1 - The Famous Celebrity

2090 Words
Alya Maia “AMARIE” Rientes Nagtinginan ang dalawang babae nang maiparada ang kotse malapit sa entrance ng ospital. Walang salita ang lumalabas sa kani-kanilang bibig dahil sa isang tingin ay nagkakaintindihan na sila. Para silang nananalamin sa isa’t isa dahil sa kanilang magkaparehong kasuotan. Mula sa sumbrero, hoody jacket, at shades ay parehong-pareho. Mapagkakamalan nga silang kambal dahil sa kanilang suot. O baka naman mapagkamalan pa silang weird. Ibinaba ng isang babae ang kaniyang shades at nagsalita. “Tara na!” yaya nito sa kaniya. Iminuwestra ng katapat na babae ang sarili. “Hindi ba tayo mukhang tanga sa suot natin?” tanong niya. “Hindi na ba ako makikilala?” dugtong na tanong niyang muli habang inaayos ang suot upang maikubli ang mukha. “Hindi magandang idea ito, Yna!” Nagdadalawang isip na siya. “Magpa-appointment na lang kaya ulit tayo sa ibang araw? O kaya bayaran na lang natin ang doktor para puntahan tayo sa bahay?” ani ng babae. Inilapit ni Yna ang kaniyang kamay at isinuot ang black mask. “Ayan! Siguradong wala nang makakakilala sa iyo!” paniniguro niya sa kasama. “Ito lang ang free time natin, Alya. Bukod pa roon, ang daming mga paparazzi na umaaligid sa bahay. Baka magkaroon pa kayo ng issue ni Dr. Kael.” Huminga siya nang malalim. “Mabuti na lang at nahiram ko ang kotse na ’to kaya walang nakasunod sa atin.” Ngumuso si Alya. “Oo na po! Ang hirap naman kasi ngayon, e! Dati naman nakakapunta tayo sa kung saan-saan. Ngayon, daig ko pa yata ang kriminal sa pagtatago ng aking identity.” May halong reklamo ang sinabi niya ngunit wala naman siyang magagawa kundi sundin ang kasama. “E kasi noon, hindi ka pa sikat! Ngayon, sikat na sikat ka na! Kahit saan tayo magpunta, makita ka pa lang ay alam na nila kung ano ang iyong pangalan,” paliwanag ni Yna. Dinemonstrate pa niya ang pagiging sikat ni Alya na mas kilala bilang si Amarie. Si Yna naman ay isang talent manager. Iba’t ibang artista ang kaniyang hina-handle. Sa lahat ng kaniyang alaga ay bukod-tanging si Alya lang ang espesyal. Itinuturing niya itong isang anak at isang kapamilya. Agad na tumugon si Alya sa kaniya. “Sige na!” sang-ayon niya. “Inuuuto mo pa ako, Yna!” Sabay na naglakad ang dalawa papasok sa loob ng ospital. Tinawagan naman ni Yna si Irish upang ipaalam na nasa ospital na sila. Si Irish ay isa sa matalik na kaibigan ni Alya. Gaya ni Irish ay nag-aral din sa kursong medesina si Alya ngunit hindi tinapos at mas pinili ang career sa pag-aartista. “Papunta na kami sa clinic, Doktora!” tugon ni Yna sa kabilang linya. “Tsk!” Inirapan naman ni Alya ang kasama. “Alam mo nang lumalaki ang ulo niya kapag tinatawag mo siyang doktora!" “E, isa naman talaga siyang doktora!” pabalang na sagot ni Yna kay Alya. “Ano ang gusto mong itawag ko sa kaniya? Irish? E, nasa ospital tayo!” sarkastikong dugtong pa niya. Napatingin sila sa elevator nang bumukas iyon. “Tara na!” Hinatak niya ang kamay ni Alya pasakay sa elevator. Mabuti na lamang at wala silang kasabay sa loob kaya panatag ang loob ng dalawa paakyat sa clinic ni Kael. Nang makarating sa pintuan ng clinic ay sumilip si Yna sa maliit na salamin. Samantalang si Alya ay pinaupo niya sa bench na nasa gilid. Nang makitang komportable nang nakaupo ang alaga ay siya namang pasok niya sa loob ngunit natigilan nang makita ang palabas na lalaki. “Good afternoon po,” bati ni Jilian sa babae. “Magpapa-check-up po ba kayo?” tanong ng lalaki. Tumango naman ang kausap. “Oo, iyong kasama ko na nasa labas.” Inabot ng lalaki ang isang malinis na patient chart. “Pakisagutan lamang po lahat ng mga naka-check.” Ngumiti si Yna at kinuha ang papel. Hindi na ito nagtagal pa sa loob at lumabas para puntahan si Alya. “Sulatan mo na ang mga kailangang information.” Inabot niya ang ballpen at papel kay Alya. Kinuha naman iyon ni Alya at isa-isang sinulatan ang mga impormasyon na kailangan. Habang nagsusulat ay pinagmamasdan