Tinikis ni Maria na hindi puntahan ang mga bata kagaya ng sinabi niya sa mga ito subalit tila nagdaramdam ang kanyang puso na balewalain ang magkapatid. Kung kaya't wala din siyang nagawa kung hindi puntahan ang magkapatid doon sa labas ng Jollibee. Pero balak niyang huwag muna siyang magpakita at mamanmanan muna niya ang dalawang bata. Titingnan niya kung totoo ang sinabi sa kanya ng matandang lalaki kanina bago siya umalis doon sa lugar.
Agad namataan ni Maria ang dalawang bata sa may gilid ng Jollibee. Kita niyang tila may hinihintay ang mga ito at panay ang tanaw nila sa direksyong tinahak ni Maria kanina pauwi. Nagkubli si Maria nagsuot siya ng sumbrero at naka-jacket siya ng itim. Kita niyang hindi mapakali ang dalawang bata ang saya sa mukha nila ay unti-unting napalitan ng lungkot. Parang nadurog ang puso ni Maria kung kaya't nagpasya siyang sundan ang dalawa nang paalis na ang mga ito.
Balak na sanang lapitan ni Maria ang magkapatid dahil awang-awa na siya subalit napaatras siya nang may tumigil na van sa tapat ng mga ito. Nasa likong kalye na sila at wala na masyadong katao-tao kung kaya't agad na nagkubli si Maria. Kita nitong may bumabang dalawang lalaki kinausap ang magkapatid. Walang ano-ano'y binatukan ng dalawang lalaki ang magkapatid kaya umiyak sila at kita ding sinisigawan sila saka dinuduro. Pagkatapos no'n ay isinakay na sila sa sasakyan at paharurot ng umalis ang mga ito. Noon lang pinakawalan ni Maria ang pigil-pigil niyang hininga kasabay ng malakas na kabog sa kanyang dibdib. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita naaawa siya sa mga bata alan niyang biktima lang din ang mga ito. Hindi namalayan ni Maria ang pagkalaglag ng kanyang mga luha napahikbi pa siya mga bata pa lamang ang magkapatid subalit nasa madilim na mundo na sila.
"Hinahanap mo ang magkapatid?" Ang matandang lalaki na naman ang nakasalubong ni Maria sa pagbabalik nito sa hotel na kanyang tinutuluyan.
Napakunot-noo si Maria at napaisip kung bakit lagi na niyang nakasalubong ang matanda.
"Sinusundan niyo ho ba ako?" tahasang tanong niya.
"Hindi. Palaboy ako malamang lahat ng lugar napupuntahan ko, bakit naman kita susundan?" sagot ng matanda.
Napakurap-kurap naman si Maria at nakadama siya nang pagkapahiya.
"Mag-iingat ka dito sa Maynila maraming-maraming manlilinlang. Maging mapanuri ka, huwag kang tatanga- tanga!" Sabi pa ng matanda bago nito iniwan si Maria.
Nag-init naman ang mukha ni Maria at tahimik ng tumuloy sa loob ng hotel. Hindi niya pinansin ang dalawang plastik na receptionist sa may bungad. Kahit pa todo ang ngiti nila sa kanya nawalan kasi siya ng amor simula ng una niyang salta sa hotel. Pagkarating ni Maria sa loob ng kanyang kwarto ay agad siyang uminom ng malamig na tubig. Pumunta siya ng veranda at naupo saglit doon sabay kain sa binili niyang siopao at kikiam na may kasamang fishball saka sawsawan. Nakatingin lang siya sa kumpulan ng mga sasakyan, naisip niya maganda iyon sa gabi tapos pangit sa tanghali. Kagaya din ng isang tao, may mga magaganda subalit halang ang kaluluwa. May mga pangit subalit busilak naman ang mga puso nila. Naisip niya tuloy ang magkapatid at ang matandang lalaking pulubi, parehas na yagit sa paningin pero sino sa kanila ang nagsasabi ng katotohanan?
Na-bored si Maria pagkatapos niyang kumain ng binili niya sa labas. Kaya binuksan niya ang tv at nahiga na siya tutal ay papa-gabi na. Pero napalikwas siya nang makita niya ang news sa tv biglang kabog na naman ang kanyang dibdib. Ayon sa news naka-locked down ang buong San Sebastian at pinaghahanap siya sa kasong pagpaslang sa kanyang Tiyo. Nangatal ang buong katawan ni Maria, naiiyak siya at hindi malaman ang kanyang gagawin.
"Hindi. Hindi ko siya pinatay," bulong niya sa kanyang sarili habang ninenerbiyos hanggang sa napahagulhol na siya.
Ang pagbabagong buhay ni Maria na akala niya ay mababaon na ang kanyang nakaraan ay hindi pa pala tapos. Walang pagbabago kahit nasa ibang lugar ba siya dahil magtatago pa rin siya hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Agad pinatay ni Maria ang tv hindi niya tinapos ang balita dahil hindi niya kaya. Nakita pa niya ang kanyang Tiyahin na umiiyak at nanawagan kung nasaan man siya ay sumuko na siya. Hindi lang isa ang kanyang kaso, dalawa dahil pinalabas na pinagnakawan pa niya ang kanyang Tiyuhin bago niya ito pinatay. Nagawan na ng maling teorya ang kanyang pag-alis ng San Sebastian. Magnanakaw na may kasamang pagpaslang ang kanyang kaso kaya ang dating hindi tahimik na isipan ni Maria ay bumalik na naman.
Kinabukasan.
Hindi nakatulog si Maria inisiip niya pa rin ang kanyang kaso sa probinsiya. Mas lalo tuloy naging paranoid ang kanyang pakiramdam na baka anomang oras ay may pulis na aaresto sa kanya. Kung kaya't nagpasya na siyang mag-check out sa hotel na kanyang tinutuluyan. Lumipat siya sa isang apartment na kanyang nakita malapit sa may Jollibee na kinain niya. Simple lang at medyo mahal pero mas maganda na iyon dahil mag-isa lang siya sa kanyang kwarto. Walang entrance na dadaanan niya, walang guwardiya at maraming taong makakasalamuha niya bago siya makarating sa kanyang kwarto. Kaya mas makakapag- isip siya ng kanyang gagawin at kung ano ang kanyang magiging plano sa hinaharap.
"Bago ka diyan?" tanong ng isang babae kay Maria ng isang umaga pagkalabas nito ng kanyang basura.
"Oo, ikaw?" Tanong din ni Maria.
Maganda ang babae, kulay blonde ang buhok nitong maikli at makapal ang make up nito. Maiksi nga lang ang suot na short at sphagetti strap at putok na putok ang dalawang bundok nito sa laki.
"Anong work mo?" Tanong pa ng babae sabay sipat sa katawan ni Maria sabay nguya ng Buble gum sa bibig nito.
"Ahm..writer bakit?" Naiilang na sagot ni Maria na para bang matagal na silang magkakilala ng babae base sa tono ng pananalita nito.
Napangisi naman ang babae.
"Malaki ba kitaan diyan?" tanong nito.
"Medyo," nag- aalinlangang tugon ni Maria.
Ngumisi ang babae sabay lapit nang husto kay Maria. Habang si Maria naman ay medyo napaatras naghahanda sa ano mang gagawin niya kapag may hindi magandang gawin ang babae sa kanya.
"Doon ka na lang sa pinagtatrabahuan ko, oras lang doon may libo-libo ka na. Tiyak madali ka lang makapag-ipon nang malaki in just a week lalo na kung bago ka at maganda!" Halos pabulong na sabi ng babae.
Napakunot-noo naman si Maria.
"Ano bang trabaho mo?" tanong niya.
"Entertainer sa isang club mabait ang Amo namin bukod sa guwapo pa siya at single. Mag- apply ka na tutulungan kita iba kasi ang dating ng ganda mo eh!" Tugon ng babaw sabay kindat at kagat-labi.
Napangiwi naman si Maria agad niyang nakuha ang trabaho mayroon ng kaharap niyang babae.
"Sorry pero ayoko sa club," mahinahong sagot ni Maria.
Tumawa naman ang babae.
"Ito naman! Entertainer ako hindi pokp*k ano ka ba! May permit ang club ng pogi naming Amo mali ka sa iyong iniisip. Anyway just in case magbago ang isipan mo, katukin mo lang ako magkapit-bahay lamang tayo. Ako nga pala si, Gia!" Anito.
Pilit namang ngumiti si Maria kahit pa anong paliwanag ng babae iisa lang talaga ang nasa kanyang isipan pagdating sa salitang clubhouse. Ignorante na siya kung ignorante basta tungkol sa isang club iisa lang talaga ang alam ni Maria doon ang pugad ng mga babaeng mababa ang lipad.
"Salamat sa offee Gia. Sige, mauuna na ako!" Turan ni Maria at tinalikuran na niya ang kausap.
"Teka!" Pigil naman ni Gia kay Maria.
Huminto naman si Maria at muli nitong hinarap si Gia.
"Bakit?" tanong nito.
"Hindi mo pa sinasabi ang pangalan mo," tugon ni Gia.
Nag- isip saglit si Maria kung sasabihin ba niya sa dalaga ang tunay niyang pangalan.
"Ano?" Natatawang tanong ni Gia sa katagalan ng pagsagot ni Maria.
"Magdalene ang pangalan ko," bantulot na sagot ni Maria.
Tumango-tango naman ang babae at ito na ang kusang umalis. Nakahinga naman nang maluwag si Maria at pumasok na siya sa kanyang apartment. Tunay naman niyang pangalan ang kanyang sinabi kay Gia. Dahil Mary Magdalene ang buo niyang pangalan na pinaikli lang nila sa Maria.
Iwinaglit ni Maria ang pag- uusap nila ng babae at inasikaso niya ang bagong bili niyang selpon. Wala kasi siyang balak na gamitin ang luma niyang selpon at baka matunton pa siya ng mga naghahanap sa kanya. Gumawa siya ng bago niyang account sa social media at bagong pangalan. Nang sa ganoon ay masubaybayan niya ang nangyayari sa San Sebastian upang alam niya ang bawat hakbang na gagawin niya kapag nagkataon. Hinanap ni Maria ang account ng Bestfriend niyang si Heidi kailangan niya itong makausap alam niyang nag- aalala na ang kanyang kaibigan dahil sa bigla niyang pagkawala sa San Sebastian. Iku-kwento niya ang lahat-lahat kay Heidi alam niyang naiintindihan siya ng kanyang kaibigan. Ito lang ang tanging kakampi niya sa lahat ng laban sa kanyanh buhay. Ang kanyang karamay sa hirap at ginhawa wala na siyang pakialam kay Raphael. Ang kanyang nobyong akala niya ay tagapangtanggol niya subalit ito pa pala ang isa sa gagawa ng kanyang ikakalugmok. Katulad ng kanyang Tiyo, Tiya, pinsan at mga taong lumapastangan sa kanya ay hindi nila deserved ang kanyanh kapatawaran kahit na kailan.