Chapter 02

2277 Words
DAHIL na rin sa napag-alaman ni Niana, naging mas matalas ang kaniyang pandinig at pakiramdam. Ewan ba niya, pero bigla siyang napraning dahil sa kaniyang napag-alaman. Hindi niya lubos maisip na sa ilegal din ang bagsak ng kaniyang madrasta. “Aalis lang ako,” paalam pa ni Mariefe kay Niana kinahapunan. Bihis na bihis ito at kay bango. Wala naman siyang karapatang magtanong kung saan ito pupunta kaya tango na lang ang tanging naisagot niya. Kahit na ang totoo ay hindi niya mapigilang isipan na baka makikipagkita ito sa lalaki nito ngayon. “Si Nicah, patulugin mo na agad mamaya pagkatapos niyang kumain at baka mangapitbahay pa.” “Sige ho.” Nang makaalis si Mariefe ay kaagad na ni-lock ni Niana ang pinto. May parte niya na natatakot talaga sa sinabi ni Menggay. Lalo na at noong nakaraang buwan lamang ay mayroong napatay sa lugar nila ng dahil sa droga. May insidente pa na kahit inosente ay nadamay dahil lamang itinuro na kasama sa ilegal na gawain kahit hindi naman. Ganoon katindi. Kahit inosente ka, oras na maituro ka ay damay ka. Makukulong ka kahit na hindi mo iyon deserve. Nang muling maupo si Niana sa luma nilang sofa ay niyakap pa niya ang isang throw pillow. “Ate, saan po pupunta si Mama?” Kulang na lamang ay mapakislot pa si Niana dahil sa pagkagulat nang marinig ang boses ni Nicah habang nasa malalim siyang pag-iisip. “H-hindi sinabi, eh. Kapag nagutom ka, may pagkain na sa kusina. ‘Wag ka na raw mangapitbahay at matulog na nang maagap.” Tumango naman si Nicah. “Sige, Ate. Pero puwedeng manood muna ako ng TV?” Napatingin si Niana sa TV nila na sira ang speaker. “Wala namang speaker ang TV natin.” “Okay lang po, kita ko naman ‘yong mga tao,” nakangiti pa nitong wika. Napabuntong-hininga si Niana. Para sa edad ni Nicah, hindi naman ito maarte. Lalo na kung salat sila sa mga bagay-bagay. Ang mga kaedaran nito sa lugar nila, ang iba ay may mga smartphone na ginagamit. Habang ito, walang ganoon. Hindi nga rin ito makasali sa Group Chat mula sa section nito sa school dahil wala silang smartphone. Di-keypad nga ang gamit niya dahil ang mahalaga lang naman sa kaniya ay ang may magamit. Matawagan siya kung may raket o natanggap ba siya sa pinag-apply-an niyang trabaho. Sa panahon ngayon, hindi sapat na maganda ka lang. Lalo na sa isang katulad niya na high school graduate lang. Hindi madaling makahanap ng trabaho. Iniisip nga niya na mag-abroad. Pero paano naman ang pang-apply niya at pang-asikaso ng mga documents kung wala naman siyang hawak na pera? Minsan, para bang ang ilap ng suwerte sa kaniya kahit na ano pang sipag ang gawin niya sa buhay. Ayaw naman niyang mag-asawa ng mayaman para lamang makaahon sa hirap, katulad ng ginagawa ng iba. Pakiramdam niya, magmumukha siyang gold digger. NAPAHINTO SA AKMANG pagkatok sa pinto ng silid ni Mariefe si Niana nang marinig niya na may kausap ang kaniyang madrasta sa cellphone nitong mumurahin lang din katulad ng kaniyang gamit. Hindi niya mapigilan na idikit ang kaniyang tainga sa may pinto upang mas marinig pa niya ang kung ano mang sinasabi ni Mariefe sa kausap nito. “Oo. Ako ang bahala. Basta siguraduhin mo na ‘yong tatlong milyon na sinasabi mo ay totoong mapapasakamay ko, Enteng. Dahil kung hindi, ako mismo ang magpapasak ng bulak