5 - HINDI KAMI

1849 Words
Roxanne, "Ask me why I keep loving you when it's clear that you don't feel the same way for me... the problem is that as much as I can't force you to love me, I can't force myself to stop loving you..." Perry Nagising ako sa mahinang pagtapik sa balikat ko. Pagdilat ko ay maamong mukha ni Perry ang nasilayan ko. "Umuwi na muna kayo ng kapatid mo. Ako na munang magbabantay dito kay Lucas," sabi niya. Napakurap-kurap ako. Sandaling inisip ko muna kung nasaan ba ako, at si Perry ang unang nakita ko. Dali dali akong umayos ng pagkakaupo nang maalala ko kung nasaan ako. Hindi ko na namalayang nakatulog pala ako sa isa sa mga sofa dito sa may ICU. Sus mio! Ano kayang itsura ko habang natutulog ako? Nakakahiya kay Perry! Baka sa ngayon ay na-turn off na siya sa akin. Pasimple ko pang sinalat ang bibig at pisngi ko. Baka mamaya ay may laway palang nakakalat doon. Kunwari ay inaayos ko lang ang buhok ko. Buti na lang at wala naman. "S-Sorry.... nakatulog pala ako..." hinging paumanhin ko pa sa kanya. Sinilip ko si Alex na nakaunan sa mga hita ko at tulog na tulog pa rin. Pagkatapos ay sinulyapan ko ang cubicle ni Lucas. Kandahaba ang leeg ko para masilip sana siya, kaso hindi ko masyado maiangat ang sarili ko dahil nakaunan nga sa akin si Alex. "So far, mula kaninang dumating siya okay naman ang vital signs niya," sabi ni Perry na nahulaan yata ang nasa isip ko. "S-Salamat... bakit pala nandito ka pa? Bakit hindi ka pa umuuwi? Baka hinahanap ka na sa inyo...." Bahagyang ngumiti si Perry. "Matanda na ako. Sa tingin mo ba papaluin pa ako ng nanay ko dahil hindi ako umuwi kagabi?" pagbibiro pa niya. "Hindi naman sa ganun... pero sobra-sobra na kasing nagawa mo para sa amin..." "Sshhh... it's nothing. Sige na. Go. Iuwi mo na muna si Alex. Hindi ba siya papasok ngayon? Pati ikaw. Mag-file ka na muna ng leave sa office. Ako na munang bahala dito." "Perry... hindi mo naman kailangang--" "Look. Aalis rin ako pagbalik mo dito. Okay? Don't worry. Kung iyon ang iniisip mo. Sige na. Ayusin mo na muna 'yung mga dapat mong ayusin sa office," utos nito sa akin. Nahihiya man ay alanganin akong tumango na kay Perry. "Alex..." mahinang pagtawag ko dito. Agad naman itong nagising. "Uwi na tayo. Papasok ka pa," sabi ko sa kanya, na nagkukusot pa ng mga mata niya. "Sino kasama ni Kuya dito?" pupungas-pungas na tanong ni Alex. "Si--" "Ako na muna, Alex," nakangiting sagot ni Perry sa kanya. Napatingin ako kay Perry. Halata sa mukha nito ang kakulangan sa tulog. Pero hindi nakabawas ang haggard nitong itsura sa kaguwapuhan niya. Paano pa nakakangiti ang lalaking ito sa kabila ng puyat niya? Nilingon ako ni Alex. "Pwede bang dito na ako dumerecho mamaya pagkagaling ko sa school, Ate?" "Sa bahay ka na muna. Ako na lang dito mamaya. Sasaglit lang ako sa office," sagot ko sa kanya. "Wala akong kasama dun." "Papakiusapan ko na lang muna si Isay." Si Isay ay ang dalaga naming kapitbahay. Hindi siya nag-enroll ngayong semester na ito dahil sa hindi kakayanin ng mga magulang niya na dalawa sila ng kuya niya na pag-aralin sa college. Bahagyang tumango si Alex. Hindi ko alam kung napipilitan lang ba siya sa sinabi ko. Pero hindi naman pwedeng dumito siya sa hospital habang may klase siya. Alam ko namang kahit madalas sila magbangayan ng Kuya Lucas niya ay nag-aalala pa rin si Alex sa kanya. "Sige. Aalis na muna kami, Perry. Sure ka bang okay ka lang dito?" Ngumiti si Perry. "Yup! Ako nang bahala dito. Go." "Paano kung may itanong 'yung doktor? Paano kung magising si Lucas, hanapin ak--" "Roxanne... pwede naman kitang tawagan sa phone mo. Sige na. Alis na. Sige ka, hanggang hindi ka umaalis at nakakabalik dito, hindi ako makakauwi." Bahagya akong ngumiti sa kanya, at saka kampante nang umalis doon. MABILISAN lahat ng kilos ko sa opisina. Inasikaso ko lang ang dapat asikasuhin pagkatapos ay nagpaalam na ko sa boss ko para umalis. "Huy, huy, huy! Walang utang na loob itong babaeng ito! Pagkatapos ipasa sa akin 'yung trabaho niya, lalayasan na lang ako nang walang paalam..." Humarap ako sa nagsalita. Napangiti ako sa nakapameywang at nakataas ang isang kilay na si Darling. "Wala ka kasi sa table mo, bruha! Saan-saan ka ba kasi nagpupunta? Naglalakwatsa ka kasi sa oras ng trabaho. Alam mo namang nagmamadali ako. Nakakahiya kay Perry--" Bigla akong napahinto sa pagsasalita, at nakagat ko na lang ang ibabang labi ko, at saka nagpalinga-linga kung may ibang tao sa paligid. "What??!! Magkasama kayo ni Perry??" gulat na gulat na pagkukumpirma sa akin ni Darling, habang nanlalaki ang mga mata niya. "Shhh! Ang bunganga mo. Wag ka nang maingay... Nadulas na nga ako sa 'yo, eh! Mamaya diyan, may ibang makarinig mapagtsismisan pa kami," saway ko kay Darling, habang hila hila ko siya papunta sa gilid ng hallway malapit sa pintuan. Pinaikutan niya ako ng mga mata at saka nagtaas ng isang kilay. "Really??!! Kung hindi ka nadulas wala kang balak sabihin sa akin???" maarteng sagot pa ni Darling. "Hindi naman sa ganun, friend... kaya lang wala namang big deal dun..." "Hey! Roxanne Sta. Maria?? No big deal?? Si Perry Nicholson kaya 'yun! Puyat ka nga siguro. Hindi ka makapag-isip ng maayos eh!" mataray na sagot ni Darling. Agad akong nag-panic nang banggitin na naman ni Darling ang pangalan ni Perry. "Ssshhh... ang ingay mo!" mahinang sita ko uli sa kanya sa mahinang boses, "baka may makarinig sa 'yo. Huwag mo nang banggitin ang pangalan ni-- basta! Siya!" Malapad na ngumiti si Darling. "'Yung totoo? Kayo na ba??" excited niyang tanong. Nanlaki ang mga mata ko. "Ha?? Hindi 'noh! Nagmalasakit lang 'yung tao, since siya ang kasama ko kagabi nang malaman ko 'yung nangyari kay Lucas. Huwag ka ngang advance mag-isip diyan." "Pero my friend, hindi ka niya iniwan? Awwww! Ang sweet...." tila nagde-daydream pang sabi ni Darling. Hinampas ko siya sa braso niya at baka sakaling magising siya sa pantasya niya. "Tumigil ka na nga riyan. Magkaibigan lang kami ni--. Iyon. Siya. Nag-usap na kami kagabi. Okay?" Bigla namang lumungkot ang mukha ni Darling. "Ay, tanga," sabi pa niya. Napailing na lang ako. Bahala siya sa gusto niyang isipin. Basta ako, alam kong tama ang nagingn pasya ko. Hanggang kaibigan lang kami ni Perry. Period. "Sige na. Aalis na ko. Kailangan ko nang bumalik kay Lucas," pagpapaalam ko na kay Darling. "Baka naman kunwaring kaibigan lang 'yan, Roxy Sta. Maria. Alam mo na. Parang mga artista lang... para hindi pagpiyestahan ng mga reporters ang love story n'yo..." Napakamot ako sa ulo ko. Bakit ba napakakulit nitong taong 'to? "Bruha! Wala akong nililihim dahil wala naman talagang namamagitan sa amin ni--" Huminto ako sa pagsasalita at saka tumingin muna ako sa paligid. Medyo marami nang taong naglalakad dito sa hallway. Muli kong binalingan si Darling. "Ah basta. Niya. Siya. Wala. Zero. Nada. Okay? Nagmamagandang loob lang 'yung tao. Tapos!" "Maygad, Roxy! Pagmamagandang loob ang tawag mo dun???!!!" exaggerated na sagot nito. Batukan ko na kaya itong babaeng 'to? "Okay, sige. Eh, ano bang tawag dun. Ha?" "L-O-V-E. Love! Love ang tawag dun. Santisima kang babae ka! Napakamanhid mo!" pagtataray pa niya. Napakamot ako sa gilid ng kilay ko. "Ay naku! Ilang bess ko bang sasabihin sa iyo, wala nga akong panahon diyan, di ba? Alis na ko. Nakakahiya dun sa tao. Bahala ka na muna dun sa isang report ko ha? Thank you...." mabilis na paalam ko kay Darling, sabay talikod na. "Hmp! Bato!" narinig kong sigaw pa sa akin ni Darling. Itinaas ko na lang ang isang kamay ko, at saka patalikod na kumaway sa kanya. BUMABA muna ako sa isang mini-grocery bago makarating sa hospital para bumili ng ilang gamit at makakain. Wala akong ideya kung hanggang kailan kami magtatagal sa hospital, kaya kailangang kahit papaano ay may makakain akong pantawid gutom sa pagbabantay ko kay Lucas. Iyong plano ko sanang kumain muna, at saka ipag-take out na lang si Perry ng tanghalian niya ay hindi natuloy. Medyo natagalan kasi ako sa pagpila dun sa mini-grocery kaya nag-take-out na lang ako sa isang fast food katabi ng mini-grocery, na para sa aming dalawa na. Habang iniisip ko kung anong bibilhin kong pagkain para kay Perry, pakiramdam ko ay parang na-miss ko ang presensiya niya. Sa halos twenty four hours na kasama ko ito ay naging komportable na ko dito. Erase, Roxy. Erase. Sh*t, Roxy! Isipin mong kaibigan lang si Perry. Hindi ka pwedeng main-love. NAKARATING na ako sa hospital. Habang naglalakad papunta sa floor kung nasaan ang ICU ay hindi ko mapigilang kiligin sa isiping sabay kaming kakain ni Perry. Ano yan??? Akala ko ba wala sa isip mo ang mag-boyfriend, Roxanne Sta. Maria? Ipinilig-pilig ko ang ulo ko para alisin ang nararamdaman ko. Sa lahat naman ng dapat maramdaman, iyon ang pinaka-iiwasan ko ngayon. Lalo na ngayon, mahahati pa ang oras ko sa pag-alaga kay Lucas... Muli akong nakaramdam ng pag-aalala nang maalala ko si Lucas. Kumusta na kaya siya? Nawala na ang mga magulang namin. Ayokong may mawala pa uli sa aming tatlong magkakapatid. Binilisan ko na ang paglalakad. Bukod sa gutom na ako ay gusto ko nang makita uli si Lucas. At si Perry. Ipinilig ko ang ulo ko, at marahas na huminga. Ang hirap pala kapag mismong sarili mo ang kakontra-pelo mo! Pagliko ko ay agad kong nakita si Perry na nakatayo malapit sa pintuan ng ICU. May kausap itong babae na naka-coat na puti. Siya siguro ang doktor ni Lucas. Maganda ito. Tisay. Tila may lahi ring foreigner katulad ni Perry. Hindi sila nagkakalayo sa height ni Perry. Samantalang hanggang sa may panga lang ako ni Perry. Ano 'to? May pagko-compare talaga, Roxanne??? Bahagya akong nakaramdam ng inis sa dibdib ko nang mapansin kong tila masaya silang nag-uusap ni Perry. Pinilit kong alisin ang inis na nararamdaman ko dahil ilang hakbang na lang at malapit na kong makarating sa lugar nila. Pero hindi ko napigilang makaramdam uli ng inis nang hampasin nung doktora si Perry sa braso niya at nanatiling nakahawak sa braso ni Perry ang kamay na pinanghampas niya sa kanya. Okay lang 'yan, Roxy... In the first place, ano mo ba si Perry?? Wala lang, di ba? Kaibigan mo lang si Perry, di ba? May tatlong hakbang na lang ako nang may ibinulong si Perry sa doktora. Parang bahagya naman itong nagulat sa sinabi sa kanya ni Perry. Nakita ko na lang na kinurot niya si Perry sa tiyan niya. Saktong hinuli ni Perry ang kamay nito nang maramdaman niya sigurong may nakatingin sa kanila kaya bigla itong lumingon sa akin. "Roxy! Dumating ka na pala," nakangiti pang bati ni Perry sa akin. Ni wala akong nabanaagang guilt sa mukha nito. Nagkibit-balikat ako. "Oo. Kaya pwede ka nang umuwi. Salamat sa pagbabantay kay Lucas pansamantala." Sinadya kong bigyang diin iyong huling salita ko, para iparating kay Perry na hindi na niya kailangang bumalik dito sa hospital. Puro panlalandi lang ang inaatupag mo ditong lalaki ka! ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD