"Salamat po!" ngiting-ngiti na sabi ko doon sa mama na sinabayan ko sa pagtawid.
Puno naman ng pagtataka ang itsura niya. Marahil nagtataka siya kung bakit ako nagpapasalamat sa kanya. Malaking bagay kaya sa akin na nakatawid ako nang ligtas papunta dito sa dati kong eskwelahan. Hindi na kumibo 'yung lalaki, at naglakad na palayo sa akin.
Humarap ako sa gate ng dati kong eskwelahan. Magbabakasakali sana ako na may makita na mga kakilala ko o ni Mama. Pero sarado na ang gate, at malamang ay wala nang tao sa loob. Pihadong nakauwi na ang lahat.
Humarap na uli ako sa kalsada. May mga pampublikong jeep akong nakita na may nakasulat na San Jose. Iyon ang lagi naming sinasakyan ni Mama kapag pauwi na kami. Umabante ako nang konti, mag-aabang ako ng jeep. Pero bigla kong naalala na wala nga pala akong pambayad.
Bahala na! Makikiusap na lang ako sa driver na wala akong pambayad sa kanya.
Naka-ilang kaway na ako sa mga jeep, pero puro punuan iyon at ayaw din akong hintuan. Kapag may humihinto naman ay hindi rin ako makasakay, dahil ang pumapasok sa loob ay iyong mga nakasabit sa may daanan.
Wala akong magawa kung hindi sundan ng tingin ang mga jeep na dumadaan sa harapan ko. Iyong ilang nakatayo at naghihintay din ng jeep na tulad ko ay sumasabit na lang din doon sa likuran. Nagkaroon tuloy ako ng ideya.
Saktong may humintong jeep sa harapan ko.
"Kuya, pwede sabit?" tanong ko sa kanya.
"Naku, hindi pwede! Delikado! Madisgrasya ka pa, sagutin pa kita!" sagot sa akin ng driver.
"Hindi, Kuya! Mag--"
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil umarangkada na siya ng patakbo. Gusto ko mang mainis sa driver, pero hindi ko magawa. Ang bilin sa akin ni Mama...
"Huwag magtanim ng sama ng loob... ikaw din ang maaapektuhan. Masakit sa dibdib 'yun. Tapos, dadalhin mo na 'yun habambuhay..."
Nagbuga ako ng hangin mula sa dibdidb ko. May isang ideya na naman ang pumasok sa isip ko. Sa gitna na lang ako uupo. Kahit hindi na ako makaupo sa talagang upuan. Kaya nung may huminto uling jeep, nakipagsiksikan ako para makapasok sa loob nun.
"Bata! Wala nang upuan!" sigaw ng driver.
"Dito na lang po ako sa gitna, Kuya. Okay lang po sa 'kin," sagot ko sa kanya.
"Eh, sa akin hindi okay. Baba! Mamaya niyan, mandudukot ka lang ng wallet sa mga pasahero ko, eh!"
"Naku! Hindi po, Kuya!"
"Baba na! Sawang-sawa na ako sa mga drama ninyong ganyan. Tapos hindi naman kayo makasuhan kasi menor de edad pa kayo. Baba na!"
Sasagot pa sana ako, pero nakita ko ang mga pasaherong nakaupo na sa akin lahat nakatingin. Iyong iba ay tinging nag-aakusa, 'yung iba naman ay parang nakikisimpatya sa akin.
"Baba na sabi! Naaabala mo 'yung mga pasahero ko!"
Wala akong nagawa kung hindi ang bumaba na lang. Naisipan kong maglakad-lakad muna habang hindi pa ako nakakasakay. Sinundan ko iyong ruta ng jeep. Mayamaya naman siguro ay mauubos na ang mga pasahero, at makakasakay na rin ako.
Pero malayo na rin ang nalalakad ko ay puro punuan pa rin ang mga jeep na dumarating. Napagpasyahan kong lakarin na lang hanggang sa destinasyon ko. Tutal naman ay pawis na pawis na ako. Nakakahiya na sa makakatabi ko sa jeep, baka amoy maasim na ako, katulad ng sinasabi sa akin noon ni Mama, kapag binibiro niya ako.
