PAGKATAPOS ng duty ni Olivia ay nag-order siya ng kanyang hapunan. Pasado alas-diyes na ng gabi. Iilan na lamang ang kumakain sa restaurant dahil magsasara na ito. Alas-siyete ng umaga bumubukas ang restaurant hanggang alas-diyes ng gabi.
Inukupa niya ang mesa malapit sa pinto. Nakauwi na ang ibang kasama niya sa trabaho kaya wala na siyang kasabay kumain. Nagliligpit na rin ng mga tirang pagkain ang tiyuhin niya na iuuwi nito. Habang abala siya sa pagsubo ay maya’t-maya ang sipat niya sa katapat niyang mesa na inuukupa ng magkasamang lalaki at babae. Tantiya niya’y kaedad lamang niya ang mga ito. Marahil ay magkasintahan. Napansin din niya ang nag-iisang lalaki na nakaupo sa mesang malapit sa counter. Wala na siyang ibang kasamang kumakain kundi ang mga ito.
Mamaya ay tumayo ang nag-iisang lalaki at lumapit sa mesa ng magkasintahan. May itinatanong ang lalaki sa babae. Biglang nagalit ang nobyo ng babae at inambahan ng suntok ang isang lalaki. Napatayo si Olivia at tinawag ang security. Nagulat siya nang napansing napahawak sa puson nito ang nobyo ng babae at dumadaing.
“What happened?” tanong ng babae sa kasama nito.
Ang lalaking umabala sa dalawa ay walang pakialam na lumakad palabas ng restaurant. Nababalisa si Olivia habang pinagninilayan ang pangyayari. Hinarang ng security guard ang lalaking nagsimula ng gulo pero parang natuka ng ahas at naistatwa ang guwardiya. Uminit ang pakiramdam ni Olivia. Natukso siyang sundan ang lalaki. Naabutan niya ito sa parking lot at palapit sa kotse nito.
“Sandali!” pigil niya rito. Huminto siya may isang dipa ang pagitan dito.
“Ano’ng kailangan mo, Olivia?” tanong ng lalaki sa matigas na tinig.
Natigagal siya. Paano nito nalaman ang pangalan niya? “Sino ka? Bakit mo ako kilala?” magkasunod na tanong niya.
Hinarap siya nito. Mas matangkad ng dalawang dangkal sa kanya ang lalaki. Malapad ang pangangatawan nito at halatang maskulado kahit nakasuot ito ng black suit. May isang pulgada ang itim nitong buhok. Guwapo ito pero suplado ang hilatsa ng mukha. Katamtaman ang puti ng balat nito na makinis.
“I’m you’re mother’s friend,” anito na lalong nagpawindang sa kanya “Ako si Elthur, ang batang tinulungan ng nanay mo na malapit nang mamatay matapos dapuan ng hindi matukoy na karamdaman,” pakilala nito.
Awtomatikong naalala niya ang panahong may ginang na lumapit sa kanyang ina para ipagamot ang anak nitong lalaki na umano’y isinumpa ng diablo. Ang batang iyon din ang madalas niyang makita kahit saan siya magpunta. Naalala pa niya, noong pinuntahan nila ng Mama niya ang bata sa bahay ng mga ito ay kinilabutan siya-noong nakita niya itong kumakain ng mga hilaw na insekto katulad ng bugs at ipis.
Lumuluha ito ng dugo noon at kahit nasusugatan ay hindi nasasaktan. Bigla siyang kinilabutan sa naalala lalo pa’t noong namatay ang Mama niya ay nabalitaan niya na namatay ang batang iyon. Pero paanong buhay ito kung itong si Elthur na nga ang batang iyon noon?
“Kung ikaw si Elthur, ipaliwanag mo sa akin kung bakit buhay ka pa? Nakausap ko ang nanay mo noon at sinabi niya na patay ka na. Sinaksak mo raw ng kutsilyo ang iyong sarili,” aniya.
Ngumisi ang lalaki. “Naniniwala ka ba roon? Matagal nang nasa isang mental institution ang nanay ko. Nasiraan siya ng bait,” anito.
“Ano? P-paano ka na? Sino ang kasama mo sa buhay?” nakikisimpatiyang tanong niya.
Ngumiti lamang ang lalaki at hindi na siya sinagot. Binuksan na nito ang kotse nito saka ito pumasok.
“Nice to meet you again, Olivia. Mukhang namana mo ang kakayahan ng iyong ina,” sabi nito saka nito isinara ang pinto. Nagmaniobra na ito.
Tulalang nakatanaw lamang si Olivia sa papaalis na sasakyan. Hindi niya lubos naunawaan ang huling sinabi ni Elthur. Paano nito nasabng namana niya ang kakayahan ng kanyang ina?
Pagdating ni Olivia sa bahay niya ay kaagad siyang nagbukas ng kuwaderno at nag-review ng kanyang mga aralin. Mag-isa na lamang siyang nakatira sa bahay nila simula noong namatay ang kanyang ina. May dalawang palapag ang bahay nila na sementado sa unang palapag at yari naman sa matibay na kahoy ang ikalawang palapag.
Ang bahay ng Tito niya ay nasa kabilang bakuran lamang. Dating seaman ang Tito niya kaya mas marangya ang buhay kaysa sa kanyang ina na hindi nakapagtapos ng college sa kursong nursing dahil nag-asawa na ito. Sundalo ang tatay niya at palipat-lipat ito ng lugar. Madalas ay nasa Maynila ito.
Naingganyo siyang mag-aral ng pre-med course at mag-proceed ng medicine dahil gusto niyang maging katulad ng Tita Clair niya na isang OB-GYN. Nakatatandang kapatid ito ng kanyang ina. May natatanggap din siyang suportang financial sa kanyang tiyahin na nag-migrate na sa California at doon na nagkapamilya. Nag-aaral din ng medisina ang mga pinsan niya sa California.
Kinabukasan ay maagang nagising si Olivia at naglinis ng bahay. Alas-otso ng umaga ang klase niya kaya may oras pa siya para maglinis. Kagabi pagkatapos niyang mag-review ay nagbabad siya sa f*******:. Nakita niya ang mga post ng mga pinsan niyang babae sa California. Malayung-malayo ang hitsura niya sa mga ito. Magaganda at sosyal manamit ang mga pinsan niya. Naalala niya ang sinabi ng Tita Clair niya na lalabas ang ganda niya kapag nag-ayos siya.
Naisip niya, kaya siguro siya nabu-bully dahil sa kakaibang hitsura niya. Hindi na nga naman uso ang looks niya sa panahong iyon. Ang problema, hindi siya sanay magsuot ng sexy na damit. Hindi rin siya sanay na nagpapakita ng legs at braso. Maraming magagarang damit na pinadala sa kanya ang Tita niya pero hindi niya sinusuot.
Ang palaing bansag sa kanya ng mga bully sa university ay ‘vintage girl’, kasi nga, maka-old-fashioned siya at ang ayos niya kahit sa hitsura ay pang-seventies. Hindi rin siya nagpapahid ng lipstick kung hindi kinakailangan. Kung baga sa litrato, black and white siya. Noon ay hindi siya apektado sa mga sinasabi ng iba sa kanya pero ngayon ay tila tinubuan na rin siya ng insecurity para sa ibang kababaihan.
Pagkatapos niyang maglinis ay naghanap siya ng damit sa lumang aparador niya-kung saan nakatago lang ang mga damit na binigay ng tiyahin niya. Kinuha niya ang light blue dress na hanggang tuhod ang laylayan. Sobrang igsi rin ang manggas na manipis. Hapit sa kanya ang waistline nito pero nakatulong ang design para mahubog ang balingkinitan niyang katawan.
Kahit hindi kalusugan ang dibdib niya, bumawi naman sa kitid ng baywang at malaman niyang pang-upo at mahahabang biyas na katamtaman ang pintog. Natural nang payat ang mga braso niya at mahahaba. Gusot ang damit kaya pinasadaan niya ito ng plantsa. Pagkuwan ay nagluto na siya ng almusal.
Isang oras pagkatapos niyang mag-almusal ay naligo na siya. Gumamit na siya ng conditioner para hindi bumuhaghag ang kulot niyang buhok. Kung dati ay ordinaryong sabong panligo lang ang ginagamit niyang panligo, ngayon ay gumagamit na siya ng beauty soup na pampaganda ng kutis.
Pagkatapos maligo ay isinuot na niya ang napili niyang damit. Humarap siya sa malaking salamin kung saan kitang-kita niya ang kabuoan niya. Doon lamang niya na-appreciate ang kanyang ganda. Katamtaman lang naman ang laki ng mga mata niya na naliligiran ng mahahabang pilik. Katamtaman ang tangos ng ilong niya na makitid at maninipis ang kanyang labi na natural ang pamumula.
Nang matuyo ang buhok niya ay hinati niya ito sa dalawa at tinirentas. May ilang maliliit na hibla lamang na naiwan at nakalawit sa pisngi niya. Manipis na face powder lamang ang ipinahid niya sa kanyang mukha pero hindi na siya nagpahid ng lipstick. Natural namang namumula ang mga labi niya.
Isinuot naman niya ang light blue na doll shoes na binili niya noong nakaraang buwan. Hindi maalis ang ngiti sa mga labi niya habang pinagmamasdan niya ang kanyang repleksiyon sa salamin. Naisip niya, hindi naman niya ikamamatay kung babaguhin niya ang kanyang pag-aayos sa sarili. Excited na siyang makita ang reaksiyon ng mga bully sa university.
Nag-expect na si Olivia na hindi na siya pagti-tripan ng grupo ni Denmark, subalit pagpasok pa lamang niya sa entrada ng university ay basag na ang araw niya. Hindi niya namalayang umulan kagabi. Nagulat na lamang siya nang basa ang lupa. Ang maganda niyang damit ay tinalsikan ng putek ang laylayan nang humarurot sa tabi niya si Denmark sakay ng motor siklo nito. Napahinto siya sa paghakbang at sinundan ng tingin ang mayabang na lalaki.
Nang huminto ito sa parking lot ay kaagad niya itong sinugod. Nilapitan ito ng mga kaibigan nito na kasunod lang nitong dumating. Hindi na siya natatakot sa mga ito.
“Mawalang-galang lang, ganyan ka ba kabastos na tao?” matapang na saad niya kay Denmark. “Kahit sabihin mong ikaw ang may-ari ng paaralang ito, wala kang karapatang umasta ng ganyan!” palatak niya.
Nagtanggal ng helmet si Denmark saka siya sinuyod ng tingin. Tiningnan din siya taas-baba ng mga kaibigan nito na may kasamang pang-uuyam.
“Hm, mukhang tinubuan ka na ng insecurity sa katawan, ah. Ano naman ang nakain mo at nagmukha ka nang tao ngayon?” nakangising sabi ni Denmark.
“Napakawalang-kuwenta mong lalaki! Wala ka man lang respeto sa babae!” asik niya.
“So ano’ng gusto mong gawin ko? Hubarin ko ‘yang damit mo at bihisan ka ng bago?” sabi pa nito na alam palang natalsikan siya nito ng tubig-ulan na may kasamang putek.
Nagtawanan ang mga kasama nito. Lalo lamang siyang napipikon. Naalala niya bigla ang sinabi ni Valtazar sa kanya na huwag na niyang pansinin ang mga katulad ni Denmark.
Tinalikuran na lamang niya ang mga ito. Naglakad siya patungo sa public CR na mayroong lababo sa labas. Tinitimpi niya ang inis niya habang kinukuskos niya ng basang panyo ang putek na dumikit sa laylayan ng damit niya.
“Mga walang modo! Bakit ba may mga tao pang katulad nila na nabubuhay sa mundo? Buhay pa sila pero sinusunog na ang mga kaluluwa sa impiyerno. Kung bakit hindi na lang ang mga katulad nila ang pinaparusahan? Iilan na lang kaya ang matitinong lalaki na nabubuhay sa daigdig na ito?” maktol niya.
Naramdaman niya’ng may lumapit at naghugas ng kamay sa kabilang lababo. Bigla siyang tumahimik.
“Maganda ang araw ngayon. Bakit ang aga-aga’y ang init ng ulo mo?” wika ng pamilyar na boses ng lalaki.
Awtomatiko’y napalingon siya sa kanyang kaliwa kung saan nakatayo si Valtazar, na naghuhugas ng mga kamay sa gripo. Ganoon na lamang ang agarang pagtahip ng dibdib niya. Tulalang nakatitig lamang siya sa lalaki. Pagkuwan ay pinunasan nito ng panyo ang mga kamay at humarap sa kanya. Lalo lamang tumulin ang t***k ng puso niya.
“Ikaw ba ‘yong inaasar kahapon ng grupo ni Denmark?” tanong nito. Tumango siya. “Sinabi ko naman sa iyo, huwag mo silang pansinin. Hindi mo deserved ang ginagawa nila,” kaswal na sabi nito.
Bumuntong-hininga siya. “Wala naman akong ginagawang masama sa kanila, eh. Doon ako napipikon. Hindi puwedeng manahimik lang ako,” aniya.
“Baka gusto ka lang ni Denmark,” tudyo pa nito.
Tumikwas ang isang kilay niya. “Gusto?” Numisi siya. “Halos yurakan niya ang pagkatao ko. Ganoon ba ang lalaking humahanga sa babae?” palatak niya.
Napansin niya ang taas-babang tingin sa kanya ng lalaki. Pagkuwan ay matipid itong ngumiti.
“Uh, you look familiar. May I know your name, please?” mamaya ay sabi nito.
Napalunok siya. Hindi niya iyon inaasahan. “I’m Olivia De Queno,” deretsong sagot niya.
“Olive?” kunot-noong untag nito.
“No, just Olivia. Pero may mga taong tinatawag akong Olive just to shorten my name,” aniya.
Napansin niya ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha ng lalaki. Mamaya ay ngumiti ito.
“Nice name. I like it,” komento nito.
Tinugon niya ito ng matamis na ngiti. “Thanks,” sagot pa rin niya.
“I have this feeling na parang nakita na kita minsan maliban dito sa university,” anito pagkuwan.
“Uhm, baka nga nagkita na tayo sa labas,” sabi naman niya.
“Oo nga.” Naglakbay ang paningin ni Valtazar sa mukha niya.
Naiilang siya at biglang nag-init ang kanyang mukha. Hindi niya kayang makipagtitigan dito.
“Olive! Hey!” tinig ni Natalie na siyang umabala sa kanya. Nabaling ang tingin niya rito. Kinakawayan siya nito habang nakatayo ito sa pathway.
“Tinatawag ka na ng friend mo. Go ahead,” ani Valtazar.
“Sige. Maiwan na kita,” aniya saka malalaki ang hakbang na nilapitan si Natalie.
PAGKATAPOS ng second subject ni Olivia sa umaga ay tumambay siya sa canteen. Doon siya nag-review para sa quiz sa susunod na subject. Kaunti lang ang estudiyante roon. Nagmimeryenda rin siya ng sandwich habang nagre-review. Gusto talaga niyang maipasa ang kurso niya kaya nag-aaral siyang mabuti.
Nang tumunog ang bell para sa susunod na subject ay iniligpit na niya ang kanyang gamit saka siya tumayo at nagmamadaling lumabas. Malalaki ang hakbang niya habang nakikisabay sa ibang estudiyante.
Malapit na siya sa hagdan ng tatlong palapag na gusali kung saan ang classroom niya nang may bumangga sa balikat niya. Nabitawan niya ang dala niyang libro. Sa halip na pulutin ang libro ay una niyang sinundan ng tingin ang lalaking bumangga sa kanya. Nag-abala pa itong lingunin siya.
Kumislot siya nang makaramdam siya ng pagkabalisa at hindi maipaliwanag na kilabot nang magtama ang mga paningin nila ng lalaki. Nakasuot ng black suit ang lalaki kaya hindi siya sigurado kung estudiyante rin ito o isa sa mga guro. Matured na itong tingnan. Napansin niya na lahat ng estudiyanteng dumadaan sa tabi nito ay hindi ito napapansin-at ang nakakakilabot dito ay nababangga ito ng ibang tao pero parang usok na tumatagos lang sa katawan nito ang mga tao.
Tumulin ang t***k ng puso niya. Matagal na niyang hindi sinusuot ang kuwintas ng kanyang ina para maiwasan niya ang ganoong pagkakataon-na nakakakita siya ng mga nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong tao. Nagtataka siya. Hindi na niya suot ang kuwintas pero nakakakita na naman siya ng mga katulad ng lalaki. Mga kaluluwang ligaw ang pagkakaalam niya sa mga ito-mga kaluluwang hindi natahimik at nangangailangan ng hustisya para sa kamatayan ng mga ito.
Lalo siyang kinabahan nang makipagtitigan sa kanya ang lalaki. Marahil ay nagulat ito nang maramdaman niya ang presensiya nito at talagang nakikita pa niya. Mamaya ay ngumiti ito sa kanya bago tuluyang umalis.
Hindi mapakali si Olivia. Nagkamali lamang ba siya ng pagkakaunawa tungkol sa kuwintas na iniwan sa kanya ng kanyang ina? Isang taon na ang nakalilipas magmula noong ibinaon niya sa lupa ang kuwintas sa kagustuhan niyang mamuhay nang normal at tahimik. Subalit bakit nagkakaganoon?
KINAGABIHAN pagkatapos ng duty ni Olivia sa restaurant ay pumasok siya sa kuwarto ng mga magulang niya-kung saan nakatago pa rin ang mga libro ng kanyang ina. Mga libro iyon tungkol sa paranormal. Kinuha niya ang notebook kung saan naisulat lahat ng Mama niya ang mga dasal-maging sarili nitong guide kung paano makipag-ugnayan sa mga nilalang sa kabilang mundo. Hinanap niya ang pahina kung saan nakasulat ang tungkol sa kuwintas.
“Ang pendant na mayroong pyramid at isang mata sa gitna ay isang proteksiyon kontra sa masasamang elemento. Kapag suot ito ng sinumang may abilidad sa paranormal na gawain ay mabibigyan ng sapat na proteksiyon upang mapalakas ang kanyang fighting spirit. Ang pendant ay maari ring instrumento ng masasamang elemento upang madaling makapag-ugnayan sa mga tao. Ang sino mang may hawak nito ay alam dapat kung paano gamitin at pangalagaan ang pendant. Hindi ito maaring gawing laruan o gawing alahas. Ang taong napag-iwanan nito ay dapat manatili sa kanya ang pendant hanggang sa siya’y makapag-desisyong isalin sa ibang tao ang kanyang abilidad. Kapag hindi niya naisalin ang kanyang abilidad ay maari siyang malagay sa panganib. Lalo lamang siyang lalapitan ng diablo at iyon ang maari niyang ikamatay-isang kamatayan na walang hustisya at katahimikan.”
Natulala siya matapos mabasa ang nakasulat kalakip ng kuwintas na ipinasa sa kanya ng kanyang ina. Hindi niya masyadong inintindi ang nakasulat noon. Ang alam lang niya; hanggat suot niya ang kuwintas ay magiging aktibo ang kakayahan niyang makakaramdam ang negative energy at makakakita ng hindi ordinaryong nilalang.
Diyes-oras ng gabi ay nagtungo siya sa likod ng bahay at naghukay ng lupa kung saan niya inilibing ang kuwintas. Tanda pa niya kung saan niya iyon nailibing. Nakita niya ang itim na kahetang pinaglagyan ng kuwintas. Subalit nang buksan niya ito ay wala na iyong laman.
“Imposible. Bakit nawala?” balisang tanong niya sa kawalan.
Nagbakasakali siyang nakalimutan lang niyang ilagay sa kahon ang kuwintas bago ilibing. Hinalughog niya ang aparador ng kanyang ina. Wala siyang nakitang kuwintas. Hindi na siya natulog sa kakahanap ng kuwintas. Hindi puwedeng mawala ang kuwintas. Inalipin na siya ng takot.