1
"Nandito ka sa tabi ko dahil sa trabaho mo... hindi dahil mahal mo ako?" - Prima
Chapter One
"Prima, sigurado ka ba sa gagawin mo?" bakas sa tinig ni yaya ang pag-aalala. Isinasara ko na ang maletang dadalhin ko sa pagtakas.
"Ya, opo. Hindi n'yo naman po ako isusumbong kay daddy, 'di ba?" ani ko sa matandang halatang gusto nang sumama sa akin.
"Malalagot ako sa daddy mo---"
"Ya, kailangan ko po itong gawin. Alam mo naman kung bakit 'di ba? Hindi ko mahanap ang happiness dito... baka kung lalayo ako ay mahanap ko na iyon. Ikaw na muna po ang bahala kay daddy. I need to do this, yaya." Binitiwan ko ang maleta at lumapit sa matanda. Niyakap ko ito. "Yaya, gusto ko pang mabuhay. Pero kung hindi ko ito gagawin ay alam kong may kahahantungan itong lungkot na nararamdaman ko. Ang empty ng heart ko. Baka kailangan ko lang mag-explore at hanapin ang sarili ko."
"Bakit mo hahanapin? Nawawala ba?" pag-iyak na tanong nito. Napabungisngis naman ako't umiling na lang.
"Ya, huwag mo akong alalahanin. Kapag okay na ako ay babalik po ako. Promise ko po iyan." Kailangan ko lang talagang umalis. Hindi makakatulong kung mananatili ako rito sa bahay. Nakakatakot iyong lungkot na nararamdaman ko. Natatakot ako. Kahit pa sabihin ni dad na magpakunsulta na ako ay hindi pa rin epektibo no'ng ginawa ko. Iniisip ko pa rin si mommy... iniisip ko ang buhay kung kasama ito. Pero dahil wala na siya... lungkot na lang ang nangingibabaw sa akin.
Kinuha ko na ang maleta at saka kumaway sa ginang bago lumabas ng kwarto. Iniwan ko ito roon dahil kung magpapahatid pa ako ay baka sumama na ito or worst ay pigilan ako nito. Tulog na ang ibang kasambahay. Alam ko rin ang oras ng ikot ng mga bantay. Matiwasay akong nakalabas ng mansion. Nakapagpara rin ako ng taxi ng walang pumipigil sa akin. Nang umusad ang taxi ay napalingon pa ako sa mansiong tinakasan... there... I saw my father. Nakatingin ito sa taxing palayo habang nakatayo siya sa balcony. Hindi ko na gaano pang nakita ang mukha nito dahil madilim sa kinatatayuan nito. Hindi niya ako pinigilan. Napagod na yatang intindihin ako kaya hindi na nakipagtalo pa't pinigilan ako. Pero ayos na rin iyon. Walang masyadong drama pa.
Sa terminal ng bus ako nagpahatid. Wala akong planong lumabas ng bansa. Hindi ko naman mahanap sa mga bansang napuntahan ko ang happiness na hinahanap ko. Kaya baka sakali sa mga probinsya sa Pilipinas. Try lang.
San Guillermo. Hindi ako pamilyar sa bayang iyon pero iyon ang nakita ko sa unang bus na nakaparada sa terminal na iyon. Agad akong bumili ng ticket saka tumungo sa bus. Paalis na iyon. Pagkaupo ko pa nga lang ay umusad na. Alam kong malungkot si dad sa ginawa kong pag-alis. Pero pangako ko na kapag bumalik ako ay okay na okay na ako. Deserve ni daddy na makita akong masaya... na may dahilan para mabuhay.
Nakatulog ako sa biyahe. Paggising ko'y nasa San Guillermo na. Pumaparada na Ang bus sa terminal. Nag-unahan ang mga pasahero sa pagbaba. Ako naman ay nanatili lang nakaupo. Hindi nagmamadali dahil wala naman akong hinahabol na oras. Nang time ko na para bumaba ay may kabog sa dibdib ko. Hindi ako pamilyar sa lugar. Hindi ko nga nagawa man lang na i-search sa internet kung anong klaseng lugar ito. Pero okay lang. Nang nakababa na ako ay iginala ko ang tingin. Kapansin-pansin na kahit maraming tao ay malinis ang lugar. Good sign iyon.
Pero saan ako magsisimula? Pagod ako sa biyahe. Gusto kong magpahinga. May hotel bang malapit dito? Para akong batang nag-iisa. Hindi tiyak kong anong dapat gawin. Sanay ako na may gumagawa ng mga bagay-bagay para sa akin. May yaya ako, bodyguard, at assistant. Pero ngayon ay sarili ko lang ang meron ako.
Lumakad ako patungo sa aleng nagtitinda ng tubig.
