Luna‘s PoV
NASABUNUTAN ko ang aking buhok habang natingin ako sa salamin ng banyo. Kakatapos ko lang maligo ay inaayos ko ang boxer bra ko. Inalis ko na mula roon ang baril at inilagay ko na lamang iyon sa may tapat ng puson ko.
Inayos ko ang garterize na holster na nakalagay sa bewang ko pati na rin ang nasa may binti ko. May maliit na lancheta na naroon at kapag ibinuka iyon sobrang talas.
Nagsuot ako ng boxer short na kulay itim bago ko sinuot ang aking pants. Kinapa ko pa ang aking binti dahil iniiwasan ko na bumukol iyon. Nagsuot na rin ako ng damit at saka ko ipinatong ang scrub suit na uniform ko. Kulay maroon naman ang napili kong kulay ngayong araw.
Naglagay ako ng contact lens bago ako lumabas ng banyo. Hinayaan ko munang nakalugay aking basang buhok.
Naalala ko ang napaka-over acting na sinabi ko kanina kay Dean. Nasobrahan yata ako sa pagiging drama actress. Lumalabas ang pagiging brutal ko kapag pinagtri-tripan ako. Ayoko pa namang binibiro ako kapag may hangover ako.
Ginagawa ko ang lahat para makipaglapit kay Dean. Hindi para maging sira ulo kun’di may isang bagay akong gustong malaman tungkol dito. Masiyado kasi itong pribado at nagkakaroon ako ng interest na alamin ang tunay nitong pagkatao.
Nagdududa kasi ako kung anong klase ng mga negosyo ang mayroon ito. Marami akong kilala na simpleng negosyante na katulad ni Dean pero maraming pera dahil sa illegal na negosyo. At ayokong isipin na ganoon nga si Dean, ngunit hindi ko mapigilan na hindi magduda dahil marami akong nakita sa loob ng bahay nito na mamahaling mha bagay. Mahilig itong mangolekta ng mga mamahaling porcelains at mga gold plates na may iba't ibang sizes. Ganoon din ang hilig ni Mister Chen o mas kilala ko sa pangalan na Ultimo, ang nagpapatakbo ng Shinning Club. May kaso ito ng child trafficking at nahuli na namin noon kaso nga lang nakalabas ito dahil walang matibay na ibidensiya na magdidiin dito sa pagbebenta ng mga minor de edad sa mga parokyano.
“Hays! Nakakagigil!” naiinis na sambit ko habang nakatingin sa salamin.
Muli kong tinignan ang aking sarili bago ako lumabas ng kuwarto ko. Kailangan magpatuloy lang ako na magpanggap bilang isang inosente na loka-loka. Napapaniwala ko naman si Dean at ang mga tao dito sa bahay. Mabilis ko lang na nakukuha ang tiwala nila sa akin. Mas madali para sa akin na magtanong-tanong at maglibot dito sa bahay ni Dean.
Mabuti na lang talaga hindi ko naisuko ang Bataan. Halatang wala itong ginawa sa akin dahil hindi naalis sa dibdib ko ang baril ko. Dahil kung may masama man itong ginawa sa akin ay itatanong dapat nito kung bakit may kutsilyo at baril ako.
Sa kusina na ako dumiretso pagkalabas ko ng maid’s room. Naabutan ko si Manang Berry na nagluluto ng ginataang tilapia.
“Napakaaga naman ho yata ng pagluluto ninyo ng pananghalian, manang?” nagtatakang tanong ko rito.
“Dumating kasi si Ma’am Aicel kanina at nag-request siya na magluto ako ng ginataang tilapia na may papaya. Hindi ba sinabi sa iyo ni Sir Dean?” nagtatakang tanong nito sa akin. “Ang sabi sa akin ni Ice kanina narinig ka raw niya sa loob ng kuwarto ni Sir Dean kagabi. Totoo ba na doon ka natulog?” mahinang tanong nito sa akin.
Napakamot naman ako sa aking batok. Wala na akong lusot dito kaya hindi na ako magsinungaling.
“Ang totoo mga po niyan kasi po… nagkainuman ho kami nin---”
“Lasing siya kagabi, manang. Naawa ako kaya dinala ko na lang sa kuwarto ko dahil nagwawala. Gusto ko nga sanang dalhin na lang sa kuwarto niya kaso naisip ko na baka maistorbo ang pagtulog ninyo kaya naman dinala ko na lang sa kuwarto ko. Malala ka pa la---”
Mabilis kong nilapitan si Dean at kinuha ang isang tinapay atsaka isubo sa nakabukang bibig nito.
Masama ko siyang tinignan. Napakadaldal!
“Mukhang okay na kayong dalawa,” ani Manang Berry na ibinalik ang atensiyon sa niluluto.
