Luna’s PoV
ILANG MINUTO lang ang lumipas ay narating na namin ang bahay ni Dean. Pagpasok pa lang namin sa malaking gate ay alam ko ng malaki din ang bahay nito. Sa mahabang run way pa lamang ay nakikita ko na ang mga magagandang mga halaman. Maraming mga tanim na santan at yellow bells. May mga hilera rin ng cactus akong nakita. At kahit na gabi ay kitang-kita ko pa rin ang kabuuan ng bakuran nito. Paano ba naman kasi mukhang one thousand watts ang liwanag ng bumbilya nito kada poste.
Bumaba kaming dalawa ni Dean sa harap ng napakalaking bahay. Sa tingin ko nasa sukat na one thousand square meters ang loob ng bahay nito. At ang nakakalula pa ay dalawang palapag ang taas ng bahay na may malaking balcony.
Pakiramdam ko nakapasok ako sa bahay ng aking ama. Ganitong-ganito din ang bahay namin sa Nueva Ecija. Lahat ng kuwarto may aircon pati nga comfort room. Amoy na amoy mo ang kalikasan na ilalabas mo kapag naka-on ang aircon.
Iginala ko ang aking mga mata. May iba’t iba pang kulay ang LED lights ng swimming pool. Nakakaengganyo tuloy na lumangoy.
“Shyra, halika.” Untag sa akin ni Dean.
Kailangan kong magpanggap na inosente sa lahat ng bagay. Kailangan ko ring ipakita rito ang pang-FAMAS kong aktingan. Kailangan magmukha akong kawawa para tumagal ako sa lugar na ito. Hindi p’wedeng masisante ako kaagad.
“Boss?” kaagad na sagot ko.
Inihakbang ko ang aking mga paa sa apat na baitang na hagdan sa harap ng bahay nito. Bumukas ang malaking pinto. Bumungad sa akin ang mga katulong ni Dean.
Iniabot ni Dean ang jacket, ang attach case na hawak nito at ang susi ng kotse sa isang matandang babae. Mukhang ito ang mayordoma ng bahay.
“Si Shyra nga pala, Manang Berry. Siya ang magiging bagong Yaya ni Ice. Ituro na lang ninyo sa kanya ang kanyang kuwarto ang magpapahinga na po ako.”
Bigla yatang nag-iba ang ihip ng hangin. Akala ko pa naman aalukin ako ni Dean na kumain. O kaya uminom ng tubig.
Ang sama naman pala ng ugali ng boss ko. Mukha lang pala itong mabait. Hanep!
“Ako po so Shyra Cortez.” Pagpapakilala ko sa aking sarili sa mga ito kahit na hindi nila itinatanong.
“Sundan mo na lang sina Benigna at Lurin para makita mo ang kuwartong gagamitin mo at para na rin makapagpalit ka ng damit. Kung nagugutom ka nakabukas ang kusina, p’wede kang kumain ng kahit na ano. Huwag na huwag mo lang bubuksan ang kulay black na refrigerator dahil kay Sir Dean lang iyon,” bilin pa ni Manang Berry sa akin.
Nagkamot na lamang ako ng ulo. Ang laki ng bahay ni Dean pero mga matatanda na ang mga kasambahay.
“Opo, naiintindihan ko po,” magalang kong sagot dito.
Naglakad kami sa mahabang pasilyo patungo sa kusina. Sa likod ng kusina may mga kuwarto at sa dulong bahagi ako dinala ng dalawang katulong.
“Ako nga pala si Benigna, ako ang tagapagluto dito. At siya naman si Lurin, ang tagalinis nitong bahay. Nasa loob ng cabinet ang mga damit na isusuot mo. Mukhang kasya naman sa iyo ang mga naiwang uniform no‘ng dating Yaya ni Ice. Hindi ka naman mataba at hindi ka rin naman mapayat. Eksakto lang ang medium para sa iyo. Oo nga pala. Sa kuwarto mo mayroon ka na ring sariling banyo, bago ka lumabas ng kuwarto dapat maayos ang itsura mo at palagi kang naliligo. Ayaw ni Sir Dean ang madumi sa katawan. Kailangan mo ring plantsahin ang uniform na isusuot mo at kailangan mong magpabango. Maraming mga personal hygiene diyan na magagamit mo, mga pabango, lotion, shampoo, conditioner at mga make up. Gamitin mo para maging presentable ka sa boss natin. Kapag nagugutom ka pumunta ka lang sa kusina. Maiiwan ka na namin ni Lurin dahil maaga pa kaming magigising, bukas,” mahabang paliwanag ni Ate Benigna sa akin.
Tinandaan kong mabuti ang mga sinabi nito. Kailangan kong magpasikat sa boss ko dahil unang araw ng trabaho ko bukas. Pumasok ako sa loob ng kuwarto. Binuksan ko ang cabinet at kumuha ako ng ternong pajama. May mga bagong undies din akong nakita sa drawer. Kumuha na rin ako at saka ako nagtungo sa loob ng banyo.
Kahit na kuwarto ng katulong may heater. At may aircon din.
Mukhang mayaman si Dean. Bigla kong naisip kung ano ang trabaho nito.
Habang nakatapat ako sa shower at iyon ang iniisip ko.
Hindi kaya masamang tao ito? Isang killer? Anak ng pulitiko o kaya naman isang Mafia?
Nasapo ko na lamang ang aking noo. Kung ano-ano na lang ang naiisip ko.
PAGKATAPOS kong maligo at makapagpalit ng damit ay nagtungo ako sa kusina. Kanina pa kumakalam ang aking sikmura. Nakayapak lamang ako dahil wala naman akong makitang tsinelas na p’wede kong isuot.
Nagtimpla ako ng kape at saka kinuha ang tinapay sa may cabinet. Umupo ako sa silya na nakataas ang isa kong paa.
Hinawakan ko ng mahigpit ang tinapay bago ko isinawsaw sa kape.
Kahit tinapay, gardenia. Masarap kahit walang palaman.
Nakalimang tinapaya ako nang biglang dumating si Dean. Patay-malisya lang ako habang nakatingin siya sa akin. Ibinaba ko lang ang aking isang paa sa silya at saka itinuloy ang aking pagnguya.
“Ayaw mong kumain ng kanin? May ulam naman diyan. Ipainit mo na lang.” Nilampasan niya ako at binuksan nito ang black nitong refrigerator.
Napatingin ako sa kanya at nasilip ko ang lama ng refrigerator nito na bawal kong buksan. Iba’t ibang klase ng alak.
May malamig kayang redhorse doon?
“Hindi ko pala nasabi sa iyo na dito sa bahay ko ayoko ng---”
“Mabaho, hindi naliligo at saka hindi presentable.” Muli kong isinawsaw ang tinapay ko sa kape.
Ngumiti sa akin si Dean at umupo sa kaharap kong silya.
“Iba ang trato ko sa mga katulong ko, Shy. Hindi ako isang kaibigan.”
Tumango ako sa sinabi nito. “Alam ko.”
“Ha?” biglang napatigil ito at tumingin sa akin.
“Ang isang kaibigan kasi nagmamalasakit sa kanyang kaibigan. Hindi mo nga ako inalok ng tubig man lang kanina kaya alam kong hindi talaga kaibigan ang turing mo sa akin, bossing. Okay lang naman iyon sa akin dahil wala rin naman akong balak na makipagkaibigan sa boss ko.” Tumayo ako at itinali ang plastic ng tinapay bago ibalik sa cabinet. Pinunasan ko rin ang lamesa ng basahan at saka ko hinugasan ang tasang ginamit ko.
“Good night sa inyo, bossing.” Tinalikuran ko siya pagkatapos.
Hindi ako nakikipagkaibigan sa kasing yaman ng aking ama. Mahirap na… ayokong maging miserable ang mga anak ko pagdating ng araw.
“Tsk. Kaibigan lang Shy?! Asawa mo na agad?” sermon ko sa aking sarili habang naglalakad patungo sa aking silid.