“PASS AKO DIYAN,” ani Uno sa kaniyang ka-meeting na si Francis nang mag-aya itong mag-bar sila.
Gusto na lang niyang bumalik sa hotel na kaniyang tinutuluyan sa may Quezon City para makapagpahinga na.
Kanina pang umaga full load ang schedule niya.
Siguro naman, oras na umuwi siya bukas sa Pagbilao City ay deserve muna niya ang makapag-relax sa UHB Leisure Club.
Na-miss niya bigla ang lugar na iyon.
“Hindi na ba magbabago ang isip mo?” tanong pa ni Francis kay Uno nang tumayo na siya.
“Hindi na.”
Wala na ring nagawa si Francis nang lisanin na niya ang isang mamahaling restaurant na kanilang kinaroroonan.
Wala na siyang kahit na sinong kasama ng mga sandaling iyon dahil pinauna na rin niyang umalis ang kasama niyang assistant na si Bernard. Nagpaalam kasi iyon na may kailangan pang bilhin sa Ballmer Mall, para sa asawa niyon na buntis, kaya hinayaan na rin niya at baka pag-awayan pa kapag walang dala pauwi ang kaniyang assistant para sa asawa niyon.
Habang pabalik sa hotel na kaniyang tinutuluyan, unti-unting bumagal ang pagpapatakbo ni Uno sa kaniyang kotse. Hanggang sa tuluyan niya iyong ihinto sa hindi kalayuan mula sa namamataan niya.
May namataan kasi siyang babae na tingin niya ay hinahabol ng tatlong lalaki. At sa nakikita niya, parang against sa will ng babae na sumama sa mga iyon.
Kumunot ang noo niya.
“Ano ba ang pakialam ko sa kanila?” anas pa niya.
Ngunit nang makita niyang magpumiglas ang babae buhat sa hindi kalayuan, kung bakit hindi niya magawang ituloy ang pagmamaneho. Humigpit pa ang kapit niya sa manibela ng kaniyang sasakyan.
Uno, may kapatid ka ring babae. Paano kung sa kanila nangyari ‘yong ganiyan? susog pa ng isang bahagi ng kaniyang isipan.
Pambihirang konsensiya!
Tiim ang bagang na bumaba na siya sa kaniyang kotse at naglakad palapit sa mga lalaking pilit isinasakay sa kotse ang isang babae na para bang walang kalaban-laban sa mga ito.
“Pakiusap, bitiwan ninyo ako!”
“Sumakay ka na.”
Bakit ba may ganitong klase ng mga tao?
Sa sobrang gigil ni Uno ay walang pakundangan na tumakbo siya palapit sa mga iyon at sinipa ng buong lakas ang isang lalaki na nakahawak sa nagpupumiglas na babae. Tumalsik iyon palayo sa babae at napasubsob sa gilid ng kalsada.
Ang isa naman ay buong lakas din niyang binigwasan ng isang suntok sa mukha dahilan para mabitiwan niyon ang babae.
Nanggigil siya bigla nang maisip na may mga kapatid din siyang babae at ayaw niyang mangyayari din ang ganito sa mga iyon. Lalo na sa bunso nilang si Chandrea.
“Putang ina mo ka! Sino ka!”
Agad niyang hinila ang babae palayo sa tatlong lalaki.
“Aalis kayo o tatawag ako ng pulis?” banta niya sa mga ito sa tinig na tiyak na matatakot ang mga ito.
“Tang-ina,” iyon ang huling salita na narinig ni Uno bago nagmamadaling nagsisakayan sa kotse ang tatlong lalaki.
Agad na napatingin si Uno sa babaeng hawak niya nang makitang tutumba iyon. Mabuti na lamang at mabilis niya itong nasalo.
Saka lang niya nakita sa malapitan ang hitsura niyon nang masinagan ng streetlight ang mukha niyon.
Kung bakit para bang sandali siyang natigilan nang matitigan ang mukha niyon. Kahit sa sarili niya, hindi niya ikakaila na may hitsura iyon. Maamo ang maganda niyong mukha na para bang hindi makabasag pinggan ang hitsura. Makinis. Kaya siguro napagdiskitahan ng mga tarantadong lalaki kanina.
Pero isa lang ang napansin niya, para bang putla ang mga labi niyon. Wala itong kahit na anong kolorete sa mukha kaya agad niyang napansin ang pamumutla niyon.
Ikinurap-kurap ni Uno ang kaniyang mga mata at mabilis na dinama ang pulsuhan sa isa nitong kamay.