Hindi na ako nagsalita habang si Dean naman ay ngumunguya ng tinapay na isinubo ko rito.
Mayamaya ay dumating si Ice kasama ng mommy nito. Magkahawak-kamay ang dalawa na nanggaling sa labas ng bahay ni Dean.
“Yaya Shy, I want you to met my Mom!” natutuwang ani Ice sa akin habang palapit ito sa kinatatayuan ko sa may kusina.
Nahihiya naman akong tumingin sa mukha ng Mommy ni Ice. Maganda ito at maputi. Habang nakatingin ako rito ay parang nakikita ko ang mukha ni Ice.
“Hi, I’m Aicel, mommy ako ni Ice. At ikaw ang nanny ng anak ko?” nakangiting tanong nito sa akin.
“O-opo, ma’am. Ako po si Shyra, Yaya ako ni Ice. Magalang, matalino at napakabuting bata ng anak ninyo, ma’am. Nagmana po sa inyo dahil pakiramdam ko mabait din po kayo.”
Mahinang umubo si Dean para maagaw ang atensiyon namin at mapatingin dito.
“Napakabolera mo talaga, Shyra.”
Masama kong tinignan si Dean. Kahit kailan talaga ay kontrabida ito sa akin… sa lahat na lang ng bagay.
“Ang ganda mo namang nanny, Shyra. Hindi mo bagay na maging Yaya ni Ice. Kuya Dean, baka p’wede ko na lang kunin si Shyra para maging parte ng Glam Team ko,” nakangiting anito kay Dean.
“Okay sige. Kunin mo na siya para bawas kalat dito sa bahay ko.”
Nagsalubong aking mga kilay sa sinabi nito. Talagang gusto nitong madagdagan ang sakit nito sa katawan.
“Mommy, malulungkot po si Tito Dean kapag ginawa mo po iyon. Tito Dean needs her po, mommy. Narinig ko sila kanina sa room po ang sabi ni Tito Dean please stay with me. And Yaya Shyra said yes.” Kinuha ni Ice ang kamay ko at hinila patungo kay Dean. Hinila din nito ang kamay ni Dean at ipinatong sa kamay ko. “Bagay po sila ‘di po ba mommy?” inosenteng tanong ni Ice sa mommy nito.
Naiilang na hinila ko ang kamay ko ngunit hinawakan iyon ni Dean. Nginisihan niya ako at saka tumango pa kay Ice.
“Bagay nga kayo, Kuya Dean. Mukhang gusto mo nga rin itong si Shyra, e,” pang-aasar ni Aicel sa amin ni Dean.
Sinundan pa iyon ng pang-aasar na galing namna kina Manang Benigna at Manang Lurin. Si Manang Berry naman napakrus ng palad habang nakatingin sa amin ni Dean.
Lumakas ang asaran at wala akong nagawa kun’di makinig lang. Kahit na nakakainis ay medyo nakakakilig din naman pala.
Ganito pala ang feeling kapag nagugustuhan mo ang sinasabi ng mga tao sa paligid mo.
Napatingin ako kay Dean na hawak pa rin ang kamay ko. Hinila ko iyon dito pero hindi nito iyon binitawan. Gusto talaga nitong maramdaman na kinikilig ako para sabihin nito na may gusto nga ako sa kanya.
Kinindatan ko na lang si Dean at kinagat ang aking ibabang labi. Sa ginawa ko ay bigla nitong binitawan ang kamay ko at hindi tumingin sa akin.
“Kumain na nga kayo!” malakas na sabi nito kina Aicel at Ice. “Ikaw naman, Shyra. May lemon juice diyan sa refrigerator inumin mo para mawala ang hangover mo.”
Sa sulok ng aking mga mata ay nakita ko ang pagngiti ni Dean matapos sabihin iyon sa akin. Mukhang tinamaan nga sa akin ang boss ko. Magandang pagkakataon ito para mas maging malapit ako sa kanya at malaman ko ang tunay nitong pagkatao.
HABANG nag-aalmusal ang mga ito sa kusina ay ipinasya ko naman na magtungo sa may laundry area at doon inumin ang lemon juice. Habang nakaupo ako sa may bilog na silya ay naririnig ko ang usapan nina Dean at Aicel nakauwang kasi ang tempered glass na pinto sa may laundry area. Habang nag-uusap ang mga ito ay wala na roon si Ice dahil dumating na ang private tutor nito.
“Ano’ng sinabi mo, Aicel? Kukunin mo na si Ice at ipapakilala mo sa tunay niyang ama? Sigurado ka na ba talagang ipapakilala mo si Ice sa Cedric na iyon? Hindi ka ba nag-iisip? May asawa na si Cedric!” malakas na sabi ni Dean kay Aicel na nasa tabi nito. Sa itsura ni Dean mukhang galit na galit ito. Habang si Aicel naman nakayuko lang at mukhang umiiyak.
“Nag-iisip ka pa ba?” mariing tanong ni Dean dito.
“Gusto kong makilala ni Ice ang tunay niyang ama. Pagod na pagod na akong mangpanggap. Alam kong nahihirapan na ang anak ko Kuya Dean. Gusto kong makilala na niya si Cedric dahil karapatan niyang malaman iyon,” umiiyak na sagot ni Aicel dito.
Bumuga ako nang malalim at isinara ang pinto. Nakakaramdam ako ng sakit sa puso habang nakikinig sa usapan ng dalawa. Naalala ko ang aking ina. Ganoon din ang sinabi nito sa tiyahin ko bago niya ako ipakilala sa tunay kong ama. Alam ko kung gaano iyon kasakit bilang isang anak dahil ang akala buong akala ko magkakaroon ako ng buong pamilya kapag nakilala ko ang tatay ko ngunit mas lalo lang akong nasaktan dahil kahit kailan hindi ako p’wedeng magkaroon ng buong pamilya dahil anak lamang ako sa labas.
Naisip ko si Ice. Kapag nalaman nito ang totoo ay alam kong masasaktan din ito.
Guguho ang pangarap nito na magkaroon ng masaya at buong pamilya.
Habang nakaupo ako sa may silya ay nag-vibrate ang cellphone ko sa aking bulsa. Isang text message na padala sa akin ni Sir Siege.
“Danger, kailangan ng back up ni Knight mamayang hating gabi sa Shinning Club. May special operation at malaking isda ang dapat na lambatin.” Pagkabasa ko sa text message ay kaagad ko iyong binura.
Tsk. Ginamit na naman nito ang salitang Danger. Mukhang mapapasabak na naman ako sa matinding sagupaan.
Kailangan kong makaalis dito mamayang gabi. At kung paano ko iyon gagawin ay hindi ko pa alam.
Biglang bumukas ang pinto na nasa tabi ko. Nagulat ako nang makita ko si Manang Lurin na siyang nagbukas ng pinto.
“O, para kang nakakita ng multo diyan, Shyra. May hangover ka pa ba o kailangan mo na munang matulog?”
Tama. Maaga akong matutulog mamaya. Bakit hindi ko naisip iyon?
“Ang talino mo talaga, manang.” Tumayo ako at saka nginitian ito. “Tapos na bang mag-usap iyong mga amo natin?” usisa ko rito.
Tumingin si Manang Lurin sa may pinto at saka tumango. “Hindi ko nga kinaya ang usapan nila kanina habang nakikinig ako, e. Anak sa pagkabinata ni Cedric si Ice bago ito ikinasal sa asawa nito ngayon. Ngunit hindi pa rin no’n mababago ang katotohanan na anak sa labas si---”
Natigil sa pagsasalita si Manang Lurin nang biglang lumitaw sa aming harapan si Dean. Kaagad na umalis si Manang Lurin na nagpaalam na may gagawin pa sa kusina. Naiwan tuloy ako sa harapan ni Dean na pilit itong nginingitian.
“Mag-Maglalaba ako, bossing. May ipapalaba ka ba?” biglang naitanong ko habang nakaharap sa washing machine.
“Hindi ba kayo tinuruan na bawal makinig sa usapan ng ibang tao?”
Binalingan ko siya na may masamang tingin sa akin. Coming from him? Tsk! Nakinig din naman ito sa usapan namin noon ni Knight, a!
Napalunok naman ako at saka nilabanan ang masamang pagkakatitig nito sa mukha ko. Hindi ako magpapatalo sa pakikipagtitigan dito kahit pa gaano katagal!
“Hindi ako nakinig, bossing. Ikinuwento lang sa akin ni Manang Lurin dahil aksidente niyang narinig. At hindi naman namin iyon sinasadya, a. Sobra ka naman na makapag-judge sa amin, bossing. Tsismosa na kaagad?”
“Hindi ba?” muling tanong nito sa akin na inilapit pa ang mukha.
“Bo-Bossing…” Bumilis ang kabog ng aking puso habang nakatingin sa mga labi nito. Hahalikan yata ako nito. Tsk. Hindi ako ready!
“Nandito ako para itanong kung saan mo inilagay iyong susi ng kotse ko.” Bigla itong umatras kung kailan papikit na sana ako.
Inayos ko ang aking sarili at saka itinuro ang guard house. “Ibinigay ko kay Kuya Lindo, bossing. Sa ibabaw ng kahon ng pizza na ibinigay mo sa akin.”
Nabunutan ako ng tinik pagkatapos sabihin iyon. Muntik na akong magkaroon ng first kiss.
Umalis din kaagad sa aking harapan si Dean. Ngunit lalo lang bumibilis ang pagtibok ng aking puso. Ibang klase… tinamaan na yata ako ng pana ni kupido.