Luna’s PoV
“NAKABUSANGOT ang disney princess?” pang-aasar na sabi sa akin ni Knight. Kaharap ko siya at kasalukuyan kaming nasa office ng Triple X Agents.
Limang taon pa lamang ako sa serbisyo at marami na rin kaming naging successful operation ni Knight na magkasama.
“Paano naman ako ngingiti kung gusto akong ipakasal ng erpat ko sa lalaking hindi ko naman kilala? Hindi ko alam kung uso pa talaga ang fix marriage na iyan o sadyang gusto pang akong ipakasal ng tatay ko para sa negosyo niya.” Itinaas ko ang dalawang paa ko sa lamesa ni Knight.
“Bakit hindi mo na lang kasi sabihin na may relasyon tayong dalawa kaya hindi ka p’wedeng magpakasal?” Nginisihan naman ako ni Knight.
Inirapan ko siya. “Gusto mo bang patayin ka niya? Isa pa, ayokong masira ang friendship natin dahil sa love. Alam mo naman na mahal kita pero bilang isang kapatid lang.”
Humalukipkip naman si Knight. “Five years mo na iyang sinasabi sa akin. Immune na sa sakit ang puso ko. So, ano ang plano mo?”
Bumuga ako nang malalim. “Ang totoo hindi ko pa alam,” malungkot na sabi ko kay Knight.
“Sa bahay ka na lang kaya mag-stay?” suhestiyon naman nito sa akin.
Hinagisan ko ng papel si Knight. “Okay ka lang ba? Ano ‘to? Maglalaro tayo ng tagu-taguan?”
Tumawa ito ng malakas sa sinabi ko. Walang magandang idea na pumapasok sa isip ko.
“Dati ka pa namang naglalaro ng tagu-taguan, Shy. Hindi ko nga alam kung ano ba talaga ang tunay mong pangalan. Kung sino ang erpat mo, at kung saan ka talaga nakatira. Bukod sa apartment na tinutuluyan mo sa Pascasio. Wala na akong alam tungkol sa iyo, maliban sa mga hilig mo, paborito mong kulay at pinakaayaw mo sa isang tao.”
Nginisihan ko si Knight at saka nilaro ang ballpen na hawak ko. Lihim talaga ang pagkatao ko dahil itinago ako ng aking ama para hindi ito mapahiya. Hindi naman kasi nakaka-proud na isa akong anak sa labas. Isang bunga ng maling pag-ibig.
“Ganoon ka rin naman, e. Ang problema lang kasi… ikaw sinabi mo ang tungkol sa iyo at ako nanatiling sekreto at pribado.”
Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Knight. “Ang daya mo.”
Inirapan ko lamang siya. “Ililibre na lang kita ng goto para naman matigil na ang usapang ito.” Ibinaba ko ang mga paa ko sa lamesa at kinuha ang susi ng owner jeep ko na nasa ilalim ng drawer ng lamesa ko.
Binalingan ko si Knight na hindi pa tumatayo sa upuan nito. “Halika na. Minsan lang ako manlibre kayo sulitin mo na lang.” Binuksan ko ang pinto ng opisina namin.
Bukod pa sa pinto ng opisina namin may isa pang pinto na bubuksan para makarating sa isang elevator. Ang opisina ng XXX Agents ay nasa ilalim ng lupa. Sekretong operasyon ito na ang tanging nakakaalam lamang sa pinagaggawa namin ay mga National Investigation Agents, ang mga nagtratrabaho sa military service ng bansa.
Sumunod sa akin si Knight. Mukha pa rin itong nagtatampo dahil hindi ito umiimik. Sanay na ako sa pagtatampo ni Knight na halos ginagawa na nito sa akin sa loob ng limang taon.
Lumabas kami ni Knight sa pintuan ng coffee shop. Kung saan ang lagusan ng aming opisina na kaming mga XXX Agents lamang ang nakakaalam.
Kahit ang aking ama ay walang alam sa trabaho ko. Ang alam lang nito graduate ako ng business administration dahil iyon ang kurso kong gusto niya para sa akin. At ako ang managing director sa Asukal de Ruiz Corporation at marketing strategies. Doble ang sahod ko at minsan triple pa.
Ngunit iniipon ko ang lahat ng perang ibinibigay niya sa akin. Nasa savings account ko ang lahat ng pera. At ni isang sentimo wala pa akong kinuha.
“Nagawa na ba ang owner mo?” tanong sa akin ni Knight habang nasa parking lot kami ng Café.
“Oo, hindi pa rin niya gustong magpabenta. Ayaw pa akong iwan ni Thunder!” sabi ko sabay tapik sa hood ng luma kong owner jeep. Second hand lang ang pagkakakuha ko rito at sa loob ng limang taon marami na akong naisakay na bangkay ng mga taong pasaway na nahuhuli ko sa operation.
“Oo nga pala, Shy. Birthday ko na bukas baka makalimutan mo,” nakangiting sabi sa akin ni Knight.
Binalingan ko siya at napangiti. “Eksakto, i-celebrate na natin ngayon. Alam mo naman na mahirap akong hagilapin. Saan mo gustong mag-birthday?”
“P’wede bang sa bahay ko?” seryosong sabi sa akin nito.
Napailing ako sa kanya. “Alam mo namang hindi ako pumapayag na dinadala ako sa bahay ng isang lalaki kahit na kaibigan ko pa.”
Tinawanan ako ni Knight. “Sabi ko na nga ba at iyan ang isasagot mo sa akin.”
“Guwapo ka… sobrang guwapo. Tall, dark and handsome. Malakas ang dating mo sa mga babae. Maraming patay na patay sa iyo. Kaya huwag mo na lang akong pag-aksayahan ng panahon, Knight. Alam mong itinaga ko na sa puno ng mangga na hindi ako magpapatali sa isang lalaki. Nasira ang buhay ng Nanay ko sa isang lalaki kaya hindi ko na iyan gagawin.”
“Binabasted mo na ba ako nang tuluyan, Shy?”
Bumuga ako nang malalim at saka tumango. “Pasensiya ka na, Knight. Maikli lang ang buhay kaya gusto kong magpakatotoo sa iyo. Ayoko namang paasahin kita sa paghihintay, ‘di ba?” May nakita akong gotohan sa tabi ng daan. Itinigil ko ang aking sasakyan at saka binalingan si Knight na malungkot.
“Halika na, uminom na lang tayo ngayong gabi at saka kumain.” Bumaba ako ng aking sasakyan at saka inaya si Knight.
Sumunod siya sa akin. “Sige na nga. Magiging matatag na lang tayong magkaibigan, Shy. Libre mo ito, a. Baka mamaya ako pala ang taya.” Inakbayan ako ni Knight.
“Sira.” Napangiti ako sa inasal nito. Naalala ko si Dean. Nakalimutan ko ang wallet ko sa bahay ng aking ama kaninang umaga. Mukha namang mabait si Dean. Wala naman sigurong magiging problema kung siya ang magiging boss ko.
Ngunit bago ko takasan ang arranged marriage na iyon. Kailangan ko munang makausap si Sir Siege, kailangan kong mag-leave sa trabaho ko bilang isang XXX Agent.