Mukhang nawalan lang ito ng malay.
At hindi naman niya ito puwedeng ihiga na lamang basta sa may gilid ng kalsada at iwan doon.
Masyado na namang umeepal ang kaniyang konsensiya.
Dahil kung iiwan niya ito roon, tiyak na uusigin siya ng kaniyang konsensiya.
Wala ng pagdadalawang isip na pinangko niya ang babae at dinala sa kaniyang kotse. Doon ay iniupo niya ito sa may passenger seat at kinabitan ng seatbelt.
Ang kaibahan lang niya sa mga lalaki kanina, hindi siya mukhang gago katulad ng mga iyon na may masamang balak sa naturang babae.
Nang makasakay sa kaniyang kotse, sinigurado muna niyang okay lang ang babaeng tinulungan niya bago pinaandar ang kotse.
Humantong sila sa isang hotel na hindi kalayuan sa lugar na pinanggalingan nila. Nang makakuha ng isang silid para sa babae ay kaagad niya itong dinala roon para mas maayos itong makahiga sa kama.
Nakipag-coordinate rin siya sa hotel na kailangan niya ng doktor na titingin sa babae kung okay lang ba ito. Hindi naman niya itinago na tinutulungan lang niya iyon mula sa nagtangka ng masama rito kanina.
At ang isa sa ayaw niya, iyong makilala sa lugar na kaniyang kinaroroonan. Nakiusap pa siya sa receptionist na ‘wag ng ipagkalat na naroon siya matapos niyong magpa-picture sa kaniya. Walang humpay pa sa papuri sa kaniya dahil sa pagiging mabuti niya sa hindi niya kilalang tao.
Pakiramdam tuloy niya, anghel siya sa paningin niyon.
Part of being a UHB Member, hindi na nawala ang pagiging popular nila sa kahit na saan.
“Nahimatay lang siya, Sir,” anang doktor na tumingin sa babae. “Mamaya lang, siguradong magkakaroon din siya ng malay.”
“Thank you, Doc.”
“You’re welcome,” nakangiti pa niyong wika. “Bibihira na sa panahon ngayon ang mga taong may mabuting kalooban katulad ninyo.”
Maging ang doktor ay hindi nakaligtas sa pagpuri sa pagiging mabuti niyang nilalang.
Tumikhim siya upang alisin ang tila bara sa kaniyang lalamunan. “Hindi ho kaya ng konsensiya ko na basta na lang palampasin ‘yong nakita ko dahil may dalawa rin ho akong kapatid na babae.”
Napatango-tango ang doktor. “Kaya naman pala. Hindi na rin ako magtatagal.”
“Sige po. Salamat po ulit.”
“Sigurado ako na pagkain ang unang hahanapin ng pasyente.”
“Pagkain ho?” ulit pa niya sa sinabi nito.
“Oo. Namumutla siya dahil sa gutom at uhaw. Pakainin mo oras na magising siya. Mas mainam kung may mahihigop siyang mainit na sabaw para mas lalong bumalik ang lakas niya.”
“Sige ho,” sabi na lang niya.
Nang makaalis ang doktor ay saka lang ulit nagawang balikan ni Uno ang babaeng wala pa ring malay na nakahiga sa kama.
Hindi niya alam kung aalis na ba siya o hihintayin pa itong magising?
Lalo na at bilin ng doktor na kailangan nitong kumain oras na magising ito.
Hindi nga siya sumama sa pag-aaya ni Francis kanina, pero heto at nagkaroon naman siya ng responsibilidad ng wala sa oras.
Napapailing na naupo si Uno sa naroong sofa. Sana lang ay magising kaagad ang naturang babae dahil gusto na rin niyang ilapat ang kaniyang likuran sa kama.
Sandaling ipinikit ni Uno ang kaniyang mga mata. At nang muli siyang magmulat, ang mukha kaagad ng babaeng tulog ang unang natutukan ng kaniyang paningin. Halos hindi niya maalis ang tingin doon.
May kung ano rin siyang naramdaman na kakaiba dahilan para maipilig niya ang kaniyang ulo.
Siguradong awa lang ang nararamdaman niyang iyon at wala ng iba. At iyon ang pilit niyang itinatatak sa kaniyang isipan.
May hitsura man ang babaeng iyon, pero nasisigurado niya na hindi ito papasa man lamang sa inilaan niyang standard pagdating sa isang babae.
At sa bihis niyon, natitiyak niyang commoner ang naturang babae. Napakaordinaryo.