Luna’s PoV
IBINALING ko ang aking sarili sa paglalaba ng mga maruruming damit. Tinulungan ko si Manang Benigna dahil nandito naman si Ma’am Aicel para alagaan si Ice. Hahayaan ko muna ang mag-ina na masulit ang araw upang makapag-bonding.
Habang naglalaba ako ay may nakapa akong maliit na kahon sa bulsa ng suit ni Dean. Isang maliit na kahon ng singsing na kulay itim. Luminga muna ako sa paligid bago buksan iyon. Isang diamond ring na 18k gold at sa aking tansya nasa 3 karats ang diamond. Nalula ako habang nakatingin sa singsing na alam kong hindi biro ang presyo. Mukhang engagement ring iyon ni Dean para sa dragon nitong girlfriend.
Ibulsa ko iyon at saka ko inilagay sa washing machine ang gray na suit ni Dean. Nagtungo ako sa loob ng bahay matapos iyong mai-timer. Hinanap ko si Dean sa second floor ngunit wala naman ito roon. Si Aicel ang nakita ko sa kuwarto ni Ice kaya naman kumatok ako sa nakabukas na pinto.
Nakangiting lumingon ito sa akin. “May kailangan ka ba, Shyra?”
“Ahm, p’wede ba akong pumasok ma’am?”
Tumango naman ito sa akin at saka ko isinara ang pinto. Nilapitan ko siya na nag-aayos ng mga damit ni Aicel.
Iaabot ko na sana rito ang diamond ring na nakita ko sa suit ni Dean kaso bigla itong umiyak sa harapan ko at itinigil nito ang ginagawa.
“Ma’am?” malungkot na sambit ko. Inilabas ko ang kamay ko sa bulsa ng damit ko at hindi na naibigay dito ang pakay ko. Mukhang kailangan nito ng karamay at wala ito g nakikitang ibang makakausap kun’di ako.
Hinayaan ko siyang umiyak. Umupo ito sa gilid ng kama ni Ice at ako naman ay nagpasyang umupo sa tabi nito habang hinahaplos ito sa likod. Hindi ako magaling makipag-usap sa kapwa ko babae pero sisikapin ko pa rin na makapagbigay ng magandang payo para rito.
“Sorry, Shyra. Hindi ko lang kasi kayang pigilan ang mga luha ko. Hindi ko kasi alam kung ano ang gagawin ko dahil naguguluhan na ako.” Pinahid nito ang mga luha sa mga mata at saka tumingin sa may bintana.
Bumuga ako nang malalim at saka hinawakan ang ibabaw ng kamay nito. “Pinagdaanan namin ng nanay ko ang nangyayari sa iyo, Ma’am Aicel. Pasensya ka na kung narinig ko ang usapan ninyo ni bossing kanina sa kusina. Gusto kong sabihin sa iyo na karapatan ni Ice na malaman ang katotohanan tungkol sa sarili niyang ama. At habang bata pa siya kailangan niyang maunawaan na hindi siya magiging parte ng masayang pamilya ng ama niya kahit pa sabihin mo na bunga siya ng pagmamahalan ninyong dalawa noon. Hindi pa rin tama na umasa si Ice na magkaroon ng masayang pamilya sa piling ng kanyang ama at isipin na mabubuo kayo. Ma’am Aicel, kailangan mong ipaliwanag sa anak mo ang sitwasyon para matanggap niya iyon habang bata pa siya. Unti-unti mong ipaliwanag sa kanya ang totoo para hindi siya masaktan sa huli. Ayokong matulad sa akin si Ice na may hindi magandang karanasan.”
Lalo lamang umiyak si Aicel dahil sa sinabi ko. Niyakap niya ako nang mahigpit. Wala naman akong magawa kun’di tapikin ang kanyang balikat. Hindi ako naiiyak dahil immune na ako sa sakit. At hanggang ngayon sanay na sanay pa rin akong masaktan.
“Ma’am, huwag na sana ninyong tangkain na makipagbalikan sa ama ni Aicel. Ayokong matulad kayo sa Nanay ko. Hindi p’wedeng maging tama ang maling pag-ibig, ma’am. At kahit na mahal pa ninyo ang isa’t isa ay hindi na magiging tama ang bawal na pag-ibig. Maliban na lang kung nagdesisyon na iyong lalaki na makipaghiwalay sa asawa niya ngayon. Ngunit kailangan mo munang makasigurado na annulled na ang kasal bago kayo magsama bilang isang buong pamilya.”
Nginitian ako ni Aicel. “Shyra, salamat sa mga sinabi mo sa akin. Nalinawan ako sa aking mga narinig tungkol sa nakaraan mo. Ayokong mabuhay ang anak ko na miserable kaya hindi ako gagawa ng dahilan para maging malungkot ang buhay niya. Pagkatapos ko siyang ipakilala kay Cedric ay iiwan ko na muna siya rito. Magpo-focus ako sa aking trabaho para magawa kong suportahan ang aking anak. Hindi ko bibiguin si Kuya Dean na siyang tumutulong sa akin ngayon. At hindi ko kakalimutan ang lahat ng mga sinabi mo, Shyra.” Pinahid nito ang mga luha sa mga mata at pilit akong nginitian.
“Mabuti naman kung ganoon, ma’am. Ayoko lang kasi na matulad ka sa Nanay ko ma’am. Ayokong mawalan ng Ina si Ice dahil lamang ipinagpilitan nito ang tapat nitong pag-ibig.”
“Iyon ba ang nangyari sa Nanay mo?”
Marahan akong tumango dito. “Ayoko na sanang pag-usapan pa, ma’am.” Bigla akong sumeryoso rito.
Hindi ko gusto na nauungkat ang masakit na nakaraan ko lalo na’t hanggang ngayon ay mailap pa rin sa akin ang katotohanan tungkol sa tunay na dahilan kung bakit namatay ang Nanay ko.
“Ma’am Shyra, si Sir Dean nga ho pala?” pag-iiba ko ng usapan naming dalawa.
“Umalis na siya at may asikasuhin daw sa negosyo nito. Masiyadong busy sa negosyo ang pinsan kong iyon, Shyra.”
“Pwe-Pwede ko bang malaman ang negosyo ni bossing, ma’am?”
Kumunot ang noo nito sa aking tanong. Mukhang iniisip pa nito kung sasagutin iyon o kung hindi.
“May construction company si Kuya Dean, mayroon din siyang gasoline station business at may mga fast food franchises. Endorser din siya ng isang brand ng pabango. Hands on si Kuya Dean sa lahat ng mga negosyo niya kaya hindi na nakapagtataka kung marami siyang pera.”
Sang-ayon naman ako roon.
“Kaya pala mahilig siya sa mga porcelains at mga gold plates.” Naisingit ko sa aking pag-uusisa.
“Mahilig kasi ang daddy ni Channel sa mga ganoon kaya niregaluhan nito si Kuya Dean at ginawa naman nitong display dito sa bahay. Sa totoo lang hindi mahilig sa mga branded si Kuya Dean, iilan lang ang branded niyang mga sapatos at damit. Ngunit mahilig siya sa mga sasakyan iyon ang gusto niyang kolektahin,” may ngiti sa mga labi si Aicel habang nagsasalita ito. Mukhang nagsasabi naman ito ng totoo.
Kinapa ko ang singsing sa aking bulsa. “Ma’am, pakibigay na lang ho kay bossing. Naglalaba kasi ako at nakapa ko iyan kanina. Iyan ang dahilan kaya ako nagpunta rito sa loob ng kuwarto ni Ice kanina.” Nagkamot ako ng batok bago iyon ibinigay dito.
Hindi naman nito iyon binuksan dahil mukhang alam na nito ang bagay na iyon. “Maraming salamat, Shyra. At salamat din dahil ikaw ang naging Yaya ng anak ko.”
Malapad akong ngumiti rito. “Walang anuman po, ma’am. Sige po at aalis na po ako. Naglalaba pa ho kasi ako, ma’am.” Nagpaalam na ako kay Aicel. Gusto ko pa sana siyang makakuwentuhan pero gusto ko munang dahan-dahanin ang lahat upang hindi ito mabigla sa mga itatanong ko tungkol kay Dean.
Ngayon naman bigla kong gustong malaman kung sino ang mga magulang ni Channel. Kung galing dito ang mga collection ni Dean ay mukhang mayaman din ito at makapangyarihan na tao.
Kailangan kong malaman ang lahat ng mga detalye. Habang pababa ako ng hagdan ay nakita ko si Manong Celso. May dala itong bayong na may laman na mga gulay. Napangiti ako sa aking naisip. Mukhang alam ko na kung kanino ako magtatanong ng iba pang detalye tungkol sa pagkatao ni Dean.
“Magandang umaga ho, Manong Celso,” bati ko sa matandang nakangiti sa akin.
“Magandang umaga naman sa iyo, Shyra. Hinahanap mo si Sir Dean? Nakita ko siya na lumabas at mukhang nagmamadali.”
“Ah, galing po ako sa kuwarto ni Ice. Kinausap ho ako ni Ma’am Aicel. Manong, matagal na ba kayo rito?”
Nagpatuloy ito sa paglalakad patungo sa may kusina. “Bakit mo naman naitanong?”
“Gusto ko lang ho na malaman dahil gusto ni Ma’am Aicel na magtagal pa ako rito. Gusto ko sana na makasigurado na mabait nga talaga sila sa mga tauhan,” madramang sabi ko.
“Iniisip mo pa rin ba na umalis sa trabaho mo, no? Mabuting tao ang boss natin, Shyra. Matagal na ako rito kaya kabisado ko na ang ugali niya. Alam mo masungit talaga iyong nobya ni Sir Dean kaya umiwas ka na lang sa kanya kung ayaw mong nasesermunan ka.” Tinalikuran ako ni Manong Celso at saka nito kinuha ang tangke ng gasul na wala ng laman. “Marami pa akong gagawin, Shyra. Mamayang gabi na lang tayo mag-usap ngayon kasi maraming ipinapagawa sa akin si Sir Dean dahil uuwi din siya mamaya para mananghalian.”
