Dean’s PoV
“Sir, hindi po ba kayo maghahapunan?” tanong sa akin ni Manang Berry pagpasok ko sa aking malaking bahay.
Iniabot ko rito ang helmet ko at saka ang susi ng motorsiklo. “Busog po ako, manang. Pakisabihan si Mang Celso na linisin iyong motorisiklo ko at ilagay na sa garahe,” maawtoridad kong utos dito.
“Si-Sige po, sir. Si… Si Ma’am Channel nga po pala nagpunta rito at hinahanap kayo. Hindi raw kasi ninyo sinasagot ang mga tawag niya sa inyo.”
Bumuga ako nang malalim nang banggitin nito ang pangalan ng ex-girlfriend ko. Nakipaghiwalay ako sa kanya dahil sobra siyang selosa. Palagi akong inaaway kahit na simpleng mga bagay lang. Nasasakal na ako sa relasyon namin kaya hiniwalayan ko na siya.
“Sa taas na lang muna ako, Manang. Dalhan mo na lang ako ng juice sa office ko.” Tinalikuran ko ang matanda at dumiretso na ako sa may hagdan.
Nagtungo ako sa aking opisina at binuksan ang bintana. Tinanaw ko ang malawak na bukirin na aking sinasakupan ngayon. Biglang may masakit na nakaraan akong naalala.
Dalawampung taong na rin ang nakakaraan mula nang pinili kong dito sa Bulacan manirahan. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang ginawang pagpapalayas sa amin ni Don Simon sa maliit naming barong-barong sa Nueva Ecija. Nakikisaka lamang noon ang aking ama at ang porsyento ng kanyang inaani ay ibinabayad namin sa kapirasong lupa na pinagtirikan ng aming bahay.
Maraming gabi na palagi na lamang asin ang aming inuulam. Nagtiis kami sa hirap upang may maibayad kada tatlong buwan sa lupang tinawag naming sa amin.
Ngunit isang araw nagbago ang lahat nang bigla na lang kaming palayasin ni Don Simon. Hindi namin alam na ibinenta na pala nito ang lupa sa isang intsik na kamag-anak nito. At binayaran lamang kaming limang libong piso.
Nakita ko kung paano lumuhod ang aking ama sa harapan ni Don Simon. Nagkataon pa noon na noon na buntis ang aking Ina sa bunso naming kapatid. Hindi kinaya ni Nanay ang matinding problema kung saan kami lilipat ng bahay kaya naman nakunan siya at binawian ng buhay sa hospital.
Wala akong nagawa noon kun’di umiyak. Ang aking Kuya Lance naman ay sinubukang pakiusapan si Don Simon na dagdagan ang perang ibiniyad sa amin dahil kailangan naming bayaran ang hospital bill ni Inay ngunit hindi ito pumayag. Nagmatigas ito at tinawag pa kaming mga patay-gutom.
Isang linggo pa namin bago naiuwi ang bangay ni Inay sa bahay ng kapatid ni Tatay. Doon kami pansamantalang nakituloy. Tumigil ako sa aking pag-aaral at sumama sa aking Itay na magtabas ng tubo, magtanim ng palay at magpitas ng mga bunga ng sitaw. Habang si Kuya Lance naman ay mag-construction worker.
Isang taon kaming nagtrabaho upang makabayad sa mga utang. Hanggang sa magkaskit ang aking Itay at bawian ito ng buhay habang nasa bukid. Inatake raw ito sa puso na siya nitong ikinamatay.
Umalis kami ni Kuya Lance sa poder ng aming tiyuhin. Kahit isang libo lamang ang aming pera ay nagtungo kami sa Maynila. Doon binago ng Diyos ang aming kapalaran.
Nagtrabaho kami bilang mga delivery boy ng LPG tanks na negosyo ng isang mabait na intsik. Nagtratrabaho kami sa umaga at nag-aaral kami sa gabi.
Lahat ng hirap ng buhay ay tiniis naming dalawa hanggang sa maka-graduate kami ng kolehiyo at nagdesisyon na magtrabaho sa Canada bilang mga factory worker na ‘di kalaunan ay naging managing director.
Doon nakapangasawa si Kuya Lance at ako naman inipon ko ang lahat ng pera ko at bumili ng hekta-hektaryang lupain. Nagpatayo ako ng construction company at nagmamay-ari ako ngayon ng tatlong gasoline stations.
Kinuha ko ang larawan ng aking pamilya na nasa ibabaw ng aking lamesa. Kung narito lamang ngayon ang aking Itay at Inay, alam kong masayang-masaya sila sa tagumpay namin ni Kuya Lance.
Nagsikap kami upang hindi na laitin pa ng ibang tao lalo na si Don Simon.
Walang nakakaalam kung sino talaga ako. Ang alam lang nila ako si Dean Moran, ngunit hindi nila alam ang tunay kong pinanggalingan at tunay kong pagkatao.
Ikinurapkurap ko ang aking mga mata nang marinig ang pagkatok sa pinto. Ibinaba ko nag picture frame ng aking pamilya sa lamesa ko at binalingan si Manang Berry.
“Si Ice po ba kumain na?” tukoy ko sa aking anim na taong gulang na pamangkin. Anak ito ng pinsan kong buo na si Aicel at iniwan niya sa akin si Ice dahil may inaasikaso ito sa Cebu. Single mother ang pinsan kong iyon at iniwan ng boyfriend nito matapos malaman na nabuntis.
“Umiiyak kanina, sir. Hinahanap niya ang mommy niya. Eh, sir. Wala pa po ba kayong nahahanap na katulong? Hindi ko na po kasi kayang alagaan si Ice na ako lang. Masiyado siyang malikot. Hindi ko naman p’wedeng utusan sina Benigna at Lurin na siyang mag-alaga kay Ice dahil abala sila sa paglilinis ng bahay at pagluluto,”paliwanag ni Manang Berry sa akin.
Uminom ako ni juice at sandaling nag-isip. “Maghintay pa tayo ng ilang araw, manang. Gusto kong makahanap ng yaya ni Ice na katulad ninyo, mapagkakatiwalaan at saka maasahan.”
“Sige po, sir. Kayo po ang bahala.” Nakayuko itong lumabas ng opisina ko. Mahirap talagang alagaan si Ice, kuwento sa akin ni Aicel ay palagi daw itong nagpapalit ng Yaya dahil pasaway ang pamangkin ko. Hindi naman iyon kaila sa akin dahil nakikita ko naman kung gaano nga kalikot si Ice.
Lalo na at dalawang palapag ang bahay ko. Kailangan itong mabantayan dahil baka ito mahulog o kaya naman bumagsak sa mga inaakyatan nitong mga sofa, upuan at lamesa.
Nagtungo ako sa may silya at umupo roon. Bumuga ako nang malalim at saka ipinikit ang aking mga mata.
Ngunit sa pagpikit ng aking mga mata ay mukha ng babaeng iyon ang aking nakikita.
Napangisi ako habang naalala ko siya. Ang babaeng nagkaroon ng one thousand and fifty pesos na utang sa akin… si Shyra.
Dinukot ko ang cellphone number nito na ibinigay sa akin. Gusto ko siyang tawagan pero… magmumukha naman akong interesado sa kanya kung gagawin ko iyon.
Bumuga ako nang malalim at saka muling pumikit. Kusa itong tatawag kung talagang may kailangan siya sa akin.
Ito ang unang beses na may nakilala akong babae na katulad ni Shyra. Isang babae na boyish at walang hiya-hiya sa sarili.
Nang matapos kaming kumain kanina ng goto sa karinderya ay iniwan na ako ni Shyra. Bigla kasing may tumawag ditong. Hindi na nito nagawa pang magpaalam sa akin at dumiretso na sa apartment na tinitirahan nito.
Napangiti ako sa nakakatuwang pangyayari na ito ng buhay ko. Hindi ko inasahan na sa unang pagkakataon may estrangherong babae akong inilibre.