Naalimpungatan si Maria sa tunog ng orasan na nasa bedside table niya. Kukurap-kurap ang mga mata niya saka niya iyon nilingon, nanlaki ang mga mata ni Maria dahil tanghali na pala. Napainat siya sabay hikab, sumilay ang ngiti sa kanyang labi dahil kay gaan ng kanyang pakiramdam sa umagang iyon. Sa unang pagkakataon, mahimbing siyang nakatulog walang iniisip at walang pinoproblema. Unang pagkakataon ding nagising siyang masaya, magaan ang kanyang pakiramdam at walang inaalalang maaaring masamang mangyari.
"Thank you Lord, sana ay tuloy-tuloy na po ito." Anas ni Maria pagkatapos niyang umusal ng maikling taimtim na panalangin.
Bumangon na si Maria inayos niya ang kanyang higaan. At agad na nagtungo sa bathroom upang maligo na din. Balak niyang bumaba ng kanyang kwarto at maglakad -lakad kahit saglit. Pakiramdam niya ay nakapagpahinga na ang kanyang pagal na katawan at pagod niyang isipan sa mahimbing niyang tulog magdamag. Sandali lang naligo si Maria at nagsuot siya ng pants na maong at tinernuhan niya nang fuschia pink na t-shirt. Inilugay niya lang ang kanyang mahabang buhok at naglagay ng manipis na lipstick saka pulbo. Iyon lang naman ang ginagamit niya sa kanyang mukha kung sa sabon naman ay silk papaya na orange ang nakasanayan niya sa probinsiya. Kapag wala siyang budget noon ay switch siya sa pink na safeguard iyong may aloe vera ang ingredients. Nang sa palagay ni Maria ay maayos na ang kanyang hitsura ay tuluyan na siyang lumabas ng kanyang hotel room.
Napangiwi pa si Maria nang nasa labas na siya, napaka- init ng salubong sa kanya ng kalsada. Nakakatulig din ng tainga ang mga maraming sasakyan, maski mga taong tila nagmamadali at may kanya-kanyang mga lakad ay nakakahilo. Napaatras si Maria hindi siya sanay sa buhay ng Manila subalit kailangan niyang maging matapang sa bago niyang lugar na gagalawan.
Nakita ni Maria ang Jollibee dire-diretso siyang naglakad patungo doon. Iyon lang muna ang alam niyang safe na kakainan niya pansamantala. Gusto niya sana sa mga karinderya o kaya ay turo-turong kainan kaya lang takot siyang maloko kagaya ng sinabi ni Wilmer sa kanya.
"Dine or Take out?" tanong ng crew sa Jollibee kay Maria matapos nitong maibigay ang kanyang inorder.
"Dine in," sagot ni Maria sabay ngiti at inabot na niya ang kanyang bayad.
Matapos niyang kunin ang kanyang sukli ay binitbit na niya ang table number nito. Tumingin nang bakanteng mesa at doon na siya umupo. Ilang saglit lang at tumunog ang beeper na kasama ng kanyang table number indikasyon na puwede na niyang kunin ang inorder niya. Isang chicken joy with rice, sphagetti, burger at mango pie with drinks. Malakas talagang kumain si Maria dati pa subalit hindi naman siya tabain. Dahil siguro mabilis ang kanyang metabolism. Mabilisan lang din siyang kumain kaya nang tapos na siya ay nagpasya na siyang lumabas.
"Penge po ng pagkain, palimos po!" Naagaw ang atensyon ni Maria sa tinig ng isang batang sa palagay nito ay nasa dose anyos lang.
"Para na po niyong awa, gutom na gutom na po kami ng kapatid ko." Sabi pa ng bata.
Napadako ang tingin ni Maria sa batang nasa isang sulok na umiiyak, marungis ang mga ito. Parang kinurot ang puso ni Maria sa tagpong kanyang nakita napakurap-kurap pa siya dahil napapaluha ang kanyang mga mata. Bigla niyang naalala ang kanyang dalawang kapatid na hindi niya alam kung saang lupalop na ng lupa ang mga ito.
"Bata, nasaan ang Mama niyo?" Hindi napigilan na tanong ni Maria.
Malungkot na tumingin ang bata kay Maria kita pa niyang may luha sa mga mata nito.
"May iba na pong asawa pinabayaan na po niya kami." Naiiyak na sagot ng bata.
Parang sumikip ang dibdib ni Maria sa kanyang narinig.
"Wala ba kayong Tatay?" Tanong pa niya.
"Nasa kulungan po," mahinang tugon ng bata.
Napatingala si Maria at nag- uulap ang kanyang mga mata. Mga ganoong senaryo ang kanyang kahinaan lalo na sa mga bata.
"Sandali lang ha?" Sabi ni Maria sa bata at bumalik ito sa loob ng Jollibee.
Umorder si Maria ng tig-isang spaghetti, burger at chicken joy na may kasamang inumin para sa mga bata. Sa paraan na iyon kahit papaano ay maibsan ang nararamdamang awa ni Maria para sa magkapatid.
"Heto, kumain na kayo para mawala na ang nararamdaman niyong gutom." Masayang sabi ni Maria sa mga bata sabay abot ng pagkain ng dalawa.
Kitang-kita ni Maria kung papaano kumislap ang mga mata ng dalawang bata dahil sa saya. Ngumiti si Maria naisip niya kung bakit may mga magulang na natitiis abondanahin ang mga anak para sa pansamantalang kaligayahan.
"Maraming salamat Ate ganda!" Tuwang-tuwa naman na sabi ng magkapatid kay Maria.
Natawa naman si Maria at nakiupo siya sa mga bata sabay haplos sa kanilang mga ulo.
"Huwag niyo na akong bolahin alam ko na iyon," pabirong sagot ni Maria sabay kindat.
Sabay namang humagikhik ang dalawang bata na tumingin kay Maria. Napabuga naman nang hangin si Maria dahil kahit papaano ay nakahinga na siya nang maluwag para sa mga bata.
"Kainin niyo lahat 'yan ha? Gusto ko ubusin niyo 'yan," sabi pa ni Maria.
Nagkatinginan naman ang dalawang bata na tila nag- aalala.
"Bakit may problema ba?" Nagtatakang tanong ni Maria.
Napayuko naman ang dalawang bata kapagkuwan ay malungkot na muling tumingin kay Maria.
"Titirhan po namin ang aming Lola may sakit po siya," sabi ng isa.
Napatulala naman si Maria akala niya makakahinga na siya nang maluwag at hindi na siya makokonsenya pa. Subalit nagkakamali siya ay mas malaki pa palang problema ang mga batang nakilala niya ngayon.
"Nasaan ba ang bahay niyo?" Natanong ni Maria sa mga bata at titingnan niya kung ano ang kanyang maitutulong sa mga ito.
"Medyo malayo po dito Ate," sagot ng mga bata.
"Teka, ano bang mga pangalan niyo?" Tanong ulit ni Maria.
"Ako po si Mercy at ang kapatid ko ay si Mona po." Tugon ng Ate.
"Ikinagagalak ko kayong makilala, ano bang sakit ng Lola niyo?" wika ni Maria.
"Hindi po namin alam," napapaiyak na sagot ni Mercy sabay iling.
Bumuntonghininga si Maria wala pa naman siyang dalang sapat na pera dahil takot siyang manakawan. Kaya sakto lang din ang kanyang nadala at hindi naman niya inaasahang makakatagpo siya ng kagaya sa mga bata.
"Ganito na lang babalikan ko kayo mamayang hapon dito ha? Tapos dalhin niyo ako sa Lola niyo para matingnan ko kung ano ang maitutulong ko sa kanya okay?" Masinsinang bilin ni Maria sa magkapatid.
Sabay na tumango ang dalawa at bumakas ang saya sa mga mukha nito. Muling bumalik si Maria sa loob ng Jollibee at nag- order muli para sa Lola ng mga bata.
"Ibigay niyo sa Lola niyo at pakainin niyo siya ha? Sige, aalis na ako babalikan ko kayo mamayang hapon." Muling bilin ni Maria sa dalawang bata.
Masayang tumango ang dalawa at yumakap pa ang mga ito sa hita ni Maria.
"Naku at naglambing pa ang mga ito! Sige na, aalis ang Ate muna." Natatawang turan ni Maria.
"Teka Ate anong pangalan mo?" Tanong bigla ni Mercy.
Nag- isip saglit si Maria kung sasabihin niya ba ang totoo niyang pangalan sa mga bata. Kapagkuwan ay ngumiti si Maria sabay pisil sa mukha ng magkapatid.
"Mary, iyan ang pangalan ko." Aniya.
"Maraming salamat po Ate Mary." Magkasabay na bigkas ng magkapatid sabay ngiti sa dalaga.
Ngumiti din naman si Maria at tuluyan na niyang iniwan ang mga bata. Hindi pa siya nakakalayo nang may isang matandang lalaki ang humarang sa daraanan ng dalaga.
"Bakit po?" Nagtatakang tanong ni Maria sa matanda.
"Tinulungan mo ang mga batang iyon?" tanong ng matanda sabay nguso sa kinaroroonan ng mga bata.
Lumingon din naman si Maria sa kinaroroonan nina Mercy at Mona.
"Oo, bakit ho?" Sagot ni Maria saka nito ibinalik ang kanyang tingin sa matandang lalaki.
"Mag- iingat ka sa dalawang bata na 'yan. Hindi mo sila kilala maaaring mata sila ng sindikato at nagmamanman lang ng kanilang bibiktimahin." Payo ng matandang lalaki.
Napakunot-noo naman si Maria.
"Ano hong sindikato?" Naguguluhan pa ring tanong niya.
"Hindi mo alam? Mga nangunguha ng tao para ibenta sa iba't-ibang grupo ng sindikato para pagkakitaan!" Nanlalaki pa ang mata ng matandang lalaki.
Napadatda si Maria mabilis na bumalik sa kanyang isipan ang tagpong ibinenta siya ng kanyang Tiyuhin kay Anghel. Napakurap-kurap si Maria at umilap ang kanyang mga mata saka tumingin sa kanyang paligid. Hindi puwedeng hanggang sa Manila ay makikita at matutunton pa rin siya ni Anghel. Nagsisimula na siya ng panibagong yugto sa kanyang buhay. At hindi na siya makakapayag pang maulit pa ang nangyari sa kanya.
"Salamat po sa paalala!" Sabi na lamang ni Maria at lumihis na siya ng daanan saka nagmamadaling humakbang paalis.
"Naku! Huwag kang masyadong maawain, iyan ang ikakapahamak mo Ineng! Mukhang bagong salta ka lang dito sa Manila kaya hindi mo alam." Pahabol pang sabi ng matandang lalaki kay Maria subalit dire-diretso na lang itong umalis at hindi na lumingon pa.
Nakahinga nang maluwag si Maria nang marating na niya ang hotel na kanyang tinutuluyan. Mabilis sumakay si Maria sa elevator at pinindot ang numero ng kanyang kwarto. Nang makapasa na siya sa loob ay uminom siya ng malamig na tubig at nagpunta sa may veranda. Nakailang hugot nang malalim na hininga si Maria bago kumalma nang tuluyan ang damdamin nito. Hindi siya makahinga kapag naalala niya ang malaking bangungot sa kanyang buhay bukod pa sa nangyari sa kanya noong bata pa siya. Limot na na niya ang lahat-lahat bumalik lang noong ibinenta siya ng kanyang Tiyo kay Anghel na lider ng isang sindikato. At gagawin niya ang lahat upang wala ng bangungot na mangyayari sa kanyang bagong buhay sa Manila. Kailangan walang hadlang sa pagbabagong buhay niya sa bagong lugar na kinalalagyan niya ngayon. Kung kailangan niyang baguhin ang kanyang pangalan ay gagawin niya maging ang kanyang pananamit at style sa buhay.