MATULING lumipas ang mga araw, buwan at tuluyan nang bumalik sa normal ang buhay ni Cassandra. Iisa na lang ang kailangan nilang pag-ukulan ng panahon: ang puntahan nang paulit-ulit ang mga lugar na makatutulong sa kanyang alaala. Kaya’t napagdesisyonan nila na bumalik ng Pilipinas.
"Baby Sis, bakit nakatitig ka dyan kinakabahan ka ba?"
"Ahm... medyo, kahit wala akong maalala pero may kakaiba sa aking pakiramdam na hindi ko maipaliwanag."
"Sabihin mo sa akin natatakot ka ba o ayaw mo talagang umalis dito?"
"Hindi naman sa ganun pero bigla na lang akong kinabahan."
"Halika na at kailangan na natin umalis kung anuman ang nagbibigay sayo ng takot ay alisin mo diyan sa iyong isipan. Naririto ako at hindi ko hahayaan na may manakit sayo. Kaya kita dadalhin sa sarili nating bansa. Sapagkat naroroon ang mga alaala mo na makapagbibigay pag-asa upang bumalik ang iyong memorya. At sa pagbalik ng iyong alaala kung anuman ang masakit na mga pinagdaanan mo noon kailangan mo pa rin balikan. Nang sa gayon tuluyan kang makakawala sa lahat ng yon at makapagsimula sa bago mong buhay."
"Sorry, lagi kitang binibigyan ng mga alalahanin."
"Alisin mo sa iyong isipan ang mga negatibong bagay bagkus pilitin mong maging masaya."
Tumango na lang siya at humakbang na palabas ng pintuan.
NANG makalabas sila ng arrival area, muling nakaramdam ng kaba si Cassandra. At nang dumating sila sa destinasyon kapansin pansin ang reaksyon ng mga taong sumalubong sa kanila.
Samantala nanibago ang mga dating kasambahay nila dahil hindi sila kilala ng dating amo.
“Wala siyang naaalala kaya hindi niya kayo matandaan,” ani Marcus sa kanila.
“Ah, gano’n ho ba, sir? Kaya naman pala nakatingin lang si Ma’am sa amin.”
“Hindi ako maaaring magtagal dito kaya ipinagkakatiwala ko siya sa inyong pangangalaga. Bago ko makalimutan, call her Cassandra.”
“Copy po, sir Marcus.”
Iginiya na si Cassandra ng isang may edad na ginang dinala siya nito sa magiging silid niya. At nang makapasok siya sa loob ay unti-unti niyang naramdaman ang kalungkutan. Ang dibdib niya ay kumikirot din sa hindi malamang dahilan.
"Ma'am Cassandra, maiwan na kita, gamitin mo lang ang intercom kapag kailangan mo isa man sa mga kasambahay."
"Maraming salamat po," bago sinikap ngumiti sa ginang at umalis na ito. Nang sumara ang pinto ay naglakad siya palabas ng veranda. Tumayo siya sa gilid ng wall at sumandal doon. Inikot niya ang mga mata sa malawak na garden. At nang umihip ang malakas na hangin ay binukas niya ang mgakabilang braso. Pagkatapos ay huminga siya ng malalim at pinuno ng hangin ang kaniyang dibdib. Sana nga tama ang kapatid sana maging mabilis ang pagbalik ng kaniyang alaala.
***
MANSION Montemayor, isang flash report ang bumungad sa paningin nina JM at Harry pagbukas nila ng telebisyon. Isa iyong welcome party sa mansiyon ng mga Ortega. Halos manlaki ang mga mata ni Harry sa pagkakatitig sa napakagandang babae na nasa TV screen. Hindi niya makalilimutan ang mukha nito na nasa isang picture nang minsang nakita niya noong maiwan ng ama na bukas ang vault at sigurado siyang ito ang kaniya ina.
“M-Mommy?” hindi napigilan tawagin ito ni Harry.
Samantala hindi maikurap ni JM ang mga mata hanggang matapos ang report.
“Daddy, si Mommy ko po ba iyon?”
