7 - ANG PAGKIKITANG MULI

1715 Words
"I believe we secretly love each other. It's the connection I can't explain...." "Bakit ako? Ni hindi ko nga kilala 'yung captain na sinasabi mo!" "Dahil nga kasintahan ka niya." "Ano? Aling tour guide, s***h time traveller.. alam mo... hindi ka na nakakatuwa." Nababaliw na ba itong babaeng 'to? Binasted ko nga si Perry, tapos sasabihin niya na boyfriend ko 'yung lalaking tumatawag sa akin na Rosanna? "Matino ang isip ko. Hindi ako nababaliw." Napahawak ako sa bibig ko. Nakalimutan kong nakakabasa nga pala ng isip ang babaeng kaharap ko. "Tama! Kaya huwag kung anu-anong masama ang iniisip mo laban sa akin!" may konting pagtataray na sabi niya. Napakamot na lang ako sa ulo ko. Ano bang laban ko sa isang ito? "Saka, ano bang sabi ko? Kasintahan, hindi ba? Hindi boyfriend. Hindi jowa. Ibig lang sabihin, boyfriend mo si Shawn nung unang panahon," paliwanag niya pa sa akin. Marahas akong nagbuga ng hangin. "Pwede ba? Pakiusap ko na lang sa 'yo. Ibalik mo na lang ako sa hospital. Ayoko na dito. Hindi ko kilala yung Shawn na sinasabi mo. Ibalik mo na ako sa kapatid ko. Kailangan ako ng kapatid ko. Baka mamaya, hinahanap na ako nun ngayon." Matiim niya akong tiningnan. Medyo kinabahan naman ako sa klase ng tingin niya sa akin. "Alam mo bang ikaw ang dahilan kung bakit nangyari 'yun sa kapatid mo?" kalmadong sabi niya. "Ako? Bakit ako? Anong kinalaman ko dun?" takang-tanong ko. "I mean. ikaw, bilang si Rosanna, HIndi bilang si Roxanne." Kung kanina ay kalmado pa ako, pero ngayon ay naiinis na ako sa kausap ko, base sa sinabi niya. "Eh, ni hindi ko nga kilala 'yung Rosanna na 'yun! Paano siyang naging ako?" "Ayoko mang sabihin sa 'yo ito, pero ikaw din ang dahilan kung bakit namatay ang Nanay mo, at kung bakit kayo iniwan ng Tatay mo," kalmado pa ring sabi ni Aling time traveller. Pero ako yata ang hindi na kalmado. "Wala namang ganyanan! Huwag namang isisi sa akin ang lahat! Baka naman pati 'yung alaga kong aso dati na napeste, sa akin pa rin isisisi?" Pero ngiti at tango lang ang isinagot ni Aling Tour Guide na time traveller. Nanlaki ang mga mata ko. Ibig bang sabihin nun ay oo? "Ako nga ang may kasalanan nun?" Itinuro ko pa ang sarili ko, para makasigurado ako. Tumango lang uli siya. "Kalokohan! Paanong ako?" takang-tanong ko uli. "Dahil malaki ang galit niya sa 'yo. Isinumpa ka niya. I mean si Rosanna. Pero kasama ka at ang pamilya mo, dahil ikaw ang ika-apat na henerasyon ni Rosanna," paliwanag niya. Kumurap-kurap ang mga mata ko. Ano raw? Napakunot-noo uli ako. Parang naging slow yata ang utak ko. Hindi ko maintindihan nang sinabi niya. "Wait. Sinasabi mo bang galit sa akin iyong Shawn? Akala ko ba kasintahan ko siya?" ipinilig ko ang ulo ko, "hindi ako. I mean ni Rosanna. So, bakit siya magagalit sa akin?" "Dahil sa ginawa ni Amado. Pinaniwala niya si Shawn na hindi siya kailanman minahal ni Rosanna. Na pinaglaruan lang siya nito." Naihilamos ko ang mga palad ko sa mukha ko. "Sino naman si Amado?" iritableng tanong ko. "Ang napangasawa mo. Ni Rosanna pala." "Oh? Boyfriend-- I mean kasintahan ko na si Shawn, tapos asawa ko pa si Amado? Aba eh, magagalit talaga 'yun! Napakaharot naman pala ni Rosanna!" "Huwag mong bastusin ang angkan mo!" galit na saway sa akin ni Aling tour guide, s***h time traveller. Nakagat ko ang ibabang labi ko. May katwiran naman