Ace
AiTenshi
Feb 7, 2017
Part 15: Ang Hiwaga ng Buhay
Ang pag tama ng liwanag sa aking mukha ang nag bigay ng hudyat sa akin para imulat ang aking mga mata. Natagpuan ko ang aking sarili sa ibang silid, kulay puti ang lahat, ang kisame, ang dingding, kobre kama, unan, kurtina at pati ang kumot na aking gamit. Hindi ko alam kung anong nangyari ngunit batid kong hindi ito ang aming silid ni kuya Samuel. Masyado itong maayos at malinis, ang lahat ay organisado.
Tila yata minamalik mata lamang ako at nililinlang ng aking sariling panginin kaya naman kinusot ko ang aking mga mata at dito ay nakita ko ang isang lalaking nakatayo sa harapan. Ang lalaking ito ang yung lalaking nag sasalamin na naka suot ng tuxedo ay iisa. Ang suot naman niya ngayon ay naka tshirt puting manipis at pantalong maong na bahagyang kupas.
Naka ngiti ang lalaki at kasabay nito ang kabog ng aking dibdib sa hindi ko malamang kadahilanan.
Tahimik lang sa buong silid..
Maya maya ay nag salita nito. "Raven." ang wika niya habang naka ngiti.
Hindi ko maunawaan ngunit tila may kung anong bagay ang namumuo sa aking dibdib. Pinag halong takot, lungkot at kaba ang aking naramdaman habang naka titig sa kanyang mukha. Maya maya ay tumalikod ito at lumakad palayo sa akin.
"Tekaaa, sino ka? Sandali huwag kang umalis.." pag habol ko naman.
Lumingon ito sa akin at agad rin niyang binawi saka pinag patuloy ang pag lalakad "Sadali lang.. Huwag kang umalis! Huwag mong iwannn!" pag hahabol ko pa rin habang nakaka ramdam ako ng mabigat na bagay na lumulukob sa aking dibdib. Para ba itong sasabog na hindi ko malaman.
Nag patuloy sa pag layo ang lalaki samantalang ako naman ay patuloy rin sa pag habol sa kanya. Ang aking pakiramdam ay punong puno ng kalungkutan at kaba. Naninikip ang aking dibdib at parang hindi ko kayang lumayo siya. Wala tuloy akong nagawa kundi ang umiyak at sumigaw habang siya naman ay nawawala sa aking paningin. "Sandali lang... Paki usap huwag kang lumayo! Huwag kaaang lumayo!!" ang sigaw ko at doon ay nag dilim na ang paligid..
Namalayan ko na lang na muli kong naidilat ang aking mata at kasabay noon ang pag balikwas ng bangon ng aking katawan. Halos ganoon pa rin ang aking pakiramdam, mabigat dito na tila may tumutusok na kung anong bagay sa aking dibdib at kasabay noon ang pag tulo ng luha sa aking mata. Hindi ko mapigilang mapaiyak sa hindi malamang kadahilanan.
Pinilit kong alalahanin ang mga nangyari, ang mukha ng lalaki, ang sinabi niyang pangalan ngunit hindi ko na ito matandaan. Bakit may mga bagay sa ating panaginip na alam na alam natin ngunit nakaka limutan natin ito kapag tayo ay gumigising? Ito ba ang patunay na ang panaginip ay naka talaga kapag tayo ay nakapikit lamang? Na ang mahihiwagang bagay sa mundo ay hindi nakikita ng ating ordinaryong mga mata?
Patuloy pa rin ako sa pag luha ng bumukas ang pinto at pumasok si kuya Samuel dala ang isang tray ng pag kain. Pritong itlog, hotdog at sinangag. Sinamahan pa ito ng orange juice. "Oh bakit umiiyak ka? Hindi pa naman kita kinagagalitan ah." ang bungad ni kuya.
"W-wala po kuya." sabay kusot sa aking mga mata.
"Baliw lang ang umiiyak ng walang dahilan. Alam kong galit ka sa akin dahil sa ginawa kong panenermon sa iyo kagabi. Hanggang ngayon pa rin naman ay naiinis ako kapag naiisip kong lumabas kayo ng gagong iyon. Oh heto, kumain kana muna. May lakad tayo ngayon." ang wika niya.
"Lakad? S-saan po?" tanong ko
"Ako naman ang mag papasyal sa iyo ngayon. Naisip ko lang na baka nag kukulang ako sa iyo kaya't sa ibang lalaki ka sumasama." sagot niya.
"Kuya naman, himdi man ako kung kani-kanino sumasama." tugon ko rin.