"Naku! Ang asim mo! Pwede na'ng ipangsuka sa sinigang..."
Pero pagkatapos namn niyang sabihin iyon ay hahalikan naman niya ako sa pisngi ko.
MAY nararamdaman na akong hapdi sa likurang bahagi ng paa ko. Bago kasi ang sapatos na suot ko. Hindi kasi pumayag si Tita Isa na hindi ko isuot ngayong unang araw ng klase ang binili niyang sapatos para sa akin. Bago nga kasi, kaya siguro medyo matigas pa at masakit pa. Hindi ko maiwasang mapangiwi kada ihahakbang ko ang aking mga paa. Gustong-gusto ko na siyang hubarin sana, pero madudumihan naman ang medyas ko. Nakakahiya naman kay Tita Isa kapag nagkataon. Kung magpapaa naman ako, paniguradong pagagalitan ako ni Mama, kahit pa hindi ko naman siya nakikita. Alam kong magagalit siya.
"Eh, kung makatapak ka ng bubog o ng kung anumang bagay na may kalawang? Alalahanin mo, anak... ang sapatos napapalitan. Pero ang kalusugan o ang buhay ng tao, hindi na. Isa lang ang buhay ng tao."
Napangiti ako, pero hindi ko rin napigilang mapahikbi. Ang pagkawala ni Mama sa buhay ko, iyon ang nagpakulang sa akin. Ngayon ko naramdaman na nag-iisa na lang ako. Na walang kakampi. Walang nagmamahal. Oo nga at nandiyan pa si Papa, pero ngayon ko lang napagtanto na iba ang mundo niya sa akin.
Bigla na lang nabasa ang braso ko. Tila may tubig na pumatak dito. Napatingala ako sa langit, at nakumpirma kong dito nanggaling ang tumama sa braso ko, nang may tumama ring patak sa mukha ko. Tanaw ko na ang gate ng subdivision na dati naming tinitirhan ni Mama. Iika-ikang nagmadali na ako sa paglalakad. Ayokong maabutan ng uian dito sa daan. Nang dumalas na ang patak ng ulan ay halos takbo na ang ginawa ko, sa kabila ng sakit at hapdi na nararamdaman ko sa mga paa ko.
"Keeno? Ikaw ba 'yan?" nagtatakang bati sa akin ni Mang Ferdie, ang guwardiya na madalas na nakatoka sa entrance gate.
Ngumiti lang ako sa kanya. Para kasing naubusan na ako ng hangin sa ginawa kong mabilisang paglakad.
"Paano ka napunta dito? Sino'ng kasama mo? Sumilong ka nga muna ditong bata ka!" Natatarantang tanong sa akin ni Mang Ferdie.
"Ako lang po. Uuwi po muna ako sa bahay namin," deretsang sagot ko sa kanya.
"Ha?" Lumingon pa ito sa direksiyon kung saan naroroon ang bahay namin. Pagkatapos ay tumingin siya uli sa akin.
"Pawis na pawis ka, ah. Tapos nabasa ka pa ng ulan."
Tumalikod siya sa akin, at saka yumuko. Pagharap niya uli sa akin ay may iniabot siya sa aking kulay asul na payong, na mukhang hindi pa nagagamit dahil naka-plastic pa.
"Eto, gamitin mo na muna itong payong na ibinigay sa akin ng Mama mo nung nakaraang Pasko. Pagdating mo sa inyo, hubarin mo agad 'yang suot mo, at maligo ka agad. Magkakasakit ka pang bata ka, eh!"
"Salamat, Mang Ferdie!" nakangiti kong sagot sa kanya, sabay sumaludo pa ako sa kanya.
"Teka. May susi ka ba dun sa bahay n'yo?"
"Alam ko naman po ang passcode sa gate at sa pintuan namin. Secret lang natin 'yun, Mang Ferdie, ha..." sagot ko sa kanya nang pabulong.
"Oo, sige. Siya. Lumakad ka na at lumalakas pa ang ulan. Sisilipin kita mamaya dun kapag dumating na 'yung relyebo ko dito."
"Okay, Mang Ferdie. Babay!"
Gusto ko mang magmadaling makauwi ng bahay namin, hindi ko rin magawa. Lalong tumindi ang nararamdaman kong hapdi sa mga paa ko. Dahil siguro sa nababasa na ang paa ko ngayon dahil sa ulan. Tiniis ko na lang ang nararamdaman ko. Ilang beses akong napapaigik at napapakagat-labi sa tuwing paghakbang ko at pagtindi ng hapdi.
Tamang-tamang nabuksan ko na ang gate namin nang bumuhos na ang napakalakas na ulan. Konting tiis na lang, Keeno...
"Aah! Aah! Aah!"
Hindi ko na natiis na hindi mapahiyaw sa sakit na nararamdaman ko. Pagkarating na pagkarating ko sa pintuan ng bahay, ay agad kong inalis mula sa pagkakasukbit sa mga balikat ko ang bag ko, bago ko hinubad ang sapatos at nabasa nang medyas ko. Napangiwi ako nang nakita ko ang marka ng dugo sa medyas ko. Kasabay nun ay ang pag-aalala na mapagalitan ako ni Tita Isa, dahil pihadong mahirap na iyong matanggal sa tela ng medyas.
Umihip ang malakas na hangin papunta sa akin, kaya mas lalo akong nabasa. Madilim na at hindi ko na nakikita ang mga numero sa lock ng pintuan. Sa halip, kinapa kong isa-isa ang mga buton para maitipa ko ang passcode nun.
Nang mapagtagumpayan kong mabuksan ang pintuan ay agad kong kinapa ng mga daliri ko ang switch ng ilaw. Nang magliwanag sa sala, hindi ko napigilang mapangiti. Iginala ko pa ng tingin ang kabuuan ng sala. Ganun pa rin naman ang itsura nito, at walang nabago, maliban sa natatakpan ng mga tela ang mga kasangkapan at mga upuan. Nangangahulugan na walang nakatira sa bahay na ito. Muli tuloy akong nakaramdam ng lungkot. Naalala ko tuloy kapag ganitong dumadating na kami ni Mama galing sa pagsundo niya sa akin mula sa eskwelahan.
"Hubarin mo na yang suot mo, Keeno. Itupi mo nang maayos at ilagay sa labahan. Magpahinga ka muna, at saka maligo. Magluluto na ako ng hapunan natin. Nagugutom ka ba? Ano'ng gusto mong meryendahin?"
Palaging nakangiti si Mama kapag tinatanong niya ako kung ano ang gusto kong meryenda. Hindi ko naiwasang hindi mapangiti nang maalala ko ang tagpong ganun. Sino ba ang mag-aakalang hindi ko na makikita ang mga ganung ngiti ni Mama?
Bigla akong nakaramdam ng gutom. Pero alam ko namang wala na akong pwedeng makain sa bahay na ito. Pinamigay na ni Papa sa mga guwardiya iyong mga natitira naming stock na pagkain dito ni Mama, bago kami umalis dito ni Papa at iuwi niya ako sa bahay niya.
Sa halip, hinubad ko ang polo kong suot na basa na. Bitbit ito na nagpunta ako sa dati kong kuwarto. Binuksan ko ang pintuan, at ang ilaw. Ganun din ang itsura dito sa kuwarto ko. Natatakpan ng mga tela ang mga gamit ko dito.
Nagpunta ako sa banyo. Kumuha ako ng hanger doon at saka ini-hanger ang hinubad kong polo. Hinubad ko na rin ang sandong suot ko, at ini-hanger din para matuyo.
Lumabas ako ng banyo, at saka nagpunta sa kabinet na lagayan ko ng mga damit. May ilan pa akong mga damit na nakatago dito. Kumuha ako ng pang-itaas at shorts para pamalit sa nabasa kong uniform. Kahit ang mga panloob ko ay maayos pa ring nakatupi sa lagayan.
Pagkakuha ay muli akong pumunta sa banyo. Pinihit ko ang knob ng shower. Mabuti na lang at may tubig pa pala. Hindi pa pala iyon pinaputol ni Papa. Tiinimpla ko ang tubig.Medyo nilalamig na kasi ako, kaya kailangan ko ng konting init ng temperatura.
Wala na akong nakitang mga shampoo at sabon, kaya nagkasya na lang ako sa tubig lang. Siguro ay kasama sa mga ipinamigay ni Papa sa mga guwardiya.
Hindi na ako nagtagal sa paliligo, at nagbihis na rin agad ako. Nagugutom pa rin ako, pero tinalo ng antok at pagod ang nararamdaman kong gutom. Inalis ko ang nakatakip na tela sa kama ko. Pinagpagan ko iyon ng unan na nakapatong sa kama ko. Alam ko kung saan nakalagay ang mga bedsheet na inilalagay ni Mama sa kama ko.
Humila ako ng upuan at saka inabot ang taas na kabinet. Hirap na binuksan ko iyon, at saka humila ng isang bedsheet at dalawang punda ng unan. Nilagyan ko na ng punda iyong dalawang unan, pero iyong bedseet ay basta ko na lang inilatag sa ibabaw ng kama. Gustong-gusto ko na talagang mahiga. Pakiramdam ko ay tinatawag na ako ng kama ko, para mahiga na. Kung aayusin ko pang mabuti ang sapin ng kama ko, malamang na magtagal pa ako.
Binuksan ko ang switch ng ilaw na nasa tabi ng kama ko, at saka naglakad papunta sa may pintuan kung saan naroroon ang main switch ng ilaw. Pinatay ko ito, at saka naglakad pabalik sa kama ko. Nahiga na ako, pero tumunog naman ang tiyan ko. Tumagilid ako ng higa, at saka bahagyang ibinaluktot ang katawan, para mapigilan ko ang pagtunog ng tiyan ko. Umasa akong makakatulog ako agad, para palipasin ko ang gutom na nararamdaman ko.
MAY mga boses akong naririnig. Buong akala ko ay nananaginip lang ako, pero nakaramdam ako ng pagyugyog sa katawan ko.
"Keeno? Wake up! Are you okay?"
Pinakinggan kong mabuti iyong boses. Si Mama ba 'yun? Binalikan ba ako ni Mama?
"George!"
Nandito rin si Papa? Magkasama sila ni Mama?
"Bakit?"
"Inaapoy siya ng lagnat."
Ramdam ko pa ang mga kamay na nakahawak sa magkabila kong mga pisngi. Nawala iyong isang kamay na nakahawak sa pisngi ko, tapos ay naramdaman ko iyon sa noo ko.
"Mama..."
Naramdaman ko na lang na lumutang ako. Parang napangiti pa nga yata ako. Ewan ko. Hindi ko alam. Para kasing idinuduyan ang pakiramdam ko ngayon.
Mayamaya ay naramdaman ko ang pagsayad ng likod ko. May humahaplos bigla sa buhok ko.
"M-Mama..."
"Shhh... pupunta na tayo sa hospital, Keeno. Hang on."
Hindi ko na nasagot si Mama. Para na kasi akong hinihila ng kadiliman. Gusto ko pa naman sanang idilat ang mga mata ko, para makita ko uli ang mukha niya.
NAUUHAW ako. Iyan ang naramdaman ko, kaya pilit akong nagdilat ng mga mata. Pero napapikit uli ako nang masilaw ako. Pinilit kong idilat uli ang mga mata ko, at sinanay ito sa liwanag. Puting kisame ang bumungad sa akin. Ipinaling ko ang ulo ko, at puting dingding ang nakita ko sa magkabilang panig.
"Mama?"
Alam ko namang wala na si Mama, pero siya ang gusto kong makita ngayon.
"Keeno?"
Si Mama ba 'yun?
Biglang bumungad sa akin ang mukha ni Tita Isa.
"George! Gising na siya!"
~CJ1016