siya. "Sorry po.... hindi ko sinasadya. Nabigla lang ako. Eh... gulung-gulo na kasi ako sa mga sinasabi mo." Huminga ito nang malalim, at saka nagsalita uli. "Sinasabing nagpakamatay si Shawn sa punong iyan pagkatapos nila mag-usap ni Amado," itinuro pa niya ang punong kumuha ng atensiyon ko noong field trip nila Alex dito sa Intramuros, "nagbigti raw si Shawn diyan sa punong 'yan." Napakagat-labi ako. Kaya pala iba ang pakiramdam ko sa punong 'yan. Mabigat. "Sinasabi rin na diyan na tumira sa punong 'yan ang kaluluwa ni Shawn hanggang sa kasalukuyang panahon. Kaya nung pumunta ka sa Intramuros nang araw na 'yun at nakita ka niya, muling naging aktibo ang kaluluwa niya dahil si Rosanna ang nakikita niya sa katauhan mo." Ipinilig ko ang ulo ko. Ang hirap paniwalaan ng mga naririnig ko. Pero wala namang masama kung sakyan ko si Aling tour guide. Kahit konti lang. "Kung sakaling paniwalaan ko po 'yang kuwento ninyo, eh... ano bang pwede kong gawin para maputol ang sumpa at matahimik na kami ng mga kapatid ko?" "Kailangan mong bumalik sa nakaraan. Kailangan mong pigilan na magkaroon ng pangalawang relasyon si Shawn at Rosanna. Nang sa gayon ay hindi na sila magkasala kay Amado." "Wait. Pangalawang relasyon? Ibig n'yo pong sabihin, asawa na ni Rosanna si Amado, pero nagkaroon uli sila ng relasyon ni Shawn?" "Ganun na nga. At ang taong nilalason na ng galit at selos ang isip ay hindi na nakakapag-isip nang matino, at kadalasan ay humahantong sa mga krimen o pagpatay." Nakaramdam ako ng kilabot. Naisip ko yung huling panaginip ko nang makita ko ang mukha ng isang sundalong Amerikano. Siya siguro si Shawn. Pero malungkot ang mukha niya doon. Hindi naman mukhang galit. Ipinilig ko ang ulo ko. "Pag-iisipan ko ha... kasi kailangang makalabas muna si Lucas sa hospital. Namomroblema pa nga ako ng pambayad dun, tapos dadagdagan mo pa ng problema uli? Saka, paano ang trabaho ko? Masisisante ako kapag hindi ako nakapasok. Si Alex. Walang mag-aasikaso sa kapatid ko. Anong kakainin nila kung wala ako? Paano sila mabubuhay?" "Kailangan, sa loob ng tatlumpung araw ay matapos mo agad ang misyon mo." Sa dami ng sinabi ko ay iyion ang isinagot ni Aling tour guide. "Isang buwan? Tagal nun ha! Wala na akong leave credits," pagrereklamo ko. "Tatlong araw lang ang katumbas nun dito sa panahon mo," maikling paliwanag niya sa akin. "Ow? Talaga?" mangha kong tanong na tinanguan lang niya. Pero bigla kong naisip na ibig sabihin nun ay tatlumpung araw ko ring hindi makikita si Perry. Bigla akong nakaramdam ng lungkot. Jowa ka, teh? "P-Pag-iisipan ko po muna," atubili kong sagot. "Bahala ka. Pero huwag mong sabihing hindi kita winarningan." Hindi ko napigilang itaas ang isang kilay ko. Ano'ng warning? "May nangyari na kay Lucas. Hihintayin mo pa bang may mangyari kay Alex?" seryosong tanong niya sa akin. Sa totoo lang ay natakot ako sa sinabi niya. Pero nasa sulok din ng isip ko na baka hindi naman totoo at coincidence lang ang nangyari kay Lucas at sa nanay namin. Pati na rin sa aso mo, teh. "Rosanna..." Sabay kaming napalingon ni Aling tour guide sa tumawag sa akin. Hindi pala sa akin. Kay Rosanna pala. Pero ewan ko ba kung bakit hindi ko mapigilang lumingon sa tuwing tatawagin ang pangalan na iyon. Sa tabi ng matandang puno ay nakita kong nakatayo uli iyong sundalong Amerikano. Matikas na matikas ang tindig niya. Isang tunay na sundalo sa tindig. Pero bigla akong may napansin sa kanya. Kung noon ay malungkot ang mukha nito, this time ay galit ang itsura niya na nakatitig sa akin. "B-Bakit parang... parang galit siya sa akin? Nung nakaraan naman, hindi. Malungkot lang siya," may kaba na tanong ko kay Aling tour guide. "Siguro ay naalala na niya iyong gawa-gawang kuwento ni Amado laban sa 'yo, kaya nabuhay ang galit sa dibdib niya," taranta na ring sagot ni Aling Tour Guide. Galit na naglakad papunta sa amin iyong sundalo o si Shawn. Captain Shawn pala. Napansin ko na bumilis bigla ang mga hakbang niya. Agad akong nag-panic. "Aling tour guide! Ibalik mo na muna ako sa hospital. Baka mapatay ako niyang sundalong 'yan!" takot na sabi ko sa kanya. "Sige. Sige! Pero ipangako mo... sa lalong madaling panahon, kailangan mong magpunta sa nakaraang panahon. Kailangan mong maalis ang sumpa. Huwag mo nang hintaying may mangyari kay Alexa. Winarningan na kita." "Rosannnaaaa!!!" Muli akong napalingon kay Shawn. kahit gabi at madilim, kitang-kita ko ang pamumula ng mukha at leeg niya. Ibig lang sabihin ay galit talaga ito. "Oo na! Oo na! Bilisan mo na!!" utos at pakiusap ko kay Aling tour guide. "Miss!" "Miss?" Bigla akong napabalikwas ng bangon. Humihingal na napatingin ako sa paligid ko. "Ate okay ka lang? Kanina ka pa sumisigaw kaya humingi na ako ng tulong sa Nurse Station." Nilingon ko si Lucas. Naka-hospital gown ito at nakahiga sa hospital bed. Sa tabi ko ay isang naka-unipormeng nurse. Siya siguro ang gumising sa akin. Naihilamos ko ang palad ko sa mukha ko. Inabutan naman ako ng tubig nung nurse na agad kong ininom. "S-Salamat. Okay na ko," sabi ko sa nurse nang makainom na ako ng tubig na inabot niya sa akin. "Sigurado kayo, Miss?" Marahan akong tumango. "Eh, sige po, Miss. Lalabas na ako." Tumanglo ako uli. "Kung may kailangan pa po kayo, nasa labas lang ako. Sa Nurse Station. Or, paki-pindot na lang uli nung button," nakangiting sabi niya. Tumango lang uli ako sa kanya. Naglakad na iyong nurse palabas ng kuwarto. Nang makalabas na siya ay nagsalita si Lucas. "Ano ba'ng napaginipan mo, Ate? Grabe ka makasigaw, eh. Para bang may tinatakasan kang humahabol sa 'yo." Napapikit ako. Meron nga. Pero umiling na lang ako. "Wala. Hindi ko na maalala. Masamang panaginip siguro. Naistorbo ba kita? Sorry. Matulog ka na uli," tiningnan ko ang suot kong relo sa bisig ko, "alas-tres y medya pa lang pala ng madaling araw." Ibinaba ko sa lapag 'yung baso ng tubig at saka muling nahiga patalikod kay Lucas. Ayokong makita niya na nag-iisip ako. "Ate?" tawag ni Lucas sa akin. Hindi ako humarap sa kanya. Ayaw ko. "Hmmm..." "Natulog ka na marumi ang mga paa mo? Saan ka ba nagpunta kanina at ganyan karumi ang mga paa mo? Kaya ka siguro nanaginip nang masama. Hugasan mo muna kaya 'yan sa CR." Napabalikwas uli ako ng bangon, at mabilis na tiningnan ang mga paa ko. Parang ganun din lang. Katulad nung una. Napakarumi ng mga paa at talampakan ko na para akong naglakad sa lupa nang nakayapak. Patay-malisyang tuluyan na akong bumangon at naglakad papunta sa banyo dito sa private room ni Lucas. Pagkasara ko ng pintuan ng CR ay napasapo ako sa dibdib ko. Ibig bang sabihin nito, totoo lahat iyong mga sinabi ni Aling tour guide at kailangan ko talagang bumalik sa nakaraan at magpanggap na Rosanna? ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD