ELIZABETH
Mabagal akong nagmamaneho dahil nanginginig at nanlalamig ang aking mga kamay. Hindi mawala sa aking isipan ang natuklasan ko tungkol sa kasal namin noon ni Carlo.
Hindi ko matanggap na sa loob ng dalawang taon, umasa ako at naniwalang totoo ang kasal na iyon, pero hindi naman pala dahil hindi nakarehistro ang aming kasal. Kahit nagkaroon ng seremonya at maraming dumalong kapamilya at bisita, ay wala itong saysay, kaya hindi niya ako legal na asawa sa mata ng batas.
Para bang palabas lamang ang lahat, pero hindi ko maunawaan kung bakit. Kahit malamig ang pakikitungo ni Carlo sa akin, pinaparamdam naman niya na mahal niya ako.
Simula nang ikasal kami at tumira sa isang bubong, palagi siyang abala sa trabaho at kaunti lamang ang panahon niya sa akin sa bahay. Pero kahit ganoon pa man, buong puso ko siyang inunawa dahil asawa ko siya at mahal ko siya.
Bumundol ang malakas na kaba sa aking puso nang pumasok ang kotseng minamaneho ko sa gate ng malaki at matayog na gusaling pag-aari ng pamilya Mondego.
Ilang ulit na akong nakapunta dito kapag may naiwang mahalagang dokumento sa bahay si Carlo at inuutusan niya akong ihatid dito dahil kailangan niya agad ang mga iyon.
Ipinarada ko ang dala kong sasakyan sa visitors' lot nang may nakita akong bakanteng slot. Kilala na ako ng guwardiya dito, kaya hindi na sila nagtanong kung saan ako pupunta at humingi ng ID sa akin nang pumasok ako dito sa compound.
Kahit kinakabahan ako at nanginginig ang aking mga kamay, kinuha ko ang dala kong handbag at mabilis na bumaba sa aking sasakyan.
Agad naman akong binati ng guwardiya sa front door, pero tipid na ngiti ang sinukli ko sa kaniya. Hindi ko kayang makipag-usap ngayon kahit kanino, kaya hindi na rin ako dumaan sa reception area at tuloy-tuloy na naglakad papunta sa elevator.
“Ma'am, which floor po kayo pupunta?” magalang na sabi sa akin ng elevator operator.
“Top floor,” tipid kong sagot.
Pinindot niya ang button. Hindi na ako nagsalita nang gumalaw ang elevator paakyat, pero ramdam ko ang kakaibang tingin sa akin ng babaeng kasama ko.
Hindi siya ang pakay ko sa pagpunta ko dito, kaya hindi ko na lang siya pinansin dahil occupied ang isipan ko ng napakaraming katanungan kasabay ng malakas na pintig ng aking puso.
Hindi ko na nagawang magpasalamat sa elevator attendant bago lumabas sa elevator. Dali-dali akong humakbang palabas at mabilis na naglakad papunta sa opisina ng asawa ko.
“Good afternoon, Mrs. Mondego,” agad na bati sa akin ng sekretarya ni Carlo.
“Nandiyan ba sa loob ang asawa ko?” walang paligoy-ligoy na tanong ko sa kaniya.
Ngumiti naman ang sekretarya at magalang na sinagot ang aking tanong.
“Yes, ma'am.”
“Busy ba siya?”
“Hindi po, ma'am. Pero nasa loob po ang best friend niyang si Sir Declan.
Kilala ko si Declan. Matalik siyang kaibigan ng asawa ko at laging pumupunta sa bahay, kaya't sa tingin ko, walang masama kung papasok ako at makikita nila ako dito sa opisina ni Carlo.
“Gusto kong i-surprise ang asawa ko, kaya huwag mo na siyang tawagan, okay?”
“Sige po, ma'am.”
Nakahinga ako ng maluwag nang pumayag ang sekretarya ni Carlo. Humakbang na ako papunta sa mismong opisina ng asawa ko at iniwan ko na siya sa kaniyang mesa.
Bawat hakbang ng aking mga paa palapit sa pintuan ng opisina ng aking asawa ay kasabay nito ang malakas na pintig ng aking puso.
Hahakbang sana ako para pumasok dahil nakabukas naman ang pintuan nang marinig kong nagsalita si Declan.
“Hindi mo ba talaga sasabihin kay Beth ang katotohanan, Carlo?”
Pakiramdam ko ay sandaling tumigil ang ikot ng mundo at napako ang aking mga paa sa kinatatayuan ko.
“Hindi na niya kailangang malaman, Declan,” narinig kong sagot ng asawa ko.
“Pero nagsisinungaling ka sa kaniya, at ginagamit mo siya,” sabi ni Declan. “Paano kapag dumating ang araw na nalaman niyang hindi totoo ang kasal ninyo? Siguradong iiwan ka niya.”
“I'll compensate her,” mabilis na sagot ni Carlo. “She won't say anything.”
“Paano kung hindi mangyari ang lahat ng gusto mo ayon sa plano mo, Carlo?” muling tanong ni Declan sa pekeng asawa ko.
“Everything goes well accordingly. Walang alam si Elizabeth at wala siyang malalaman, kaya itikom mo ang bibig mo, Declan.”
Matigas ang tinig ni Carlo. Seryoso at mabigat, kaya alam kong hindi siya nagbibiro sa sinabi niya sa kaniyang kaibigan.
Alam ni Declan ang totoo, pero pinili niyang pagtakpan ang kaibigan niya kahit alam niyang niloloko lang pala ako ni Carlo. Pero dahil magkaibigan silang dalawa, wala sa akin ang loyalty niya.
“Alam mong ligtas ang sikreto mo sa akin, pero naawa kasi ako sa asawa mo, e.”
Umawang ang aking mga labi, pero walang salitang lumabas sa aking bibig. Gusto kong sumigaw ng malakas at maglupasay sa sahig, pero hindi ko magawa dahil natulala ako at hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko.
All along, alam ni Carlo na peke ang kasal namin. Sinadya niya ang lahat. Plinano niya, pero hindi ko man lang ito napansin dahil ang akala ko, normal na sa kaniya ang pagiging malamig sa akin.
“Well, malapit mo nang makuha ang mana mo, kaya mabuti pang paghandaan mo na kung paano sasabihin kay Beth ang totoo dahil siguradong masasaktan siya kapag nalaman niyang ginagamit mo lang siya, Carlo.”
“She wouldn't know. Matagal ko nang hinanda ang annulment papers namin. She will think na magpa-file lang kami ng annulment and that what I need dahil iyan din ang dokumentong makikita ni Daddy kapag nakuha ko na ang mana ko, Declan.”
“Tuso si Tito Sabby, Carlo. Sa tingin mo ba, tatanggapin niya iyan?”
“Wala na siyang magagawa kapag nakuha ko na ang mana ko. Inutos niyang pakasalan ko si Elizabeth, kaya ibinigay ko ang gusto niya, fair deal, it's a business, Declan.”
“I hope you won't regret your decision, Carlo,” sabi ni Declan. “Sana hindi dumating ang araw na pagsisisihan mo ang paggamit at panloloko mo kay Elizabeth dahil alam nating mabuti siyang babae at wala siyang kinalaman sa away ninyo ni Tito Sabby.”
“Don’t forget na hindi ako ang pumili sa kaniya, Declan. Kung ginamit ko man siya, that's my father's fault," matigas na sagot ni Carlo.
Ang akala ko, ito na ang pinakamasakit na maririnig ko, pero hindi pala, dahil muli kong narinig na nagsalita si Carlo.
"Alam mo ang kaya niyang gawin, kaya pinakasalan ko ang babaeng gusto niya para sa akin, para protektahan ko ang babaeng mahal ko dahil siya ang sasaktan at papatayin ng aking ama kapag hindi ko sinunod ang gusto niya.”