naman siya ni Yna at chine-check kung tama ang mga sinusulat ng alaga. Nang matapos ay ibinalik ni Yna ang chart kay Jilian. “Tatawagin ko na lang po kayo, Ma’am!” Mahaba ang pasensiya ng dalawa na naghihintay habang nakaupo. Si Yna ay panay ang tingin sa paligid habang si Alya ay nakatuon sa kaniyang cellphone at tinitingnan ang mga post sa social media. Nagtatawanan pa ang dalawa dahil sa mga ipinapakita ni Alya na mga larawan ng ibang kasamahan sa industriya. Napatingin ang dalawa sa pintuan nang marinig na bumukas iyon. May pagtataka sa kaniyang mukha at isip nang makita ang dalawang babae na nakaitim. Ngunit hindi naman ito nag-atubili na tanungin ang ilan pang impormasyon sa pasyente. Tanging si Yna lang ang sumasagot sa mga itinatanong ni Julian habang si Alya ay parang pipi sa isang tabi na nakikinig lang. Sa isip ni Alya ay alam na ni Yna ang kaniyang mga sinasabi. Walang duda na lahat ng tungkol sa buhay niya ay alam nito dahil mula noong maulila siya sa kaniyang mga magulang ay wala siyang naging ibang pamilya kundi ang babaeng kaniyang katabi—si Yna. Agad na tumayo ang dalawa nang tawagin sila ni Julian upang i-assist papunta kay Dr. Kael. Papalapit pa lang ang dalawa nang magsalita ang doktor. Nagulat pa si Kael nang makita ang dalawang babae na balot na balot. “Hello, I’m Dr. Kael. So, kayo po pala ang ni-refer na patient ni Dra. Irish?” kaswal na tanong niya. Ang dalawa ay umupo naman at tinanggal ang kanilang salaming suot. Mas nagulat si Kael nang makilala ang kaniyang kaharap. “Kami nga po, Dr. Kael!” sagot ni Yna. “May request po sana ako na kung pwede ay hindi na makalabas ang kahit anumang information tungkol sa pagpunta namin dito.” Mabilis na sumagot si Kael. “Rest assured! Pinapanatili namin ang mga personal information ng aming mga pasyente.” Bilang isang artista, alam ni Kael na pinapangalagaan nila ang kani-kanilang mga pangalan. Hindi rin magandang issue na malaman ng madla na ang isang artista ay nagtungo sa ospital upang magpatingin sa utak. “Who is Alya Maia Reintes?” Tumingin si Kael sa dalawa at naghihintay ng sagot. Nagtaas naman ng kamay si Alya. “Ako!” direktang tugon. “Okay!” nakatangong sabi ni Kael. “May I know what is your concern about your health?” Napalunok si Alya at napatingin sa gawi ni Yna. Hinawakan naman ni Yna ang kaniyang kamay at muling huminga ng malalim. Mahirap para sa kaniya na sabihin ang lahat dahil nagiging dahilan iyon para mapuno ng pighati, awa, at lungkot ang kaniyang damdamin. Tuwing sinasariwa niya ang mga alala ay nagsisimula na namang magpintig ang ugat sa kaniyang utak at mawalan ng kontrol ang sarili. Tumingin si Alya kay Kael. “When I was…” panimula niyang sabi. “When I was…” ulit niya pero hindi na naituloy ang pagsasalita dahil tumayo na siya at nag-walk out. Dali-dali naman siyang sinundan ni Yna. Bago habulin ang alaga ay humingi siya ng tawad kay Kael. “Dr. Kael! S-sorry po!” Paglabas niya ng clinic ay namataan niyang papunta na si Alya sa elevator. Maagap niyang hinabol iyon. Nang maabutan ay agad na hinawakan niya ang braso nito. Niyakap naman agad ni Alya si Yna. Umiiyak na ihinilig niya ang mukha sa balikat ng kayakap. “Hindi ko pa kaya, Yna!” sabi niya. Maliit ang tinig niyang puno ng pangamba at takot. Hinimas ni Yna ang likuran ng alaga. “Dapat hindi na kita pinilit na pumunta rito. Pero hindi naman ako makampante na bumabalik na naman sa isip mo ang mga nangyari noon.” Puno ng guilt ang puso ni Yna dahil hanggang ngayon ay apektado pa rin ang anak-anakan sa kaniyang nakaraan. “Ayoko nang makita ang Alya noon. Naiintindihan mo ba?” bulong sa alaga. “Kailangan mong kayanin ang lahat, Alya! Maayos na ang buhay mo. Huwag mo na sana hayaang bumalik pa ang dating madilim mong mundo.” “Sorry po!” paghingi ng tawag ni Alya at saka mahigpit na niyakap ang kasama. “Hindi ko lang po talaga mapigilan ang aking emosyon. Hindi ko alam kung paano ko na naman sisimulan sabihin ang mga