Flashback...
"Keeno, let's go. It's getting dark."
Tiningala ko si Papa na nasa tabi ko. Nakatingin din siya sa akin. Kung ako ang tatanungin, ayokong sumama sa kanya. Oo. Siya nga ang Papa ko. Pero hindi ako ganun kalapit sa kanya. Hindi namin siya kasama ni Mama sa bahay. Dumadalaw lang siya sa gabi, sasabay kumain sa amin, pero hindi pa siya kailanman natulog sa aming bahay.
Pakiramdam ko ay hindi ako buo. Para bang may kulang sa akin. Hindi buo ang pagkatao ko. Oo. Meron akong ama. Meron akong tinatawag na Papa. Pero bakit walang kasama si Mama na uma-attend sa mga Recognition Day ko sa school? Bakit kaming dalawa lang ni Mama kapag Family Day sa school? Bakit dalawa lang kami lagi ni Mama na namamasyal at nagsisimba tuwing Linggo? Bakit pagdating ng gabi, si Mama na lang ang nagsisilbing ama ko sa aming bahay? Hindi ba pwedeng katulad kami ng iba kong kaklase sa school. May Mama at Papa mula umaga hanggang gabi?
"Saan po tayo pupunta, Papa?"
Bahagya siyang ngumiti.
"Iuuwi na kita sa bahay ko."
Hindi ko napigilang mapangiti. Sa kabila ng kalungkutan ko, isang napakagandang balita ang sinabi niya.
"Talaga po? Makakasama na kita sa isang bahay, Papa?"
Kimi siyang tumango.
"Yes. Come. Baka gabihin pa tayo sa daan," pagyaya niya sa akin, na agad ko namang tinanguan.
Bumaling akong muli sa harapan ko, kung saan nakapaskil ang buong pangalan ni Mama.
Clarissa A. Belmonte
In Loving Memory
MAHIHINANG yugyog at pagtawag sa pangalan ko ang nagpagising sa akin.
"Son, wake up. Nandito na tayo."
Hirap na hirap na idinilat ko ang aking mga mata. Namalayan ko na papasok kami sa isang hindi pamilyar na subdivision. Sinikap kong basahin ang pangalan ng subdivision na nakalagay sa arko, pero lubhang mabilis ang aming sasakyan, at inaantok pa talaga ako, kaya hindi ko nagawang basahin iyon..
Ibinaling ko na lang uli ang ulo ko sa harapan ng daan. Pansin ko ang nagtataasang mga gate at bakod ng mga bahay dito.
"Papa, nasaan po tayo?"
"Di ba sabi ko sa 'yo, uuwi tayo sa bahay ko? Remember?"
Mabilis akong sinulyapan ni Papa, nza sinagot ko ng pagtango. Muli siyang lumingon sa harapan ng daan. Wala na akong nagawa kung hindi pagmasdan ang mga nadadaanan naming mga bahay na halos hindi ko naman makita ang kabuuan dahil sa matataas na mga bakod.
Sa isang subdivision din naman kami nakatira ni Mama, pero hindi ganito kalalaki ang mga bahay. Hindi rin ganito katataas ang mga bakod at gate nila. Saka sa subdivision namin, marami kang makikitang mga tao sa daan at labas ng mga bahay nila. Hindi katulad dito, na sasakyan lang ni Papa ang nasa daan.
Hindi nagtagal ay huminto na kami sa isa ring mataas na gate. Sumaludo pa kay Papa ang guwardiya na nagbukas. Bumungad sa akin ang isang napakalaking puting bahay. Mula dito sa gate ay malayo pa ang pinaka-pintuan ng bahay.
"Dito ka po nakatira, Papa?" tanong ko habang hindi pinagmamasdan ko ang papalapit na papalapit na bahay.
"Yes, son. At dito ka na rin titira starting today."
Napangiti ako sa sinabi ni Papa. Sa wakas, makakasama ko na rin siya sa isang bahay. Huminto ang sasakyan ni Papa sa harap ng bahay. May sumalubong na lalaki sa amin. Nakikita ko siya paminsan-minsan kapag aalis na si Papa sa bahay namin ni Mama. Nanatili lang itong nakatayo sa labas ng pintuan ni Papa.
Nakita kong dinampot ni Papa ang cellphone niya na nakalagay sa pagitan namin. Nag-dial siya rito, at saka may kinausap.
"We're here. Bye."
Iyon lang ang sinabi niya sa kausap niya, at tinapos na niya ang tawag. Binalingan niya ako.
"Let's go. They are waiting for us inside."
Napakurap-kurap ako. They? Sino ang mga tao sa loob na naghihintay sa amin ni Papa? Tatanungin ko sana si Papa, pero mabilis niyang nabuksan ang pintuan niya at bumaba na ng sasakyan. Sinundan ko si Papa ng tingin habang umiikot papunt sa puwesto ko. Hindi na ako nagulat nang bumukas ang pintuan sa tabi ko.
"Baba na, Keeno. So that you can eat and then rest," sabi ni Papa, nang napansin niya na hindi pa rin ako kumikilos.
May mga tanong sa isip ko na gusto ko sanang itanong kay Papa, pero siguro nga pagod ako sa mga nangyari sa buhay namin, kaya minabuti kong manahimik na lang muna at huwag na munang itanong. Isa pa, gutom na rin ako. Mas magandang idea nga yata na kumain na muna ako, bago ko itanong kay Papa ang mga katanungang nasa isip ko.
Bumaba na ako ng sasakyan. Inakbayan ako ni Papa, at saka iginiya papunta sa malaking pintuan.
"Siguro, gutom na gutom ka na..."
Sasagot sana ako nang biglang bumukas ang malaking pintuan. May iniluwa iyon na isang magandang babae. Nang makita niya kami ay agad siyang ngumiti sa amin.
"Siya ba si Keeno?" tanong niya, habang nakangiti pa rin sa akin.
"Oo, Leonisa."
"Sa tingin ko, mas kamukha niya ang Mama niya," sabi ng babae, habang nakangiti pa rin pero matamang pinagmamasdan ang mukha ko.
"Kawawa naman ako. Si Arthur naman, kamukha mo. Hindi naman ako pangit," sagot ni Papa sa sinabi ng tinawag niyang Isa.
Tumingin iyong Isa kay Papa.
"Babaero ka kasi," sabi niya kay Papa, "at sana, hindi manahin ni Arthur, at nitong si Keeno."
Kanina pa nila binabanggit iyong Arthur. Sino naman 'yun?
"Keeno, Tita Isa na lang ang itawag mo sa akin. Okay?"
Sa halip na sagutin ko siya ay tumingin ako kay Papa. Iyong mga tanong sa isip ko ay lalo pang nadadagdagan ngayon. DI bale, mamaya siguro ay puwede kong kausapin si Papa, at itanong ang mga gusto kong itanong. Kapag kaming dalawa na lang.
"Papa!"
Napalingon ako. Sino iyong tumawag ng Papa sa Papa ko?
Isang batang lalaki ang nakangiting tumatakbo papunta sa kinatatayuan namin. Nagkatinginan naman si Papa at iyong babae. Nagulat na lang ako nang yumakap iyong bata kay Papa. Sa tantiya ko ay parang mas matanda siya sa akin nang konti.
"Papa, ang tagal mong dumating. Wala akong kalaro sa video game na nilalaro ko ngayon," nakangiting sabi niya.
Papa? Anak din siya ni Papa?
Automatic na napasulyap ako kay Papa. Nahuli kong mabilis siyang tumingin dun sa babae, tapos ay sa akin. Agad din naman siyang nag-iwas ng tingin nang makita niyang nakatingin ako sa kanya.
"A-Ang mabuti pa siguro, kumain na muna tayo? Lalamig ang pagkain. Mamaya na iyang video game. Tara na, Arthur."
Agaw nung babae sa atensiyon naming lahat. Agad din niyang kinuha ang kamay nung batang lalaki na Arthur ang pangalan, at saka hinila na papunta sa pintuan ng bahay.
"Tara na, Keeno," sabi naman sa akin ni Papa.
Naramdaman ko na lang ang kamay niya sa balikat ko. Ginamit din niya ang kamay niyang iyon para igiya ako papunta sa direksiyon ng pintuan.
Habang naglalakad iyong batang lalaki sa harapan namin ay panay ang tingin niya sa amin ni Papa. Tumingala ako kay Papa, at nakita ko siyang nakangiti dun sa bata.
Nawala ang atensiyon ko sa kanilang dalawa nang makapasok na kami sa loob ng bahay. Mula sa labas ng bahay kanina, hindi mo aakalain na napakalaki nito sa loob. Ang tantiya ko kanina ay kasinglaki lang din ito ng bahay namin ng Mama ko. Pero hindi pala. Para ito iyong katulad sa napanood kong lumang pelikula. Pumasok iyong mga bida sa isang simpleng pintuan pero lumabas sila sa kabila sa isang magarang palasyo.
Hindi ko namalayan na nakarating na pala kami sa dining room ng bahay. Sobrang nakuha ng atensiyon ko ang magandang itsura ng bahay na ito. Nakita kong nakaupo na iyong batang lalaki sa tabi ng kabisera. Sa tapat niya ay iyong babae. Isa iyong mahabang mesa, pero mukhang kaming apat lang ang kakain doon.
Huminto si Papa sa paglalakad, kaya huminto rin ako. Awtomatikong tumingala ako sa kanya.
"Saan mo gustong maupo? Sa tabi ni Arthur, o sa tabi ng Tita Isa mo?" tanong niya sa akin.
Napakurap-kurap ako, dahil hindi ko alam ang isasagot ko sa tanong ni Papa. Lumingon ako sa gawi ng mesa. Nakita ko iyong Arthur at iyong babae na nakatingin sa akin. Bahagya pang magkasalubong ang mga kilay nung Arthur, habang tipid na nakangiti naman iyong babae.
Hindi ko na sinagot si Papa. Ako na ang nagkusang naglakad papunta sa direksiyon kung saan nakaupo iyong babae. Sumunod na ring maglakad sa akin si Papa, at saka naupo ito sa kabisera. Nahihiyang naupo na rin ako sa tabi nung babae. Pero wrong move yata itong ginawa ko. Dahil harap-harapan ko ngayong nakikita ang mukha ng Arthur, na nagsasabing hindi niya gusto ang ginawa kong pag-upo dito.
"Okay... before we eat, let's pray. Keeno, would you like to lead the prayer?"
Awtomatikong napailing ako. Hindi ako komportable. Kung siguro ay wala ang nakatinging si Arthur sa tapat ko, bakasakaling umoo pa ako kay Papa.
"Okay. Ako na lang muna ngayon. But one day, hindi ka na pwedeng humindi, ha Keeno?"
Tumango na lang ako kay Papa, habang iniisip ko kung kung gusto ko pa bang umabot sa 'one day' na iyon na sinasabi ni Papa?
"Lord, bless our food. Praise You for the nourishment You provide to us. Salamat at kumpleto kami ngayon bilang isang pamilya..."
Hindi ko napigilan na mag-angat ng ulo, at tingnan si Papa, dahil sa sinabi niya. Isang pamilya? Mabilis kong nilingon ang babae sa tabi ko, tapos ay ang nasa tapat na si Arthur, na nakatingin din pala sa akin. I wonder kung kanina pa rin niya ako tinitingnan.
"Forgive us for taking simple joys for granted."
Muli akong nagyuko ng ulo. Kung nandito lang si Mama, pihadong kinalabit na ako nun, dahil sa ginagawa ko ngayon.
"Bless this food to fuel our bodies. In Jesus' name... Amen."
"Amen," halos sabay-sabay naming sagot.
"Okay, let's eat," anunsiyo ni Papa.
Ganunpaman, halata ko ang tensiyon sa itsura ni Papa. Bakit kaya? May mga babaeng naka-uniform an lumapit sa amin. Bawat isa sa amin ay may babaeng nagsilbi. Nahihiya akong kumuha ng ulam mula sa inilapit sa akin na bandehado ng ulam nung naka-uniform na babae sa tabi ko. Kimi niya akong nginitian, kaya kumuha na rin ako. Nakailang alok pa siya sa akin ng ulam, at sa huli ay ang bandehado ng kanin.
Pasimple akong nag-obserba. Hindi muna ako nagsimulang kumain, kasi hindi pa tapos kumuha ng pagkain ang mga kasabay ko sa mesa.
"Oh, Keeno? Kain ka na," sabi ni Papa.
Wala sa loob ko na napatingin ako kay Arthur. Tumingin ito sa akin, at saka sumubo ng pagkain, habang hindi inaalis ang pagkakatingin sa akin. Kimi akong sumubo na rin ng pagkain. Ilang sandali pa ay puro tunog na lang ng mga kutsara at tinidor ang maririnig. Panaka-naka ay makahulugang nagtitinginan si Papa at ang babae sa tabi ko. I wonder, asawa rin ba siya ni Papa? Kaya ba hindi umuuwi at natutulog si Papa sa bahay namin ni Mama? Kasi may iba pa siyang pamilya? Pwede pala na dalawa ang pamilya? Alam kaya ito ni Mama?
"Naka-ready na ba ang kuwarto ni Keeno, Isa?" basag ni Papa sa katahimikan.
Awtomatikong napaangat ang ulo ko dahil sa sinabi ni Papa. Ganun din ang tinawag niyang Isa. Pagkatapos ay tumingin iyong babae sa akin. Ngumiti siya sa akin nang nakita niya akong nakatingin sa kanya, pagkatapos ay binalingan niya si Papa.
"Oo. Ready na ang bagong kuwarto ni Keeno," sabi niya kay Papa, pagkatapos ay lumingon sa akin, "paniguradong magugustuhan ni Keeno ang ayos nun." Nakangiti pa rin siya habang sinasabi 'yun.
"Magkatapat ang kuwarto ninyo ni Arthur," dagdag pa niya, at saka tumingin sa gawi ni Arthur.
"What? Ma?" reklamo ni Arthur.
"What? Ano'ng nirereklamo mo?" balik-tanong naman nung babae kay Arthur.
Ibinaba ni Arthur ang kutsara't tinidor sa plato niya.
"Sino ba ang batang 'yan? At bakit siya dito titira sa bahay natin?" tanong ni Arthur sa babae, at pagkatapos ay matalim akong tiningnan, dahilan para mapayuko ako.
Hindi ba niya alam na iyon din ang tanong ko sa isip ko? Kung sino ba sila sa buhay ni Papa, at bakit dito ako titira sa bahay na ito?
Tumikhim si Papa, kaya nag-angat ako ng tingin sa kanya. Nakita kong ganun din ang ginawa ni Arthur. Habang tumigil din sa pagkain ang babaeng katabi ko, kasabay ng paghinga niya nang malalim.
"Boys... Arthur and Keeno. Arthur, starting today, Keeno will be living with us here. Keeno, Arthur is your elder brother. Magkapatid kayo. You are both my sons, although you came from two different Mothers," seryosong paliwanag ni Papa.
"What?"
Napalingon kaming lahat kay Arthur.
"Hindi totoo 'yan, Papa!" tahasang reaksiyon ni Arthur.
"Arthur," saway naman sa kanya ng babae sa tabi ko, na asawa rin pala ni Papa.
"Wala akong ibang kapatid!" sabi ni Arthur, sabay padabog na tumayo, at saka nagmamadaling umalis.
"Arthur!" tawag sa kanya ni Papa, pero tuloy-tuloy lang na umalis si Arthur.
Tumingin sa akin si Papa. Iyong klase ng tingin na nanghihingi ng paumanhin. Nakagat ko na lang ang ibabang labi ko, sabay yuko.
Mama... bakit mo ako iniwan....
"DID you sleep well, Keeno?"
Napaangat ako ng ulo, sabay tingin kay Papa.
"Yes, Papa," sagot ko, kahit ang totoo ay ang tagal kong nakatulog kagabi.
"Good! Good!" sagot ni Papa.
"Ah, Keeno. Pagkatapos nating kumain, mag-ready ka. We are going to the mall. Bibili tayo ng gamit ninyo ni Arthur for your school."
Hindi ako nakasagot agad, pero sa totoo ay ayokong umalis, at magpunta ng mall. Lalo ko lang maalala si Mama. Nahalata yata ni Papa ang pag-aalangan ko, kaya nagsalita siya.
"Keeno, sumama ka na kay Arthur at sa Tita Leonisa mo mamaya. Para personal kang makapili ng mga gamit mo."
"George?"
"Why?" sagot naman ni Papa.
"Baka makasanayan ni Keeno 'yan!"
Binalingan ako ng asawa ni Papa. "Keeno... Tita Isa ang itatawag mo sa 'kin, ha... huwag mong gayahin 'yang Papa mo. Gustong-gusto niya kasi akong inisin sa pagtawag niya sa akin ng buong pangalan ko," paliwanag pa niya, sabay irap sa gawi ni Papa.
Tumango ako, at saka tipid na sumagot. "Opo."
Agad siyang ngumiti. "Very Good, Keeno!"
Binalingan niya si Arthur.
"Arthur, narinig mo ba ang sinabi ko?"
"I will not go with you," walang emosyon na sagot ni Arthur.
"Ano'ng hindi ka sasama diyan? Ngayon ka lang yata humindi sa malling?" sagot ni Tita Isa sa kanya.
"Because I don't want to be seen with that bastard."
"Arthur!!!"
Lahat kami ay napalingon kay Papa. Pulang-pula ang mukha nito, habang galit na nakatingin kay Arthur. Sinalubong siya ng tingin ni Arthur. Si Tita Isa naman ay hinawakan sa braso si Papa. Nagyuko na lang ako ng ulo ko, at nagkunwaring tinitingnan ko ang pagkain sa plato ko.
"Stop calling that word to your brother. That will be the last time I will hear that word from you, Arthur. I'm warning you!"
"George! Tama na..." narinig kong awat sa kanya ni Tita Isa.
Napaangat ako ng tingin nang marinig ko ang tunog ng upuan. Nakita ko na lang na naglalakad palayo si Arthur sa mesa.
"Arthur! Come back here!" malakas na pagtawag ni Papa.
Pero hindi natinag si Arthur, at dere-derecho nang umalis.
"Hayaan mo na, George. Ako na'ng bahala kay Arthur. Ang mabuti pa, tapusin mo na ang pagkan, at pumasok ka na sa opisina. May darating kang bisita sa office today, di ba? Para dun sa expansion ng isang chain natin sa US. Mag-concentrate ka na muna dun. Sige na."
Huminga nang malalim si Papa.Pinunasan niya ng table napkin ang bibig niya, at saka uminom ng kape mula sa tasa niya.
"Okay. Ikaw na ang bahala sa batang 'yun. Kausapin mo. Baka sa susunod, hindi na ako makapagtimpi sa kabastusan niya," pagbibilin ni Papa kay Tita Isa.
"Ikaw, Keeno. Behave, huh? Huwag kang tumulad sa Kuya Arthur mo. Si Leonisa na ang bahala sa mga gamit na bibilhin mo," pagbibilin naman sa akin ni Papa, sabay turo kay Tita Isa nang banggitin niya ang pangalan nito. Pinaikot naman ni Tita Isa ang mga mata niya nang marinig niya ang pagkakasabi ni Papa sa buo niyang pangalan.
"Opo, Papa."
Tumayo na si Papa, hinawakan niya sa isang balikat niya si Tita Isa, at saka ito marahang pinisil.
"Balitaan mo ako kapag hindi mo kaya si Arthur," bilin pa uli niya.
Dumaan naman siya sa likuran ko, at saka hinawakan ang ulo ko, at ginulo nang bahagya ang buhok ko.
"Be good, Keeno," maawtoridad na sabi niya sa akin, habang naglalakad na palayo.
Hindi na ako sumagot. Pero sinundan ko ng tingin si Papa habang naglalakad siya palayo. Unang araw ito na maiiwan ako sa bahay na ito, kasama si Tita Isa at Arthur. May konting kaba akong naramdaman. Kung si Artur nga ay tahasang ipinapakita sa akin na hindi ako welcome sa bahay na ito, malamang ganun din ang Mama niya. Hindi lang siguro niya maipakita kapag nandiyan si Papa. Pero ngayong umalis na siya...
"Keeno."
Ito na ba 'yung sinasabi ko?
Dahan-dahan akong lumingon sa gawi ni Tita Isa. Ang inaasahan kong makita ay ang masungit niyang mukha, pero isang nakangiting Tita Isa pa rin ang nasilayan ko.
"Tapos ka na bang kumain?"
Alanganin akong tumango. Iniisip ko pa rin na anumang oras ay baka bulyawan niya ako, o utusan ng kung anong mabigat na gawain.
"Sige na. Maligo ka na at magbihis na ng pang-alis. Pupuntahan ko na rin si Arthur sa kuwarto niya, tapos aalis na tayo mayamaya," nakangiti pa rin nitong sabi.
"Ah... hindi na lang po ako sasama. Huwag n'yo na po akong ipamili. May mga natira pa naman po akong gamit na binili namin last year... ni Mama."
Agad na nawala ang ngiti ni Tita Isa.
"Ayaw mo ba akong makasama?" tila nangangapang tanong niya.
Agad akong umiling. "Hindi naman po sa ganun. Kaya lang po, ayaw po ni Arthur-- Kuya Arthur na kasama ako."
Muling ngumiti si Tita Isa. Iniangat niya ang kamay niya papunta sa ulo ko, at saka ginulo rin iyon katulad ng ginawa ni Papa kanina.
"Pasensiya ka na kay Arthur. Nabigla lang ;yun. HIndi kasi siya sanay na may kapatid. Nag-iisa lang kasi siyang anak. Hindi niya inaasahan na may kapatid pala siya. Sa ibang Nanay," paliwanag pa niya sa akin.
Nakatingin lang ako sa mukha niya. Pinag-aaralan ko kasi ang sinabi niya sa akin.
"Habaan mo lang ang pasensiya mo, magiging okay din kayo pagtagal-tagal." Muli niyang inangat ang kamay niya para guluhin uli ang buhok ko.
"Hindi po ba kayo galit sa akin? O sa Mama ko?"
Natigilan bigla si Tita Isa, at agad na napahinto sa ginagawa niya sa buhok ko. Ibinaba niya ang kamay niya, at saka tipid na ngumiti.
"Alam mo ikaw? Ang bata-bata mo pa... ang seseryoso na ng mga tanong mo."
Huminga siya nang malalim. "Okay. Ganito kasi 'yun."
Umayos siya ng upo para nakapaharap siya sakto sa akin. Tapos ay tila nag-iisip siya ng sasabihin niya sa akin na tumingin siya sa itaas.
"Hmmm... kami kasi ni George, hindi talaga namin mahal ang isa't isa. Iyong mga katulad namin, kami iyong mga hindi pa ipinapanganak, pero nakatakda na kung sino ang mapapangasawa namin. Ahh, hindi. Ibahin natin. Ibig kong sabihin, ipinapanganak pa lang kami, itinatakda na ng mga maguilang namin kung sino ang mapapangasawa namin. Katulad ko, at ni George, ang Papa mo. Hindi kami iyong katulad ng mga ibang tao na nagkaka-inlove-an, tapos magpapakasal, kasi mahal nila ang isa't isa. Si George, ang tunay niyang mahal... 'yung Nanay mo. Si Clariss. Kaya, wala akong karapatang magalit kay Clariss. Kung tutuusin, dapat nga, sa akin pa magalit si Clariss. Kasi, naagaw ko sa kanya nang hindi sinasadya si George. Eh, di dapat walang Leonisa at Arthur ngayon dito sa bahay na 'to. Dapat, kayong dalawa ng Mama mo ang nakatira dito," mahabang paliwanag ni Tita Isa.
"Sino po ang nag-uutos nun?" inosente kong tanong.
Tipid uling ngumiti si Tita Isa.
"Ang mga matatanda sa pamilya."
"Hindi po ba pwedeng magpaliwanag? Na ayaw ninyo ang utos nila?"
Malapad na napangiti si Tita Isa. "Hindi, eh!"
Kinuha niya ang isang kamay ko, at saka ikinulong iyon sa dalawang kamay niya.
"Malamang, baka si Arthur din, ganito rin ang magiging kapalaran niya. Huwag mong isipin na porke, hindi ka legitimate na isang Vidanes, na pangi 'yun. Para sa akin, advantage mo pa nga 'yun. Kasi exempted ka sa kultura nila. Malaya kang makakapamili ng babaeng mamahalin mo at gugustuhin mong pakasalan balang araw Pero kung ako ang tatanungin, at ako ang masusunod, Keeno? Gusto ko, malaya ring makakapili si Arthur ng babaeng mamahalin niya. Iyong mahal din siya. Hindi katulad namin ni George, na napipilitan lang kaming magsama. Para kay Arthur, at para sa mga negosyo ng mga Vidanes at Lopez."
Nakatingin lang ako kay Tita Isa. Hindi ko kasi masyadong maintindihan iyong ibang sinasabi niya.
"Mabuti nga si George, kahit papaano, kahit sandali lang, natagpuan niya ang taong para sa kanya. Samantalang ako? Hindi ko alam kung meron din bang lalaking nagmamahal o nagmahal man lang sa akin nang totoo," sabi niya sa akin, habang titig na titig siya sa mukha ko.
Bigla siyang tumawa nang mahina.
"Ano ba kasi itong pinag-uusapan natin? Ang bata-bata mo pa, kung ano-ano ang pinagsasasabi ko sa 'yo, na malamang, hindi mo naman naiintindihan. Umakyat ka na nga dun sa kuwarto mo, at maligo na. Bumaba ka na lang sa sala kapag handa ka nang umalis. Excited na akong bilhan ka rin ng mga gamit! At least ngayon, dalawa na kayong bibilhan ko. Sige na. Tayo na," sabi pa niya, at saka pilit na akong pinatayo sa upuan.
RAMDAM ko ang mga nanunuring tingin ng mga estudyante sa paligid ko. Hindi kaila sa akin na ako ang pinag-uusapan nilang lahat. Dito kasi ako ini-enroll ni Tita Isa at Papa sa eskwelahan ni Arthur. Kumakalat na ngayon sa buong campus na ako ang anak sa labas ng kilalang negosyante na si George Vidanes, at dito nag-aaral ngayon sa eskwelahan na 'to.
"Hey, Arthur! Kapatid mo raw 'yan?"
Narinig ko iyon sa hallway habang naglalakad ako papunta sa cafeteria.
"Ha? Hindi, 'noh! Wala akong kapatid. Nag-iisa lang akong anak ng Papa at Mama ko."
Pinilit kong hindi pansinin ang mga mapanghusgang tingin nila at mga bulung-bulungan ng mga estudyante at pati na ng mga guro. Inisip ko na lang na lilipas din ang lahat ng ito. Kapag natapos na nila akong pag-usapan, titigil na sila kapag wala na silang mapag-usapan pa nhg tungkol sa akin.
Hanggang sa matapos na ang klase. Hinayaan ko na munang lumabas ang lahat ng mga bata sa kuwarto namin. Sinadya kong magpahuli na lang. Nagkunwari akong busy pa akong nagsusulat sa notebook ko. Nang mapansin kong tahimik na ang kuwarto, nag-angat ako ng tingin. Tanging ako at ang teacher ko na lang ang nandito sa loob ng classroom.
"Keeno, bakit nandito ka pa?" tanong niya sa akin.
Doon ko lang sininop ang mga gamit ko.
"Paalis na rin po, Mam," sagot ko sa kanya, na sinagot lang niya ng tango.
Isa-isang inilagay ko na sa bag ko ang nakalabas kong mga gamit.
"Bilisan mo na, Keeno. Baka hinahanap ka na ng sundo mo. Kasabay mo ba si Arthur?" pahabol na tanong pa ni Mam.
Tumango ako, bago sumagot. "Opo."
Tumayo na ako, at saka isinukbit na ang luma kong back pack na gamit ko nung isang taon. Maayos pa nama ito, at hindi masyadong kalumaan, kaya presentable pa naman. Ayoko kasing may masabi si Arthur.
"Aalis na po ako, Mam," paalam ko pa kay Teacher Annie, bago ako nagsimulang humakbang papunta sa pintuan.
MALAYO pa lang ako sa parking ng eskwelahan ay kita ko na ang mga estudyante na kani-kaniya ng lakad at takbo papunta sa mga sasakyan nila pauwi. Habang naglalakad ay hinanap ko na ang sasakyan na naghatid sa amin ni Arthur kaninang papasok.
Tamang-tama na naispatan ko ito, habang pasakay si Arthur. Binilisan ko na ang paglalakad ko. Ayaw kong maghintay nang matagal si Arthur, baka sumpungin na naman iyon at magalit na naman sa akin. Nakita ko na biglang umandar paabante iyong sasakyan ni Papa. Inisip ko na baka iaayos lang ni Kuya Ruben ang pagkakaparada kaya ganun.
Pero nang makita ko itong tuloy-tuloy na lumabas ng gate ng campus, ay parang biglang nanlambot ang mga tuhod ko. Para pa ngang nakita kong nakasilip at nakatingin sa gawi ko si Arthur. Pero baka naman namali lang ako ng tingin.
Nanlalambot na itinuloy ko ang paglalakad hanggang sa may gate kung saan lumabas ang sasakyan na dala namin. Iginala ko pa ang tingin ko sa paligid sa labas, at baka nakahinto lang sila sa paligid. Unti-unti na ring nauubos ang mga sasakyan sa loob ng parking lot.
Naghanap ako ng pwede kong maupuan doon. Alerto pa rin ako sa mga nagdadaang mga sasakyan, sa isiping baka binalikan na ako ni Kuya Ruben. Nang may biglanhg tumawag sa akin.
"Keeno! Ano'ng ginagawa mo riyan? Wala pa ba ang sundfo mo?"
Si Teacher Annie. Nakasilip siya sa bintana ng isang pampublikong jeep. Nakahinto 'yung jeep sa tapat ko, habang may mga sumasakay dito.
"Wala pa po, Mam. Hinihintay ko nga po."
"Oh, sige. Hintayin mo lang. Huwag kang aalis diyan. Pumasok ka muna doon sa loob ng gate. Doon mo na lang hintayin," utos pa niya sa akin.
"Opo, Mam."
Kumaway na si Teacher Annie sa akin, dahil umabante na ang jeep. Tanaw-tanaw ko pa ang jeep na sinasakyan niya habang papalayo ito, kaya kita ko na nakatingin pa rin siya sa akin. Hanggang sa tuluyan nang nawala sa paningin ko ang jeep at si Teacher Annie.
Napatingin ako sa kalangitan. Unti-unti na palang dumidilim. Unti-unti na rin akong nakakaramdam ng takot. Paano kung hindi na pala ako babalikan ni Kuya Ruben dito? Paano na ako? May butil ng luha na tumakas mula sa isa kong mata. Pero agad ko itong pinunasan nang maalala ko ang laging sinasabi ni Mama sa akin noon.
"Keeno, kahit gaano kahirap ang sitwasyon mo, isipin mong hindi ka pababayaan ni God. Mag-pray ka lang agad kay God, tapos sasabihin niya sa iyo kung ano ang dapat mong gawin."
Huminga ako nang malalim, pagkatapos ay ibinuga ko rin iyon. Gusto kong pigilan ang pag-iyak ko. Nararamdaman ko kasing doon na papunta ang nararamdaman ko ngayon.
Tumayo ako, at saka nagsimulang maglakad. Hindi ko pa naman kabisado pa ang daan pauwi sa bahay nila Tita Isa, dahil unang araw ko pa lang ngayon sa eskwelahan na 'to. Ganunpaman, hindi ako huminto sa paglalakad. Sinubukan kong isipin iyong mga dinaanan namin kanina, bakasakaling matunton ko ang daan pauwi.
Sa tantiya ko ay malayo-layo na rin ang nalalakad ko. Hindi rin iilang beses na nasilaw ako sa mga ilaw ng mga nakakasalubong kong mga sasakyan. Hanggang sa may nakita akong nakapagpasaya sa akin.
Mula dito sa kinatatayuan ko ay ang eskwelahang pinanggalingan ko. Para pa ngang nakita ko si Mama na nakatayo sa labas ng gate nito. Iyong lugar kung saan lagi siyang tumatayo, para abangan ako sa paglabas ko. Sa pagkakataong ito, hinayaan ko nang tumulo ang mga luha na kanina ko pa pinipigilan. Hahayaan ko na munang maging iyakin ako sa oras na ito. Miss na miss ko na si Mama. Hindi man namin laging nakakasama si Papa, masaya kaming dalawa ni Mama na kami lang. Hindi ko naramdaman na may kulang sa akin. Hindi hinayaan ni Mama na maramdaman ko ang kakulangan ng isang ama sa buhay ko.
Pinunasan ko ang basa ko nang pisngi. Nagpalinga-linga ako. Naghanap ako ng masasabayang tumawid sa kabila ng kalye, kung nasaan ang gate ng dati kong eskwelahan. Determinado na ako ngayon. Alam ko na kung saan ako pupunta.
~CJ1016