“Hi Tin!” Napalingon ako sa kung sino ang tumawag at nakita kong si Cezil na papalapit sa akin at malapad ang pagkakangiti niya.
Naging matalik na rin kaming magkaibigan pagkatapos ng maraming taon na pag-iiringan namin. Mas lalo na noong nabalitaan niyang nawawala si Mazer at hindi pa rin makita ang katawan niya. Sila ni Leslie ang naging sandalan ko noong mga panahong nangungulila ako kay Mazer at noong mawala ang aming anak dahil sa kapabayaan ko.
Hindi naging madali para sa akin ang dalawang taong paghihintay sa kaniya. May mga oras na hindi ako makatulog sa gabi at inuubos ko ang oras ko sa pag-iinom para lang hindi ko siya parating iniisip. Mabuti na lang ay may mga mabubuti akong kaibigan na handa akong damayan at palaging nasa tabi ko.
Si Macelyn na muna ang pumalit kay Mazer sa pag-aasikaso ng kanilang kumpanya. Itinuro naman ni Lyka at Seff sa kaniya ang mga dapat gawin at alam kong nahihirapan si Mace dahil ang kuya lang niya ang talagang nagpapatakbo noon pa man ng kanilang kumpanya. Masuwerte pa rin ako kasi may mga tao sa paligid ko na mapagkakatiwalaan ko pa rin.
“O hi Cez!” Niyakap ko siya at ganoon din naman siya sa akin.
“O kumusta ang pictorial?” wika niya at naririto kami ngayon sa studio dahil mayroon akong pictorial para sa gaganaping event sa susunod na linggo.
“Ayos naman. Ikaw wala ka bang trabaho?”
“Wala ako sa mood magtrabaho nag-away kami!” Napairap na lang ako dahil kakabati lang nila noong isang araw tapos heto na naman magkaaway na naman sila ni Wilfred.
Noong nakaraang taon sinabi niya sa akin na nanliligaw si Wilfred sa kan’ya at masaya ako para sa kanilang dalawa dahil nakikita ko naman na pareho silang masaya sa isa’t-isa. Iyon nga lang sobrang seloso si Wilfred at ayaw niya na may ibang lalaking lumalapit kay Cezil.
“Sobrang possessive naman kasi niyang jowa mo eh!”
“Wow ha! Mas possessive nga si Mazer eh.” Natigilan ako sa kaniyang sinabi at napansin naman ito ni Cezil. “S-sorry Tin hindi ko sinasadya,” malungkot niyang wika.
“Ayos lang Cez. Sa totoo lang namimiss ko na siya, miss na miss ko na ‘yong pagbabawalan niya akong magsuot ng mga damit na hindi niya gusto. Iyong magagalit siya sa akin kapag pulang-pula ang labi ko na parang kumain daw ako ng sandamakmak na sili. Alam mo ba Cez, hanggang ngayon nag-iiwan pa rin ako ng message sa kaniya sa social media baka sakaling mabasa niya ‘yon at bumalik siya kaagad sa ‘kin,” umiiyak kong turan sa kaniya.
“Tin, huwag kang mawalan ng pag-asa babalik siya sa’yo. Baka sa susunod na araw makita mo na lang siyang bigla na nasa bahay niyo na pala,” umiling ako sa kaniya at muli siyang tinitigan na nanunubig ang aking mga mata.
“Nawawalan na ako ng pag-asa Cez! Sana noon pa siya bumalik. Hindi na ba niya ako mahal kaya hanggang ngayon hindi pa rin niya ako binabalikan?”
“Kristine don’t say that. Alam natin lahat kung gaano ka kamahal ni Mazer, maging ako nga binasted niya dahil sa sobrang faithful niya sa’yo eh,” biro naman niya na ikinangiti ko.
“Salamat Cezil ah? Hindi ko akalain na magiging magkaibigan pala tayo kung kailan naman nawala si Mazer. I’m sure magiging masaya siya kasi nagkaayos na tayo”
“Basta kapag nalulungkot ka tawagan mo lang kami ni Leslie para may magpapasaya sa’yo saka hindi alak ang solusyon sa mga problema magkakasakit ka pa niyan. Kapag bumalik na si Mazer tatadtarin ko siya ng sermon dahil nagiging alcoholic ka na ng dahil sa kan’ya!” pareho naman kaming natawa dahil sa kaniyang sinabi.
Late na nang matapos ang aming pictorial at inaayos na ni Leslie ang aking mga gamit. Humiga muna ako sa sofa at pumikit sandali. Masyado akong napagod ngayong araw na ito dahil sunod-sunod ang project na ginagawa ko ngayon. Sa umaga naman ay nagdedesign ako ng mga damit at sa hapon naman ay may pictorial ako dahil paminsan-minsan ay ako rin mismo ang nagmomodelo ng sarili kong mga obra. Ginawa kong abala ang sarili ko ng sa gayon ay hindi ko masyadong naiisip si Mazer.
“Tin ilagay ko muna itong mga gamit mo sa sasakyan ha?” Paalam ni Leslie sa akin.
“Sige Les magpapahinga lang ako sandali,” wika ko habang nanatili pa rin akong nakapikit. Narinig ko na ang pagsara ng pintuan hudyat na nakalabas na siya ng studio.
Maya-maya pa ay dumilat ako at kinuha ko ang aking cellphone na nakapatong sa center table. Binuksan ko ito at tumambad ang wallpaper naming dalawa ni Mazer. Kuha ito sa France noong mamasyal kami at halos libutin na namin ang buong France. Napangiti ako ng pagak at pinasadahan ng aking hinlalaki ang screen ng aking telepono.
“My heart nasaan ka na kaya ngayon? Naiisip mo rin kaya ako? Kailan mo ba ako babalikan? Miss na miss na kita my heart, bumalik ka na please,” garalgal kong wika habang nakatitig sa litrato naming dalawa.
“Tin umiiyak ka na naman.” Hindi ko namalayang nakabalik na pala si Leslie at malungkot ang kaniyang mukha habang pinagmamasdan ako. Pinunasan ko naman ang mga luha ko na pumatak sa aking pisngi at tumabi siya sa akin.
“I’m sorry Leslie dahil nangako ako sa sarili ko na hindi na ako iiyak pero hindi ko mapigilan ang sarili ko lalo na kung naaalala ko ang mga araw na magkasama kami. Sobrang sakit pero kinakaya ko dahil alam ko isang araw na babalik siya sa ‘kin at magiging masaya ulit kami”
“Huwag kang mag-alala mahahanap din natin s’ya, ‘wag ka lang mawalan ng pag-asa.” Niyakap niya ako habang walang tigil pa rin ang pag-agos ng aking mga luha.
Si Leslie na ang nagmaneho ng aking sasakyan pauwi sa aking bahay. Habang nasa kalagitnaan kami ng traffic ay isinandal ko ang aking ulo sa may bintana at pinapanuod ang mga taong naglalakad sa gilid ng kalsada. Unti-unti namang pumapatak ang ulan na tila ba nakikiayon din sa aking nararamdaman.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay may nahagip akong isang pamilyar na bulto ng lalaking nakatalikod sa amin at may bitbit na dalawang paper bag. Matangkad ito at ang suot niya ay fitted jeans at tinernuhan ng kulay itim na t-shirt at ang sapatos naman ay kulay puting rubber shoes. Simple lang ang pananamit niya pero kilalang-kilala ko ang bulto niya kahit siya ay nakatalikod. 
Mahigpit akong napahawak sa suot kong seat belt at hinihintay na lumingon ang lalaki upang makita ko ang kaniyang itsura. Malakas ang kutob ko na si Mazer ‘yon at hindi ako maaaring magkamali. Maya-maya ay bigla nang umandar ang sasakyan at nanatili pa rin akong nakatingin sa kan’ya at gustong-gusto kong makita ang kaniyang itsura.
At nang makita ko na ang kaniyang itsura nang medyo nakalagpas na kami sa kaniya ay biglang dumagundong ang aking puso dahil hindi nga ako nagkamali. Si Mazer ang nakita ko at dali-dali ko namang tinanggal ako suot kong seat belt at pilit na ipinatatabi ang sasakyan kay Leslie.
“Please Leslie itabi mo ang sasakyan!”
“Teka lang Tin ano bang nangyayari?”
“I saw him Leslie!”
“Sino?”
“Si Mazer Les, nakita ko siya!”
“What?!” malakas na sigaw niya.
“Kaya please ihinto mo ang sasakyan”
“Hindi ko pwedeng ihinto Tin nasa gitna tayo ng kalsada at umuulan pa, gusto mo bang mahuli tayo ng wala sa oras niyan?”
“Please Leslie nakikiusap ako sa’yo, stop the car right now!” Wala na siyang nagawa kun’di ihinto ang sasakyan sa gitna ng kalsada. 
Kaagad akong bumaba at lakad-takbo naman ang ginawa ko upang hanapin si Mazer. Ngunit pagdating ko mismo kung saan ko siya nakita ay wala na ito. Palinga-linga pa ako para hanapin siya pero hindi ko na siya mahanap pa. Basang-basa na rin ako ng ulan at medyo nilalamig na rin pero wala akong pakialam basta ang mahalaga ay mahanap ko si Mazer.
“Tin halika na basang-basa ka na ng ulan baka magkasakit ka!” saad sa akin ni Leslie habang hawak niya ang isang payong.
“Bakit nawala na siya?! Nandito lang siya kanina eh!” naiiyak kong turan sa kaniya habang palinga-linga ako.
“Tin baka guni-guni mo lang ‘yon. At isa pa kung talagang siya ‘yon dapat pinuntahan ka na niya.” Natigilan naman ako at binalingan siya.
“Hindi ako pwedeng magkamali Les, si Mazer ‘yong nakita ko. Pero ang ipinagtataka ko bakit hindi pa siya umuuwi sa bahay.” Naitakip ko ang aking mga palad sa aking mukha at malakas na humagulgol. Kasabay ng malakas na ulan ay siya namang pagbuhos ng aking mga luha. 
Hindi ko naman lubos maisip kung bakit hindi pa niya ako pinupuntahan at maging ang kapatid niyang si Macelyn. Hindi na ba niya ako mahal kaya pinaabot niya ng dalawang taon ang pagkawala niya? Hindi ako maniniwala hangga’t hindi niya mismo sinasabi sa akin na hindi na niya ako mahal. Alam ko at nararamdaman ko na may dahilan kung bakit hindi niya ako kaagad pinuntahan at umabot ng dalawang taon ang kaniyang pagkawala.