Chapter- 7

1309 Words
SINUBUKAN ni JM na makita ang dating asawa pero bigo siya. Mahigpit ang utos mula sa lolo ni Marcus na walang sinuman ang maaaring pumasok sa kinaroroonan ni Gianne, maliban sa kapamilya. Hanggang ngayon ay comatose pa rin ito at ang tanging nagdurugtong sa buhay nito ay ang life support system na nakakabit sa kanya. Ilang beses nang sinabi ng mga doktor na milagro na lang ang magpapabuhay kay Gianne. Pero hindi sumusuko si Marcus. Gagawin niya ang lahat mabuhay lang ang kaisa-isang kapatid. Kung saan-saang bansa siya pumunta para makahanap ng paraan upang madugtungan lang ang buhay nito. Hanggang lumipas ang mga buwan ay nanatili pa rin sa ganoong sitwasyon ang kapatid at unti-unti na siyang nakararamdam ng kawalang-pag-asa. Umabot na rin si Gianne nang mahigit isang taon sa pribadong ospital na pag-aari ng lolo ni Marcus. Maraming beses na kinausap siya ng matandang Ortega subalit ayaw pa rin niyang sukuan ang kapatid. Hindi rin siya tumitigil sa kadadasal para lang mabuhay ito. Sa araw-araw ay matiyaga siyang nagpapabalik-balik sa kinaroroonan nito at kinukuwentuhan ito ng kung ano-ano kahit wala siyang makitang response mula sa kapatid. “Sis, please wake up. Ang tagal mo na diyan sa higaan. Gumising ka na at marami tayong pupuntahan. Si H-Harry, malaki na siya ngayon. Hindi mo ba nami-miss ang anak mo? Kaya halika na, gising na, baby sis. Miss ka na rin ni Kuya.” Hindi maiwasan ni Marcus na mapaiyak. Sa totoo lang ay nararamdaman na niya ang unti-unting pagsuko. Pero gusto pa rin niyang kumapit sa natitirang konting pag-asa na nasa puso niya. *** SA Pilipinas ay mabilis nang maglakad si Harry, matatas na rin itong magsalita. Si JM ay naging mainitin ang ulo at laging nakasigaw; naging masungit, seryoso, at laging salubong ang makakapal na kilay. Nagagalit siya sa mga taong humahadlang sa kanya sa tuwina na gusto niyang mahanap si Gianne. Paulit-ulit din siyang nagpabalik-balik sa mga Ortega ngunit lagi siyang bigo. Kahit man lang konting impormasyon ay wala siyang makuha. Ang sabi ng mga maid, kahit sila ay wala nang balita sa kanilang amo. Hanggang napagod na rin siya, kaya ang ginawa na lang niya ay umiwas na sa mga babaeng maaaring iugnay sa kanya. Ilang beses na siyang nasaktan at nabigo, pagod na ang kanyang puso. Nagdesisyon siyang mangibang-bansa kasama ang anak. Baka sa malayo ay malimutan niya ang lahat ng masasakit na nangyari. Gusto niyang mabuhay nang matiwasay kapiling ng anak. “Talaga bang hindi na mapipigilan ang pag-alis ninyo, anak?” “Hindi na, Mommy. Mas mabuti na ang lumayo sa lugar na ito. Wala akong lugar dito kundi puro sakit at pait. Don’t worry, palagi naman akong tatawag sa inyo. Saka anytime naman po ay mapupuntahan ninyo kami ni Harry doon.” “Sige, anak, kung ’yan ang gusto mo. Mag-ingat kayo doon. Lalo na ang apo ko, huwag mo siyang pababayaan.” “Pangako po, Mom. Si Harry na lang ang kaisa-isang naiwan sa akin ni Gianne kaya iingatan, aalagaan at pakamamahalin ko po ang anak namin.” “Sige, anak. Gabayan at patnubayan nawa kayo ng Diyos.” *** Three years later . . . “HAPPY birthday, Harry, my son. Gusto kong pasalamatan ang lahat ng friends at ang family ko na nakarating sa mahalagang araw ng aking kaisa-isang anak. Mom, Dad, my brothers and sister, maraming salamat.” Nagkalat sa social media sa napakagarbong celebration ng limang taong gulang na si Harry James Lupez-Montemayor. “Like father, like son.” Iyon ang naririnig ni JM kahit saan sila mapadakong mag-ama. Marami ang nagsasabi na Xerox copy niya ang anak at ikinagagalak iyon ng kanyang puso. Sa tatlong taon na magkasama silang dalawa sa London ay naging maayos sila. Hindi man maiwasang malungkot sa tuwing maaalala ang ina ni Harry ngunit sinisikap pa rin niyang ngumiti. May mga ilang babae na na-link sa kanya pero hindi rin iyon nagtatagal dahil mas priority niya ang anak. *** NAABUTAN ni Marcus si Cassandra na nakatitig sa harapan ng malaking screen. Hindi nakaligtas sa kanya ang mukha ni JM at ng pamangkin na si Harry bago iyon mawala sa screen. Isang flash report iyon ng isang sikat na social media reporter. “Cassandra, halika na, nariyan na ang therapist mo.” “Pero, Kuya, nanonood pa ako, eh,” reklamo niya sa kapatid. “Huwag matigas ang ulo. Halika na at kanina pa sila nasa therapy room.” “Bakit pa ako nagpapa-therapy, eh wala namang nangyayari?! Ilang taon na nilang ginagawa sa akin ito pero gano’n pa rin! Nakakapagod na, Kuya, ang sakit pa nilang magmasahe!” “C-Cassandra, para naman ito sa iyo. Lahat ng ginagawa ko ay para sa ikabubuti mo. Gusto kong bumalik ka sa dati, ang maging normal muli ang buhay mo.” “Wala akong chance, Kuya! Hindi na ako makakalakad! Hindi na rin babalik pa ang memory ko! Pagod na pagod na ako sa klase ng buhay na meron ako.” Nakaramdam na naman ng pagsisisi si Marcus. Kung hindi niya iniwan ang kapatid noon, hindi sana ito nahulog sa hagdanan. Habang nakatitig sa kapatid ay hindi niya maiwasang balikan ang nangyari. “Good news, Gianne. Wala na ang tumor mo at hindi na iyon babalik pa. Huling chemotherapy mo na sa susunod na linggo.” “Wow! Talaga, Kuya? So, maaari na rin akong umuwi ng Pilipinas?” “Yes, baby sis,” aniya habang nakangiti sa kapatid. Nang araw na sumapit ang araw ng paglabas ni Gianne sa ospital ay iniwan niya ito saglit para kausapin ang doktor nito, ngunit nang nasa kalagitnaan na sila ng pag-uusap ay bigla na lang nagkaroon ng emergency announcement. Nagimbal siya sa nalaman, dahil ang kapatid niya ay natagpuan sa baba ng hagdan at wala itong malay. Ayon sa findings, napasama ang bagsak ni Gianne kaya na-damage ang likurang bahagi ng katawan nito na naging sanhi ng pagkalumpo nito. Nagkaroon din ito ng amnesia at hindi pa rin bumabalik ang alaala nito. Maging ang kalusugan ng pag-iisip nito ay naapektuhan. “Kuya! Nakikinig ka ba sa sinasabi ko?” “Ah, ano pala ang sinasabi mo?” “Ang sabi ko ay wala naman na akong chance, bakit pa ako nagpapa-therapy?” “Huwag kang magsalita ng ganyan. Hindi mo alam kung ano’ng ginagawa ko para lang mabuhay ka!” Uminit ang kanyang ulo sa sinabi ng kapatid. “Sorry, Kuya. Ang gusto ko lang naman ay huwag mo na akong problemahin pa.” “Kung ayaw mo na pinoproblema kita ay sundin mo na lang ang mga sinasabi ko dahil para naman sa ’yo ang lahat ng ginagawa ko,” aniya habang sinisikap pakalmahin ang sarili. “S-Sige, susundin ko na lang ang bawat naisin mo,” wika niya at yumakap nang mahigpit sa kapatid. “Here, look at this boy, hindi ba pangarap mo siyang makita at mahawakan?” Dinampot ni Cassandra ang picture ng batang lalaki na iniabot ng kanyang kuya. Tinitigan niya ang larawan, dinala sa labi, at hinalikan nang ilang beses. Unti-unti siyang napangiti. “Tara na, Kuya. Dapat gumaling na ako para makita ko na siya.” Naluluha si Marcus sa sitwasyon ng kapatid. Naging isip-bata rin ito dahil sa nangyari. Habang nakasalang sa therapy si Cassandra ay nakatitig ito sa picture na nasa kamay nito. Natutuwa naman ang mga therapist dahil naging mabait ang kapatid sa mga ito. Dati ay lagi itong nakasigaw at galit sa mga taong lumalapit dito. Lumipas ang mga buwan at unti-unti nang naging maganda ang resulta ng therapy kay Cassandra. Palagi na rin itong nakangiti at hindi na masyadong isip-bata, kaya lang ang amnesia nito ay wala na yatang pag-asa na gumaling pa. Nagbigay ng suhestiyon ang therapist nito na mas makabubuti raw na dalhin niya ang kapatid sa mga lugar na maaaring makapagpaalala rito sa nakaraan. Lalong higit sa lugar na meron masasayang alaala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD