BLAG!
Sapol!
Ang unang engkuwentro ng Lampa at Sablay ay nauwi sa maugong na halakhakan. Dahil pag-abot pa lamang ni Artemeo sa bagahe ng dalaga ay nasagi na niya ang hawak nitong shoulder bag. Tuloy ay nagkabangaan sila ng wala sa oras. Dahil aabutin sana niya ang bag ngunit iyon din ang ginawa ng dalaga.
"Miss Boromeo, puwedi bang umalis ka na sa ibabaw ko? Aba'y nakapaperwisyo ka na nga ay balak mo pa yatang matulog diyan!" mariin niyang wika.
Kung hindi lang sana niya tinangkang inabot ang shoulder bag nito ay hindi siya mapapahiya ng ganoon. Aba'y sa mismong paliparan ay sumemplang siya. At ang masaklap ay pumaibabaw sa kaniya ang kapwa niya lampa. Hindi lang iyon, ang labi nito dumapo sa labi niya. Ninakaw nito ang una niyang halik kahit pa sabihing aksidente lamang.
"Sorry naman, Mr Aguillar. Hindi ko naman sinasadya ang sumemplang kasama ka," wika ng dalaga nang nakatayo na siya.
Inilahad niya ang palad sa binata upang tulungan itong makatayo. Hindi maipinta ng kahit sinong pinakamagaling na pintor ang mukha nito. But he is so cute when he turned into tomato red. Kaso ayaw niyang madagdagan ang katawa-tawang senaryo kaya't pinigilan niya ang sariling huwag ipahalatang kinikilig siya. Sa tatlong sundo niyang ipinadala ng pinsan niya ay ito ang guwapo. Her match for sure. Isang Lampa at Sablay.
"Paano iyan, Pareng Art? Mukhang ipinadala na ni BOSSING ang kawangis ng puso mo ah." Nakatawang pangangantiyaw ni Sherwin na agad ding sinundan ni Jonas.
"Mukhang nag-enjoy ka ngayon, Pareng Art. The virginity of your lips was taken away. Hindi lang iyon, dahil nakayakap ka pa," anito saka mabilis na nagtago sa likuran ng kaibigang si Sherwin dahil nakaamba ang kamao ni Artemeo.
"Tsk! Tsk! Manahimik kayong dalawa kung ayaw ninyong iwanan ko kayo rito!" Pigil na pigil si Artemeo na huwag bulyawan ang dalawang kaibigan. Aba'y mukhang mas nag-eenjoy pa sila para sa nakakahiyang eksena.
"Sinabi mo eh," sabayan pa nilang tugon saka nag-unahan na pumasok sa sasakyan.
Samantalang ang dalawang babae na sinundo nila nakailing lamang ding sumunod sa loob ng sasakyan. Ang sasakyan ng pinsan ni Surene Boromeo. In her mind, hindi niya pinagsisisihang sa Pilipinas nagtungo matapos lumayas sa bahay nila sa Harvard dahil sa mga oras na iyon ay siguradong natagpuan na niya ang kaniyang katapat. Ang kawangis ng puso niya.
Makaraan ng ilang sandali habang sila ay nasa biyahe.
"Anong nakakatawa?" yamot na tanong ni Artemeo sa dalawa niyang kaibigan.
Aba'y ilang sandali minuto na ang nakalipas simula nang umalis sila sa NAIA ngunit nakatawa pa rin sila habang palipat-lipat nang paningin sa kanilang dalawa ng babaeng sinundo nila. Kung hindi siguro pinsan ng Boss niya ang dalaga ay nakatikim na sa kaniya ng maanghang na salita! Lampa na nga siya ay dinagdagan pa nito. Kung wala ang dalawa niyang kaibigan ay sigurado siyang nagpagulong-gulong silang dalawa.
"Ikaw naman, brother. Bakit ba ang sungit mo? Ayaw mo ba iyon, laging happy," ani Surene. Hindi siya ang kinakausap ng lalaking kagaya niyang lampa ngunit alam niya kung bakit nakatawa pa rin ang dalawa. At higit sa lahat ay alam niya kung bakit salubong ang kilay ng guwapong lampa.
"Tama nga naman si Miss Boromeo, Pare. Mas magaan ang buhay kapag laging masaya. Hindi tulad mo na salubong na naman ang kilay. Nagmukha ka tuloy na mas matanda sa akin samantalang ahead ako ng dalawang taon sa iyo," pahayag ni Sherwin na banaag pa rin ang pagpipigil na huwag matawang muli. Ngunit sa isipan ay niluluko lamang niya ang sarili dahil magkakaedad silang tatlo. Iisang barangay din sila nanggaling.
"Tsk! Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari ay hindi ko na tinanggap ang pakiusap ni Sir Cameron," hindi matukoy kung bulong ba o careless whispers dahil dinig na dinig nila ng mga kasamahan niya sa loob ng sasakyan ang sinabi niya.
"Pareng Art, careless whispers iyan. Sabi mo nga sa amin ay kung magbulungan ay siguraduhing walang makarinig," agad ding saad ni Jonas kahit nagmamaneho.
Kaya naman ay agad napatingin si Artemeo rito. Kaso mukhang advance mag-isip ang kasama nilang dalaga dahil bago pa niya maibuka ang labi upang supalpalin sana ito ay naunahan na siya nito.
"Mr Aguillar, kung iniisip mong umbagin si Mr Ruiz ay maghunos-dili ka. Aba'y baka sa punerarya lahat ang bagsak natin kung mawalan siya ng focus sa pagmamaneho," agad nitong sabi habang umaabot sa mga mata nito ang ngiting nakabalatay sa mukha.
Kaya naman!
Ang humupa nang halakhakan ay muling nabuhay. Nasa loob sila ng sasakyan ngunit dinaig pa ang loud music. Kahit inis na inis si Artemeo sa babaeng halatang nag-eenjoy ding makipagsabayan sa pang-aasar sa kaniya ay nahawa siyang napangiti dahil sa tunog nang tawanan.
Subalit ang masaya nilang tawanan ay unti-unting napalitan ng kaba. Dahil habang patuloy sila kanilang biyahe ay nakaramdam ng kakaiba si Captain Aguillar. Malakas ang pang-amoy at pandama niya alam niyang may mali. Kaya niyang tiiisin ang babaeng kanina pa nagdadaldal. Ngunit ang kabang lumulukob sa kaibutuwiran ng puso niya ay hindi niya maiwaglit-waglit.
"May problema ba, Pare? Aba'y kanina ka pa hindi mapakali ah. Ano ba iyon, Pare?" tanong ni Jonas na nasa manibela. Hindi nalingid sa kaniya ang pag-iba ng ekspresyon nito kaya't hindi rin siya nakatiis kaya't nagtanong siya.
"Wala, Pare. Ngunit hindi ako mapakali kanina pa. Kung hindi ako nagkakamali ay mahigit isang oras na tayo sa biyahe," tugon nito.
"Huh! Ano ang ibig mong sabihin, Pare? Aba'y nandito pa naman tayo sa tahimik na..."
Ngunit ang pananalitang iyon ni Sherwin na biglang napaupo ng matuwid ay hindi na natapos. Dahil may biglang nagpaulan ng bala! Hindi alam kung saan-saan nanggaling.
"Drive faster!" sigaw ni Artemeo dahil talagang mamatay na silang lahat kapag matamaan ang gulong ng sasakyan.
Iyon nga ang ginawa ni Jonas. Kahit animo'y lasing na ang pagmamaneho niya ay pinausad pa rin niya ang sasakyan. Samantalang si Sherwin ay binuksan ang windshield dahil namataan niya ang isang sniper. Agad niyang dinampot ang granada at ibinato sa kinaroroonan nito.
Bullseye!
Nagkaroon sila ng pagkakataong makalayo sa lugar na iyon dahil sa pagsabog!
Dahil abala si Jonas sa manibela ay kusang inasinta ni Artemeo ang baril na laging nasa bulsa ng jacket niya. Kahit walang kasiguraduhan kung sino-sino ang nagpaulan ng bala, wala silang kaalam-alam kung saan-saan nagmumula ang animo'y ulan na bala ay nakipagsabayan silang magkaibigan.
Ngunit!
Ang hindi nila alam ay mas malala pa ang nasa harapan nila. Dahil may nakaharang na malaking kahoy sa kalsada. At dahil sa mabilis na pagmamaneho ni Jonas ay huli na upang napansin ito. Sumalpok ang sasakyan sa kahoy kaya't nagpagulong-gulong ito.
Ang huli nilang natandaan ay sabay-sabay nilang sinipa ang pintuan ng sasakyan saka sila tumalon. Hindi na bale ang sasakyan na sasabog kaysa buhay nila ang mawala.