sa ilong mo. Oo naman. Nakita mo na ang babaeng ‘yon. Makinis, maputi at maganda. Nakakasigurado rin ako na virgin ‘yon. Hindi pa ‘yon nagkakaroon ng boyfriend. Tiba-tiba na sa kaniya si Mr. Kang. Hindi rin mukhang mahirap ang anak ng dati kong kinakasama kaya sigurado akong hindi ako mapapahiya sa matandang Chinese na ‘yon. At saka, oras na nasa poder na niya si Niana, labas na tayo sa ano mang gagawin sa kaniya ni Mr. Kang. Ang tagal ko ring nagtiyaga sa kaniya simula nang mamatay ang ama niya kaya tama lang na kabayaran ang tatlong milyon na ‘yon. Kulang pa nga ‘yon kung tutuusin. Baka magpasalamat pa siya sa akin dahil gaganda ang buhay niya kay Mr. Kang. Oo. Siguradong-sigurado na sa Sabado. Sige. Aasahan ko ‘yon.” Gimbal man sa mga narinig, sinikap pa rin ni Niana na makaalis sa may labas ng pinto ng silid ng kaniyang madrasta. Nang makapasok siya sa kaniyang silid ay ganoon na lamang ang kabog sa kaniyang dibdib. Pakiramdam niya, lalabas na ang kaniyang puso mula roon. Nanlalambot pa nang maupo siya sa may gilid ng kama na tinutulugan nila ni Nicah. Isa lamang ang malinaw kay Niana, balak siyang ibenta ni Mariefe sa isang matandang Chinese sa halagang tatlong milyong piso. Paano nitong nagawa iyon sa kaniya? Dahil ba hindi siya nito kadugo? Kaya rin ba hindi talaga siya nito inaaway nitong mga nakaraan dahil sa binabalak nitong iyon? Samu’t sari ang nararamdaman niya. Mas higit ang galit na bumangon mula sa kaniyang puso para sa kaniyang madrasta. Kinagat ni Niana ang kaniyang ibabang-labi upang hindi maiyak. Oo, naiiyak siya sa sobrang galit. Puwes, hindi siya makapapayag na magtagumpay si Mariefe sa masama nitong balak sa kaniya. Uunahan niya ito. Tutal, kaya na nitong makaraos na wala siya sa poder nito, lulubusin na niya. Sinamantala ni Niana ang muling pag-alis ni Mariefe isang hapon. Sakto naman na nasa lolo’t lola nito si Nicah sa side ng ina nito. Doon mananatili si Nicah hanggang sa susunod na linggo. Lalo na at walking distance lang naman doon ang school ng kapatid niya. Mukhang planado na iyon ni Mariefe, na paalisin muna sa bahay si Nicah dahil sa binabalak nito sa kaniya. Dala ang isang bag na puno ng mga damit niya at mga importanteng dokumento, nilisan niya ang bahay nila. Wala siyang malaking pera na dala. Sapat na sapat lang talaga na pamasahe dahil wala talaga siya ngayon. Sakay na siya sa tricycle nang makita niya si Mariefe na mukhang pabalik sa bahay nila. Dinagundong ng kaba ang dibdib ni Niana. Ganoon pa man, laking pasasalamat niya na hindi sila nagpang-abot na dalawa. Dahil kung hindi? Baka lalong mapurnada ang kaniyang pagtakas dito. Ang cellphone niya ay pinatay muna niya para kung sakali man, hindi siya matawagan ni Mariefe. Dahil tiyak niya na ang unang gagawin nito oras na malamang wala siya ay ang tawagan siya sa kaniyang numero. Ang ganitong eksena, tanging sa mga teleserye lang niya napapanood. Mangyayari din pala sa kaniya. Ngayong wala na siya sa poder ni Mariefe, iniisip niya si Nicah. Sana lang din, ‘wag na nitong kunin ang kapatid niya sa lolo’t lola nito para mas panatag ang kaniyang loob. Mabilis niyang pinalis ang luha sa magkabila niyang pisngi. Magkaroon lang siya ng maayos na trabaho, dadalawin niya ang kapatid niya. Sa ngayon, kailangan muna niyang masigurado ang kaniyang kaligtasan. Dahil sa mundong ito, wala siyang ibang kakampi kung ‘di ang sarili lang niya. Dumiretso siya sa isang kakilala niya na alam niyang hindi kilala ni Mariefe. Malayo rin iyon sa kanila. “Naligaw ka, Niana,” gulat pang wika ni Elsie nang mapagbuksan siya nito ng pinto. “Elsie, nakakahiya man, pero puwede ba munang makituloy sa inyo?” Kinapalan lang niya ang kaniyang mukha. Dahil wala na talaga siyang ibang pupuntahan. Napalingon pa si Elsie sa may bandang likuran nito. “Niana, narito kasi sa may salas ‘yong lola ko na may sakit. Dito rin siya natutulog sa baba. Hindi kita mapapapasok sa loob. Alam mo naman na maliit lang itong sa amin. Siksikan din kami rito.” Nasa looban din kasi ang bahay nina Elsie. Lumabas si Elsie. Kapagkuwan ay hinila ang pinto pasara bago siya muling binalingan. “Umalis ka ba sa inyo?” pansin pa nito dahil may bag siyang dala. Tumango siya. “May hindi kami pagkakaintindihan ng madrasta ko,” sabi na lang niya. Ngumiti siya kahit na ang totoo ay para bang gusto na lang niyang maiyak dahil huling pera na niya ang ginamit niya makarating lang kina Elsie. Malayo kasi iyon sa bahay nila. “Pasensiya na sa abala, ha? Nagbakasakali lang naman ako ngayon.” “Pasensiya na rin talaga, Niana. Lasing pa ‘yong tiyuhin ko. Baka mapag-trip-an ka kapag nakita ka.” Nakakaunawang tumango siya. “Sige. Ahm, puwede bang makahiram kahit magkaano? Ibabalik ko rin.” Pagbabakasakali pa rin ni Niana. “Naku, Niana, wala rin akong datong ngayon. Kabibili ko lang din kasi ng gamot ng lola ko.” Nakakaunawang tumango siya. “Okay lang. Salamat ulit, Elsie.” Nahatid na lamang siya ni Elsie ng tingin habang papalayo sa bahay ng mga ito. Tuluyang nag-init ang bawat sulok ng kaniyang mga mata. Pero sinikap niya na pigilan ang pamumuo ng luha mula roon dahil ayaw niyang magmukhang kawawa. Lalo na at hindi niya alam kung saan siya makikitulog. Ni pambili ng tubig, wala siya. Dapat pala, nakiinom muna siya sa bahay nina Elsie. Pero nang may maraanan naman siyang karinderya ay nakiusap pa siya kung puwedeng makiinom. Nang pumayag ang may-ari ay nakatatlong baso pa siya ng tubig. Iyon na rin kasi ang literal na hapunan niya at panlaman sa kaniyang tiyan. Hindi niya alam kung saan siya magpapalipas ng gabi. Hindi niya lubos maisip na dadanasin niya ang ganito. Tipong baka matulog pa siya sa lansangan. Napakahirap nga talaga na maging mahirap. Ni singkong duling, wala siyang hawak. At dahil may hitsura siya, siguradong walang maniniwala na wala siyang kapera-pera sa kaniyang katawan. Ang mas malala, baka sabihan pa siyang scammer at nangmomodus lamang. Nagpatuloy sa paglalakad si Niana. Napatingin pa siya sa madadaanan niyang night club kung saan nakahelera ang mga babae sa labas niyon. Nag-aantay ng mag-ti-table sa mga ito na customer. O kaya naman ay mag-ti-take out sa mga ito. Kahit walang-wala na siya, hinding-hindi niya gagawin ang ganoong uri ng trabaho. Nagpatuloy na siya sa kaniyang paglalakad. Nakasuot siya ng pantalong kupas at rubber shoes na luma na. Ang damit niya ay kulay dilaw na naka-tuck-in sa suot niyang pantalon. Sa kabila ng simpleng suot niya, hindi naman maitatago ang kagandahan at ka-sexy-an ng kaniyang katawan. Kayang-kaya niyang dalhin ang suot niya at hindi iyon