“ANO?” gulat na binalingan ni Alex si Lucas matapos nitong sabihin na hindi raw talaga ito aalis ng isla hangga’t hindi nakukuha ang kapatawaran niya. Papasok na sana siya sa kuwarto pero natigilan dahil doon, “At dito ka rin ka’mo titira sa bahay ni Asher?” “Correction, bahay ito ng parents niya. At sila ang nagbigay sa’kin ng permiso na tumira dito,” tila nagmamalaki pa nitong sagot habang kampante na nakaupo sa sofa. “So, sa ayaw at sa gusto n’yo ni Asher, I’m gonna stay here.” Naningkit ang mga mata ng dalaga. Ngali-ngaling sabihin niya sa kumag na ito na kung ganoon naman pala, siya na lang ang aalis at lilipat ng ibang matitirhan. Pero saan naman? Oo nga at marami na siyang kakilala at naging kaibigan na rin sa lugar na iyon. Pero nakakahiya pa rin kung makikitira siya sa mga ito.