"Oh sya, Huwag kana magalit sa akin ha. Lika nga dito." pang aamo nito sabay lingkis ng kanyang braso sa aking likuran. Hindi lang iyon dahil inasikaso pa niya mismo ang pag kain ko. Minsan talaga hindi ko mawari si kuya Sam, mainitin ang ulo kung naiinis at kapag nag lalambing naman ay nakapang hihina ng tuhod.
At iyon nga ang set up, pag katapos kumain ay sabay na rin kaming naligo at gumayak. Hindi ko naman maitago ang excitement bagamat pilit ko pa ring inaalala yung panaginip ko kanina. Habang lumilipas ang sandali ay tila nawawala ito sa aking isipan, nabubura at hindi ko na maalala ng malinaw ang bawat detalye.
"Kuya, masarap bang maging tao?" ang tanong ko habang abala ito sa pag ddrive.
"Bakit naman ganyan ang tanong mo?" tanong rin niya.
"Gusto ko kasing maramdam yung pakiramdam ng nasasaktan kapag nadarapa o kaya ay nasusugatan." seryoso kong tugon
"Kapag binbatukan kita ay umaaray ka. Ibig sabihin ay nakakaramdam ka ng sakit." tugon niya.
"Kaya ang ulo ang pinaka paborito kong parte, pakiramdam ko ay hindi ito gawa sa purong bakal. Nakakaramdam ako ng sakit sa loob ng aking dibdib kapag nalulungkot o kaya ay nasasaktan ang aking damdamin. Ngunit pag dating sa pisikal na katawan mula dito sa leeg hanggang dulo ng aking paa ay wala sakit kahit tamaan pa ako ng bala ng baril." ang paliwanag ko.
"Mahirap maging tao tol, tumatanda at namamatay. Kapag nasugatan kami ng malalim tiyak na mapapagot ang aming pag hinga at maaari namin itong ikamatay. Nabubura kami sa mundo at babalik sa lupa ang aming mga katawan. Ikaw ay mananatili dito sa pag lipas ng panahon." sagot ni kuya Sam.
Panandalian naman akong napahinto sa pag sasalita. Ngayon ko lamang din napag tanto na maaari pag dating araw ay ako na lamang ang maiwang buhay dito sa mundo at sila kuya, mama at papa ay wala na sa aking tabi. "A-ayoko ng ganoon kuya.. Ayokong maiwan dito. Ayoko ng ganoon. Please.." ang nag aalala kong tugon.
"Syempre ay matagal pang mang yayari iyon. Huwag mo muna akong patandain tol." naka ngiti niyang tugon sabay gulo sa aking buhok. "Kung ano anong iniisip mo. Basta ang gusto ko ay mag enjoy ka ngayon. Ialis mo sa isip mo iyang mga gumugulo sa iyo para hindi ka mabad trip."
Makalipas ang ilang minutong pag ddrive, nakarating kami ni kuya Sam sa isang sikat na mall dito sa siyudad. Agad kaming namili ng mga damit, sapatos, gadget at kung ano ano pa. Wala namang paki alam si kuya Sam kahit maubos ang savings nya basta raw maging masaya ako ay masaya na rin siya.
Kumain rin kami sa isang restaurant, nanood ng sine at nag pa picture sa mga photobooth. Marami ring humaharang kay kuya na mga talent manager sa telebisyon at inaalok itong mag artista o kaya ay mag modelo. Puro tango lang naman at ngiti ang isinusukli ni kuya Sam upang ikubli na hindi siya interesado sa mga ganoong bagay.
Nag patuloy ang aming masayang date ni kuya Samuel, bago matapos ang araw ay nag tungo kami sa isang amusement park at doon ay sumakay sa mga mataas na rides. Sobrang energetic ko at halos lahat ay sinubukan kong sakyan, samantalang si kuya naman ay namumutla at suka ng suka dahil sa pag kahilo. Napuno ng labis na saya ang aking dibdib. Ang ngiti sa aking labi ay hindi naalis hanggang sa sumapit ang hapon. Ito na yata ang isa sa pinaka masayang araw ng aking pagiging makina, hindi ko maikubli ito kaya habang lumalakad ay naka hawak ako sa kanyang kamay na parang isang bata.
Habang nasa ganoong pag lalakad kami palabas ng parke ay napahinto si kuya Sam at napatingin ito sa isang arcade na style basketball court. Kapag pumasok ka rito ay mag iiba ang iyong paligid, para itong isang virtual reality arcade games kung saan ikaw mismo ang mag lalaro, tatakbo at mag sshoot ng bola one on one sa isang kalabang computer o PVE kung tawagin.
Isinuot ni kuya ang helmet at nag simula itong gumalaw na animo isang propesyonal na basketball player bagamat hindi naman siya umaalis sa kanyang pwesto ay nangangailan pa rin ito ng pag kilos ng iyong katawan.
Mabilis ang kanyang pag takbo at maya maya ay lumundag ito kasabay noon ang pag flash ng score sa screen 1-0. Nasundan pa ito ng maraming beses na puntos hanggang sa mag 10-1 ang laban at muling nag salita ang computer. "You Win! You are a Pro Champion! MVP!" Hinubad ni kuya ang helmet, pawis na pawis ito na tila galing sa totoong laro.
Lumapit sa kanya ang game master at iniabot ang isang premo. Isang Jersey na nakalagay ang name ng Acade na "Basketball King", isang bola, magasin ng mga sikat na player at isang stuffed toy na teddy bear, kulay brown ito at kasing laki ng ruler. "Congratulations! Come again!" ang wika nito.
Ako naman ay tuwang tuwa sa pag kapanalo ni kuya Sam, agad kong sinalubong ito at hinalikan sa pisngi. "Asteg ka kuya!" ang wika kong galak na galak.
"Ohh amoy pawis ako. Huwag kang yumakap sa akin. Para sa iyo bro. Ingatan mo iyan ha." ang wika niya sabay abot ng teddy bear sa aking kamay. Agad ko itong niyakap at hinalikan. Naalala ko tuloy yung cartoons na si Mr. Bean sa mga lumang files ng computer, halos kamukha nito ang kanyang best buddy na si Teddy.
Hanggang sa sasakyan ay yakap yakap ko ang stuffed toy na ibinigay sa akin ni kuya. Hindi nya tuloy maiwasang mag biro. "Puro iyan nalang ang hawak mo ah, baka ipag palit mo na ako dyan." ang kunwaring pag mamaktol nito.
"Syempre ay hindi, salamat sa masayang araw na ito kuya Sam. Ikaw ang the best kuya ever! I love you!" ang wika ko sabay halik sa kanyang pisngi ng maraming beses
"Oh teka nag ddrive ako. Mag kapatid tayo kaya huwag tayo mag romansahan." biro niya sabay tawa. "I love you too Ace.. Ikaw ang pinaka the best baby brother sa buong mundo. Isave mo yan sa memory card mo ah. Ulit ulitin ko pa para mas masaya, i love you Ace, ikaw ang pinaka the best na baby brother sa buong mundo.."
Inirecord ko ito at muling inulit.
PLAYING..
"I love you Ace.. ikaw ang pinaka the best na baby brother sa buong mundo.."
"Salamat kuya Sam, maswerte ako dahil ikaw ang naka tagpo sa akin." naka ngiti kong wika.
"Maswerte rin ako dahil dumating ka sa buhay ko tol. Ikaw ang pinaka mahalagang biyaya sa buhay ko. Ikaw ang dahilan ng pag ngiti ko sa tuwing gumigising ako sa umaga at natutulog sa gabi. Sorry kung mahigpit ako, pinag dadamot lang kita dahil gusto ko ay akin ka lang.. Mahal na mahal kita." ang wika niya sabay halik sa aking labi.
Hindi ko maunawaan ngunit bigla na lamang tumulo ang aking luha habang mag kasugpong aming mga labi. Damang dama ko ang kakaibang pakiramdam na wari'y sasabog ang aking dibdib sa labis na tuwa.
Ibayong saya at kilig ang aking naramdaman noong mga sandaling iyon. Ilang oras lamang na ligaya ang ibinigay ni kuya Sam ngunit para sa akin ay wala na itong katumbas na kahit na anong bagay. Kanina ay balot ako ng pangamba dahil sa mga bagay na hindi ko makokontrol kahit na anong pilit ko pa itong naisin. Siguro nga ay kasama sa hiwaga ng buhay ang maging masaya, malungkot, dumating at lumisan. Sa ngayon ay hindi ko pa ito maunawaan ngunit batid kong darating ang takdang araw na ang liwanag ng kaalaman ay bubukas para sa akin. Sa ngayon, siguro ay masasabi kong masaya na ako sa piling ni kuya Sam at ng aking pamilya. Ang bawat oras na lumilipas ay hindi na maaaring balikan kaya't simula ngayon ay bibigyan ko na ito ng labis na pag papahalaga.
itutuloy..