***MANET*** Nang maalimpungatan siya sa madaling araw ay napakamarahan na bumaba si Manet sa kama upang hindi niya maabala ang himbing na natutulog niyang anak. Tamang-tama ang pagkatok ni Geniva sa pinto ng kuwarto. Maagap niyang pinagbuksan ito. “Alas kuwatro na po, Ate, kaya gigisingin ko po sana kayo ayon sa bilin niyo.” “Salamat, Geniva.” Kahit sa munting bagay ay maaasahan niya talaga ang dalaga. “Isa pa sanang hihilingin ko. Nandito kasi sa kuwarto ko si Liam. Puwede mo ba siyang tabihan muna sa pagtulog? Baka kasi bigla siyang magising.” “Oo naman po,” sagot ng dalaga. Pinilit niyang ngumiti at niluwagan na niya ang pinto upang makapasok si Geniva. “Saan ka ba pupunta, Ate? Ang aga-aga pa?” usisa nito sa mahinang boses nang nakita nitong sinapat niya ang hitsura sa salamin.