Chapter 3

1047 Words
ELIZABETH Hindi ko na kayang pakinggan pa ang mga naririnig ko dahil pakiramdam ko ay sasabog na ang aking puso. Tahimik akong humakbang palayo sa pintuan at mabigat ang mga paa na naglakad palayo sa opisina ni Carlo nang hindi ko siya nakakausap. Wala nang dahilan para kausapin ko siya dahil ngayon ay alam ko na siya ang mastermind sa panloloko sa akin, kaya wala nang silbi kung magtatanong pa ako sa kaniya. Agad tumayo at ngumiti sa akin ang sekretarya ni Carlo nang makita niya akong lumabas mula sa opisina ng kaniyang amo. Ngumiti siya sa akin at magalang na binati ako kahit nakita niyang hindi maganda ang aking ekspresyon. “Ma'am, nakausap mo na po ba si Boss Carlo?” “Hindi,” tipid kong sagot. “Puwede bang huwag mo nang sabihin sa kaniya na pumunta ako dito?” “Sige po, ma'am.” Tinanguan ko lang siya at hindi na siya kinausap pa. Humakbang na ako palapit sa elevator at pinindot ang button nang tumigil ako sa harap ng pintuan. Napalingon ako sa hallway. Ang buong top floor ay sakop ng opisina ni Carlo. Napakalaki, napakalawak, at isang patunay kung gaano siya kayaman. Bago makapasok sa opisina niya, may malaki at malapad na salaming dingding, at sa loob nito, naroon ang kaniyang sekretarya na nagsisilbing receptionist rin niya. Dumaan muna ako sa malawak na sala kung saan siya tumatanggap ng mga bisita at sa mini conference room bago makarating sa pribadong opisina niya sa dulo, kaya hindi niya ako nakitang dumating. Pumasok akong magulo ang aking isipan dito sa gusaling pag-aari ng pamilya ni Carlo, pero lumabas akong lulugo-lugo at halos hatakin ko ang aking mga paa palabas para lamang makarating sa nakaparadang sasakyan ko sa labas. Pagpasok ko sa kotse ko, hindi ko na napigilan ang pagtulo ng mga luha sa aking magkabilang pisngi. Hanggang ngayon, nakatatak sa isipan ko ang aking mga narinig kanina. Hindi ko matanggap ang nalaman ko. Ang sakit-sakit. Pakiramdam ko ay dinudurog ang aking puso, kaya halos hindi ako makahinga dahil sa lakas ng pag-iyak ko. Dito ko inilabas ang galit, sakit, at sama ng loob na aking nararamdaman dahil malaya ko itong magagawa sa loob ng kotse ko. Walang makakakita sa akin. Walang makaririnig sa bawat hagulgol at malakas na pag-iyak ko dahil tinted naman ang salamin ng sasakyan at sarado ang pintuan, kaya hindi naririnig ng guwardiya ang bawat hikbi ko. Napakasakit nang nalaman ko. Naging totoo ako kay Carlo. Naging mabuting asawa at inuunawa siya sa lahat ng pagkukulang niya sa akin bilang asawa, pero isa lamang pala itong laro sa kaniya. Kaya pala malamig ang pagtrato niya sa akin. Ramdam kong may kulang, at hindi tugma sa sinasabi niya ang kaniyang mga kilos, pero inunawa ko pa rin siya at tinanggap na ganoon ang asawa ko. Pero simula pa lang pala, red flag na iyon. Ang akala ko, abala lang siya sa trabaho kaya mas madalas siyang wala sa bahay, pero lahat pala iyon ay red flag na. Hindi ko ito nakita dahil naging bulag ako sa pagmamahal ko sa kaniya. Ang akala ko, dahil asawa ko siya ay sapat na ang mahalin ko siya at maging tapat ako sa kaniya para maging successful ang pagsasama naming dalawa, pero nagkamali ako. Hindi ko alam kung bakit ako ang pinili ng kaniyang ama para maging asawa niya dahil hindi ko personal na kilala si Daddy Sabby. Ah, baka dahil sa negosyo rin ito. Tama, baka may kasunduan rin sila ng aking ama, kaya nagkaroon ng interes si Daddy Sabby para ipakasal ako kay Carlo. Ang mga bulaklak… Ang mga salitang nagpapakilig sa akin kapag bumubulong siyang mahal niya ako… Ang mga mamahaling regalo at alahas… lahat iyon ay ginamit ni Carlo para paniwalain akong mahal niya ako, pero ang masakit, ginawa lamang pala niya iyon para sundin ang kagustuhan ng kaniyang ama at para protektahan ang babaeng kaniyang minamahal. Ang sakit! Napakasakit ng nararamdaman ko. Paulit-ulit akong sumigaw ng malakas dito sa loob ng kotse ko para pakawalan ang bigat na nararamdaman ko sa aking dibd*b. Pawisan na ako habang patuloy na umiiyak. Hilam ng luha ang aking mga mata, at mahapdi na rin ang aking lalamunan, pero patuloy ang pagdaloy ng malalaking butil ng luha sa basa kong pisngi. Hindi ko na alam kung gaano ako katagal na umiiyak nang marinig kong tumunog ang aking cellphone. Ayaw ko sana itong sagutin, pero muli itong nag-ring, kaya binuksan ko ang dala kong handbag at kinuha ito. Pangalan ng kasambahay namin sa bahay ang nakita ko. Inabot ko ang tissue at pinunasan ang aking mukha bago sinagot ang tawag niya. “May kailangan ka ba?” tanong ko sa kasambahay. “Ma'am, may lagnat po kasi si Troy.” “Mataas ba ang lagnat niya, yaya?” “Oo, ma'am,” mabilis nitong sagot. “Pinainom na ba ninyo siya ng gamot?” “Opo, pero hindi pa rin bumaba ang temperatura niya, ma'am.” “Bantayan ninyo siyang mabuti,” sabi ko sa yaya ni Troy. “Pauwi na ako.” “Sige po, ma'am.” Pinutol ko na ang tawag at inilapag ang hawak na cellphone. Kahit mabigat ang aking loob, binuhay ko ang makina ng kotse ko at pinasibad na ito paalis sa compound ng building na pag-aari ng pamilya Mondego. Masakit man ang natuklasan ko at magulo ngayon ang aking isipan, kailangan kong umuwi ng bahay para gampanan ang papel ko bilang ina ng batang inampon namin ni Carlo. Hindi man siya galing sa sinapupunan ko, minahal ko ang batang iyon. Siya ang pumuno sa pagkukulang ko bilang asawa dahil hindi ko kayang bigyan ng anak si Carlo, kaya pumayag akong mag-ampon na lang kami ng bata para matupad ang pangarap niyang kumpletong pamilya. Ang akala ko, sapat na ang ginawa ko at magiging matatag ang pagsasama namin nang dumating si Troy. Kaya pala nakangiti siya at mukhang mahal na mahal kami kapag pumupunta sa bahay ang kaniyang mga magulang at kapamilya dahil nagpapanggap lamang siya. Lalo lamang akong nasasaktan ngayon para kay Troy dahil pati siya ay ginagamit ni Carlo para lang protektahan ang babaeng mahal niya. Naawa ako sa kaniya. Napakabata pa niya, at wala pa siyang alam sa mundo, pero naranasan na niya ang ganitong emosyonal na pang-aabuso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD