Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kukote ni Niccolo at sinabi niya sa mga magulang namin na itutuloy namin ang kasal. Hindi ito ang napag-usapan namin kaya muli na naman ang panggigigil ko sa kanya matapos niyang sabihin iyon. Nanggigigil ako dahil nagdesisyon siya para sa akin, pero sa kabila noon ay kumakabog ang puso ko at may bahagi ng puso ko na nagsasaya at nagdiriwang dahil handa siya na pakasalan ako. Handa siya na piliin ako kaysa kay Krishna kahit na alam ko na ginagawa niya ang bagay na iyon para sa kanyang pamilya at hindi talaga para sa akin. Napapa-isip ako muli kung tama ba na wala akong ginawa kagabi na pagtutol matapos niyang sabihin ang bagay na iyon. Bakit kahit iritang-irita ako na naging makasarili na naman siya ay wala akong nagawa? Bakit hinayaan ko na lamang