nangyari. Alam mo na ayaw ko nang maalala iyon, Yna!” paliwanag niya. “Bakit? Bakit minumulto na naman ako ng aking nakaraan?!” Naiwan naman si Kael sa kwarto na walang emosyon ang mukha. Sa kaniyang isip ay pumapasok ang ilang mga hinuha tungkol sa problema ni Alya. Sa palagay niya ay may PTSD ito. Ang PTSD ay isang sakit sa utak na maaaring ma-develop ng isang pasyente kapag naka-experience ito ng traumatic na pangyayari mula sa pamilya, environment, or other people. Avoiding talking or thinking about the traumatic event, people or places is one of the signs of PTSD. Changes about her emotional reaction is also a symptom. Ang kaniyang mga naiisip ay isinusulat niya sa chart ni Alya. Personal din niyang itinago ang chart sa kaniyang table. “Aalis na ako!” paalam niya kay Julian pagkatapos. “Dok, hindi niyo pa po naibibigay sa akin ang patient chart ng huling pasyente.” Bilang isang sekretarya ng doktor ay pinapangalagaan din ni Jilian ang nagiging pasyente ni Kael. Ang patient chart ay napaka-importante rin dahil sa mga mahahalagang impormasyon ng pasyente. “No need! Hindi naman natuloy ang pagpapa-check-up,” malamig na tugon ni Kael. Nilagpasan na niya si Julian at lumabas na ng clinic. Nahimasmasan naman si Alya nang makabalik sa kotse. Agad din silang umalis upang makabalik sa shooting location. Bago bumaba ng kotse ay sinuri muna ni Yna ang alaga. Tiningnan niya ang namumulang mata nito na halatang umiyak. Dahan-dahan niyang pinunasan iyon dahil sa bakas ng mga tumulong luha. “Ayusin mo ang sarili mo!” sambit niya. “Opo!” Sinunod ni Alya ang sinabi ni Yna. Gamit ang rearview mirror ay tiningnan niya ang sarili. Inayos niya ang kaniyang makeup upang maitago ang sakit na kaniyang naramdaman. Kailangan niyang ikubli ang nakaraan upang hindi maapektuhan ang mga taong nakapaligid sa kaniya. Habang tinitingnan ang sarili ay nanumbalik sa kaniyang isip noong labing-limang taon pa lamang siya. Sa tuwing maiisip niya ang dinanas niya noon ay ayaw na niyang balikan ang nakaraan. Ayaw na niyang makita muli ang sarili katulad noon. Sabi niya sa kaniyang isip, “Alya, ayoko nang makita ka sa ganoong sitwasyon. Ayoko nang maranasan ang sakit ng nakalipas. Alisin mo na sa isip mo ang lahat ng nangyari.” Pero paano nga ba niya makakayanan ang nanunumbalik na mga pangyayari? Paano niya haharapin ang isang malagim na pangyayari na ayaw na niyang balikan pa?! “Direk!” tawag ni Yna. “Mag-i-start na ba tayo sa rehersal?” Kung kanina ay balot na balot si Yna, ngayon ay kaswal na ang suot nitong pantalon at blouse. Gano’n din si Alya na naka-short at blouse para maghanda sa susunod na rehearsal. Tuwing biyernes ay isa sa show ni Alya o mas kilalang Amarie sa telebisyon ang FRIDAY NIGHT LAUGH. Isa itong show kung saan puno ng katatawanan at jokes pero may dulot ding aral. “O sige! Tawagin mo na ang casting at susunod na sila,” tugon ni Direk. Nakatingin si Direk kay Amarie at ang mga co-star nito na masayang nag-uusap. Sa pananaw ng direktor ay masaya ang grupo na ito dahil natural na sa kanila ang simpleng pagpapatawa pero sadya naman talagang matatawa ka. “Ready na!” malakas na sabi ni direk upang makuha ang kanilang mga atensyon. “Siguradong mamaya ay may iiyak na naman sa kakatawa dahil sa sakit ng tiyan,” ani Alya sa mga kasamahan na ngayon ay isa-isang nagpupunta sa harapan ng mga camera. Ang isang artista ay sumagot. “Siguraduhin mong hindi ikaw ang isa sa mga iyon!” bati nito kay Alya. May halong pang-aasar ang tinig ngunit may laman. Hindi naman nawala ang ngiti ni Alya sa sinabi ng co-actress. Sa kaniyang isip, sa kabila ng kaniyang malungkot na buhay ay isa sa pagtawa ang kaniyang paraan para maipakita sa iba ang kalakasan ng loob. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kaniyang karanasan upang kaawaan dahil hindi iyon ang kaniyang kailangan, kundi isang tapat na pagmamahal at respeto mula sa iba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD