CHAPTER 26

1964 Words
Sweety sure ka ba na ayos lang iwan kita sa bahay?” nag-aalalang tanong ni Mazer. Nasa airport na kami dahil may biglaang event naman siyang dadalohan para sa kanilang kumpanya. “Ano ka ba my heart ayos lang naman ako saka kasama ko naman si mang Domeng sa bahay at iyong isang anak niya na si Rhodora.” Sadyang kinuha na rin ni Mazer ang anak ni mang Domeng bago siya umalis dahil ayaw niya akong iwan na walang kasama sa bahay. “Okay sige kapag may problema tumawag ka kaagad sa akin okay? Saka ‘wag ka magpakapagod sa trabaho mo kaya lagi kang nahihilo dahil masyado kang workaholic eh” “Opo,” natatawa kong turan sa kan’ya. “Behave ka ha? Saka gusto ko kahit busy ako parati mo ‘ko itetext o kaya ichachat para mabasa ko kapag tapos na ‘ko sa trabaho ko” “Mazer one week ka lang naman mawawala hindi isang taon,” napaikot na lang ang mata ko at napapailing na lang sa kan’ya. “Kahit na ayoko kasing mamiss kita masyado eh” “Opo oras-oras magchachat ako sa’yo.” Pagkasabi kong iyon ay niyakap niya ako ng mahigpit at hinalikan ang aking buhok. Hindi ko alam ang pakiramdam ko ngayon para akong maiiyak simula noong malaman kong aalis si Mazer para sa kaniyang business events. Hindi naman ako ganito dati at gusto ko ay palagi lang siyang nasa tabi ko. May mga oras pa nga na pumupunta ako mismo sa kaniyang opisina para makita siya at dalhan siya ng mga paborito niyang pagkain na natutunan kong lutuin kay Mace. Ngayon lang ulit kami magkakahiwalay at pakiramdam ko ay isang taon na para sa akin. Naramdaman naman ni Mazer ang aking paghikbi kaya bigla siyang kumalas sa akin ng pagkakayakap. “Hey sweety why are you crying?” Pinunasan naman niya ang aking mga luha pero patuloy pa rin itong bumabagsak sa aking pisngi. “Sumama na lang kaya ako sa’yo? I promise I’ll behave,” garalgal kong wika sa kan’ya. “Sweety ikaw na ang nagsabi na isang linggo lang naman ako do’n pero ikaw pa yata ang sobra makamiss sa’kin,” nakangiti niyang wika. “Ikaw ang magbehave Mazer ah! Kapag may nabalitaan akong may umaaligid sa’yo do’n hihiwalayan talaga kita walang kasal na magaganap!” sinamaan ko siya ng tingin pero nakatitig lang siya sa akin. Hinawakan niya ang aking pisngi at at hinalikan ako sa noo. “Ikaw lang po at wala ng iba because you are my last love sweety.” Niyakap ko siya ng mahigpit na para bang ayoko na siyang pakawalan pa. Maya-maya pa ay nagpaalam na rin siya dahil kailangan na niyang umalis. Habang naglalakad naman ako palabas ng airport at para rin magtungo na sa aking sasakyan ay biglang kumirot ang aking tiyan kaya bigla akong napakapit sa poste at kinagat ko pa ang aking ibabang labi. Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang aking sarili at para medyo mawala ang sakit na nararamdaman ko. Siguro ay kailangan ko na rin magpatingin sa doctor dahil parang may hindi na tama sa akin madalas ko itong nararamdaman ngunit hindi ko lamang ito pinapansin kaya bukas na bukas ay pupunta ako ng ospital upang magpatingin. Nang makarating na ako sa bahay ay pinagbuksan naman ako ng gate ni mang Domeng na siyang hardinero namin at matagal na ring namamasukan kay Mazer. Binati niya ako at dumeretso ako sa kusina at naabutan ko naman si Rhodora na naghahanda na ng aming hapunan. Tinignan ko ang wall clock at pasado alas-sais na pala ng gabi. Kinuha ko ang aking telepono sa pouch bag ko at nag-iwan ng mensahe kay Mazer. “Ate Kristine kain na po kayo,” yaya sa akin ni Rhodora. Lumapit ako sa hapag at naupo na. “Tawagin mo si mang Domeng sumabay na rin kayo kumain sa akin” “Naku ate mamaya na lang po kami nakakahiya naman po” “Ano ka ba Rhodora nakakalungkot naman kumain mag-isa kaya sige na sabayan niyo na ako,” nakanguso kong turan sa kan’ya. “S-sige po ate Kristine tatawagin ko lang po si tatay.” Lumabas na siya at tinawag naman ang kaniyang ama. Napatingin akong muli sa aking cellphone kung may reply na ba si Mazer pero hindi pa niya nababasa ang message ko sa kaniya. “Baka bukas na siguro niya mabasa ang message ko sa kaniya,” wika ko sa aking sarili. At nang matapos na kaming maghapunan ay nagtungo ako kaagad sa aming kuwarto at naligo. Sinuot ko ang puting t-shirt ni Mazer at naka-pajama naman ako. Sinuot ko talaga ‘yon para maramdaman ko kahit papaano na nakayakap lang siya sa akin. Bago ako matulog ay nag-iwan muna ako ng message kay Mazer dahil baka magalit naman ang isang iyon kapag hindi man lang ako nagmessage sa kan’ya. Inilapag ko na ang aking telepono sa side table para kung sakali mang tumawag si Mazer ay masasagot ko itong kaagad. Napabalikwas ako sa aking pagkakahiga ng sunod-sunod na katok naman ang narinig ko kinaumagahan sa labas ng aking kuwarto. Kaagad ko itong binuksan at nakita kong si Rhodora na parang mangiyak-ngiyak at nanginginig pa ang kaniyang mga kamay. “Rhodora anong nangyayari bakit ganiyan ang itsura mo?” “A-ate s-si k-kuya,” nauutal niyang wika. “Bakit ano si Mazer? Tumawag na ba siya?” Tumalikod ako saglit para tignan naman ang aking telepono dahil baka tumatawag na si Mazer at hindi ko lamang ito nasagot. Ngunit hindi ko naman namalayan na lowbat na pala ang aking telepono. Hinarap kong muli si Rhodora na kanina pa balisa at nanginginig ang mga kamay. “Ate,” garalgal niyang wika. “Rhodora puwede ba magsalita ka naman ano bang nangyayari?” “Ate s-si k-kuya Mazer po” “What about him? Tumawag na ba siya? Bakit hindi mo ako ginising kaagad?” “Ate tumawag po ang kapatid ni kuya.” Saglit siyang natigilan at tumitig sa akin na maluha-luha ang mga mata. Napalunok akong bigla at sana ay mali ang iniisip ko. “Speak up Rhodora!” inis kong wika sa kaniya. “Naaksidente raw po ang sinasakyang eroplano ni kuya Mazer at pinaghahanap na raw po ang iba pang katawan ng mga pasahero.” Napaatras ako ng bahagya at mahigpit na napahawak sa seradura at doon ay sunod-sunod na nagbagsakan ang aking mga luha. Umiling-iling ako kay Rhodora habang nakatitig sa kan’ya dahil hindi ako makapaniwala na kasama si Mazer sa naaksidente. “Rhodora hindi magandang biro ‘yan! Sigaw ko sa kaniya. Pero nagsisimula na siyang umiyak at hinawakan niya ako sa aking braso. “Ate totoo po ‘yon kakatawag lang ni ate Macelyn papunta na raw po sila sa ospital kung saan dinala ‘yong ibang pasahero ng eroplano.” Wala ako sa sariling napasalampak sa sahig at hindi ko na napigilan pang mapahagulgol. Sana ay panaginip lang ang lahat, sana ay walang masamang mangyari kay Mazer. Dali-dali akong nagbihis at hindi na ako nag-abala pang maligo. Si mang Domeng na ang nagmaneho ng aking sasakyan papunta sa kinaroroonan niya kung saan pinangyarihan ang aksidente. Isa lang ang ibig sabihin noon, hindi pa gaano nakakalayo ang eroplano noong maganap ang aksidente. At nang nasa ospital na kami ay sa E.R kaagad kami dumeretso dahil doon daw dinala ang mga sugatan at nakaligtas sa aksidente. Isa-isa ko namang tinitignan ang bawat kama at nagbabakasakaling naroroon si Mazer at nakahiga pero hindi ko pa rin siya makita. Napansin ko naman sa ‘di kalayuan sina Macelyn at kasama niya si Marco. Napasigaw na lang si Macelyn at niyakap siya ni Marco. Kinabahan akong bigla at naka-ilang lunok at parang alam ko na ang ibig sabihin noon. Inalalayan naman ako ni mang