magmukhang basahan kahit luma na. Backpack naman ang dala niyang bag kaya hindi siya nahirapan na dalhin iyon. Wala siyang malinaw na direksiyon ng mga sandaling iyon o kung saan ba siya hahantong para matulog. Ang mga naiisip kasi niyang tao, nasa malapit lang sa kanila. At hindi siya roon maaaring bumalik. Nagpatuloy lang siya sa walang kasiguraduhan na paglalakad. Nang malayo-layo na ang nalalakad ni Niana ay sandali siyang huminto sa tabing kalye at tumingin sa kabilang bahagi ng kalsada. Iniisip niya kung tatawid ba siya o doon na lang sa side na iyon. Napahawak pa siya sa kaniyang tiyan. Gutom na ang pakiramdam niya. Hindi sapat ang tubig na nainom niya kanina sa karinderya upang maibsan ang gutom niya. At sa layo na rin ng nalakad niya, kumakalam na ang sikmura niya. Dahilan para manlambot na siya. Pero kailangan niyang makahanap ng kaniyang matutuluyan. Pero saan naman? “Hey, want some ride?” Napatingin si Niana sa isang kotse na tumigil sa may tapat niya. Nakababa ang bintana ng kotse sa may side niya. Nakangiti pa ang mga lalaking sakay niyon. Naalala niya ang mga babaeng nasa may labas ng night club kanina. Kumunot ang kaniyang noo. Kapagkuwan ay nagbawi ng tingin at akmang magpapatuloy sa paglalakad nang bigla namang bumaba sa kotse ang tatlong lalaki na sakay niyon at sinundan siya. Binilisan niya ang paglalakad. “Ang suplada mo, ha,” anang isang lalaki na medyo namumula ang mga mata na bigla na lamang hinaklit ang braso ni Niana kaya napahinto ang dalaga sa paglalakad. “Pa-hard to get ka ba? Tss. Pare-pareho talaga kayong mga babae. Ayaw sa una pero sa huli, gustong-gusto rin naman.” “Bitiwan mo ako,” asik ni Niana na hinila ang kaniyang braso ngunit hindi iyon binitiwan ng lalaking may hawak doon. “Ano ba! Bitiwan mo sinabi ako.” “Kung ayaw ko?” Hinawakan naman ng isa pang lalaki ang kaniyang braso at hinila siya nito palapit dito. Nagpumiglas pa rin siya. “Puta, ang bango mo. Siguradong ang sarap mo rin,” nakangisi pa niyong sabi na ikinabahala ni Niana. Nasa panganib siya at iyon ang malinaw. “Tul—” “Subukan mong sumigaw at kumuha ng atensiyon ng ibang tao,” mariin pang wika sa kaniya ng isa. “Makikita ka na lang kinabukasan na palutang-lutang sa ilog.” Binalot ng takot ang puso ni Niana. Katapusan na ba niya? Pilit pa siyang hinila ng mga iyon pasakay sa kotse ng mga iyon pero nagpumiglas pa rin siya. “Pakiusap, bitiwan ninyo ako!” “Sumakay ka na.” Napasinghap si Niana nang biglang tumalsik ang lalaking may hawak sa kaniya. May sumipa rito kaya tumilapon talaga iyon. At bago pa siya makalingon kung sino ang gumawa niyon ay nabitiwan rin siya ng isa pang lalaki na may hawak sa kaniya nang may sumuntok sa mukha niyon. Napaatras naman ang isa pang lalaki. “Putang-ina mo ka! sino ka!” Nanginginig ang pakiramdam ni Niana nang maramdaman na may humila sa kaniya palayo sa tatlong lalaking may masamang balak sa kaniya. “Aalis kayo o tatawag ako ng pulis?” anang baritonong boses na iyon na puno ng awtoridad. “Tang-ina,” bulalas pa ng isa bago nagmamadaling sumakay sa kotse. Ganoon din ang dalawa niyong kasama. Gusto sanang silayan ni Niana kung sino ang nagligtas sa kaniya para makapagpasalamat man lang nang unti-unti namang magdilim ang lahat sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD