Dean's Pov
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o maiinis ako sa paraan ng pakikipag-usap ni Shyra sa akin. Kung kausapin niya ako para bang hindi ako ang boss niya at hindi man lang siya natatakot sa akin. Napailing na lamang ako at nagtungo sa aking kuwarto. Wala akong oras para pakitunguhan ng maayos si Shyra. Lalo na ngayon busy ako sa mga negosyo ko at marami akong ginawa. Idagdag pa ang pakikipagkasundo ko kay Don Simon para lang makuha ko ang malaking bahagi ng lupa nito sa Nueva Ecija kung saan kami dating nakatira. Balita ko Kasi ay ibinebenta na nito ang lupa sa mataas na halaga. Kaya naman nakupagkasundo na lamang ang attorney ko sa kanya na bibilhin ko ng doble ang lupang ibinebenta nito kapag nagpakasal sa akin ang nag-iisang anak nitong babae.
Pumayag si Don Simon sa aming kasunduna ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita ang anak nitong babae kaya naman naaantala ang aming usapan. Nang magkita kami ni Din Simon kahapon ay hindi niya ako nakikilala at mukhang wala itong ideya kung sino ako. Ano pa nga dapat ang aasahan ko, isa lamang kaming insekto noon sa mga mata nito kaya naman hindi na nito matandaan kung sino ako.
Nagtungo ako sa kuwarto ko at saka binuksan ang bintana ng aking kuwarto. Tumingin ako sa maliwanag na kalangitan. Bumuga ako nang malalim at muling tumingin sa mga bituwin sa langit. Mukhang umaayon sa mga plano ko ang nangyayari ngayon kay Don Simon. Nagagawa kong kalabanin ang tigre ng Nueva Ecija dahil nakukuha ko ang tiwala ng mga kasosyo nito sa negosyo.
Wala itong kaalam-alam sa p'wedeng mangyari sa mahal nitong anak... oras na magpasakal ito sa akin. Hindi lang si Don Simon ang kaya kong sirain kun'di pati na rin ang buhay ng pinakamamahal nitong anak.
Kinabukasan maaga akong nagising para mag-jogging nang makita ko si Shyra na nasa garden at nag-iinat ng mga kamay. Basa pa ang mahaba nitong brown at curly na buhok na lampas balikat nito ang haba. Nakasuot ito ng scrub suit na kulay peach. Mayamaya ay kinuha nito ang panlinis ng pool. Isang mahabang hook na may net sa dulo upang makuha ang mga dahon na lumulutang sa swimming pool.
"Hindi mo dapat iyan ginagawa, Shy. Yaya ang trabaho mo rito ay hindi paglilinis ng swimming pool. Si Ice ang dapat mong binabantayan 24/7 at wala ng iba."
Nilingon naman niya ako. "Hindi mo pa naman sinasabi bossing kung saan ang kuwarto ni Ice. Hindi naman ako p'wedeng umakyat na lang na wala kang sinasabi boss," sagot naman nito sa akin bago ibalik ang tingin sa ginagawa nito.
"Nasa tabi ng master's bedroom ang kuwarto ni Ice at baka magising na iyon mamaya. Kailangan mo ring magluto ng breakfast niya. May alam ka ba talaga sa pag-aalaga ng bata?" mapanuri kong tanong dito.
"Baka kung gusto mo, bossing, alagaan na rin kita."
Napalunok ako sa sinabi nito. "Hindi ako nakikipagbiruan!" Tumaas ang boses ko.
"Shy, ikaw ba nagluto ng breakfast?" tanong ni Manang Berry dito. Hindi yata ako napansin ng matanda kaya naman nang makita niya ako bigla itong napayuko.
"Good morning, manang. Nagluto ako ng breakfast ng alaga ko kaya naman naisip ko na magluto na rin para sa boss natin. Binasa ko ho nakalagay sa may menu sa harapan ng refrigerator. Hindi naman po kasi ako sanay na wala akong ginagawa kaya... nagluto na po ako." Masama pa akong tinignan ni Shyra. "May day off ba ako, boss?"
"Manang, magluto ka ng bago kong breakfast dahil ayokong may nakikialam sa paghahanda ng pagkain ko!" Naiinis na tinalikuran ko ang mga ito.
Hindi na ako lumabas para mag-jogging kun'di nagtungo na lamang ako sa may gym area ko sa may gilid ng swimming pool. Kitang-kita ko ang paghaba ng nguso ni Shyra habang nakatingin sa akin dahil salamin ang buong wall kung saan nakaharap ang treadmill.
Ini-on ko ang music at saka ako nagsimulang mag-exercise.
Mayamaya pa ay nakita ko si Shyra na pumasok sa loob ng aking bahay. Wala akong pakialam kung nasagasaan ko man ang ego niya. Nagkibit-balikat na lamang ako at itinuloy ang aking ginagawa sa treadmill.
"Sir, ready na po ang breakfast ninyo," sabi sa akin ni Manang Berry.
Binalingan ko siya at saka ako tumango. Pinahid ko ang aking pawis sa noo, batok at sa leeg ko bago ako maglakad patungo sa loob ng bahay ko. Dumiretso ako sa kusina at nakita ko si Ice na kumakain ng sandwich na may palaman na ham, cheese at itlog. Bigla akong natakam sa kinakain ng pamangkin ko.
"Good morning, Tito Dean. Ginawan po ako ng breakfast ng new nanny ko at ang sabi niya sa akin maglalaro kami mamaya ng basketball. Alam mo po, Tito Dean. Marunong po siyang magpa-spin ng bola sa daliri. At ang sabi niya kailangan ko lang daw maging mabait na bata dahil marami pa siyang tricks na ituturo sa akin. Ang astig po, Tito Dean. She's different and I like her." Kinindatan pa ni Ice si Shyra.
Ito yata ang unang beses na may ibinida sa akin ang pamangkin ko at hindi ko inaasahan na magugustuhan nito kaagad si Shyra.
"Mabuti naman at kasundo mo ang yaya mo, Ice. Huwag lang puro laro ang atupagin mo at huwag sana puro kalokohan, okay? Kailangan mo ring mag-aral dahil mahirap ang walang pinag-aralan dahil diyan maraming mga kalokohan na naiisip gawin." Tumingin ako kay Shyra. Nabasa ko sa birth certificate nito at sa BioData nito na staga-Tondo Manila pala ito at laking squatter. Maagang naulila sa mga magulang kaya napadpad sa La Union at elementary lamang ang natapos. Twenty five years old pa lamang ito at no boyfriend since birth. Hindi ako naniniwala doon. Maganda ito kaya malabong totoo ang isinulat nito sa bio-data. Bigla akong naawa kay Shyra dahil wala itong pinag-aralan kaya naman iba ang kilos at pananalita nito dahil wala itong tamang edukasyon.
"Ice, makinig ka sa Tito Dean mo para hindi ka maligaw ng landas. Tandaan mo rin na bata ka pa at kailangan mong mag-enjoy sa buhay. Kumain ka ng marami para mamaya tuturuan kita kung paano maging isang mabuting bata." Ginulo ni Shyra ang buhok ni Ice at saka pinunasan ang gilid ng mga labi nito na may ketchup.
Binalingan ko sina Manang Berry, at kumakain din ang mga to ng sandwich na ginawa ni Shyra. Bumuga ako nang malalim at saka kumain ng inihandang almusal ni Manang Benigna para sa akin. Toasted pan na may avocado at tuna spread sa ibabaw. Muli akong napatingin kay Ice at naubos na nito ang kinakain. Tumayo ito at hinila ang kamay ni Shyra. Kinuha nito ang bola na nasa garden at ibinigay iyon kay Shyra. i-drinible nito ang bola at saka sinalo iyon. Pagkatapos ay pinaikot nito gamit ang hintuturo nito ang bola.
Halos lumuwa ang mga mata ng pamangkin ko sa pagkakamangha sa ginawa ni Shyra. Natigilan din ako at napauwang ang aking bibig. Ngunit kaagad akong nakabawi at saka tumikhim.
"Bawal lumabas ng vicinity ng bahay si Ice, Shyra. Kung may mangyaring masama sa kanya ikaw ang mananagot! Naiintindihan mo ba ako?!" seryosong tanong ko sa kanya.
Nginitian lamang ako nito. "Noted, bossing," malakas na sagot nito sa akin.
Napatingin sa akin si Manang Berry. Nakangiti ito ng malapad.
Ang babaeng ito lang yata ang hindi natatakot sa akin.