“Ah, sige ho. Naglalaba din kasi ako,” mahinang sabi ko bago nagtungo sa laundry area.
Mukhang walang alam ang mga tauhan ni Dean sa personal nitong buhay. Talagang pribado ang pagkatao nito at mukhang hindi ito palakuwento ng sarili sa ibang tao.
Malalaman ko rin naman ang totoo kapag tumagal pa ako ng kaunti dito. Kailangan ko lang umarte upang maging ganap na loka-loka. Effective ang baliw-baliwan drama ko ngayon.
DITO nga kumain si Dean ng pananghalian katulad ng sinabi ni Manong Celso kanina. Sabay na umalis sina Dean at si Ma’am Aicel pagkatapos mananghalian. Isinama ng mga ito si Ice pag-alis. Naiwan kami nina Manang Berry, Manang Benigna at Manang Lurin sa loob ng bahay ni Dean.
“Shyra, wala ka namang gagawin kaya magpahinga ka na. Ang sabi sa akin ni Sir Dean sa lunes na raw babalik sina Ma’am Aicel at Ice dito dahil ihahatid niya raw ang mga ito sa Manila,” paliwanag sa akin nito. “May mga natirang pagkain baka gutumin ka kumain ka lang, Shyra.”
“Salamat ho, manang,” nakangiting sabi ko rito. “Si… Sir Dean ho? Uuwi po ba siya?”
“Syempre naman, Shyra. Bahay niya ito kaya uuwian niya. Bakit mo naman naitanong?”
Matipid akong tumawa. “Baka ho kasi sumama rin sa Manila at sa lunes na rin uuwi.”
“Naku, maraming inaasikaso iyon na negosyo kaya hindi iyon namamasyal. Mabibilang ko sa aking daliri ang mga araw na hindi siya umuwi dito sa bahay niya mula noong nagtrabaho ako sa kanya.”
“Manang, iyong mga display sa may living room napakaganda. Koleksyon ba iyon ni bossing?” pasimpleng pag-uusisa ko.
“Oo, gusto mo bang makita ng malapitan? Ako ang naglilinis ng mga iyon, e.” Naglakad ito patungo sa may living room at sumunod naman ako. May gusto akong alamin kung may naka-encrave na mga numero sa likod no’n katulad ng mga nasa bahay ni Mister Chen. “Galing ang mga ito sa daddy ni Ma’am Channel, ang alam ko ibinenta sa murang halaga, e. At iyong iba naman ay iniregalo sa kanya.” Ibinigay nito sa akin ang isang maliit na gold plate. Magaan lamang iyon at nababakbak na ang kulay nitong ginto.
“Mukhang mga attic,” mahinang sabi ko rito. “Iyong designs po kasi ng mga plato iba-iba at may mga nakaukit na mga chinese characters.”
“Chinese kasi si Mister Chen.”
Bigla akong natigilan sa sinabi nito. Mister Chen, siya rin kaya ang Mister Chen na kilala ko. Ang tinutukoy kaya namin ni Manang Berry ay iisang tao lang?
“Shyra, bigla kang natulala diyan?” untag nito sa akin na tinapik ang balikat ko. “Akala mo ba totoong mga ginto ang mga iyan? Hindi naman magdi-display ng ganito si Sir Dean sa living room kapag totoo ang mga iyan. Mahirap na baka maging mainit sa mata ng mga magnanakaw.”
May hinahanap akong password ng locker ni Mister Chen na alam kong nakalagay sa likod ng isa sa mga gold plates dahil iyon ang narinig ko noon mula rito. Gusto kong matignan isa-isa ang mga plato ngunit alam kong pagdududahan ako nito.
“Kailan ho kayo ulit maglilinis ng mga display at tutulong po ako,” nakangiting sabi ko rito. “Nakakapagod po na gawain iyan, manang. Lalo na’t marami at sa tingin ko nasa fifty piraso.”
Tumango naman ito sa akin. “Hindi singkuwenta, Shyra. Isang daang piraso lahat iyan at mukhang madadagdagan pa dahil may ibibigay na naman si Mister Chen kay Sir Dean. Iyon ang sinabi niya noong huling pumunta siya rito kasama ni Ma’am Channel. Pinag-uusapan na kasi nila noon ang nalalapit na pagpapakasal nina Sir Dean at Ma’am Channel kaso nga lang hindi pa noon handa si Ma’am Channel dahil busy pa sa career bilang isang modelo.”
Napatango ako sa sinabi nito sa akin. Ikakasal na pala talaga si Dean sa dragon nitong girlfriend.
Bigla akong nakaramdam ng lungkot. Isang damdamin na hindi ko dapat maramdaman.
Bakit ganito? Pakiramdam ko ngayon parang piniga ang puso ko.