ELIZABETH
Halo-halo ang nararamdaman ko habang nagmamaneho ako pauwi sa bahay na inakala kong totoong tahanan namin ng lalaking minahal ko.
Mabilis ang patakbo ko ng kotse dahil nag-aalala ako kay Troy. Kahit hindi ko siya totoong anak, ay napamahal na siya sa akin. Nang dumating siya, pakiramdam ko nabuo kami ni Carlo bilang mag-asawa dahil nakita kong malapit siya sa bata at napunan niya ang pagkukulang ko bilang asawa.
Nagkaroon kami ng anak, at ibinuhos ko sa kanilang dalawa ni Carlo ang oras at pagmamahal ko. Hindi ko na iniisip kung wala na palang natira sa akin dahil ang inaakala ko ay sapat na iyon, kasi masaya naman ang aking asawa. Pero nagkamali ako dahil ang lahat ng nakita ko ay pawag palabas lamang niya ang lahat.
Agad kong ipinarada ang kotseng dala ko sa garahe at mabilis na lumabas ng sasakyan. Malaki ang hakbang ko nang pumasok ako sa loob ng malaking bahay ni Carlo para agad na puntahan si Troy sa nursery room.
“Si Troy?” agad kong tanong sa aming mayordoma.
Agad naman itong sumagot at sumabay sa paghakbang ko palapit sa elevator. “Nasa nursery room po, ma'am.”
Dali-dali akong pumasok sa elevator at pinindot ang button papunta sa ikalawang palapag. Mabilis naman kaming nakarating, kaya patakbo akong pumunta sa nursery room.
Naabutan kong nakahiga sa kama si Troy at mukhang hinang-hina. May nakapatong na basang bimpo sa kaniyang noo kasama ang kaniyang yaya.
Agad akong lumapit sa kaniya at dinama ang kaniyang leeg. Napakainit nga niya, kaya humingi ako ng thermometer sa yaya niya para tingnan ang kaniyang temperatura.
Mataas nga ang lagnat niya at may nakita rin akong mga rashes sa kaniyang kamay at paa, kaya alam kong hindi ito normal na lagnat lang.
“Yaya, ihanda mo ang gamit ni Troy. Pupunta tayo sa ospital para masuri siya ng doktor.”
“Sige po, ma'am.”
Mabilis na kumilos ang yaya ni Troy. Kumuha siya ng mga gamit at gatas at nilagay ito sa loob ng bag. Ako naman, kumuha ako ng damit niya at diaper. Binihisan ko siya at pinalitan ang damit. Nang matapos, binuhat ko na si Troy at naglakad palabas ng nursery room, kasunod ang yaya niya.
Paglabas namin sa elevator, nakita ko ang mayordoma, kaya nagpaalam ako sa kaniya.
“Manang, dadalhin ko muna sa ospital si Troy.”
“Sige po, Ma'am Beth.”
Hinatid niya kami sa garahe. Mabilis kaming sumakay, at nang masiguro na maayos nang nakaupo sa backseat ang yaya ni Troy at maayos niyang buhat ang anak ko, agad ko nang pinasibad ang kotse at maingat na nagmaneho papunta sa ospital.
Mabuti na lamang at hindi traffic, kaya kalahating oras lamang ay nakarating na ako sa ospital. Agad namang sinuri ng doktor si Troy, at pagkatapos, kinausap na ako ng doktor.
“Mrs. Mondego, kailan pa po nagkasakit ang anak mo?”
“Kaninang umaga ay matamlay siya, pero ngayong hapon lang lumala ang kondisyon niya,” sagot ko.
“May sintomas na na-dengue si Troy. Kukunan ko siya ng blood sample para masuri ang kaniyang dugo at malaman natin kung tama nga ang assumption ko.”
Pumayag ako sa sinabi ng doktor dahil siya ang higit na nakakaalam ng tamang treatment na gagawin kay Troy.
Dahil sa nakitang sintomas kay Troy, kailangan niyang manatili dito sa ospital. Hindi ko tinawagan si Carlo para ipaalam sa kaniya ang kondisyon ng anak-anakan namin dahil hanggang ngayon, galit ako sa kaniya at ayaw ko siyang makita.
Tahimik akong nakaupo habang hawak ko ang aking cellphone at nagbabantay kay Troy. Nilagyan siya ng dextrose sa braso at ngayon ay nakahiga sa kama at natutulog na.
Dalawang taon pa lang siya, pero nanganganib nang masira ang magandang buhay at kinabukasan na mayroon sana siya kapag hinarap ko si Carlo at naghiwalay kaming dalawa.
Ilang ulit kong nakitang tumatawag sa cellphone ko ang walang-hiyang lalaking iyon, pero hindi ko sinagot ang tawag niya. Nakatitig lamang ako sa screen habang tumutulo ang luha.
Mabuti na lamang at nasa labas ng silid ang yaya ni Troy at nakaupo sa visiting area at naghihintay sa iuutos ko dahil gusto kong mapag-isa ngayon, kaya hindi niya ako nakitang umiiyak.
Pinatay ko ang aking cellphone para hindi na niya ako matawagan. Sobrang sakit ng nararamdaman ko ngayon, pero hindi ko magawang magmukmok dahil kailangan kong unahin si Troy.
Gaya nga ng sabi ng doktor, kailangan niyang manatili dito sa ospital dahil nakita sa lumabas na resulta na positibo siya sa dengue.
Katatapos lang naming mag-usap ng doktor at kalalabas lang niya ng silid nang dumating si Carlo. Bakas ang pag-aalala sa mukha niya nang lumapit siya sa akin, pero kay Troy sa kama siya nakatingin.
“What happened to him?” agad niyang tanong nang makalapit siya sa akin.
Hindi ako sumagot, kaya narinig ko siyang muling nagtanong sa akin.
“Tinatanong kita, Beth, anong nangyari sa anak ko?”
Anak niya…
Anak lang niya. Hindi anak namin.
Bakit ba hindi ko nakita ang lahat ng ito noon?
Bakit ba naging bulag ako at hindi ko napansin ang lahat ng ito?
Napapikit ako at mabilis na kinagat ang aking ibabang labi dahil ayaw kong umiyak sa harap ni Carlo.
“What's wrong? Bakit ayaw mong sagutin ang tanong ko?” magkasunod niyang tanong sa akin.
“Na-dengue raw siya,” tipid kong sagot.
“How did that happen? Pinababayaan mo ba ang bahay kaya maraming lamok?”
Mahina akong natawa. Hindi na ito bago dahil sa tuwing may nangyayari kay Troy, ako ang sinisisi niya.
“Tell me, sinisisi mo na naman ba ako na pinabayaan ko si Troy, Carlo?”
Nangunot ang kaniyang noo. “What are you trying to imply by asking me that, Elizabeth?”
“Bakit hindi mo pa direktang sabihin sa mukha ko na pinabayaan ko si Troy? Hindi ba iyan naman ang gusto mong sabihin, Carlo?”
Nakita ko ang pagkalukot ng kaniyang mukha at ang mabilis na pagbabago ng ekspresyon ni Carlo nang marinig niya ang sinabi ko.
“He's your responsibility, Elizabeth!”
Mapait akong natawa at mabagal na pumalakpak.
“Ang galing mong magpanggap na may pakialam, Carlo. Ang galing-galing mo!”