KINABUKASAN ay inagahan ni Camilla ang gising dahil nagyaya ang mommy niya na mag-picnic. May napili nang private resort ang ginang kaso umungot ng dagat si Charlie. “Gusto ko sa dagat, Lola!” ani Charlie. “Malayo ang dagat dito, apo,” sabi naman ni Marielle. Nagising na rin si Chase at umapela sa usapan ng maglola. “We will go to the beach!” anito. “Eh, sana kanina pa tayo umalis para hindi pa masyadong mainit sa dagat,” sabi naman ni Camilla. Naroon na sila sa salas at nakahanda na ang dadalhing gamit. Sasama rin sa kanila si Carlos at inimbita ang girlfriend nito. “Baka hindi na tayo magkasya sa kotse mo, Chase,” ani Marielle. “Kasya tayo. Tatlo kayo sa likod, sa harap itong mag-ina ko,” turan ni Chase. “Sige. Sa dagat na lang pala tayo baka magwala si Charlie.” Ang bata talaga