“I-I’m not sure, son . . . pero wait. Bakit mo pala alam ang tungkol sa mommy mo?”
“Doon po sa vault, nakita ko ang litrato niya.” pag amin ni Harry sa ama.
Hindi siya nakasagot. Ang akala niya ay walang alam ang anak, iyon pala ay matagal na nitong kilala ang ina.
Habang nakatingin sa harapan ng TV screen ay malakas ang kaba ni JM. Sigurado siyang ito ang kaniyang dating asawa. Kahit pangalawang pangalan ang ginamit nito, ramdam ng puso niya na ito ang kaniyang mahal. Dinampot niya ang remote control at inilipat ang channel, baka may iba pang impormasyon siyang makukuha. Ngunit nadismaya siya nang gano’n din ang laman ng balita sa ibang channel.
“Son, maiwan muna kita dito at aakyat lang ako sa kuwarto.” at nagmamadaling tinalikuran ang anak.
“Sige po, Dad.” sagot ni Harry habang nananatili ang mga mata sa malaking screen.
Binuksan ni JM ang laptop at isa-isang pinanood ang mga video clip na nakita niya sa social media. Hindi niya namalayan ang pagdaloy ng kaniyang uha. Akala niya ay wala na ito kagaya ng inilabas na pahayag ni Marcus Ortega sa isang interview many years ago.
“G-Gianne, asawa ko . . . i-ikaw ba talaga ito? I-I miss you,” anas niya habang hinahaplos ang mukha nito sa screen ng laptop.
Hindi niya malaman ang gagawin kaya tinawagan niya ang kanyang Mommy.
“Nakita mo ba ang news, Mom?”
“Anong balita ba ang sinasabi mo, JM?”
“Buksan mo po ang kahit anong social media, nagkalat ang larawan ni Cassandra . . . I mean, ni Gianne, ang asawa ko.” Ngunit wala na siyang narinig na sagot sa kabilang linya.
“Mommy, are you still there? Hello, Mom?”
Subalit nawala na sa linya ang kaniyang mommy. Puro ingay na lang ang narinig niya, kaya naisipan niyang tawagan na lang ang pinsang si Josh. Paiimbestigahan niya ang dating asawa. Nakaramdam siya ng pananabik at pangungulila ngunit napalitan din agad iyon ng takot.
***
SA mansiyon ng mga Ortega ay isa-isang tinititigan ni Cassandra ang mga litrato nila na may kasamang bata. Hinaplos niya ang mukha ng cute na cute na baby sa larawan.
“Ma’am, siya po ang iyong anak na si Harry, hindi mo ba siya natatandaan?” ani ng ginang na isang kasambahay ngunit umiling lang siya dahil kahit ano’ng gawin niya ay wala talaga siyang maalala.
“N-Nasaan siya ngayon?”
“Nasa mga Montemayor ho, sa dati mong asawa. Ibinigay mo si Harry maraming taon na ang nakalipas.”
“M-Manang, puwede bang ikuwento mo sa akin lahat? Kahit kaunti ay wala man lang akong matandaan.”
“Sige po, ma’am.”
Tahimik lang siyang nakinig sa lahat ng sinabi ng may-edad na babae. Parang hindi siya makapaniwala na ang lahat ng ’yon ay nangyari sa kaniyang buhay. Ang kawawa niyang anak ay ibinigay niya sa ama nito matapos niyang ma-confirm ang malubha niyang sakit.
“Ma’am, malaki na ho ang anak mo at lagi namin siyang nakikita sa social media. Kamukhang-kamukha ho siya ng dati mong asawa.”
“Puwede ko ba siyang makita? I mean, saan sila nakatira dito?”
“Wala ho sa bansa ang mag-ama. Ang sabi ay mula nang umalis ka patungong Europa para ipagamot ni Sir Marcus ay umalis silang mag-ama. Hindi ko rin ho alam kung saang bansa sila nakatira.”
“I see.” Tanging ’yon na lang ang kanyang naisagot. Naglakad-lakad na lang siya sa malawak nilang living room at ilang malalaking painting ang nakita niyang naroroon.
“Manang, gusto kong pumunta sa mall . . .” Hindi niya inaasahan na ’yon ang lalabas sa kaniyang bibig. Basta bigla na lang pumasok sa isipan niya ang salitang ‘mall.’
“Sige po, ma’am. Marami ka bang gustong bilhin?”
“I-I don’t know. Gusto ko lang magpunta doon,” wika na lang niya dahil wala naman talaga siyang gustong bilhin. Nagbihis siya at dating damit niya sa kuwarto ang isinuot niya.
“Ang ganda-ganda talaga ninyo, ma’am. Hindi pa rin nagbabago ang katawan mo at kasya pa rin pala ang mga dating damit sa ’yo.”
“Bagay ba sa akin? Wala akong ibang damit kaya ito na lang ang isinuot ko.”
“Para lang po kayong dalaga. Sino ang makakapagsabi na may anak ka na?”
“M-Malayo ba rito ang bahay ng mga Montemayor?” pag-iiba niya sa usapan. Nararamdaman niya na marami siyang gustong malaman.
“Sorry po, ma’am, pero hindi ko po alam kung saan sila nakatira.”
“Ah, gano’n ba? Sige, lumakad na tayo.”
“Sige po, ma’am. Maiwan na po muna kita at tatawagin ko lang ang driver upang ipaalam na aalis na tayo.”
“Okay, sige. Salamat.”
“Wala pong anuman,” nakangiting sagot sa kanya ng kasambahay.
Ilang mga bodyuard ang kasama nila na nasa ibang sasakyan. Nagtataka man ay hindi na lang siya nagtanong. Gano’n ba kadelikado rito sa Pilipinas para magkaroon siya ng maraming bodyguard?
Narating nila ang isang exclusive mall. Inalalayan siya ng ilang bodyguard at ang iba ay nakasunod sa kanya. Habang papasok, tila pamilyar sa kanya ang lugar at kahit siya ay nagtataka kung bakit parang kabisado niya kung saan siya pupunta.
“Ma’am, saan ho ninyo gustong mamili?”
“Doon sa paborito kong boutique.” Iyon ang kusang lumabas sa kanyang bibig.
“Ma’am, nakakaalala na po ba kayo?”
“H-Hindi, iyon lang ang naisip ko.”
Sa ’di-kalayuan ay may mga matang nakasunod sa paglalakad ni Cassandra. Hindi lang ito masyadong makalapit dahil napalilibutan ng mga bodyguard ang babae.
“Sigurado akong siya si Gianne. Kahit ang suot niyang damit ay hindi ko makakalimutan.”
“Baka naman kamukha lang niya?”
“No! Siya talaga iyan. Sandali at lalapitan ko.”
Nagmamadaling lumapit ang isang lalaki pero hindi pa man ito nakalalapit ay hinarang agad ito ng mga bodyguard ni Cassandra.
“Who are you at ano’ng kailangan mo sa amo ko?”
“Ah, eh, w-wala naman. Kilala ko lang siya at balak ko lang kumustahin. Pero okay lang, bro. Bye.”
“Kung isa kang Montemayor, hindi ka puwedeng makalapit kay Ma’am. Mahigpit ang utos sa amin na walang puwedeng makalapit sa kaniya, lalo na ang mga Montemayor. So, kung Montemayor ka nga pakisabi sa buong angkan ninyo na huwag nang sumubok pa.”
“Pasensiya na.” hinging paumanhin ng lalaki bago tumalikod ay nagsalubong ang mga mata nila ng babae. Confirmed na si Gianne nga ang babae.
Nag-dial ang lalaki sa kanyang cell phone.
“Sir Josh, confirmed. She’s Gianne. Pero nakapagtataka, hindi niya ako nakilala kahit matagal siyang tumitig sa akin ’tapos nagmamadali agad siyang umalis.”
“Hayaan mo na. Ilang araw lang at lalabas na ang resulta ng investigation. Basta sundan mo lang kung saan siya pupunta.”
"Copy, Sir Josh."
Binaba na ni Josh ang linya at nagmamadaling umalis.