"CALEB!" natatarantang sigaw ni Erin nang makita niyang unti-unting nawawalan ito ng malay sa mga bisig niya. Kahit napakabigat nito ay sinikap niyang buhatin. Batuhan kasi ang babagsakan nito kung sakali. "No! No! Please!" Lalong nataranta ang dalaga nang makitang dumudugo ang braso nitong napalo niya kanina. May nakausling pako pala sa kahoy na pinamalo niya rito. Sobrang takot ni Erin nang makita niyang namumutla si Caleb habang unti-unting pumipikit ang mga mata. "Bernie! Ate Susan!" hindi na niya napigilang sigaw para humingi ng saklolo. Hindi na niya alam ang gagawin. Baka sunod na rin siyang himatayin. "Bernie! Tulong!" Hindi nagtagal ay nakita ni Erin na magkasunod na lumabas ng kubo ang mag-ina. Tila naalimpungatan na nagpalinga-linga pa sa paligid ang dalawa bago siya nakita