanong niya sa kanyang ama.
Nakikita niya ang totoong imahe ng isang diablo sa salamin. Isang pangit na nilalang na mayroong mga sungay. Hindi niya matagalang tingnan ang imahe sa salamin kaya tinakpan niya iyon ng tela.
“Magkaiba tayo, Val. Nasisiguro kong hindi mo rin namana ang ugali ko. Nagmana ka sa iyong ina,” sabi ni Zardum.
“Of course because you don’t have a sperm cells. Malamang cells ni Renzo na may-ari ng katawang iyan ang bumuo sa akin. At ayaw kong maging kamukha mo,” sabi niya na may bahid ng biro. Of course, He’s still his father no matter what happen. “Look, kamukha ko ang katawang ‘yan na ginagamit mo,” pan-iinsulto niya sa kanyang ama. Gusto talaga niya itong inisin.
“Huwag kang hangal. Kung hindi ko ginamit ang katawang ito, hindi ito kikilos para romansahin ang iyong ina na dahilan para mabuo ka,” kaswal na sabi nito.
“So, hindi ka insecure kay Renzo?” nakangising tanong niya.
“Anong insecure?” Mariing kumunot ang noo ng kanyang ama.
Mahina pa rin sa wikang Englis ang Daddy niya. “Uh, hindi bale. Ano ka man, sino ka man, you’re still my Dad,” aniya saka inakbayan ito.
“At tigilan mo ang pag-e-englis. Nakakairita!” napipikong sabi nito.
Bumungisngis siya. “I like you, Dad. I love you,” aniya saka niya niyakap ng mahigpit ang Daddy niya.