"Hi, excuse me!" malambing na ani ko sa ale. "Pwede po bang magtanong?" bahagya lang akong sinulyapan ng ale. Akala ko'y ayaw niyang magpaistorbo dahil hindi siya sumagot. Pero nagsalita siya kahit hindi nakatingin.
"Ano?" may kasungitan na tanong nito sa akin.
"May malapit po bang hotel, resort, o paupahan dito?" muli itong sumulyap sa akin.
"May resort dito pero 45 minutes ang biyahe patungo roon. Banda rito ay walang hotel. Pero kung paupahan ang hanap mo ay mayroon malapit sa talipapa."
"Saan po iyong talipapa?"
"Sakay ka ng tricycle. Sabihin mo sa street ng mga gwapo." Tinitigan ko ang matanda na para bang may duda ako sa sinabi nito. "Kung ayaw mong maniwala ay huwag ka na lang sa akin maniwala."
"Naniniwala po ako. Sige po. Ituloy n'yo po ang sinasabi ninyo."
"Nagpahatid ka sa street ng mga gwapo. Doon kay Islao." Tumango-tango naman ako.
"Sige po. Salamat po." Iniwan ko na ang ginang pagkatapos kong magpasalamat. Kung hindi ko man nagustuhan ay pwede naman akong maghanap ng iba. If wala talaga rito sa area ay magre-resort na lang ako.
"Saan ka, ineng?" tanong ng driver.
"Sa street po ng mga gwapo... doon po kay Islao?" hindi pa ako sigurado sa sinasabi ko. Pero parang naintindihan naman ng matandang lalaki at pinatakbo na niya ang tricycle. 15 minutes na biyahe sa tricycle na isang kalawang na lang ay gi-give-up na. Nakarating naman sa awa ng Diyos. Una ko pang nakita iyong placard na may nakalagay na room 4 rent. At least, nasa tamang lugar ako.
Pagkatapos kong magbayad ay lumapit na ako sa gate. No doorbell? Sinipat-sipat ko pa. Baka nakatago lang.
"Sino ka?" bahagya akong napaiktad sa gulat. Isang lalaki Ang ngayon ay nakatayo sa pintuan. Topless. As in boxer lang ang suot. Street ng mga gwapo? Mukhang kaya gano'n ang tawag sa street na ito ay dahil sa lalaking ito.
Salubong ang kilay ng lalaki. Messy hair. "Miss? Tutunganga ka na lang ba d'yan?" inip na tanong ng lalaki.
"Ah... naghahanap kasi ako ng pwedeng upahan." Hindi ko alam kung tamang desisyon na ituloy pa iyon dito. Lalo't mukhang lalaki ang may-ari ng bahay. Lumakad ang lalaki patungo sa gate. Papalapit pa lang ito ay naaamoy ko na ang bango nito. Binuksan niya gate.
"Tuloy," cold na paanyaya ng lalaki.
Pumasok naman ako. Lumakad ito papasok. Napansin ko agad ang napakalaking tattoo nito sa likuran. Mechanical tattoo. Nice. So cool.
Sobrang clean nito kapag nakaharap. Walang tattoo sa harap, sa likod bumawi. "Pasok," sobrang lamig ng boses. Pagpasok namin ay bumungad ang malinis na sala. Ewan ko ba. Hindi naman ako kinakabahan na lalaki ang kaharap ko. I mean wala akong nase-sense na danger dito.
"Isang kwarto lang ang available. 5k isang buwan. Sagot na namin ang tubig at kuryente. May shared kitchen and bathroom. Pwede mo ring gamitin ang mga gamit dito." Lumakad ito patungo sa isang pinto. Sumunod naman ako. "Ito iyong kwarto." Malinis at spacious din naman ang loob. May kama na roon at cabinet. Dahil pagod ay parang gusto ko nang dumeretso roon.
"Sige. Magkano ang ibibigay ko? Iyong isang buwan lang ba?" ani ko.
"Isang buwan at advance payment." Agad kong kinuha ang wallet ko at nagbilang ng sampung libo roon.
Pagkaabot ko ng bayad ay naisipan ko ring magkakilala. "Ako si Prima," ani ko sa lalaki. Tinanggap nito agad ang bayad. Binilang pa niya iyon sa harap ko. Nang natapos siya ay tumingin siya sa akin.
"Islao," sagot ng lalaki. "Ako ang may-ari ng bahay na ito. May mga rules nga pala rito sa bahay. Tignan mo na lang at nakapaskil din naman," saka ito tumalikod at iniwan na ako. Pumasok naman na ako sa kwarto. In-lock ko rin agad ang pinto. Malinis naman ang kama. Halatang bagong palit ang sapin. Kaya dali-dali akong nagpalit ng damit na komportable. Shirt lang. Saka ako humiga roon. Tulog man ako sa bus ng ilang oras ay pakiramdam ko'y pagod na pagod pa rin ako. Ilang saglit pa'y hinila na ako ng antok.