Domeng nang mapansin niya na tila nawalan ako ng balanse habang nakatitig ako kay Macelyn na walang humpay ang pag-iyak. Dahan-dahan akong lumapit sa kanilang kinaroroonan at nanlaki ang mga mata ni Marco nang makita niya ako. “M-macelyn?” garalgal kong tawag sa kan’ya. Lumingon siya sa akin at pansin ko ang pamumula ng kaniyang mga mata. “K-kristine.” Pagkasabi niyang iyon ay kaagad siyang lumapit sa akin at niyakap ako. Hindi makapagproseso ang aking utak at tulala lang ako sa kawalan. Kumalas siya sa akin ng pagkakayakap at hinarap ako. “Kristine si kuya” “Where is he Mace? Papunta na ba siya rito? Baka naman sa ibang ospital siya dinala kaya wala siya rito? Let’s go Mace puntahan natin siya baka hinihintay niya tayo ro’n,” naiiyak kong turan. Umiling siya bago muling nagsalita. “Tin hindi pa natatagpuan si kuya. Sa dagat bumagsak ang eroplano na sinasakyan niya. Iyong ibang mga pasahero hindi pa rin nakikita” “Ipahanap natin siya Mace I’m sure nasa paligid lang siya at saka imposibleng hindi siya mahanap!” tumaas na ang aking boses dahil sobra na akong nag-aalala kay Mazer. “Ginagawa nila ang lahat para makita si kuya Tin kahit ako hindi ako nawawalan ng pag-asa na mahahanap siya” “Hindi ko na alam ang gagawin ko Mace kapag nawala ang kuya mo, hindi ko kaya!” naiiyak kong turan. “Mahahanap siya Tin, ipagdasal natin na sana ay makita na siya,” wika naman ni Marco. “Gusto kong pumunta kung saan nangyari ‘yong aksidente” “Pero Tin” “Sige na Mace pagbigyan mo na ako.” Wala na silang nagawa kun’di pagbigyan ang gusto ko. Pagdating naman namin doon ay marami ang mga coast guard na nakabantay at lumapit naman ako sa isa sa mga coast guard upang magtanong. Kasunod ko naman ang mag-asawang si Macelyn at Marco at ganoon din si mang Domeng. “Sir kumusta na po ang paghahanap?” kinakabahan kong wika. “Ma’am kanina pa po kaming umaga pero kahit isang katawan wala pa po ulit kaming natatagpuan” “Please hanapin niyo ulit baka nandiyan lang din siya sa paligid” “Ma’am malawak po ang dagat at hindi namin sila basta-basta makikita” “Hindi puwede ‘yon! Nandiyan lang siya! hindi pupwedeng hindi niyo siya makita. Buhay pa si Mazer!” sigaw ko sa kanila. Inawat naman ako ni Macelyn dahil hindi ko na mapigilan pa ang sarili ko. Lumapit naman sa amin ang mga coast guard na kabababa lang ng bangka galing sa paghahanap nila sa mga nawawalang ibang pasahero. “Ma’am isa po ba kayo sa mga kaanak ng pasahero ng naaksidente sa eroplano?” saad ng isa sa mga coast guard. “Oo kami nga” “Sorry to say this ma’am pero wala na po kaming makitang katawan bukod sa naisugod namin sa ospital kanina” “Maghanap pa kayo please! Parang awa niyo na!” “Ma’am bukas na po namin itutuloy dahil masyado na pong maalon ngayon at mag-gagabi na rin po” “Ayoko! Hanapin niyo siya, ‘di ba trabaho niyo ‘yan?!” “Tin tama na, bukas na lang natin ipagpatuloy ang paghahanap kay kuya,” pigil sa akin ni Mace. “Mace, baka nilalamig na ang kuya mo. Saka baka may mga sugat siya kawawa naman siya,” umiiyak kong wika sa kan’ya. “Bumalik na lang tayo bukas magpahinga muna tayo. Saka kailangan na rin magpahinga ng mga coast guard. Huwag kang mag-alala mahahanap din nila si kuya.” Niyakap niya ako pagkasabi niyang iyon at panay na rin ang iyak niya. Hindi ko alam kung paano ko pa ito kakayanin kapag nawala si Mazer. Isang beses na kaming nagkahiwalay at sana sa pangalawang pagkakataon ay hindi na ito maulit pa. Mamamatay yata ako kapag nawala na siya sa piling ko. Siya ang buhay ko at kapag nawala siya ay para na rin akong namatay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD