Luna’s PoV
Hindi ko maipinta ang aking mukha habang nakatingin sa boss ko na masama ang tingin sa akin. Galit siya sa biglaan kong pagpapaalam.
“Bakit naman ngayon pa, Shy?! Alam mo bang kailangan ka para sa malaking operation natin? Tungkol ito sa Black Syndicate!” sermon pa sa akin ni Sir Siege.
“Kaya na po ni Knight iyan, bossing. Alam naman ninyo si Knight kahit na anino kaya no’ng hulihin, kahit pa nga nakapikit siya, e. Ipagkatiwala na ninyo iyan kay Knight, bossing.”
Bumuga pa ng malalim si Sir Siege. “Ano pa nga ba ang magagawa ko? Kailan ka nga pala, aalis? Hindi na kita tatanungin kung ano ang reason mo, dahil hindi ka rin naman magsasabi sa akin ng totoo.”
“Ang totok niyan, aalis ako dahil sa erpat ko, bossing. Kailangan kong maging ulirang anak muna para sa kanya. Basta babalik ako rito kapag kailangan na ni Knight ang back up ko. Oo nga pala.” Itinaas ko ang hawak kong plastic na may lamang pagkain na paborito nito. “Pansit malabon, bossing. Maraming hipon ito at pusit at syempre.” Itinaas ko pa ang kabila kong kamay at ipinakita ang isang litrong redhorse. “Nagyeyelo iyan sa lamig.” Ibinaba ko ang lahat ng iyon sa lamesa nito.
Nawala ang masamang timpla ng mukha nito at napalitan ng pagkabigla.
Ngayon lang ako nanlibre. After five years na nagtrabaho ako sa XXX.
“Iba ka talaga, Shy. Basta kapag urgent cases, tatawagan kita. Alam mo naman ngayon talamak na naman ang pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot. Salamat dito.”
Napangiti naman ako sa sinabi nito. “Welcome, bossing. Enjoy eating.” Lumabas ako sa office ng boss ko na may ngiti sa aking mga labi. Dumiretso ako sa office namin ni Knight at naabutan ko siya na tinatapos ang ipinapaasikaso ko sa kanya na fake birth certificate, ID ko at saka passport. Kailangan kong maging handa sa gagawin kong pagtakas sa erpat ko.
“Heto na.” Iniabot niya sa akin ang folder. “Basta tawagan mo ako kapag wala kang alam na pupuntahan, Shy! Welcome na welcome ka sa kuta ko.” Tumayo si Knight at niyakap pa ako. “Nandito lang ako palagi sa tabi mo bilang best friend mo.”
“Maraming salamat, Knight.” Nginitian ko lang siya at tinapik ang braso. “Aalis na ako. Tatawagan kita palagi, pangako.” Kinindatan ko pa si Knight.
Magbigat ang aking mga paa na lumabas ng office namin. Hindi ko alam kung kailan ako babalik. Ngunit isa lang ang sigurado ko. Hindi ako magiging sunod-sunuran sa erpat ko.
Nang makalabas ako sa coffee shop ay tinanaw ko lang ang lugar. Sobrang mami-miss ko dito. Lalo na ang bentahan ng mainit na goto sa may gilid ng kasalda, tindang balut sa puti ni Ka Dencio at ang nagyeyelong redhorse sa tindahan ni Mang Silver.
Mami-miss ko dito sa San Bartolome.
Muli akong bumuga nang malalim at nagtungo sa aking sasakyan. Inilagay ko sa bagpack ko ang folder na hawak ko at saka ko pinaandar ang makina.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Basta ang alam ko lang sa malayong lugar na wala ang anino ng aking ama.
Umalis ako ng Dagupan at didiretso ako ngayon sa Bulacan.
ALAS otso ng gabi ako bumiyahe. Bago ako umalis ng Dagupan ay maganda pa naman ang panahon. Ngunit ngayon bigla na lang umulan dito sa bayan ng Bulacan.
Wala pa namang harang na plastic ang bintana ng owner jeep ko. Pumapasok tuloy ang tubig ulan sa loob ng sasakyan ko. Dahil sa malakas na pag-ulan ay minabuti ko na lang na tumambay sa isang waiting shed. May iilan na sasakyan na dumaraan. Hindi pa naman ganoon kaliwang sa waiting shed na tinambayan ko. Paandap-andap ang mga ilaw sa poste.
Napailing na lamang ako. Mayaman naman ang gobyerno! Bakit bombilya lang hindi pa mapalitan? Tsk!
Niyakap ko ang aking sarili na nanlalamig. Malakas pa ang ihip ng hangin at kumikidlat din.
“Tsk! Langya naman oo!” naiinis na sabi ko.
Habang nakatayo ako at yakap ang aking sarili ay may dumaan na mga lasing. Madilim sa puwesto ko kaya hindi ko maaninag ang kanilang mga mukha.
“Pare, bebot!” malakas na sabi ng isa. Naaninag ko ang katawan ng lalaki, maliit ito, panot at malaki ang tiyan. Ang isa naman matangkad, mapayat at dadalawa ang ngipin sa harapan. Malaki ang bunganga na kita ang mga gilagid.
May dumaan na truck at kitang-kita ko na ang mga itsura nila. Katulad ng mga alagad ng mga kontrabida sa pelikula… nakakatakot ang mga itsura nila.
“Miss, nilalamig ka na yata. Kung gusto mo yakapin kita?” pang-aalok ng maliit na lalaki sa akin.
“Ako na lang miss, mas masarap ako yumakap,” sabi naman ng mapayat na lalaki.
“Pare, ako ang unang nakakita sa bebot na iyan!” pagtatalo pa ng maliit na lalaki sa kasama nito. Mayamaya ay nagsuntukan na ang dalawa sa harapan ko. Natalo iyong mapayat na lalaki sa suntok ng maliit na matabang lalaki.
“Miss, halika na.” Naglakad ito palapit sa akin.
“Manong, kung mahal mo pa ang buhay mo, umuwi ka na lang sa inyo,” naiinis na sabi ko sa kanya.
Patuloy na lumapit ang lalaki sa akin. “Miss, mahal na kita.” Tumawa pa ito ng malakas. “Papaligayahin kita sa sarap.”
Napangisi ako sa sinabi nito. Akma niya akong hahawakan nang umilag ako. Hinawakan ko ang kanyang kamay at malakas kong pinaikot iyon.
“Mi-Miss… nagbibiro lang… na-naman ako… a-aray;” pamimilipit nito sa sakit.
“Tsk!” Mas lalo kong hinigpitan ang pagkakapaikot ng kamay nito at halos mapaluhod sa harapan ko ang lalaki sa sakit.
“Miss!” sigaw nito.
Hinipan ko ang aking kamao at malakas na sinuntok ang panga ng lalaki. Bumagsak ito sa lupa at nawalan ng malay.
Biglang may humintong sasakyan sa tapat ng waiting shed na kinatatayuan ko.
Napakunot ang noo ko nang makita ko si Dean.
“Okay ka lang? Bakit ka nandito?” sunod-sunod na tanong nito sa akin. Napatingin pa ito sa mga lalaking nakahandusay sa lupa. Magkapatong ang dalawang lalaki sa tabi ko.
“Ah, oo. Malakas ang ulan kaya nagpapatila ako rito. Malas nga lang, e. May mag-jowa pa rito sa tabi ko. Mukhang mahal nila ang isa’t isa… nagyayakapan, e.”
“Nasiraan ka ba? Sabay ka na lang sa akin,” pang-aalok pa nito sa akin.
“Hindi naman. Saan ka ba nakatira dito sa Bulacan para susunod na lang ako. Hindi ko naman p’wedeng iwan dito ang sasakyan ko.”
Natawa na lamang sa akin si Dean. “Kung ganoon, ang sasakyan ko na lang ang iwan natin. Delikado rito na tumambay kapag umuulan, maraming mga sira ulo.”
“Wala pa naman akong nakakasalmuha mula pa kanina,” nakangiting sabi ko sa kanya.
“Malayo ang Dagupan dito sa Bulacan, a. Bakit ka nandito?”
“Ah, nagtratrabaho ako sa isang burger stand dito kaso nga lang sinisante ako ng boss ko. Eh, kailangan ko pa naman ng trabaho, may mga utang pa akong dapat na bayaran,” pagsisinungaling ko naman dito.
“Gusto mo bang maging Nanny?” biglang tanong ni Dean sa akin.
Hindi na ako nagdalawang-isip. “Magkano naman ang buwanang sahod? Nasa minimum ba?”
Natawa si Dean sa sinabi ko. “Ten thousand pesos, libre lahat.”
“Okay, deal. Halika na.” Linapitan ko si Dean at kinuha ang bagpack ko sa may sasakyan ko. “Iwan na natin iyan dito. Baka kasi hanapin pa sa akin no’ng pinagsanlaan ko.” Tatawagan ko na lang si Knight para kunin dito si Thunder. “Halika na.” Binuksan ko ang pinto ng sasakyan ni Dean sa may driver‘s seat. “Pumasok ka na, bossing,” nakangiting sabi ko sa kanya.
“At ikaw?” muling tanong nito sa pangalan ko.
“Shyra Cortez, bossing. Shy, at your service.” Sinaluduhan ko pa siya at saka nginitian.
At nang makapasok sa loob ng sasakyan nito si Dean ay bumuga ako nang malalim. Sinulyapan ko sa huling pagkakataon ang aking owner jeep.
“Thunder, mami-miss kita,” bulong ko habang malungkot na nakatingin dito.